Nakasusumpong Ka ba ng Kaluguran sa “Kautusan ni Jehova”?
Nakasusumpong Ka ba ng Kaluguran sa “Kautusan ni Jehova”?
Maligaya ang taong . . . ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova.”—AWIT 1:1, 2.
1. Bakit tayo maligaya bilang mga lingkod ni Jehova?
INAALALAYAN at pinagpapala tayo ni Jehova bilang kaniyang matapat na mga lingkod. Totoo, napapaharap tayo sa maraming pagsubok. Subalit nagtatamasa rin tayo ng tunay na kaligayahan. Hindi ito kataka-taka, sapagkat naglilingkod tayo sa “maligayang Diyos,” at ang kaniyang banal na espiritu ay nagdudulot ng kagalakan sa ating puso. (1 Timoteo 1:11; Galacia 5:22) Ang kagalakan ay isang kalagayan ng tunay na kaligayahan na nagmumula sa pag-asam o pagtatamo ng isang bagay na mabuti. At talaga namang binibigyan tayo ng ating makalangit na Ama ng mabubuting kaloob. (Santiago 1:17) Hindi nga kataka-taka na tayo ay maligaya!
2. Aling mga awit ang tatalakayin natin?
2 Ang kaligayahan ay itinatampok sa aklat ng Mga Awit. Halimbawa, itinatampok ito sa Awit 1 at 2. Sinasabi ng sinaunang mga tagasunod ni Jesu-Kristo na si Haring David ng Israel ang sumulat ng ikalawang awit. (Gawa 4:25, 26) Sinimulan ng di-binanggit-ang-pangalan na kompositor ng unang awit ang kaniyang kinasihang awitin sa mga salitang: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot.” (Awit 1:1) Sa artikulong ito at sa susunod, tingnan natin kung paano nagbibigay sa atin ang Awit 1 at 2 ng dahilan para magsaya.
Ang Lihim ng Kaligayahan
3. Ayon sa Awit 1:1, ano ang ilang dahilan kung bakit maligaya ang isang makadiyos na tao?
3 Ipinakikita ng Awit 1 kung bakit maligaya ang isang makadiyos na tao. Sa pagbibigay ng ilang dahilan ng gayong kaligayahan, umawit ang salmista: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot, at sa daan ng mga makasalanan ay hindi tumatayo, at sa upuan ng mga manunuya ay hindi umuupo.”—Awit 1:1.
4. Anong huwarang landasin ang itinaguyod nina Zacarias at Elisabet?
4 Upang maging tunay na maligaya, kailangan tayong sumunod sa matutuwid na kahilingan ni Jehova. Sina Zacarias at Elisabet, na nagkaroon ng maligayang pribilehiyo na maging mga magulang ni Juan na Tagapagbautismo, ay “matuwid sa harap ng Diyos dahil sa paglakad nang walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at mga kahilingan ng batas ni Jehova.” (Lucas 1:5, 6) Magiging maligaya tayo kung itataguyod natin ang gayunding landasin at matatag na tatangging ‘lumakad sa payo ng mga balakyot’ o magpaakay sa kanilang di-makadiyos na payo.
5. Ano ang makatutulong sa atin na iwasan ang “daan ng mga makasalanan”?
5 Kung itatakwil natin ang pag-iisip ng mga balakyot, hindi tayo ‘tatayo sa daan ng mga makasalanan.’ Sa katunayan, literal na hindi tayo masusumpungan kung saan sila madalas makita—sa mga dako ng imoral na paglilibang o na may masamang reputasyon. Paano kung natutukso tayong sumama sa mga makasalanan sa kanilang di-makakasulatang paggawi? Kung gayon, idalangin natin na tulungan tayo ng Diyos na kumilos kasuwato ng mga salita ni apostol Pablo: “Huwag 2 Corinto 6:14) Kung magtitiwala tayo sa Diyos at “dalisay ang [ating] puso,” tatanggihan natin ang espiritu at istilo ng pamumuhay ng mga makasalanan at magkakaroon tayo ng malinis na motibo at hangarin, lakip na ang “pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—Mateo 5:8; 1 Timoteo 1:5.
kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?” (6. Bakit tayo dapat maging mapagbantay may kaugnayan sa mga manunuya?
6 Upang mapalugdan si Jehova, tiyak na ‘hindi tayo dapat maupo sa upuan ng mga manunuya.’ Tinutuya ng ilan ang mismong pagiging makadiyos, ngunit sa “mga huling araw” na ito, ang dating mga Kristiyano na naging mga apostata ay kadalasan nang lalong mapanghamak sa kanilang panunuya. Nagbabala si apostol Pedro sa mga kapananampalataya: “Mga minamahal, . . . alamin muna ninyo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’” (2 Pedro 3:1-4) Kung hindi tayo kailanman ‘uupo sa upuan ng mga manunuya,’ maiiwasan natin ang kapahamakang tiyak na sasapit sa kanila.—Kawikaan 1:22-27.
7. Bakit natin dapat isapuso ang mga salita ng Awit 1:1?
7 Malibang isapuso natin ang pambungad na mga pananalita ng Awit 1, maaari nating maiwala ang espirituwalidad na natamo natin sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kasulatan. Sa katunayan, baka lalo pa ngang lumala ang ating kalagayan. Ang ating espirituwal na pagbagsak ay maaaring magsimula kung susundin natin ang payo ng balakyot. Pagkatapos, maaaring palagi na tayong nakikisama sa kanila. Di-magtatagal, maaari pa nga tayong maging walang-pananampalataya at manunuyang mga apostata. Maliwanag, ang pakikipagkaibigan sa mga balakyot ay maaaring magtaguyod sa atin ng isang di-makadiyos na espiritu at maaaring makasira sa kaugnayan natin sa Diyos na Jehova. (1 Corinto 15:33; Santiago 4:4) Huwag na huwag nawa nating pahihintulutang mangyari iyan sa atin!
8. Ano ang tutulong sa atin na mapanatiling nakatutok ang ating isipan sa espirituwal na mga bagay?
8 Tutulungan tayo ng panalangin na mapanatiling nakatutok ang ating isipan sa espirituwal na mga bagay at maiwasan ang pakikipagsamahan sa mga balakyot. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” ang isinulat ni Pablo, “kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang Filipos 4:6-8) Kumilos tayo kasuwato ng payo ni Pablo at huwag kailanman ibaba ang ating sarili kapantay ng mga balakyot.
kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Hinihimok tayo ng apostol na isaalang-alang ang mga bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri. (9. Bagaman iniiwasan natin ang balakyot na mga gawain, paano natin sinisikap na tulungan ang lahat ng uri ng mga tao?
9 Bagaman itinatakwil natin ang balakyot na mga gawain, mataktika naman tayong nagpapatotoo sa iba, kung paanong si apostol Pablo ay nagsalita sa Romanong gobernador na si Felix “tungkol sa katuwiran at pagpipigil sa sarili at sa paghatol na darating.” (Gawa 24:24, 25; Colosas 4:6) Ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng uri ng mga tao, at pinakikitunguhan natin sila sa mabait na paraan. Nagtitiwala tayo na yaong “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ay magiging mga mananampalataya at malulugod sa kautusan ng Diyos.—Gawa 13:48.
Nalulugod Siya sa Kautusan ni Jehova
10. Ano ang tutulong upang maikintal sa ating isip at puso ang mga natututuhan sa mga panahon ng personal na pag-aaral?
10 Hinggil sa maligayang tao, sinabi pa ng salmista: “Ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:2) Bilang mga lingkod ng Diyos, tayo ay ‘nalulugod sa kautusan ni Jehova.’ Kung posible, sa mga panahon ng personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay, maaari tayong magbasa “nang pabulong,” anupat binibigkas ang mga salita. Ang paggawa nito kapag nagbabasa ng anumang bahagi ng Kasulatan ay tutulong sa atin na maikintal ito sa ating isip at puso.
