‘Tumawid Ka at Tulungan Mo Kami’
‘Tumawid Ka at Tulungan Mo Kami’
NOONG Hulyo 2000, isang panawagan ang ginawa sa Alemanya, Austria, at Switzerland para sa mga Saksing nagsasalita ng Aleman na lumipat sa Bolivia. Bakit? Ito ay dahil sa nagpapakita ng masidhing interes sa Bibliya ang mga Mennonita na nagsasalita ng Aleman na nakatira sa liblib na mga kolonyang sakahan na nasa layong hanggang 300 kilometro sa palibot ng Santa Cruz, Bolivia.
Mga 140 Saksi ang tumugon sa paanyaya. Ang ilan ay nanatili roon sa loob ng ilang linggo, ang iba naman ay sa loob ng isang taon o higit pa. Sa paggawa nito, ipinamalas nila ang saloobin na katulad ng sa unang-siglong mga misyonero na tumugon sa panawagan na: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.”—Gawa 16:9, 10.
Paano kaya magpatotoo sa teritoryong iyon? Isang elder sa kongregasyon doon ang nagpaliwanag: “Ang paglalakbay patungo sa isa sa 43 kolonya ng mga Mennonita ay maaaring umabot nang hanggang walong oras sa di-sementadong mga daan lulan ng four-wheel-drive na sasakyan. Ang pagdalaw sa mas malalayong lugar ay kadalasang nangangailangan ng apat na araw na biyahe at pagtulog sa mga tolda nang ilang gabi. Pero sulit naman talaga ang pagsisikap, dahil wala pang sinuman sa mga taong ito ang nakarinig ng mabuting balita.”
Noong una, marami sa mga Mennonita ang hindi natuwa sa mga pagdalaw. Ngunit ang paulit-ulit na mga pagsisikap ay nakatulong sa kanila na mapahalagahan ang maipagkakaloob ng mga Saksi. Halimbawa, sinabi ng isang magsasaka na isang taon na siyang nagbabasa ng magasing Gumising! Pagkatapos ay idinagdag niya: “Alam kong maraming tao rito ang hindi sumasang-ayon sa sinasabi ninyo, ngunit naniniwala akong ito ang katotohanan.” Sa isa pang kolonya, isang lalaki ang nagsabi: “Sinasabi ng ilan sa mga kapitbahay ko na kayo ay huwad na mga propeta, sinasabi naman ng iba na nasa inyo ang katotohanan. Gusto kong malaman mismo kung ano ang totoo.”
Mayroon na ngayong isang kongregasyong gumagamit ng wikang Aleman sa Bolivia, na may 35 mamamahayag, kasama na ang 14 na buong-panahong ebanghelisador. Sa kasalukuyan, 14 na dating Mennonita ang naging mga tagapaghayag ng Kaharian, at 9 na iba pa ang regular na dumadalo sa mga pulong. Isang may-edad nang lalaki na nabautismuhan kamakailan ang nagsabi: “Maliwanag naming nakikita ang pangunguna ni Jehova. Nagpadala siya ng mga kapatid na makaranasan at nagsasalita ng Aleman para tulungan kami. Lubos kaming nagpapasalamat.” Ganito pa ang sinabi ng 17-taóng-gulang na anak na babae ng lalaking ito, na bautisado rin: “Ang sigla ng mga kabataang kapatid na pumunta rito ay nakahahawa. Karamihan sa kanila ay mga payunir, na gumugugol ng kanilang panahon at salapi para tulungan ang iba. Gusto ko silang tularan.”
Tunay nga, yaong mga nagsikap na “tumawid” upang tumulong ay umaani ng malaking kagalakan at kasiyahan.