Di-pormal na Pagpapatotoo sa Teritoryong Gumagamit ng Wikang Ingles sa Mexico
Di-pormal na Pagpapatotoo sa Teritoryong Gumagamit ng Wikang Ingles sa Mexico
UPANG samantalahin ang panahong ginugugol niya sa paghihintay sa kaniyang mga kasamang naglalakbay sa Atenas, nagpatotoo nang di-pormal si apostol Pablo. Nag-uulat ang Bibliya: “Nagsimula siyang mangatuwiran . . . sa bawat araw sa pamilihan doon sa mga nagkataong naroroon.” (Gawa 17:17) Sa kaniyang paglalakbay mula Judea hanggang Galilea, nagpatotoo nang di-pormal si Jesus sa isang Samaritana sa tabi ng isang balon. (Juan 4:3-26) Sinasamantala mo ba ang bawat pagkakataon upang magsalita tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos?
Angkop na angkop sa di-pormal na pagpapatotoo ang teritoryong gumagamit ng wikang Ingles sa Mexico. Dinarayo ng mga turista ang mga resort, laging may bagong mga estudyante sa unibersidad, at madalas na pumupunta sa mga parke at mga restawran ang mga banyaga at retirado sa Mexico. Maraming Saksi ni Jehova na marunong ng wikang Ingles ang naging sanáy sa pagpapasimula ng usapan sa gayong mga indibiduwal. Sa katunayan, alisto sila sa pakikipag-usap sa sinumang mukhang banyaga o nagsasalita ng Ingles. Tingnan natin kung paano nila ito ginagawa.
Kadalasan, ang mga banyagang Saksi na naglilingkod sa teritoryong gumagamit ng wikang Ingles ay basta nagpapakilala sa mga mukhang banyaga at nagtatanong kung tagasaan ang mga ito. Siyempre pa, aakay ito sa pagtatanong kung ano ang ginagawa ng Saksi sa Mexico at magbibigay ito sa kaniya ng pagkakataong ibahagi ang mga paniniwalang Kristiyano. Halimbawa, nagiging lalong madali para kay Gloria, na naglilingkod kung saan malaki ang pangangailangan sa teritoryo sa Oaxaca na gumagamit ng wikang Ingles, na pasimulan ang mga usapan sa gayong paraan. Habang pauwi mula sa di-pormal na pangangaral sa liwasang-bayan, nilapitan si Gloria ng isang mag-asawang taga-Inglatera. Bumulalas ang babae: “Hindi ako makapaniwala na makakakita ako ng babaing itim na naglalakad sa mga lansangan ng Oaxaca!” Sa halip na magdamdam, tumawa si Gloria, at nagsimula silang magkuwentuhan tungkol sa kung bakit siya naroroon sa Mexico. Inanyayahan ng babae si Gloria sa kaniyang tahanan para magkape. Pagkatapos makipagtipanan, inialok ni Gloria ang mga magasing Bantayan at Gumising!, ngunit tumanggi ang babae at sinabing isa siyang ateista. Sinabi ni Gloria na nasisiyahan siyang makipag-usap sa mga ateista at gusto niyang marinig ang opinyon ng babae hinggil sa artikulong “Mga Dako ng Pagsamba—Kailangan ba Natin ang mga Ito?” Sumang-ayon ang babae, na nagsabi: “Kung makukumbinsi mo ako, kamangha-mangha nga iyon.” Maraming kawili-wiling pag-uusap ang sumunod samantalang nagkakape. Di-nagtagal at bumalik na sa Inglatera ang mag-asawa, ngunit nagpatuloy ang talakayan sa pamamagitan ng electronic mail.
