Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapasasaya Mo ang Diyos

Mapasasaya Mo ang Diyos

Mapasasaya Mo ang Diyos

MAAARI ba talaga nating maapektuhan ang nadarama ng Diyos? Nakadarama ba ang Diyos ng kaligayahan? Ang isang kahulugan ng salitang “Diyos” sa diksyunaryo ay “ang kataas-taasan o sukdulang katunayan.” Paano kung ang kamangha-manghang katunayan na iyan ay isa lamang puwersa? Maaasahan ba nating maging masaya ang isang di-personal na puwersa? Tiyak na hindi. Gayunman, isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos.

“Ang Diyos ay Espiritu,” ang sabi ni Jesu-Kristo. (Juan 4:24) Ang espiritu ay isang anyo ng buhay na naiiba sa mga tao. Bagaman di-nakikita ng mga mata ng tao, ang isang espiritu ay may katawan​—“isang katawang espirituwal.” (1 Corinto 15:44; Juan 1:18) Sa pamamagitan ng paggamit ng mga tayutay, binabanggit pa nga ng Bibliya na ang Diyos ay may mga mata, tainga, kamay, at iba pa. * May pangalan din ang Diyos​—Jehova. (Awit 83:18) Kaya ang Diyos ng Bibliya ay isang espiritung persona. (Hebreo 9:24) “Siya ang Diyos na buháy at ang Hari hanggang sa panahong walang takda.”​—Jeremias 10:10.

Bilang isang tunay at nabubuhay na persona, si Jehova ay may kakayahang mag-isip at kumilos. Nagpapamalas siya ng mga katangian at damdamin, mga gusto at di-gusto. Sa katunayan, napakaraming pananalita sa Bibliya na nagsisiwalat sa mga bagay na nakalulugod o di-nakalulugod sa kaniya. Samantalang ang gawang-taong mga diyos at mga idolo ay nagpapaaninaw lamang ng mga ugali o katangian ng mga taong umimbento sa kanila, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ang mismong Pinagmulan ng mga emosyon na inilagay niya sa mga tao.​—Genesis 1:27; Isaias 44:7-11.

Walang alinlangan na si Jehova ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Hindi lamang siya natutuwa sa kaniyang mga gawang paglalang kundi nalulugod din siya sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, ipinahayag ni Jehova: “Ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko . . . Sinalita ko nga iyon; pangyayarihin ko rin naman. Inanyuan ko iyon, gagawin ko rin naman.” (Isaias 46:9-11) Umawit ang salmista: “Si Jehova ay magsasaya sa kaniyang mga gawa.” (Awit 104:31) Subalit may isa pang pinagmumulan ng kagalakan ang Diyos. Sinabi niya: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso.” (Kawikaan 27:11) Isipin ang kahulugan niyan​—mapasasaya natin ang Diyos!

Kung Paano Natin Mapasasaya ang Puso ng Diyos

Isaalang-alang kung paano napasaya ng ulo ng pamilya na si Noe ang puso ni Jehova. Si Noe ay “nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova” dahil “siya ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.” Ibang-iba sa balakyot na mga tao noong panahong iyon, ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Noe ay lubhang kalugud-lugod sa Diyos anupat masasabi na “si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:6, 8, 9, 22) “Sa pananampalataya si Noe . . . ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan.” (Hebreo 11:7) Kinalugdan ni Jehova si Noe at pinagkalooban siya at ang kaniyang pamilya ng kaligtasan mula sa maligalig na panahong iyon sa kasaysayan ng tao.

Mayroon ding lubos na kabatiran ang patriyarkang si Abraham sa damdamin ni Jehova. Ang kaniyang malalim na kaalaman sa pag-iisip ng Diyos ay maliwanag na nakita nang ipaalam ni Jehova sa kaniya na wawasakin ang Sodoma at Gomorra dahil sa kanilang kabuktutan. Sapat ang pagkakilala ni Abraham kay Jehova upang masabi niya na malayong mangyaring papatayin ng Diyos ang taong matuwid kasama ng balakyot. (Genesis 18:17-33) Makalipas ang maraming taon, bilang pagsunod sa tagubilin ng Diyos, “para na ring inihandog [ni Abraham] si Isaac,” dahil “inisip niya na magagawa ng Diyos na ibangon siya kahit mula sa mga patay.” (Hebreo 11:17-19; Genesis 22:1-18) Naging lubhang palaisip si Abraham sa damdamin ng Diyos at nagpakita siya ng gayon katibay na pananampalataya at pagkamasunurin anupat “siya ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ ”​—Santiago 2:23.

Ang isa pang lalaki na nagsikap na pagalakin ang puso ng Diyos ay si Haring David ng sinaunang Israel. May kinalaman sa kaniya, sinabi ni Jehova: “Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse, isang lalaking kalugud-lugod sa aking puso, na gagawa ng lahat ng bagay na ninanasa ko.” (Gawa 13:22) Bago humarap sa higanteng si Goliat, inilagak ni David ang kaniyang lubos na pagtitiwala sa Diyos at sinabi kay Haring Saul ng Israel: “Si Jehova, na nagligtas sa akin mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso, siya ang magliligtas sa akin mula sa kamay ng Filisteong ito.” Pinagpala ni Jehova ang pagtitiwala sa Kaniya ni David, anupat pinangyari niyang mapatay ni David si Goliat. (1 Samuel 17:37, 45-54) Ninais ni David na hindi lamang ang kaniyang mga pagkilos kundi maging ‘ang mga pananalita ng kaniyang bibig at ang pagbubulay-bulay ng kaniyang puso ay maging kalugud-lugod sa harap ni Jehova.’​—Awit 19:14.

Kumusta naman tayo? Paano natin mapalulugdan si Jehova? Habang lalo tayong nagiging sensitibo sa damdamin ng Diyos, lalo naman tayong nagkakaroon ng kabatiran sa maaari nating gawin upang mapasaya ang puso ng Diyos. Kaya kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, mahalaga na pagsikapan nating matutuhan ang tungkol sa damdamin ng Diyos upang “mapuspos [tayo] ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Colosas 1:9, 10) Ang kaalaman naman ang siyang tumutulong sa atin na malinang ang pananampalataya. Mahalaga ito yamang “kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos.” (Hebreo 11:6) Oo, kung sisikapin nating malinang ang matibay na pananampalataya at kung iaayon natin ang ating buhay sa kalooban ni Jehova, mapagagalak natin ang kaniyang puso. Kasabay nito, kailangan tayong mag-ingat na hindi natin masaktan ang damdamin ni Jehova.

Huwag Mong Saktan ang Damdamin ng Diyos

Ang isang halimbawa kung paano maaaring masaktan ang damdamin ni Jehova ay makikita sa ulat tungkol sa panahon ni Noe. Noong panahong iyon, “ang lupa ay napuno ng karahasan. Kaya nakita ng Diyos ang lupa at, narito! ito ay sira, sapagkat sinira ng lahat ng laman ang kanilang lakad sa lupa.” Ano ang nadama ng Diyos nang masiyasat niya ang kabuktutan at ang karahasan? “Ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa,” ang sabi ng Bibliya, “at siya ay nasaktan sa kaniyang puso.” (Genesis 6:5, 6, 11, 12) Nalungkot ang Diyos dahil sa naging napakasama ng paggawi ng mga tao anupat nagbago ang kaniyang saloobin may kinalaman sa balakyot na salinlahi bago ang Baha. Dahil sa pagkamuhi niya sa kanilang kabalakyutan, nagbago ang saloobin ng Diyos mula sa pagiging Maylalang ng mga tao tungo sa pagiging tagapuksa nila.