11. Bakit natin dapat basahin ang Bibliya “araw at gabi”?
11 Pinasisigla tayo ng “tapat at maingat na alipin” na basahin ang Bibliya araw-araw. (Mateo 24:45) Dahil sa masidhing pagnanais na maging higit na pamilyar sa mensahe ni Jehova para sa sangkatauhan, makabubuting basahin natin ang Bibliya “araw at gabi”—oo, maging kung hindi tayo makatulog sa anumang kadahilanan. Hinimok tayo ni Pedro: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki kayo tungo sa kaligtasan.” (1 Pedro 2:1, 2) Nakasusumpong ka ba ng kaluguran sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw at sa pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at sa kaniyang mga layunin sa gabi? Gayon ang nadama ng salmista.—Awit 63:6.
12. Ano ang gagawin natin kung nalulugod tayo sa kautusan ni Jehova?
12 Ang ating walang-hanggang kaligayahan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng kaluguran sa kautusan ng Diyos. Ito ay sakdal at matuwid, at may malaking gantimpala sa pag-iingat dito. (Awit 19:7-11) Sumulat ang alagad na si Santiago: “Siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay hindi isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.” (Santiago 1:25) Kung talagang nalulugod tayo sa kautusan ni Jehova, hindi lilipas ang isang araw nang hindi natin isinasaalang-alang ang espirituwal na mga bagay. Tunay nga, magaganyak tayong ‘saliksikin ang malalalim na bagay ng Diyos’ at unahin ang mga kapakanan ng Kaharian sa ating buhay.—1 Corinto 2:10-13; Mateo 6:33.
Siya ay Magiging Tulad ng Isang Punungkahoy
13-15. Sa anong diwa tayo maaaring maging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng saganang bukal ng tubig?
13 Sa karagdagan pang paglalarawan sa taong matuwid, sinabi ng salmista: “Siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:3) Tulad ng lahat ng iba pang di-sakdal na mga tao, tayo na naglilingkod kay Jehova ay nakararanas ng mahihirap na kalagayan sa buhay. (Job 14:1) Maaari tayong dumanas ng pag-uusig at ng iba pang mga pagsubok na may kaugnayan sa ating pananampalataya. (Mateo 5:10-12) Subalit sa tulong ng Diyos ay matagumpay nating nababata ang mga pagsubok na ito, kung paanong natatagalan ng malusog na punungkahoy ang maituturing na malalakas na hangin.
14 Ang isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng walang-patid na bukal ng tubig ay hindi natutuyot sa mainit na panahon o sa panahon ng tagtuyot. Kung tayo ay mga indibiduwal na may takot sa Diyos, ang ating lakas ay nagmumula sa isang walang-patid na Bukal—ang Diyos na Jehova. Umasa si Pablo sa Diyos para sa tulong kung kaya masasabi niya: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya [kay Jehova] na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Kapag tayo ay inaakay at pinalalakas sa espirituwal ng banal na espiritu ni Jehova, hindi tayo natutuyot, anupat nagiging di-mabunga o patay sa espirituwal. Mabunga tayo sa paglilingkod sa Diyos at nagpapamalas din ng mga bunga ng kaniyang espiritu.—Jeremias 17:7, 8; Galacia 5:22, 23.
15 Sa paggamit ng salitang Hebreo na isinaling “tulad,” ginamit ng salmista ang isang simile. Pinaghahambing niya ang dalawang bagay na magkaiba, pero magkatulad sa isang partikular na kalidad. Magkaiba ang mga tao at mga punungkahoy, ngunit ang pagiging mayabong ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng saganang bukal ng tubig ay maliwanag na nagpaalaala sa salmista ng espirituwal na kasaganaan ng mga ‘nalulugod sa kautusan ni Jehova.’ Kung nalulugod tayo sa kautusan ng Diyos, ang ating mga araw ay maaaring maging tulad niyaong sa isang punungkahoy. Sa katunayan, maaari tayong mabuhay magpakailanman.—Juan 17:3.