Nakausap din ni Gloria si Saron, isang estudyante mula sa Washington, D.C., na nasa
Oaxaca dahil boluntaryo siyang nagtatrabaho para sa katutubong mga babae upang matapos niya ang kaniyang master’s degree. Pagkaraang papurihan si Saron sa kaniyang mga pagsisikap, ipinaliwanag ni Gloria kung bakit nasa Mexico siya. Nauwi ito sa magandang usapan hinggil sa Bibliya at kung ano ang gagawin ng Diyos hindi lamang para sa mga dukha kundi para rin sa lahat. Sinabi ni Saron na hindi niya sukat akalain na Saksi ni Jehova ang isa sa unang mga taong makakausap niya sa Mexico, yamang hindi siya kailanman nakipag-usap sa mga Saksi sa Estados Unidos! Tinanggap ni Saron ang isang pag-aaral sa Bibliya at agad siyang nagsimulang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.Maraming banyaga ang lumipat sa mga beach resort sa Mexico, na naghahanap ng malaparaisong mga kalagayan. Ginagamit ito ni Laurel upang pasimulan ang mga pag-uusap sa Acapulco, anupat tinatanong ang mga tao kung ang Acapulco ay mas mukhang paraiso kaysa sa pinanggalingan nila at kung ano ang gusto nila rito. Pagkatapos ay ipinaliliwanag niya na di-magtatagal at magiging tunay na paraiso ang buong lupa. Ang ganitong paraan ng pakikipag-usap sa isang babaing taga-Canada na nakilala niya sa isang opisina ng beterinaryo ay umakay sa isang pag-aaral sa Bibliya. Magiging mabisa kaya ang gayunding pamamaraan sa inyong lugar?
‘Sa mga Lansangan at mga Liwasan’
Kadalasang nasisimulan ang pag-uusap sa mga lansangan at mga liwasan sa pamamagitan ng pagtatanong ng: “Nakapagsasalita ka ba ng Ingles?” Marunong mag-Ingles ang maraming Mexicano dahil sa kanilang propesyon o dahil nanirahan sila sa Estados Unidos.
Nilapitan ng mag-asawang Saksi ang isang may-edad nang babae na nakaupo sa silyang de-gulong na itinutulak ng isang nars. Tinanong nila ang babae kung nakapagsasalita siya ng Ingles. Sinabi niya na oo dahil maraming taon siyang nanirahan sa Estados Unidos. Tinanggap niya Ang Bantayan at Gumising!, na hindi pa niya nasubukang basahin kailanman, at ibinigay sa kanila ang kaniyang pangalan, na Consuelo, pati na ang kaniyang adres. Nang hanapin nila ang kaniyang adres pagkalipas ng apat na araw, nasumpungan nila na isa palang nursing home na pinatatakbo ng mga madreng Katoliko ang matatagpuan doon. Sa simula, naging mahirap na makausap si Consuelo dahil naghihinala ang mga madre at nagsabi ang mga ito na hindi nila maaaring dalawin si Consuelo. Nakiusap nang husto ang mag-asawa sa mga madre na ipaalam kay Consuelo na naroon sila at gusto nila siyang kumustahin. Pinatuloy ni Consuelo ang mag-asawa. Mula noon, nasisiyahan na ang 86-anyos na babaing ito sa regular na pag-aaral sa Bibliya, sa kabila ng negatibong mga komento ng mga madre. Nakadalo na rin siya sa ilang Kristiyanong pagpupulong.
Sinasabi ng Kawikaan 1:20: “Ang tunay na karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan. Sa mga liwasan ay inilalakas nito ang kaniyang tinig.” Pansinin kung paano ito nangyari sa liwasan ng San Miguel de Allende. Isang umaga, nilapitan ni Ralph ang isang lalaking nasa katanghaliang gulang na nakaupo sa bangkô. Gulat na gulat ang lalaki nang alukan siya ng Ang Bantayan at Gumising! at inilahad nito kay Ralph ang kaniyang buhay.
Siya ay isang beterano sa Vietnam na nagkaroon ng nervous breakdown noong naglilingkod pa siya sa militar dahil sa emosyonal na kaigtingang dulot ng nakita niyang napakaraming bangkay. Pinabalik siya mula sa larangan ng digmaan tungo sa kampong himpilan. Doon, inatasan siya na paliguan ang bangkay ng mga sundalo bilang paghahanda
sa pagpapadala sa mga ito sa Estados Unidos. Ngayon, pagkalipas ng 30 taon, patuloy pa rin siyang nakararanas ng mga bangungot at nakadarama ng panghihilakbot. Nang umagang iyon, samantalang nakaupo sa liwasan, tahimik siyang nanalangin ukol sa tulong.Tinanggap ng beterano ang literatura gayundin ang paanyayang dumalo sa Kingdom Hall. Pagkatapos dumalo sa pulong, sinabi niya na sa dalawang oras na pagkanaroroon niya sa Kingdom Hall, nakadama siya ng kapayapaan sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na 30 taon. Mga ilang linggo lamang ang pamamalagi ng lalaking ito sa San Miguel de Allende, ngunit nasiyahan siya sa ilang pag-aaral sa Bibliya at nakadalo sa lahat ng pagpupulong hanggang sa umuwi siya. Isinaayos na maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.
