Napalalakas Ka ba ng Salita ng Diyos?
Napalalakas Ka ba ng Salita ng Diyos?
KAPAG napaharap sa mga problema, paano mo ito nilulutas? Sa kaso ni Jesus, nakatulong sa kaniya ang pag-alaala sa isang angkop na kasulatan upang maharap ang mga hamon ni Satanas. (Mateo 4:1-11) Gayundin, nang mapaharap si Haring David sa personal na mga pagsubok, napalakas siya ng Salita ng Diyos. Sinabi niya: “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.”—Awit 94:19.
Sa katulad na paraan, makaaaliw o makapagpapalakas sa atin ang pag-alaala ng isang paboritong teksto kapag napaharap tayo sa mga problema. Halimbawa, si Rex, na ngayo’y 89 na taóng gulang na, ay naging isang buong-panahong ebanghelisador sapol pa noong 1931. Gayunman, sinabi niya: “Kapag binibigyan ako ng isang pantanging atas sa ministeryo, palagi kong nadarama na hindi ko ito kaya.” Paano niya nalutas ito? “Aking inaalaala ang paborito kong teksto, ang Kawikaan 3:5, na nagsasabi: ‘Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.’ Nakatulong sa akin ang pag-alaala at pagkakapit ng kasulatang ito upang maisagawa ko nang matagumpay ang aking mga atas.”
Nakikinabang maging ang mga kabataan sa pagkakaroon ng isang paboritong teksto. Sinabi ng anim-na-taóng-gulang na si Jack na ang paborito niyang teksto ay Mateo 24:14. Napakilos siya ng tekstong ito na mangaral na kasama ng kaniyang mga magulang. Sabi niya: “Gusto kong nagpapatotoo tuwing Sabado na kasama ng aking inay, itay, at ate.”
Tulad ni Jesus, napapaharap ka ba kung minsan sa tuwirang mga problema sa iyong pananampalataya? Kung gayon, maaaring maging isa sa mga paborito mong teksto ang Filipos 4:13. Tulad ni Haring David, binabagabag ka ba ng “mga nakababalisang kaisipan”? Kaya, maaaring makatulong sa iyo ang pag-alaala sa Filipos 4:6, 7 upang mabata ito. Nag-aalala ka ba kung minsan na di-mabunga ang iyong paglilingkod sa Diyos? Kung gayon, mapalalakas ka ng pag-alaala sa 1 Corinto 15:58.
Sa pamamagitan ng pagsasaulo ng angkop na mga kasulatan, pinahihintulutan natin ang Salita ng Diyos na magkaroon ng lakas sa ating buhay. (Hebreo 4:12) Mabibigyan tayo ng lakas at kaaliwan ng paboritong mga kasulatang iyon.—Roma 15:4.