Napighati rin si Jehova nang ang kaniyang sariling bayan, ang sinaunang bansang Israel, ay paulit-ulit na nagwalang-bahala sa kaniyang damdamin at sa kaniyang maibiging patnubay. Nanaghoy ang salmista: “Kay dalas nilang maghimagsik laban sa kaniya sa ilang, pinagdaramdam nila siya sa disyerto! At paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok, at pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.” Gayunman, “siya ay maawain; tinatakpan niya ang kamalian at hindi sila nililipol. At maraming ulit niyang pinawi ang kaniyang galit, at hindi niya pinupukaw ang buo niyang pagngangalit.” (Awit 78:38-41) Bagaman makatuwirang pinagdusahan ng rebelyosong mga Israelita ang mga bunga ng sarili nilang pagkamakasalanan, sinasabi sa atin ng Bibliya na “sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati [ang Diyos].”​—Isaias 63:9.

Sa kabila ng maraming katibayan ng magiliw na damdamin ng Diyos sa bayan ng Israel, “patuloy nilang kinakantiyawan ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita at nililibak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang pagngangalit ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagalingan.” (2 Cronica 36:16) Nang dakong huli, ang kanilang paulit-ulit na paghihimagsik nang may katigasan ng ulo ang naging dahilan upang ‘magdamdam ang kaniyang banal na espiritu’ hanggang sa punto na naiwala nila ang paglingap ni Jehova. (Isaias 63:10) Ang resulta? Makatuwirang iniurong ng Diyos ang kaniyang proteksiyon, at sumapit sa kanila ang kapahamakan nang lupigin ng mga taga-Babilonya ang Juda at wasakin ang Jerusalem. (2 Cronica 36:17-21) Nakalulungkot nga kapag pinipiling itaguyod ng mga tao ang isang makasalanang landasin ng buhay na nakagagalit at nakapipighati sa kanilang Maylalang!

Pinatutunayan sa atin ng Bibliya na labis na nasasaktan ang Diyos sa di-matuwid na paggawi. (Awit 78:41) Kabilang sa mga bagay na nakagagalit​—karima-rimarim pa nga​—sa Diyos ay ang pagmamapuri, pagsisinungaling, pagpaslang, pagsasagawa ng mahika, panghuhula, pagsamba sa mga ninuno, kahalayan sa moral, homoseksuwalidad, pagtataksil sa asawa, insesto, at ang paniniil sa mga dukha.​—Levitico 18:9-29; 19:29; Deuteronomio 18:9-12; Kawikaan 6:16-19; Jeremias 7:5-7; Malakias 2:14-16.

Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa idolatriya? Ganito ang sabi ng Exodo 20:4, 5: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon.” Bakit? Dahil ang idolo “ay isang bagay na karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 7:25, 26) Nagbabala si apostol Juan: “Mumunting mga anak, bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.” (1 Juan 5:21) At isinulat ni apostol Pablo: “Mga minamahal ko, tumakas kayo mula sa idolatriya.”​—1 Corinto 10:14.

Hanapin ang Pagsang-ayon ng Diyos

‘Ang matalik na pakikipag-ugnayan ng Diyos ay sa mga matuwid.’ Yaong mga “walang kapintasan sa kanilang lakad ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Kawikaan 3:32; 11:20) Sa kabaligtaran, yaong mga patuloy na gumagalit sa Diyos sa pamamagitan ng may-katigasan ng ulo na pagwawalang-bahala o pagsuway sa kaniyang matuwid na damdamin ay malapit nang maging mga tudlaan ng kaniyang pagkamuhi. (2 Tesalonica 1:6-10) Tunay nga, malapit na niyang wakasan ang lahat ng kabalakyutan na napakalaganap sa ngayon.​—Awit 37:9-11; Zefanias 2:2, 3.

Gayunman, napakalinaw na binabanggit ng Bibliya na “hindi . . . nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Mas nanaisin niyang ipakita ang kaniyang pagmamahal sa matutuwid na tao na umiibig sa kaniya kaysa sa ipahayag ang kaniyang pagkamuhi sa mga ayaw nang magbago pa. Nalulugod si Jehova, “hindi sa kamatayan ng balakyot, kundi sa panunumbalik ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.”​—Ezekiel 33:11.