Di-pormal na Pagpapatotoo sa Trabaho at Paaralan
Ipinakikilala mo ba ang iyong sarili bilang isang Saksi ni Jehova sa iyong pinagtatrabahuhan? Ginagawa ito ni Adrián, na nag-aalok ng mga apartment na magagamit ng mga nagbabakasyon sa Cape San Lucas. Bilang resulta, ganito ang inilahad ng kaniyang katrabahong si Judy: “Tatlong taon pa lamang ang nakalilipas, kung sasabihin mong magiging Saksi ni Jehova ako, sasabihin kong, ‘Pagputi ng uwak!’ Ngunit gusto kong basahin ang Bibliya. Inisip ko, ‘Hindi naman iyon mahirap, kasi mahilig naman akong magbasa.’ Buweno, sa palagay ko’y hindi ko pa natatapos basahin ang anim na pahina nang matanto kong kailangan ko ng tulong. Ang katrabaho kong si Adrián ang tanging tao na naiisip kong makatutulong. Gusto ko siyang kausap dahil siya lamang ang talagang disenteng tao sa aking pinagtatrabahuhan.” Agad na nag-alok ng pagdalaw-muli si Adrián kasama ang kaniyang kasintahan, si Katie, at sinagot nila ang lahat ng tanong ni Judy. Sinimulan ni Katie ang pakikipag-aral ng Bibliya sa kaniya, at di-nagtagal, naging bautisadong Saksi si Judy.
Paano naman ang di-pormal na pagpapatotoo sa paaralan? Dalawang Saksi na nag-aaral ng wikang Kastila sa unibersidad ang hindi pumasok nang isang araw upang daluhan ang isang asambleang Kristiyano. Nang muli silang pumasok sa klase, hinilingan silang ilahad sa wikang Kastila kung ano ang kanilang ginawa. Sinamantala nila ang pagkakataon upang magpatotoo sa wikang Kastila sa pinakamainam na magagawa nila. Interesadung-interesado ang guro, si Silvia, sa hula ng Bibliya. Tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya sa wikang Ingles at isa na siya ngayong mamamahayag ng mabuting balita. Nag-aaral na rin ang ilang miyembro ng kaniyang pamilya. Sinabi ni Silvia: “Natagpuan ko na ang hinahanap ko sa aking buong buhay.” Oo, maaaring magkaroon ng maiinam na bunga ang di-pormal na pagpapatotoo.
Ginagamit ang Iba Pang mga Pagkakataon
Maaaring umakay sa pagpapatotoo ang pagiging mapagpatuloy. Napatunayan ito nina Jim at Gail, na naglilingkod sa San Carlos, Sonora. Isang babae na naglalakad kasama ang kaniyang aso noong alas 6:00 n.u. ang huminto upang purihin ang kanilang bakuran. Inanyayahan siya nina Jim at Gail na magkape. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 60 taon, narinig niya ang tungkol kay Jehova at sa pag-asang buhay na walang hanggan. Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
May-kabaitan ding pinakikitunguhan ni Adrienne ang mga estranghero. Kumakain siya sa isang restawran sa Cancún nang lapitan siya ng isang batang lalaki at magtanong ito kung taga-Canada siya. Nang sabihin niyang oo, ipinaliwanag ng bata na tinutulungan niya at ng kaniyang ina ang kapatid niyang babae na maghanda ng report sa paaralan hinggil sa mga taga-Canada. Lumapit ang ina, na nakapagsasalita ng Ingles. Matapos na matiyagang sagutin ang mga tanong ng ina tungkol sa mga taga-Canada, sinabi ni Adrienne: “Ngunit may mahalagang dahilan talaga kung bakit nagpunta ako rito mula sa Canada—upang tulungan ang mga tao na matuto tungkol sa Bibliya. Interesado ka ba roon?” Sinabi ng babae na oo. Sampung taon na pala siyang tumiwalag sa kaniyang relihiyon at nagsikap na pag-aralan ang Bibliya nang sarilinan. Ibinigay niya kay Adrienne ang kaniyang adres at numero ng telepono, at napasimulan ang isang kasiya-siyang pag-aaral sa Bibliya.