16. Bakit at paanong ‘ang lahat ng ating gawin ay magtatagumpay’?
16 Habang itinataguyod natin ang isang matuwid na landasin, tinutulungan tayo ni Jehova na makayanan ang bigat ng mga pagsubok at mahihirap na kalagayan. Tayo ay maligaya at mabunga sa paglilingkod sa Diyos. (Mateo 13:23; Lucas 8:15) ‘Ang lahat ng ating gawin ay magtatagumpay’ dahil ang ating pangunahing tunguhin ay gawin ang kalooban ni Jehova. Yamang laging nagtatagumpay ang kaniyang mga layunin at nalulugod tayo sa kaniyang mga utos, nananagana tayo sa espirituwal. (Genesis 39:23; Josue 1:7, 8; Isaias 55:11) Totoo ito kahit na napapaharap tayo sa mga kagipitan.—Awit 112:1-3; 3 Juan 2.
Ang Balakyot ay Waring Nananagana
17, 18. (a) Sa ano itinulad ng salmista ang balakyot? (b) Kahit na managana sa materyal ang balakyot, bakit wala silang namamalaging katiwasayan?
17 Kaylaki nga ng pagkakaiba ng kalagayan ng balakyot at ng matuwid! Ang mga balakyot ay waring nananagana sa materyal na paraan sa loob ng ilang panahon, ngunit hindi sila nananagana sa espirituwal. Maliwanag ito mula sa karagdagang mga pananalita ng salmista: “Ang mga balakyot ay hindi gayon, kundi gaya ng ipa na itinataboy ng hangin. Kaya naman ang mga balakyot ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapulungan ng mga matuwid.” (Awit 1:4, 5) Pansinin na sinabi ng salmista, “ang mga balakyot ay hindi gayon.” Ang ibig niyang sabihin ay hindi sila tulad ng makadiyos na mga tao, na katatapos lamang ihambing sa mabunga at mahaba ang buhay na mga punungkahoy.
18 Kahit na managana sa materyal ang mga balakyot, wala silang namamalaging katiwasayan. (Awit 37:16; 73:3, 12) Katulad sila ng di-makatuwirang taong mayaman na binanggit ni Jesus sa isang ilustrasyon nang hilingan siyang mamagitan sa isang bagay na may kaugnayan sa mana. Sinabi ni Jesus sa mga naroroon: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” Inilarawan ni Jesus ang puntong ito sa pagsasabing ang lupain ng isang taong mayaman ay nagbunga nang sagana anupat nagplano siyang gibain ang kaniyang mga kamalig at magtayo ng mas malalaki pa upang magkasya ang lahat ng kaniyang mabubuting bagay. Nagplano ang taong iyon na kumain, uminom, at magpakasaya. Ngunit sinabi ng Diyos: “Ikaw na di-makatuwiran, sa gabing ito ay hihingin nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Kung gayon, sino kaya ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?” Upang idiin ang kaniyang mapuwersang punto, idinagdag ni Jesus: “Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:13-21.
19, 20. (a) Ilarawan ang sinaunang proseso ng paggigiik at pagtatahip. (b) Bakit inihalintulad ang mga balakyot sa ipa?
19 Ang balakyot ay hindi “mayaman sa Diyos.” Kaya naman, wala silang katiwasayan at katatagan na gaya ng ipa, ang manipis na balat ng mga butil. Pagkatapos anihin ang butil noong sinaunang panahon, dinadala ito sa giikan, isang patag na dako na kadalasang nasa mataas na lugar. Doon, ang mga kareta na may matalim na bato o bakal na ngipin sa ilalim ay hinihila ng mga hayop para durugin ang mga tangkay at palabasin ang mga butil sa ipa. Pagkatapos, ginagamit ang isang palang pantahip para ihagis sa hangin ang giniik. (Isaias 30:24) Bumabagsak sa sahig ng giikan ang mga butil, samantalang tinatangay naman ng hangin ang dayami sa tabi at gayundin hinihipan palayo ang ipa. (Ruth 3:2) Pagkatapos bistayin ang mga butil para alisin ang maliliit na bato at iba pang dumi, handa na itong itago o gilingin. (Lucas 22:31) Pero naalis na ang ipa.
20 Kung paanong ang mga butil ay bumabagsak sa lupa at naiingatan habang ang ipa naman ay hinihipan palayo, gayundin naman mananatili ang matuwid at aalisin ang balakyot. Gayunman, tiyak na maligaya tayo na ang gayong mga manggagawa ng kasamaan ay malapit nang maglaho magpakailanman. Kapag wala na sila, ang mga taong nalulugod sa kautusan ni Jehova ay lubusang pagpapalain. Sa katunayan, tatanggap sa dakong huli ang masunuring mga tao ng kaloob ng Diyos na buhay na walang hanggan.—Mateo 25:34-46; Roma 6:23.
Ang Pinagpalang “Lakad ng mga Matuwid”
21. Paano ‘inaalam ni Jehova ang mga matuwid’?
21 Ang unang awit ay nagtatapos sa mga salitang ito: “Inaalam ni Jehova ang lakad ng mga matuwid, ngunit ang lakad ng mga balakyot ay papanaw.” (Awit 1:6) Paano ‘inaalam ng Diyos ang mga matuwid’? Buweno, kung itinataguyod natin ang isang matuwid na landasin, makatitiyak tayo na napapansin ng ating makalangit na Ama ang ating makadiyos na buhay at minamalas niya tayo bilang kaniyang sinang-ayunang mga lingkod. Sa gayon, maaari at dapat nating ihagis ang lahat ng ating kabalisahan sa kaniya taglay ang pananalig na talagang nagmamalasakit siya sa atin.—Ezekiel 34:11; 1 Pedro 5:6, 7.
22, 23. Ano ang mangyayari sa balakyot at sa matuwid?
22 “Ang lakad ng mga matuwid” ay mananatili magpakailanman, ngunit ang di-magbabagong mga taong balakyot ay maglalaho dahil sa masamang hatol ni Jehova. At ang kanilang “lakad,” o landasin ng buhay, ay magwawakas kasama nila. Makapagtitiwala tayo sa katuparan ng mga salita ni David: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:10, 11, 29.
23 Kaylaking kaligayahan ang mararanasan natin kung magkapribilehiyo tayong mabuhay sa isang paraisong lupa kapag ang mga balakyot ay wala na! Sa gayo’y tatamasahin ng mga maamo at matuwid ang tunay na kapayapaan sapagkat lagi silang makasusumpong ng kaluguran sa “kautusan ni Jehova.” Gayunman, bago mangyari iyon, “ang batas ni Jehova” ay kailangan munang ipatupad. (Awit 2:7a) Tutulungan tayo ng susunod na artikulo na makita kung ano ang batas na iyan at kung ano ang magiging kahulugan nito para sa atin at para sa buong pamilya ng tao.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit maligaya ang isang makadiyos na tao?
• Ano ang nagpapakitang nakasusumpong tayo ng kaluguran sa kautusan ni Jehova?
• Paanong ang isang indibiduwal ay maaaring maging katulad ng isang punungkahoy na nadidiligang mabuti?
• Paano naiiba ang lakad ng matuwid mula sa balakyot?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 11]
Tutulungan tayo ng panalangin na maiwasan ang pakikipagsamahan sa mga balakyot
[Larawan sa pahina 12]
Bakit katulad ng isang punungkahoy ang isang taong matuwid?