Ang mga Himala ni Jesus—Totoo Ba o Kathang-Isip?
Ang mga Himala ni Jesus—Totoo Ba o Kathang-Isip?
“ANG mga tao ay nagdala sa kaniya [kay Jesu-Kristo] ng maraming tao na inaalihan ng demonyo; at pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng isang salita, at pinagaling niya ang lahat ng mga nasa masamang kalagayan.” (Mateo 8:16) “Bumangon siya [si Jesus] at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat: ‘Tigil! Tumahimik ka!’ At tumigil ang hangin, at nagkaroon ng lubos na katahimikan.” (Marcos 4:39) Paano mo minamalas ang mga pangungusap na ito? Naniniwala ka ba na ang inilalarawan ng mga ito ay totoo at makasaysayang mga pangyayari, o iniisip mong mga alegoriya at alamat lamang ang mga ito?
Marami sa ngayon ang may seryosong pag-aalinlangan kung makasaysayan ang mga himala ni Jesus. Ang panahong ito ng teleskopyo at mikroskopyo, ng paggagalugad sa kalawakan at henetikong inhinyeriya, ay waring walang dako para sa mga ulat ng mga himala at kababalaghan.
Iniisip ng ilan na ang mga ulat ng mga himala ay likhang-isip o mga alegoriya. Ayon sa manunulat ng aklat na nag-aangking sumusuri sa “tunay” na Jesus, ang mga kuwento tungkol sa mga himala ni Kristo ay walang iba kundi “mga pakana sa pagbebenta” upang palaganapin ang Kristiyanismo.
Minamalas naman ng iba ang mga himala ni Jesus bilang tahasang mga pandaraya. Sinasabi pa nga kung minsan na si Jesus mismo ay nanlinlang. Ayon kay Justin Martyr ng ikalawang siglo C.E., ang mga kritiko ni Jesus ay “nangahas pa ngang tawagin siyang mahiko at manlilinlang ng mga tao.” Inaangkin ng ilan na “hindi ginawa [ni Jesus] ang kaniyang mga himala bilang propetang
Judio, kundi bilang mahiko, isa na sinanay sa paganong mga templo.”Pagbibigay-Katuturan sa Pagiging Imposible
Baka maisip mo na sa likod ng gayong mga pag-aalinlangan, may saligang dahilan kung bakit nag-aatubiling maniwala ang mga tao sa mga himala. Talagang nahihirapan lamang silang maniwala, o baka imposible pa nga para sa kanila, na maaaring may mga puwersang sobrenatural na makagagawa ng gayong mga himala. “Wala talagang nangyayaring mga himala—tapós,” ang sabi ng isang kabataan na tinatawag ang kaniyang sarili na agnostiko. Pagkatapos ay sinipi niya ang mga salita ng ika-18 siglong pilosopo na taga-Scotland na si David Hume, na sumulat: “Ang himala ay paglabag sa mga batas ng kalikasan.”
Gayunman, marami ang nagpapakaingat sa paggiit na imposible ang isang partikular na pangyayari. Tinatawag ng The World Book Encyclopedia ang himala bilang “pangyayari na hindi maipaliliwanag sa pamamagitan ng kilalang mga batas ng kalikasan.” Batay sa katuturang iyan, ang paglalakbay sa kalawakan, komunikasyon na hindi gumagamit ng kawad, at paglalayag ng mga satelayt ay magmimistulang “mga himala” para sa karamihan ng tao mga ilang siglo lamang ang nakalilipas. Tiyak na hindi katalinuhang igiit na imposible ang mga himala dahil lamang sa hindi natin maipaliwanag ang mga ito ayon sa kasalukuyang kaalaman.
Kung susuriin natin ang ilan sa mga katibayan sa Kasulatan na may kinalaman sa mga himalang ipinalalagay na ginawa ni Jesu-Kristo, ano ang matutuklasan natin? Totoo ba o kathang-isip lamang ang mga himala ni Jesus?