‘Ihagis Mo ang Iyong Tinapay sa Tubig’
Ang pagsasalita hinggil sa katotohanan sa Bibliya sa bawat pagkakataon ay madalas na nagbubunga ng pagpapatotoo sa mga tao na may kakaunti o walang pagkakataong marinig ang mensahe ng Kaharian. Sa isang abalang karinderya sa daungang bayan ng Zihuatanejo, inanyayahan ng isang Saksi ang dalawang banyaga na maupong kasalo niya sa kaniyang mesa, yamang punô na ang karinderya. Pitong taon na palang naglalayag sa iba’t ibang lugar ang mag-asawa. Ipinahayag nila ang kanilang negatibong palagay sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng pag-uusap na iyon sa karinderya, dinalaw ng Saksi ang mag-asawa sa kanilang yate at inanyayahan sila sa kaniyang tahanan. Tumanggap sila ng mahigit na 20 magasin at 5 aklat at nangako na hahanapin ang mga Saksi sa kanilang susunod na dadaungan.
Napansin nina Jeff at Deb ang isang pamilya na may magandang sanggol na babae sa isang kainán sa shopping center sa Cancún. Nang papurihan nila ang sanggol, inanyayahan silang kumain ng pizza ng mga magulang nito. Napag-alaman nila nang dakong huli na taga-India pala ang pamilyang ito. Hindi pa sila nakarinig kailanman tungkol sa mga Saksi ni Jehova, ni nakakita man ng literatura natin. Umalis sila sa shopping center na dala ang ilang publikasyon ng mga Saksi.
Katulad din nito ang nangyari sa isang isla na malapit sa baybayin ng Yucatán. Isang bagong-kasal na mag-asawang Tsino ang humiling kay Jeff na kunan sila ng litrato, na malugod namang pinaunlakan ni Jeff. Nang maglaon ay napag-alaman niya na bagaman nanirahan ang mga ito sa Estados Unidos sa nakalipas na 12 taon, hindi pa sila nakakita ng mga Saksi ni Jehova o nakarinig tungkol sa kanila! Nagsimula ang isang kasiya-siyang usapan. Pinasigla sila ni Jeff na hanapin ang mga Saksi kapag umuwi na sila.
Baka may pantanging okasyon sa inyong lugar na naglalaan ng pagkakataong makapagpatotoo nang di-pormal. Nang dumalaw ang presidente ng Estados Unidos sa presidente ng Mexico sa rantso nito malapit sa Guanajuato, nagpuntahan doon ang mga reporter mula sa lahat ng panig ng daigdig upang mag-ulat. Ipinasiya ng isang pamilyang Saksi na samantalahin ang pagkakataong ito upang mangaral sa wikang Ingles. Maganda ang naging pagtugon. Halimbawa, isang reporter ang nakapag-ulat na tungkol sa ilang digmaan, gaya niyaong sa Kosovo at Kuwait. Isang kasamahan niya ang namatay sa kaniyang mga bisig matapos itong mabaril ng isang asintadong mamamaril. Nang marinig ang tungkol sa pagkabuhay-muli, lumuluhang nagpasalamat sa Diyos ang reporter dahil sa pagpapahintulot na malaman niyang may layunin ang buhay. Sinabi niya na bagaman hindi na niya makikitang muli ang mag-asawang Saksi, mananatili sa kaniyang puso ang mabuting balitang ito mula sa Bibliya.
Gaya ng nakita natin, ang pangwakas na resulta ng gayong pagpapatotoo ay kadalasang hindi nalalaman. Gayunman, sinabi ng marunong na si Haring Solomon: “Ihagis mo ang iyong tinapay sa ibabaw ng tubig, sapagkat pagkalipas ng maraming araw ay masusumpungan mo itong muli.” Sinabi rin niya: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” (Eclesiastes 11:1, 6) Oo, buong-sigasig na “ihagis . . . ang iyong tinapay” sa maraming tubig at saganang “ihasik . . . ang iyong binhi,” gaya ng ginawa ni Pablo at ni Jesus at gaya ng ginagawa ng makabagong-panahong mga Saksing ito sa teritoryong gumagamit ng wikang Ingles sa Mexico.