Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga May-edad Na—Mahahalagang Miyembro ng Ating Kapatirang Kristiyano

Mga May-edad Na—Mahahalagang Miyembro ng Ating Kapatirang Kristiyano

Mga May-edad Na​—Mahahalagang Miyembro ng Ating Kapatirang Kristiyano

“Yaong mga nakatanim sa bahay ni Jehova . . . ay mamumukadkad. Uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban.”​—AWIT 92:13, 14.

1. Paano minamalas ng maraming tao ang mga may-edad na?

INIIBIG ni Jehova ang lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod, pati na yaong mga may-edad na. Subalit ayon sa isang pambansang pagtaya, taun-taon ay halos kalahating milyong may-edad na sa Estados Unidos ang inaabuso o pinababayaan. Ipinakikita ng gayunding mga ulat sa palibot ng daigdig na ang pag-aabuso sa mga may-edad na ay isang pangglobong problema. Nasa pinakaugat nito ang tinatawag ng isang organisasyon na “lumalaganap na saloobin ng maraming tao . . . na ang mga may-edad na ay wala nang pakinabang, di-mabunga at masyadong palaasá sa iba.”

2. (a) Paano minamalas ni Jehova ang kaniyang tapat at may-edad nang mga lingkod? (b) Anong nakaaantig-pusong paglalarawan ang masusumpungan natin sa Awit 92:12-15?

2 Pinahahalagahan ng Diyos na Jehova ang kaniyang matapat at may-edad nang mga lingkod. Pinagtutuunan niya ng pansin ‘ang pagkatao natin sa loob’​—ang ating espirituwal na kalagayan​—sa halip na ang ating pisikal na mga limitasyon. (2 Corinto 4:16) Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, masusumpungan natin ang sumusunod na nakaaantig-pusong katiyakan: “Ang matuwid ay mamumukadkad na gaya ng puno ng palma; gaya ng sedro sa Lebanon, siya ay lálakí. Yaong mga nakatanim sa bahay ni Jehova, sa mga looban ng aming Diyos, sila ay mamumukadkad. Uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban, mananatili silang mataba at sariwa, upang isaysay na si Jehova ay matuwid.” (Awit 92:12-15) Ang pagtalakay sa mga talatang ito ay magsisiwalat sa mga aspekto ng mahalagang tulong na maibibigay ninyong mga may-edad na para sa kapatirang Kristiyano.

‘Umuunlad sa Panahon ng Pagiging May-uban’

3. (a) Bakit inihahalintulad ang matuwid na mga tao sa mga puno ng palma? (b) Paano maaaring ‘umunlad sa panahon ng kanilang pagiging may-uban’ ang mga may-edad na?

3 Inihalintulad ng salmista ang mga matuwid sa mga puno ng palma na ‘nakatanim sa mga looban ng ating Diyos.’ ‘Umuunlad sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban.’ Mababasa sa isa pang bersiyon: “Sa kanilang katandaa’y magbubunga pa rin sila.” (Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Hindi ka ba sumasang-ayon na isang nakapagpapatibay na kaisipan ito? Ang napakaganda at tuwid na mga puno ng palma ay karaniwan nang makikita sa mga looban ng mga taga-Silangan noong panahon ng Bibliya. Bukod sa nakapagpapaganda ang mga ito, lubhang pinahahalagahan ang mga palma dahil sa saganang prutas ng mga ito, anupat ang ilang punungkahoy ay nananatiling mabunga sa loob ng mahigit na sandaang taon. * Sa pamamagitan ng pananatiling matatag na nakatanim sa tunay na pagsamba, maaari ka ring ‘patuloy na mamunga sa bawat mabuting gawa.’​—Colosas 1:10.

4, 5. (a) Anong mahahalagang bunga ang kailangang iluwal ng mga Kristiyano? (b) Magbigay ng maka-Kasulatang mga halimbawa ng mga may-edad nang nagluwal ng “bunga ng mga labi.”

4 Inaasahan ni Jehova na magluluwal ang mga Kristiyano ng “bunga ng mga labi”​—mga salitang binigkas bilang papuri sa kaniya at sa kaniyang mga layunin. (Hebreo 13:15) Kumakapit ba ito sa iyo bilang isang may-edad nang tao? Tiyak na gayon nga.

5 Ang Bibliya ay naglalaman ng mga halimbawa ng mga may-edad nang walang takot na nagpapatotoo sa pangalan at mga layunin ni Jehova. Si Moises noon ay mahigit nang “pitumpung taon” nang atasan siya ni Jehova bilang propeta at kinatawan. (Awit 90:10; Exodo 4:10-17) Ang katandaan ay hindi nakahadlang kay propeta Daniel sa pagbibigay ng walang-takot na patotoo hinggil sa soberanya ni Jehova. Marahil mahigit 90 taóng gulang na si Daniel nang ipatawag siya ni Belsasar para bigyang-kahulugan ang mahiwagang sulat-kamay sa pader. (Daniel, kabanata 5) At kumusta naman ang matanda nang si apostol Juan? Sa pagtatapos ng kaniyang mahabang karera, ibinilanggo siya sa isla ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) Malamang na marami kang naaalaalang iba pang mga tauhan sa Bibliya na nagluwal ng “bunga ng mga labi” sa panahon ng kanilang katandaan.​—1 Samuel 8:1, 10; 12:2; 1 Hari 14:4, 5; Lucas 1:7, 67-​79; 2:22-32.

6. Paano ginagamit ni Jehova ang “matatandang lalaki” upang manghula sa mga huling araw na ito?

6 Sa pagsipi sa propetang Hebreo na si Joel, sinabi ni apostol Pedro: “ ‘Sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa bawat uri ng laman [pati na sa “matatandang lalaki”], . . . at sila ay manghuhula.’ ” (Gawa 2:17, 18; Joel 2:28) Kaya nga, sa mga huling araw na ito, ginagamit ni Jehova ang may-edad nang mga miyembro ng uring pinahiran at ng “ibang mga tupa” upang ihayag ang kaniyang mga layunin. (Juan 10:16) Ang ilan sa mga ito ay buong-katapatang nagluluwal ng mga bunga ng Kaharian sa loob ng maraming dekada.

7. Ilarawan kung paano nagpapatuloy ang mga may-edad na sa pagluluwal ng mga bunga ng Kaharian sa kabila ng pisikal na mga limitasyon.

7 Isaalang-alang si Sonia, na naging isang buong-panahong mamamahayag ng Kaharian noong 1941. Sa kabila ng matagal na pakikipagpunyagi sa pabalik-balik na sakit, regular siyang nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang tahanan. “Ang pangangaral ng mabuting balita ay bahagi ng aking buhay,” ang paliwanag ni Sonia. “Sa katunayan, ito ang aking buhay. Ayokong magretiro.” Hindi pa natatagalan, ibinahagi ni Sonia at ng kaniyang ate na si Olive ang mensahe ng pag-asa sa Bibliya kay Janet, isang pasyenteng may nakamamatay na sakit na nakilala nila sa silid-hintayan sa isang ospital. Ang ina ni Janet, na isang debotong Katoliko, ay lubhang humanga sa maibiging interes na ito na ipinakita sa kaniyang anak na babae anupat tinanggap niya ang alok na isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at ngayo’y mahusay ang kaniyang pagsulong. Maaari mo bang samantalahin ang gayunding mga pagkakataon upang magluwal ng mga bunga ng Kaharian?

8. Paano ipinakita ng matanda nang si Caleb ang kaniyang tiwala kay Jehova, at paano matutularan ng may-edad nang mga Kristiyano ang kaniyang halimbawa?

8 Sa pamamagitan ng may lakas-loob na pagpapatuloy sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa kabila ng mga limitasyon ng pagtanda, ang may-edad nang mga Kristiyano ay sumusunod sa mga yapak ng tapat na Israelitang si Caleb, na sumama kay Moises sa iláng sa loob ng apat na dekada. Si Caleb ay 79 na taóng gulang nang tawirin niya ang Ilog Jordan tungo sa Lupang Pangako. Pagkatapos makipaglaban bilang sundalo sa matagumpay na hukbo ng Israel sa loob ng anim na taon, maaari na sana siyang magpahinga at makontento na lamang sa mga nagawa niya. Pero hindi, lakas-loob niyang hiniling ang mahirap na atas na pagbihag sa “malalaking lunsod na nakukutaan” sa bulubunduking rehiyon ng Juda, isang lugar na pinananahanan ng mga Anakim, mga taong di-pangkaraniwan ang laki. Sa tulong ni Jehova, ‘naitaboy nga sila ni Caleb, gaya ng ipinangako ni Jehova.’ (Josue 14:9-14; 15:13, 14) Gaya ng ginawa niya kay Caleb, makatitiyak ka na si Jehova ay sumasaiyo habang patuloy kang nagluluwal ng mga bunga ng Kaharian sa panahon ng iyong katandaan. At kung mananatili kang tapat, pagkakalooban ka niya ng dako sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan.​—Isaias 40:29-​31; 2 Pedro 3:13.

“Mananatili Silang Mataba at Sariwa”

9, 10. Paano nananatiling malusog sa pananampalataya at masigla sa espirituwal ang may-edad nang mga Kristiyano? (Tingnan ang kahon sa pahina 13.)

9 Sa pagtawag-pansin sa pagiging mabunga ng may-edad nang mga lingkod ni Jehova, umawit ang salmista: “Ang matuwid ay mamumukadkad na gaya ng puno ng palma; gaya ng sedro sa Lebanon, siya ay lálakí. Uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban, mananatili silang mataba at sariwa.”​—Awit 92:12, 14.

10 Paano mo mapananatili ang iyong espirituwal na sigla sa kabila ng pagtanda? Ang sekreto ng namamalaging kagandahan ng puno ng palma ay ang patuluyang pagkakaroon nito ng sapat na suplay ng sariwang tubig. Sa katulad na paraan, makakakuha ka ng panustos mula sa tubig ng katotohanan sa Bibliya sa pamamagitan ng pag-aaral mo ng Salita ng Diyos at sa pamamagitan ng pakikisama sa kaniyang organisasyon. (Awit 1:1-3; Jeremias 17:7, 8) Bunga ng iyong espirituwal na kalakasan, ikaw ay nagiging mahalaga at kapaki-pakinabang sa mga kapananampalataya. Isaalang-alang kung paano ito naging totoo sa kalagayan ng may-edad nang mataas na saserdoteng si Jehoiada.

11, 12. (a) Anong napakahalagang papel ang ginampanan ni Jehoiada sa kasaysayan ng kaharian ng Juda? (b) Paano ginamit ni Jehoiada ang kaniyang impluwensiya upang itaguyod ang tunay na pagsamba?

11 Si Jehoiada ay malamang na mahigit nang sandaang taóng gulang nang agawin ng ambisyosang si Reyna Athalia ang pamamahala sa Juda sa pamamagitan ng pagpatay sa sarili niyang mga apo. Ano kaya ang magagawa ng may-edad nang si Jehoiada? Sa loob ng anim na taon ay itinago nilang mag-asawa sa templo ang kaisa-isang nabubuhay na tagapagmana ng trono, si Jehoas. Pagkatapos, sa isang madulang pagkilos, ipinroklamang hari ni Jehoiada ang pitong-taóng-gulang na si Jehoas at ipinapatay si Athalia.​—2 Cronica 22:10-12; 23:1-3, 15, 21.

12 Bilang tagapag-alaga ng hari, ginamit ni Jehoiada ang kaniyang impluwensiya upang itaguyod ang tunay na pagsamba. “Pinagtibay [niya] ang isang tipan sa pagitan niya at ng buong bayan at ng hari na sila ay mananatiling bayan ni Jehova.” Sa utos ni Jehoiada, giniba ng bayan ang bahay ng huwad na diyos na si Baal at inalis ang mga altar, imahen, at saserdote nito. Dahil din sa patnubay ni Jehoiada kung kaya isinauli ni Jehoas ang mga paglilingkod sa templo at isinagawa ang lubhang kinakailangang pagkukumpuni sa templo. “Si Jehoas ay patuloy na gumawa ng tama sa paningin ni Jehova sa lahat ng kaniyang mga araw nang si Jehoiada na saserdote ang nagtuturo sa kaniya.” (2 Cronica 23:11, 16-19; 24:11-14; 2 Hari 12:2) Nang mamatay siya sa edad na 130 taon, binigyan si Jehoiada ng natatanging parangal na mailibing kasama ng mga hari dahil “gumawa siya ng mabuti sa Israel at sa tunay na Diyos at sa Kaniyang bahay.”​—2 Cronica 24:15, 16.

13. Paano ‘makagagawa ng mabuti sa tunay na Diyos at sa kaniyang bahay’ ang may-edad nang mga Kristiyano?

13 Marahil nalilimitahan ng mahinang kalusugan o ng iba pang mga kalagayan ang kaya mong gawin upang itaguyod ang tunay na pagsamba. Ganiyan man ang kalagayan, nasa kapangyarihan mo pa ring ‘gumawa ng mabuti sa tunay na Diyos at sa kaniyang bahay.’ Makapagpapamalas ka ng sigasig sa espirituwal na bahay ni Jehova sa pamamagitan ng pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon at sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo sa larangan kailanma’t posible. Ang iyong pagiging handang tumanggap ng payo sa Bibliya at ang iyong matapat na pagsuporta sa “tapat at maingat na alipin” at sa kongregasyon ay magkakaroon ng nakapagpapatibay na epekto sa kapatirang Kristiyano. (Mateo 24:45-47) Mauudyukan mo rin ang iyong mga kapananampalataya “sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Hebreo 10:24, 25; Filemon 8, 9) At magiging isang pagpapala ka sa iba kung kikilos ka kasuwato ng payo ni apostol Pablo: “Ang matatandang lalaki ay maging katamtaman ang mga pag-uugali, seryoso, matino ang pag-iisip, malusog [“masigla,” An American Translation] sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagbabata. Gayundin ang matatandang babae ay maging mapagpitagan sa paggawi, hindi naninirang-puri, ni napaaalipin man sa maraming alak, mga guro ng kabutihan.”​—Tito 2:2-4.

14. Ano ang magagawa ng matatagal nang mga tagapangasiwang Kristiyano upang itaguyod ang tunay na pagsamba?

14 Maraming taon ka na bang naglilingkod bilang elder sa kongregasyon? “Walang pag-iimbot na gamitin ang karunungan na kaakibat ng pagtanda,” ang payo ng isang matagal nang elder sa kongregasyon. “Mag-atas ng pananagutan, at ibahagi ang iyong karanasan sa iba na handang matuto . . . Alamin ang potensiyal ng iba. Pasulungin at linangin ito. Maghanda para sa hinaharap.” (Deuteronomio 3:27, 28) Ang iyong tunay na interes sa lalong lumalawak na gawaing pang-Kaharian ay magdudulot ng maraming pagpapala sa iba na kabilang sa ating kapatirang Kristiyano.

“Isaysay na si Jehova ay Matuwid”

15. Paano ‘isinasaysay ng may-edad nang mga Kristiyano na si Jehova ay matuwid’?

15 Buong-kagalakang ginagampanan ng may-edad nang mga lingkod ng Diyos ang kanilang pananagutang “isaysay na si Jehova ay matuwid.” Kung ikaw ay isang may-edad nang Kristiyano, maipakikita mo sa iba sa pamamagitan ng iyong mga pananalita at pagkilos na ‘si Jehova ang iyong Bato, na sa kaniya ay walang kalikuan.’ (Awit 92:15) Ang puno ng palma ay tahimik na nagpapatotoo sa pinakamaiinam na katangian ng Maylalang nito. Ngunit binigyan ka ni Jehova ng pribilehiyo na magpatotoo tungkol sa kaniya sa mga yumayakap ngayon sa tunay na pagsamba. (Deuteronomio 32:7; Awit 71:17, 18; Joel 1:2, 3) Bakit mahalaga ito?

16. Anong halimbawa sa Bibliya ang naglalarawan sa kahalagahan ng ‘pagsasaysay na si Jehova ay matuwid’?

16 Nang ang lider ng Israel na si Josue ay “matanda na at may kalaunan na sa mga araw, tinawag [niya] ang buong Israel, ang matatandang lalaki nito at ang mga ulo nito at ang mga hukom nito at ang mga opisyal nito,” at ipinaalaala sa kanila ang matuwid na mga pakikitungo ng Diyos. Sinabi niya: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.” (Josue 23:1, 2, 14) Sa loob ng ilang panahon, ang mga pananalitang ito ay nagpalakas sa determinasyon ng bayan na manatiling tapat. Gayunman, nang mamatay si Josue, ‘iba namang salinlahi ang bumangon na hindi nakakakilala kay Jehova o sa gawa na kaniyang ginawa para sa Israel. At ang mga anak ni Israel ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova at naglingkod sa mga Baal.’​—Hukom 2:8-11.

17. Paano pinakitunguhan ni Jehova ang kaniyang bayan sa makabagong panahon?

17 Ang katapatan ng makabagong-panahong kongregasyong Kristiyano ay hindi nakasalalay sa patotoo mula sa bibig ng may-edad nang mga lingkod ng Diyos. Gayunman, ang ating pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako ay napatitibay kapag nakaririnig tayo ng personal na mga ulat ng “dakilang gawa” na isinasagawa niya para sa kaniyang bayan sa mga huling araw na ito. (Hukom 2:7; 2 Pedro 1:16-19) Kung maraming taon ka nang nakikisama sa organisasyon ni Jehova, maaaring natatandaan mo noong kakaunti pa lamang ang mga tagapaghayag ng Kaharian sa inyong lugar o bansa o nang ang gawaing pangangaral ay napapaharap sa matinding pagsalansang. Sa paglipas ng panahon, nakita mong inalis ni Jehova ang ilang balakid at ‘pinabilis’ ang pagsulong ng Kaharian. (Isaias 54:17; 60:22) Nakita mo ang paglilinaw sa mga katotohanan sa Bibliya at nasaksihan ang progresibong pagdadalisay sa nakikitang bahagi ng organisasyon ng Diyos. (Kawikaan 4:18; Isaias 60:17) Sinisikap mo bang patibayin ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng iyong karanasang may kaugnayan sa matuwid na mga pakikitungo ni Jehova? Tunay ngang magkakaroon ito ng nakapagpapasigla at nakapagpapatibay na epekto sa kapatirang Kristiyano!

18. (a) Ilarawan ang pangmatagalang epekto ng ‘pagsasaysay sa iba na si Jehova ay matuwid.’ (b) Paano mo personal na naranasan ang pagiging matuwid ni Jehova?

18 Kumusta naman ang mga pagkakataon nang maranasan mo ang maibiging pangangalaga at patnubay ni Jehova sa iyong personal na buhay? (Awit 37:25; Mateo 6:33; 1 Pedro 5:7) Isang may-edad nang kapatid na babae na nagngangalang Martha ang madalas magpatibay sa iba sa pagsasabing: “Anuman ang mangyari, huwag na huwag mong iiwan si Jehova. Palalakasin ka niya.” Ang payong ito ay nagkaroon ng napakatinding epekto kay Tolmina, isa sa mga estudyante sa Bibliya ni Martha na nabautismuhan noong unang mga taon ng dekada ng 1960. “Nang mamatay ang mister ko,” ang naaalaala ni Tolmina, “lubha akong nasiraan ng loob, ngunit ang mga pananalitang iyon ay tumulong sa akin na maging determinadong huwag lumiban sa kahit isang pulong. At talagang pinalakas ako ni Jehova na magpatuloy.” Gayundin ang ipinayo ni Tolmina sa marami sa kaniyang mga estudyante sa Bibliya sa paglipas ng maraming taon. Tunay nga, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pampatibay-loob at pagsasaysay sa matuwid na mga pakikitungo ni Jehova, malaki ang magagawa mo upang patibayin ang pananampalataya ng iyong mga kapananampalataya.

Pinahahalagahan ni Jehova ang Tapat na mga May-edad Na

19, 20. (a) Paano minamalas ni Jehova ang mga gawain ng kaniyang may-edad nang mga lingkod? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Ang daigdig sa ngayon, na kilalá sa kawalan ng utang na loob, ay kakaunti ang panahon para sa mga may-edad na. (2 Timoteo 3:1, 2) Kapag naaalaala ang mga may-edad nang ito, kadalasang ito ay dahilan sa kanilang mahuhusay na nagawa noon​—kung ano sila noon, sa halip na kung ano ang sila ngayon. Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.” (Hebreo 6:10) Sabihin pa, naaalaala ng Diyos na Jehova ang iyong nakalipas na rekord ng tapat na mga gawa. Ngunit pinahahalagahan ka rin niya sa iyong patuloy na nagagawa sa paglilingkod sa kaniya. Oo, minamalas niya ang tapat na mga may-edad na bilang mabunga, malusog sa espirituwal, at masisiglang Kristiyano​—isang buháy na patotoo ng kaniyang kapangyarihan.​—Filipos 4:13.

20 Minamalas mo ba ang may-edad nang mga miyembro ng ating kapatirang Kristiyano gaya ng pangmalas ni Jehova sa kanila? Kung oo, mapakikilos ka na ipakita ang iyong pag-ibig sa kanila. (1 Juan 3:18) Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilang praktikal na paraan upang maipakita ang gayong pag-ibig sa pangangalaga sa kanilang mga pangangailangan.

[Talababa]

^ par. 3 Ang bawat kumpol ng datiles ay maaaring may sanlibong indibiduwal na mga bunga at maaaring tumimbang nang walong kilo o higit pa. Tinataya ng isang manunulat na ang “bawat namumungang puno [ng palma] ay makapagluluwal sa buong buhay nito ng dalawa o tatlong tonelada ng datiles bilang gantimpala sa mga may-ari nito.”

Anu-ano ang Iyong Sagot?

• Paano ‘namumunga’ ang mga may-edad na?

• Bakit mahalaga at kapaki-pakinabang ang espirituwal na kalakasan ng mga may-edad nang Kristiyano?

• Paano ‘maisasaysay ng mga may-edad na si Jehova ay matuwid’?

• Bakit pinahahalagahan ni Jehova ang kaniyang matatagal nang lingkod?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 13]

Kung Paano Sila Nanatiling Malusog sa Pananampalataya

Ano ang nakatulong sa matatagal nang Kristiyano upang manatiling malusog sa pananampalataya at upang mapanatili ang kanilang espirituwal na kalakasan? Narito ang sinabi ng ilan:

“Ang pagbabasa ng mga teksto na nagtutuon ng pansin sa ating kaugnayan kay Jehova ay napakahalaga. Sa karamihan ng gabi, sinasariwa ko sa isipan ang Awit 23 at 91.”​—Olive, nabautismuhan noong 1930.

“Tinitiyak kong madaluhan ang bawat pahayag sa bautismo at makinig na mabuti, na para bang bautismo ko mismo iyon. Ang pagpapanatiling sariwa sa aking isipan ng aking pag-aalay ay isang mahalagang hakbang sa pananatiling tapat.”​—Harry, nabautismuhan noong 1946.

“Napakahalaga ng pananalangin sa araw-araw​—na laging hinihiling ang tulong, proteksiyon, at pagpapala ni Jehova, anupat ‘isinasaalang-alang siya sa lahat ng ating landas.’ ” (Kawikaan 3:5, 6)​—Antônio, nabautismuhan noong 1951.

“Ang pakikinig sa mga karanasan ng mga tapat pa ring naglilingkod kay Jehova sa loob ng maraming taon ay nagpapanariwa sa aking determinasyon na manatiling tapat sa kaniya.”​—Joan, nabautismuhan noong 1954.

“Mahalaga na huwag labis na pakaisipin ang sarili. Ang lahat ng taglay natin ay dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Ang pagkakaroon ng ganitong pangmalas ay nagpapanatili sa atin na nakatingin sa tamang direksiyon para sa espirituwal na pagkaing kinakailangan upang makapagbata hanggang sa wakas.”​—Arlene, nabautismuhan noong 1954.

[Larawan sa pahina 11]

Ang mga may-edad na ay nagluluwal ng mahahalagang bunga ng Kaharian

[Larawan sa pahina 14]

Ang espirituwal na kalakasan ng mga may-edad na ay isang kapaki-pakinabang na katangian