Inaalaala ang “Limót na mga Biktima”
Inaalaala ang “Limót na mga Biktima”
NOONG unang mga buwan ng 2001, dumalaw si Haykaz, isang 15-taóng-gulang na Saksi ni Jehova, sa “Limót na mga Biktima,” isang eksibit sa Bern, Switzerland, may kinalaman sa pag-uusig ng Nazi sa mga Saksi ni Jehova. Sa pagtatapos ng kaniyang pagdalaw, sinabi ni Haykaz: “Nabalitaan ko na ang tungkol sa di-makataong pagtrato at pagdurusang naranasan ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng rehimeng Nazi, subalit ngayon ko lamang nakita ang tunay na mga dokumento at larawan noong panahong iyon. Ang mga displey, report ng mga nakasaksi, at ang mga komento ng mga istoryador na nasa eksibit ay nag-iwan ng malalim ng impresyon sa aking isip at puso.”
Pagkaraan ng ilang panahon, nang si Haykaz ay atasang sumulat ng isang report para sa kaniyang mga kaklase sa haiskul, pinili niya ang paksang “Mga Saksi ni Jehova—Ang Limót na mga Biktima ng Nazismo.” Pinahintulutan ng kaniyang guro ang paksa subalit sinabi nito kay Haykaz na kailangan niyang isama sa kaniyang mga pagkukunan ng impormasyon ang sekular na literatura. Malugod na sumang-ayon si Haykaz. “Sumulat ako ng isang buod ng ilang aklat na nabasa ko tungkol sa mga Saksi ni Jehova noong panahon ng Nazi. Inilarawan ko rin ang aking personal na mga impresyon hinggil sa eksibit sa ‘Limót na mga Biktima.’ Kalakip sa 43-pahinang report ang mga iginuhit na larawan at litrato.”
Noong Nobyembre 2002, iniharap ni Haykaz ang report niya sa kaniyang mga kaeskuwela, guro, pamilya, at mga kaibigan. Pagkatapos, nagkaroon ng tanong-at-sagot na sesyon, na nagbigay sa kaniya ng pagkakataong ipaliwanag ang kaniyang mga paniniwalang salig sa Bibliya. Nang magtanong ang isang batang babaing nakikinig kung bakit niya pinili ang paksang ito, ipinaliwanag ni Haykaz na hindi binabanggit ng maraming aklat tungkol sa kasaysayan ang mga Saksi ni Jehova at gusto niyang malaman ng mga tao kung paano lakas-loob na ipinagtanggol ng mga Saksi ang kanilang pananampalatayang Kristiyano. Ang resulta ng kaniyang presentasyon?
“Namangha ang aking mga kaeskuwela,” ang sabi ni Haykaz. “Wala silang kamalay-malay na malupit na pinag-usig ang mga Saksi ni Jehova bilang isang grupo. Marami rin ang hindi nakaaalam na ang mga Saksing ikinulong sa mga kampong piitan ng Nazi ay may pantanging pagkakakilanlan—isang tatsulok na lila.”
Pagkatapos ng kaniyang presentasyon, nagkaroon ng higit pang pagkakataon si Haykaz upang makipag-usap sa kaniyang mga kaklase at talakayin ang paninindigan ng mga Saksi na salig sa Bibliya may kinalaman sa pagsasalin ng dugo, alkohol, at moralidad. “Walang isa man sa aking mga kaeskuwela ang nanlibak o nang-alipusta sa akin,” ang sabi ni Haykaz. Bukod pa riyan, ang kaniyang report ay iniingatan ngayon sa aklatan ng paaralan. Titiyakin niyan na hindi malilimutan ang lakas-loob na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova.