Ang Paghahanap ng Kaligayahan
Ang Paghahanap ng Kaligayahan
ILANG taon na ang nakalilipas, ang mga tao sa Pransiya, Alemanya, Gran Britanya, at Estados Unidos ay tinanong, “Ano ang makapagpapaligaya sa iyo?” Sa mga kinapanayam, 89 na porsiyento ang nagsabi na mahalagang salik ang mabuting kalusugan; binanggit ng 79 na porsiyento ang kasiya-siyang pag-aasawa o pagsasama; tinukoy ng 62 porsiyento ang mga gantimpala ng pagiging magulang; at inisip ng 51 porsiyento na matagumpay na propesyon ang kailangan upang lumigaya. At bagaman karaniwan nang itinuturo sa mga tao na hindi nagdudulot ng kaligayahan ang salapi, 47 porsiyento ng mga kinapanayam ang kumbinsido na ito ang susi sa kaligayahan. Ano ang ipinakikita ng mga katotohanan?
Una, bigyang-pansin ang diumano’y kaugnayan ng salapi at kaligayahan. Ipinakita ng isang surbey sa sandaang pinakamayayamang tao sa Estados Unidos na hindi sila mas maligaya kaysa sa ibang mga tao sa pangkalahatan. Karagdagan pa, bagaman halos nadoble ng maraming tao sa Estados Unidos ang kanilang materyal na mga ari-arian sa nakalipas na tatlong dekada, hindi naman sila sa anumang paraan mas maligaya ngayon kaysa noon, ayon sa mga eksperto sa mental na kalusugan. Sa katunayan, ganito ang sabi ng isang report: “Sa panahon ding iyon, tumaas ang bilang ng mga nanlulumo. Naging triple ang bilang ng mga tin-edyer na nagpatiwakal. Dumoble ang bilang ng mga diborsiyo.” Sa humigit-kumulang 50 bansa, ang mga mananaliksik na nagsuri hinggil sa kaugnayan ng salapi at kaligayahan ay sumapit sa konklusyon na hindi mabibili ng salapi ang kaligayahan.
Gaano naman kaya kahalaga sa kaligayahan ang mga salik na gaya ng mabuting kalusugan, kasiya-siyang pag-aasawa, at matagumpay na propesyon? Buweno, kung talaga ngang kailangan ang mga salik na ito upang lumigaya, kumusta naman ang milyun-milyong tao na hindi nagtatamasa ng mabuting kalusugan at ang lahat niyaong walang kasiya-siyang pag-aasawa? Kumusta naman ang mga mag-asawa na walang anak at ang lahat ng mga lalaki’t babae na walang matagumpay na propesyon? Ang lahat ba ng mga indibiduwal na iyon ay nakatalagang mamuhay sa kalungkutan? At maglalaho kaya ang diumano’y kaligayahan ng mga nagtatamasa ng mabuting kalusugan at ng kasiya-siyang pag-aasawa kung magbago ang kanilang kalagayan?
Naghahanap ba Tayo sa Tamang mga Lugar?
Gusto ng lahat na lumigaya. Hindi ito kataka-taka sapagkat inilarawan ang Maylalang ng tao bilang ang “maligayang Diyos,” at ginawa ang tao ayon sa larawan ng Diyos. (1 Timoteo 1:11; Genesis 1:26, 27) Kaya naman, likas lamang sa mga tao na maghanap ng kaligayahan. Gayunman, nasusumpungan ng marami na ang pagtatamo ng kaligayahan ay gaya ng pagdakot ng mga butil ng buhangin—kapuwa madaling maglaho.
Gayunman, maaari kayang labis na nagpapakasakit ang ilan upang masumpungan ang kaligayahan? Ganiyan ang iniisip ng pilosopong panlipunan na si Eric Hoffer. Ganito ang sabi niya: “Ang paghahanap ng kaligayahan ay isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng kalungkutan.” Talagang totoo ito kung naghahanap tayo ng kaligayahan sa maling mga lugar. Sa gayong kalagayan, tiyak na mabibigo at masisiphayo tayo. Ang pagsisikap na yumaman; pagpupunyaging sumikat o makilala; pagtataguyod ng pulitikal, panlipunan, o pang-ekonomiyang mga tunguhin; o pamumuhay para lamang paluguran ang sarili at bigyan ng panandaliang kasiyahan ang pansariling mga pagnanasa ay pawang hindi nakapagdudulot ng kaligayahan. Hindi nakapagtataka, tinanggap ng ilan ang balintunang pangmalas na ipinahayag ng isang awtor na nagsabi: “Kung hihinto lamang tayo sa pagsisikap na lumigaya, maaari tayong maging masaya sa paanuman”!
Kapansin-pansin, ipinakita rin ng surbey na binanggit sa pasimula ng artikulong ito na nadarama ng 4 sa 10 katao na ang kaligayahan ay nagmumula sa paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba. At binigyang-diin ng 1 sa 4 katao na malaking papel ang ginagampanan ng pananampalataya at relihiyosong pananalig sa pagiging maligaya. Maliwanag, dapat nating suriin nang higit kung ano ang kailangan upang maging tunay na maligaya. Tutulungan tayo ng susunod na artikulo na gawin ito.
[Mga larawan sa pahina 3]
Iniisip ng marami na ang salapi, kasiya-siyang buhay pampamilya, o matagumpay na propesyon ang susi sa kaligayahan. Sang-ayon ka ba?