Kaya walang sinuman ang kailangang maging tudlaan ng galit ni Jehova. “Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Taglay ang lubos na pagtitiwala sa damdamin ng Diyos, maaari mong ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Makatitiyak ka na ang mga nagpapasaya sa puso ng Diyos ay may kahanga-hangang pag-asa na tamasahin ang kaniyang pagsang-ayon at pakikipagkaibigan. Kaya naman, mas apurahan ngayon higit kailanman na ‘patuloy na tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.’​—Efeso 5:10.

Tunay ngang kamangha-mangha na dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, isiniwalat ng Diyos ang kaniyang maluwalhating mga katangian at damdamin! At kaya mong pasayahin ang puso niya. Kung nais mong gawin iyan, hinihimok ka naming makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. Malulugod silang ipakita sa iyo ang mga bagay na nasumpungan nilang praktikal at kayang abutin sa kanilang pagsisikap na palugdan ang Diyos.

[Talababa]

^ par. 3 Tingnan ang kahon na pinamagatang “Bakit Inilalarawan ng Bibliya ang Diyos na Parang Tao?”

[Kahon sa pahina 7]

Bakit Inilalarawan ng Bibliya ang Diyos na Parang Tao?

Yamang “ang Diyos ay Espiritu,” hindi natin siya maaaring makita sa pamamagitan ng ating pisikal na mga mata. (Juan 4:24) Kaya naman ang Bibliya ay gumagamit ng mga tayutay, gaya ng mga simili, metapora, at mga anthropomorphism upang tulungan tayong maunawaan ang kapangyarihan, karingalan, at mga gawain ng Diyos. Ang anthropomorphism (Griego, “anyong tao”) ay ang pag-uukol ng mga pagkakakilanlan ng tao sa isa na hindi tao. Kaya bagaman hindi natin alam ang hitsura ng espiritung katawan ng Diyos, binabanggit ng Bibliya na ang Diyos ay may mga mata, tainga, kamay, bisig, daliri, paa, at puso.​—Genesis 8:21; Exodo 3:20; 31:18; Job 40:9; Awit 18:9; 34:15.

Ang gayong naglalarawang mga pananalita ay hindi nangangahulugan na ang mga bahagi ng espiritung katawan ng Diyos ay katulad ng sa katawan ng tao. Hindi dapat unawain ang mga anthropomorphism sa paraang literal. Tinutulungan lamang ng mga ito ang mga tao upang higit nilang maunawaan ang Diyos. Kung wala ang gayong mga tayutay, magiging mahirap, kung hindi man imposible, para sa mga tao na maunawaan ang anumang paglalarawan sa Diyos. Gayunman, hindi iyan nangangahulugan na kinatha lamang ng mga tao ang personalidad ng Diyos na Jehova. Malinaw na ipinaliliwanag ng Bibliya na nilalang ang tao ayon sa larawan ng Diyos​—hindi ang Diyos ayon sa larawan ng tao. (Genesis 1:27) Yamang “kinasihan ng Diyos” ang mga manunulat ng Bibliya, ang kanilang paglalarawan sa personalidad ng Diyos ay sa katunayan, sarili niyang paglalarawan sa kaniyang personal na mga katangian​—ang mismong mga katangian na sa magkakaiba-ibang antas ay inilagay niya sa kaniyang nilalang na mga tao. (2 Timoteo 3:16, 17) Sa halip na mga katangian ng tao na iniukol sa Diyos, ang mga ito sa katunayan ay mga katangian ng Diyos na nasa tao.

[Larawan sa pahina 4]

Si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ng Diyos

[Larawan sa pahina 5]

Naging palaisip si Abraham sa damdamin ng Diyos

[Larawan sa pahina 6]

Inilagak ni David ang kaniyang ganap na pagtitiwala kay Jehova

[Larawan sa pahina 7]

Habang binabasa mo ang Bibliya, matututuhan mo kung paano pasayahin ang Diyos

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Courtesy of Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin