Mula sa Madidilim na Bartolina Tungo sa Swiss Alps
Mula sa Madidilim na Bartolina Tungo sa Swiss Alps
AYON SA SALAYSAY NI LOTHAR WALTHER
Pagkatapos kong gumugol ng tatlong mahahabang taon sa madidilim na bartolina ng mga bilangguang Komunista sa Silangang Alemanya, halos hindi ko na mahintay na matikman ang matamis na kalayaan at mainit na pagsasamahan ng aking pamilya.
GAYUNMAN, hindi ako handa sa pagkalitong nabakas sa mukha ng aking anim-na-taóng-gulang na anak na lalaki, si Johannes. Sa nakaraang tatlong taon, hindi niya nakita ang kaniyang ama. Para sa kaniya, ibang tao ako.
Di-tulad ng aking anak, naranasan ko ang maibiging pakikipagsamahan ng aking mga magulang. Namayani ang magiliw na espiritu sa aming tahanan sa Chemnitz, Alemanya, kung saan ako ipinanganak noong 1928. Lantarang ipinahahayag ng tatay ko ang kaniyang di-pagkakontento sa relihiyon. Nagugunita pa niya na noong Digmaang Pandaigdig I, nagbatian ng “Maligayang Pasko” ang mga sundalong “Kristiyano” ng magkabilang panig noong Disyembre 25, at pagkatapos ay muling nagpatayan kinabukasan. Para sa kaniya, ang relihiyon ang sukdulang anyo ng pagpapaimbabaw.
Nahalinhan ng Pananampalataya ang Pagkasiphayo
Mabuti naman at hindi ko naramdaman ang gayong pagkasiphayo. Natapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 17 taóng gulang ako, at muntik na akong makalap sa pagsusundalo. Gayunman, binagabag ako ng nakababalisang mga tanong gaya ng, ‘Bakit napakaraming patayan? Sino ang mapagkakatiwalaan ko? Saan ako makasusumpong ng tunay na katiwasayan?’ Sumailalim sa pamahalaang Sobyet ang Silangang Alemanya, kung saan kami nakatira. Nakaakit sa mga taong nagsawa na sa mga pagsalanta ng digmaan ang mga mithiin ng mga Komunista na katarungan, pagkakapantay-pantay, pagkakaisa, at payapang samahan. Di-magtatagal at marami sa
taimtim na mga indibiduwal na ito ang lubhang masisiphayo—ngayon naman, hindi sa relihiyon, kundi sa pulitika.Sa panahong iyon ng personal kong paghahanap sa makabuluhang mga sagot ipinakipag-usap sa akin ng isa sa mga tiyahin ko, na isa sa mga Saksi ni Jehova, ang tungkol sa kaniyang pananampalataya. Binigyan niya ako ng publikasyong salig sa Bibliya na nagtulak naman sa akin na basahin—sa kauna-unahang pagkakataon—ang buong ika-24 na kabanata ng Mateo. Napahanga ako sa makatuwiran at nakakakumbinsing mga paliwanag sa aklat, na tumukoy sa ating panahon bilang “katapusan ng sistema ng mga bagay” at nagpakilala sa pangunahing sanhi ng mga suliranin ng sangkatauhan.—Mateo 24:3; Apocalipsis 12:9.
Di-nagtagal, tumanggap ako ng mas marami pang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, at habang sabik kong binabasa ang mga iyon, natanto ko na nasumpungan ko na ang katotohanan na marubdob kong hinahanap. Nakapananabik malaman na iniluklok na si Jesu-Kristo sa langit noong 1914 at malapit na niyang supilin ang di-makadiyos na mga elemento upang magpasapit ng mga pagpapala sa masunuring sangkatauhan. Para sa akin, kamangha-mangha ring matuklasan ang malinaw na pagkaunawa sa pantubos. Tinulungan ako nitong bumaling sa Diyos na Jehova sa taos-pusong panalangin, na humihingi ng tawad. Lubha akong naantig sa mabait na paanyaya sa Santiago 4:8: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”
Sa kabila ng nag-uumapaw na pananabik ko sa aking bagong-natagpuang pananampalataya, sa simula’y atubili ang aking mga magulang at ate na tanggapin ang sinabi ko sa kanila. Gayunman, hindi ito nakabawas sa paghahangad kong dumalo sa mga pulong Kristiyano na idinaraos ng isang maliit na grupo ng mga Saksi malapit sa Chemnitz. Laking gulat ko nang sumama ang aking mga magulang at ate ko sa aking unang pagdalo! Taglamig iyon ng 1945/46. Nang maglaon, noong mabuo ang isang grupo sa pag-aaral sa Bibliya sa Harthau, kung saan kami nakatira, nagsimulang dumalo nang regular ang aking pamilya.
“Ako ay Isang Bata Lamang”
Ang pagkaalam sa mahahalagang katotohanan sa Bibliya at ang regular na pakikisama sa bayan ni Jehova ang nag-udyok sa akin na ialay ang aking buhay kay Jehova, at nabautismuhan ako noong Mayo 25, 1946. Labis na ikinasiya ko nang sumulong din sa espirituwal ang mga miyembro ng aking pamilya, at sa paglipas ng panahon, naging tapat na mga Saksi silang tatlo. Aktibong miyembro pa rin ang ate ko sa isa sa mga kongregasyong nasa Chemnitz. Tapat na naglingkod ang aking nanay at tatay hanggang sa kamatayan nila noong 1965 at 1986.
Anim na buwan pagkalipas ng bautismo ko, nagsimula akong maglingkod bilang special pioneer. Ito ang simula ng habang-buhay na paglilingkod “sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” (2 Timoteo 4:2) Di-nagtagal, nabuksan ang bagong mga pagkakataon sa paglilingkod. Nangailangan ng buong-panahong mga ebanghelisador sa isang liblib na dako sa silangang Alemanya. Kami ng isa pang kapatid na lalaki ay nag-aplay para sa atas na ito, ngunit nadama ko na wala akong karanasan o pagkamaygulang para sa gayon kabigat na atas. Yamang 18 lamang ako, nadama ko ang nadama ni Jeremias: “Ay, . . . Jehova! Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” (Jeremias 1:6) Sa kabila ng aking mga pag-aagam-agam, may-kabaitang ipinasiya ng mga kapatid na may mabibigat na pananagutan na bigyan kami ng pagkakataon. Kaya naatasan kami sa Belzig, isang maliit na bayan sa estado ng Brandenburg.
Napakalaking hamon ang mangaral sa teritoryong iyon, subalit naging mahalagang pagsasanay iyon sa akin. Sa paglipas ng panahon, tinanggap ng ilang prominenteng negosyanteng babae ang mensahe ng Kaharian at naging mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang kanilang paninindigan ay salungat sa malalim-na-nakaugat na mga tradisyon at pangamba ng maliit na pamayanang panlalawigan na iyon. Walang-tinag kaming sinalansang kapuwa ng mga klerong Katoliko at Protestante at mapanirang-puring pinaratangan kami dahil sa aming gawaing pangangaral. Ngunit dahil umasa kami kay Jehova para sa patnubay at proteksiyon, natulungan naming yumakap sa katotohanan ang ilang taong interesado.
Mga Tanda ng Tumitinding Di-pagpaparaya
Nagdulot kapuwa ng mga pagpapala at di-inaasahang mga paghihirap ang taóng 1948. Una, nakatanggap ako ng atas bilang payunir sa Rudolstadt, Thuringia. Marami akong nakilalang tapat na mga kapatid doon, at tinamasa ko ang kanilang magiliw na pakikipagsamahan. Isa pang mahalagang pagpapala ang dumating noong Hulyo ng taon ding iyon. Ikinasal kami ni Erika Ullmann, isang tapat at aktibong Kristiyanong babae na kilala ko na mula pa noong nagsimula akong dumalo ng mga pulong sa Kongregasyon ng Chemnitz. Naglingkod kami bilang payunir sa Harthau, ang sarili kong bayan. Gayunman, nang maglaon, hindi na nakapagpatuloy si Erika sa buong-panahong paglilingkod dahil sa mga suliraning pangkalusugan at iba pang dahilan.
Mahihirap na panahon iyon para sa bayan ni Jehova. Kinansela ng Kagawaran ng Paggawa sa Chemnitz ang aking kard para sa rasyon ng pagkain sa pagtatangkang pilitin akong huminto sa gawaing pangangaral at kumuha ng buong-panahong sekular na trabaho. Ginamit ng mga kapatid na may mabibigat na pananagutan ang nangyari sa akin upang humiling ng legal na pagkilala ng Estado. Hindi ito ipinagkaloob, at noong Hunyo 23, 1950, sinentensiyahan akong magmulta o mabilanggo nang 30 araw. Iniapela namin ang pasiya, subalit tinanggihan ng mas mataas na hukuman ang apela, at ipinabilanggo ako.
Pahiwatig pa lamang iyan ng unti-unting paghigpit ng pagsalansang at kapighatian na darating. Wala pang isang buwan, noong Setyembre 1950, pagkatapos maglunsad ng kampanya sa media, ipinagbawal ng rehimeng Komunista ang aming mga gawain. Dahil sa aming mabilis na pagdami at neutral na paninindigan, tinagurian kaming mapanganib na ahensiyang pang-espiya ng Kanluran, na may “kahina-hinalang gawain” at nagpapanggap bilang relihiyon. Sa araw mismo na inilabas ang pagbabawal, ipinanganak ng asawa ko sa bahay ang aming anak na lalaki, si Johannes, habang nasa bilangguan ako. Sa kabila ng mga pagtutol ng komadrona, sapilitang pumasok ang mga opisyal ng State Security sa aming apartment at naghalughog ng ebidensiya para patunayan ang kanilang mga paratang. Sabihin pa, wala silang nakuha. Magkagayunman, nagtagumpay silang maglagay ng espiya sa aming kongregasyon. Umakay ito sa pagdakip sa lahat ng mga kapatid na may mabibigat na pananagutan, kasali na ako, noong Oktubre 1953.
Sa Madidilim na Bartolina
Pagkatapos mahatulang nagkasala at masentensiyahan ng tatlo hanggang anim na taon, isinama kami sa ilang mga kapatid namin sa maruruming bartolina sa Osterstein Castle, sa Zwickau. Sa kabila ng karima-rimarim na mga kalagayan doon,
isang tunay na kagalakan ang makasalamuha ang mga kapatid na maygulang. Ang aming kawalan ng kalayaan ay hindi nangahulugan ng kawalan ng espirituwal na pagkain. Bagaman hinahamak at ipinagbabawal ng rehimen, nakalusot Ang Bantayan sa bilangguan at sa mga selda pa nga namin mismo! Paano?Pinagtrabaho ang ilang mga kapatid sa mga minahan ng karbon, kung saan nakatagpo nila ang mga Saksi mula sa labas na nagbigay sa kanila ng mga magasin. Palihim na dinadala naman ng mga kapatid ang mga magasin sa bilangguan at dahil lamang sa pagiging mapamaraan, naipapasa nila sa amin ang espirituwal na pagkain na kailangang-kailangan. Tuwang-tuwa ako at lubhang napatibay na maranasan ang pangangalaga at patnubay ni Jehova sa ganitong paraan!
Sa pagtatapos ng 1954, inilipat kami sa bilangguan sa Torgau na may napakasamang reputasyon. Natuwa ang mga Saksi roon na makasama kami. Bago pa noon, nanatili silang malakas sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-ulit ng mga naaalaala nila sa lumang mga isyu ng Ang Bantayan. Gayon na lamang ang pag-asam nila sa bagong suplay ng espirituwal na pagkain! Tungkulin naman namin ngayon na ibahagi sa kanila ang mga punto na napag-aralan namin sa Zwickau. Subalit paano namin gagawin iyon yamang mahigpit kaming pinagbawalan na huwag makipag-usap sa isa’t isa habang naglalakad-lakad kami sa araw-araw? Buweno, binigyan kami ng mga kapatid ng napakahalagang mga mungkahi kung ano ang gagawin, at ang makapangyarihan at mapagsanggalang na kamay ni Jehova ang pumatnubay sa amin. Itinuro nito sa amin ang kahalagahan ng masikap na pag-aaral sa Bibliya at pagbubulay-bulay habang may kalayaan at pagkakataon kaming gawin iyon.
Panahon Para sa Mahahalagang Pasiya
Sa tulong ni Jehova, nanatili kaming di-natitinag. Laking gulat namin nang pagkalooban ng amnestiya ang ilan sa amin sa dulo ng 1956. Hindi mailarawan ang aming kaligayahan nang mabuksan ang mga pinto ng bilangguan! Nang panahong iyon ay anim na taóng gulang na ang anak ko, at isang napakalaking kagalakan sa akin na makasamang muli ang aking kabiyak at tumulong sa pagpapalaki ng aming anak. Itinuring akong parang ibang tao ni Johannes sa loob ng maikling panahon, subalit di-nagtagal, nabuo ang mainit na buklod sa pagitan naming dalawa.
Napaharap ang mga Saksi ni Jehova sa Silangang Alemanya sa napakahirap na panahon. Ang tumitinding poot sa aming ministeryong Kristiyano at sa aming neutral na paninindigan ay nangahulugan ng pamumuhay namin sa ilalim ng walang-humpay na pagkatakot—isang buhay na lipos ng panganib, kabalisahan, at pagkapagod. Kaya naman, maingat at may-pananalangin naming sinuri ni Erika ang aming situwasyon, at naipasiya naming kailangan naming lumipat para makapamuhay sa mas kaayaayang mga kalagayan upang hindi manlupaypay dahil sa pangamba. Nais naming maging malaya sa paglilingkod kay Jehova at sa pagtataguyod ng espirituwal na mga tunguhin.
Noong tagsibol ng 1957, nabuksan ang pagkakataong makalipat kami sa Stuttgart, Kanlurang Alemanya. Hindi ipinagbabawal ang gawaing pag-eebanghelyo roon, at malaya naming makakasalamuha ang aming mga kapatid. Nag-umapaw ang maibiging pagsuporta nila. Pitong taon kaming umugnay sa kongregasyon sa Hedelfingen. Sa mga taóng iyon, pumasok sa paaralan ang aming anak at sumulong nang husto sa katotohanan. Noong Setyembre 1962, nagkapribilehiyo akong dumalo sa Kingdom Ministry School sa Wiesbaden. Pinasigla ako roong lumipat kasama ng pamilya ko upang maglingkod kung saan kailangan ang mga guro sa Bibliya na nagsasalita ng Aleman. Kabilang dito ang ilang lugar sa Alemanya at Switzerland.
Sa Swiss Alps
Kaya naman, lumipat kami sa Switzerland noong 1963. Inatasan kaming gumawa kasama ng isang maliit na kongregasyon sa Brunnen, sa magandang Lawa ng Lucerne, sa gitnang bahagi ng Swiss Alps. Para sa amin, waring nasa paraiso kami. Kinailangan naming masanay sa diyalektong Aleman na ginagamit doon, sa lokal na paraan ng pamumuhay, at sa mentalidad ng mga tao roon. Gayunman, ikinagalak naming gumawa at mangaral sa gitna ng mga taong maibigin sa kapayapaan. Labing-apat na taon kami sa Brunnen. Doon na lumaki ang aming anak.
Noong 1977, nang halos 50 na ako, nakatanggap kami ng paanyayang maglingkod sa Swiss Bethel sa Thun. Itinuring naming di-inaasahang pribilehiyo Awit 9:1.
iyon at tinanggap namin iyon taglay ang malaking pagpapahalaga. Kaming mag-asawa ay gumugol ng siyam na taon sa paglilingkod sa Bethel, na ginugunita namin bilang mahalagang yugto sa aming buhay Kristiyano at personal na pag-unlad sa espirituwal. Nasiyahan din kaming mangaral kasama ng lokal na mga mamamahayag sa Thun at sa mga dakong kalapit nito, na palaging natatanaw ang “mga kamangha-manghang gawa” ni Jehova, ang mariringal na kabundukan ng Bernese Alps na nababalutan ng niyebe.—Muling Paglipat
Ang sumunod naming paglipat ay noong unang mga buwan ng 1986. Hinilingan kaming maglingkod bilang mga special pioneer sa napakalaking teritoryo na nakaatas sa Kongregasyon ng Buchs sa silangang bahagi ng Switzerland. Muli, kinailangan naming makibagay sa naiibang paraan ng pamumuhay. Gayunman, udyok ng aming pagnanais na maglingkod kay Jehova saanman kami mapakikinabangan nang husto, binalikat namin ang bagong atas na ito nang may pagpapala niya. Paminsan-minsan, ako’y humahalili sa naglalakbay na mga tagapangasiwa, dumadalaw at nagpapatibay sa mga kongregasyon. Labingwalong taon na ang lumipas, at marami kaming naging maliligayang karanasan sa pangangaral sa lugar na ito. Lumaki na ang kongregasyon sa Buchs, at nagagalak kaming magpulong sa isang magandang Kingdom Hall, na inialay limang taon na ang nakalilipas.
Bukas-palad kaming pinaglaanan ni Jehova. Ang kalakhang bahagi ng aming buhay ay ginugol namin sa buong-panahong ministeryo, ngunit hindi kami nagkulang ng anuman. Kagalakan at kasiyahan naming makita ang aming anak, ang kaniyang kabiyak, at ang kanilang mga anak, gayundin ang mga pamilya ng aming mga apo, na tapat na lumalakad sa daan ni Jehova.
Sa pagbabalik-tanaw, nadarama kong walang-pagsalang pinaglingkuran namin si Jehova “sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” Ang pagsisikap ko sa ministeryong Kristiyano ay nagdala sa akin mula sa madidilim na bartolina ng mga bilangguang Komunista tungo sa mariringal na kabundukan ng Swiss Alps. Kahit isang sandali ay hindi namin ito pinagsisihan ng aking pamilya.
[Kahon sa pahina 28]
Nanindigang Matatag sa Ilalim ng Pag-uusig ang “Dalawang Beses na mga Biktima”
Sa ilalim ng German Democratic Republic (GDR), na kilala rin bilang Silangang Alemanya, naging tampulan ng malupit na paniniil ang mga Saksi ni Jehova. Ipinakikita ng mga ulat na mahigit sa 5,000 Saksi ang ipinadala sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho at bilangguan dahil sa kanilang Kristiyanong ministeryo at neutralidad.—Isaias 2:4.
Inilarawan ang ilan sa kanila bilang “dalawang beses na mga biktima.” Ibinilanggo sa mga kampong piitan at bilangguan ng Nazi ang humigit-kumulang 325 sa kanila. Pagkatapos, noong mga taon ng dekada ng 1950, pinaghahanap at ibinilanggo naman sila ng Stasi, ang State Security Service ng GDR. Maging ang ilang bilangguan ay dalawang beses ginamit—bilang mga bilangguan ng mga Nazi muna at pagkatapos naman bilang mga bilangguan ng Stasi.
Noong unang dekada ng matinding pag-uusig, mula 1950 hanggang 1961, may kabuuang bilang na 60 Saksi—mga lalaki at babae—ang namatay sa bilangguan dahil sa pagmamaltrato, malnutrisyon, sakit, at katandaan. Sinentensiyahan ng habang-buhay na pagkabilanggo ang 12 Saksi na sa bandang huli ay pinaikli at naging 15 taon.
Sa ngayon, sa dating mga himpilan ng Stasi sa Berlin, may permanenteng eksibit na nagtatampok ng 40 taon ng opisyal na pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Silangang Alemanya. Ang mga larawan at personal na mga salaysay na nakadispley roon ay nagbibigay ng tahimik na patotoo sa tapang at espirituwal na lakas ng mga Saksing ito na naging tapat sa ilalim ng pag-uusig.
[Mapa sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SILANGANG ALEMANYA
Rudolstadt
Belzig
Torgau
Chemnitz
Zwickau
[Larawan sa pahina 25]
Ang Osterstein Castle, sa Zwickau
[Credit Line]
Fotosammlung des Stadtarchiv Zwickau, Deutschland
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ang aking kabiyak, si Erika