Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isuot Ninyo ang Kumpletong Kagayakang Pandigma Mula sa Diyos”

“Isuot Ninyo ang Kumpletong Kagayakang Pandigma Mula sa Diyos”

“Isuot Ninyo ang Kumpletong Kagayakang Pandigma Mula sa Diyos”

“Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.”​—EFESO 6:11.

1, 2. Sa iyong sariling pananalita, ilarawan ang espirituwal na kagayakang pandigma na kailangang isuot ng mga Kristiyano.

NASA tugatog ng kapangyarihan ang Roma noong unang siglo C.E. Dahil sa lakas ng hukbong Romano, nakontrol ng lunsod ang kalakhang bahagi ng kilalang daigdig noon. Inilarawan ng isang istoryador ang hukbong ito bilang “ang pinakamatagumpay na organisasyong militar sa kasaysayan.” Ang propesyonal na hukbo ng Roma ay binubuo ng lubhang disiplinadong mga kawal na sumailalim sa mahigpit na pagsasanay, ngunit ang kanilang tagumpay bilang mabisang panlaban na puwersa ay nakadepende rin sa kanilang kagayakang pandigma. Ginamit ni apostol Pablo ang kagayakang pandigma ng isang kawal na Romano upang ilarawan ang espirituwal na kagamitan na kailangan ng mga Kristiyano upang magtagumpay sa pakikipagbaka laban sa Diyablo.

2 Masusumpungan natin ang paglalarawan sa espirituwal na kagayakang pandigmang ito sa Efeso 6:14-17. Sumulat si Pablo: “Tumayo kayong matatag na ang inyong mga balakang ay may bigkis na katotohanan, at suot ang baluti ng katuwiran, at ang inyong mga paa ay may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan. Higit sa lahat, kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipanunugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot. Gayundin, tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.” Kung titingnan ayon sa pangmalas ng tao, ang kagayakang pandigma na inilarawan ni Pablo ay malaking proteksiyon sa isang kawal na Romano. Bukod dito, mayroon siyang tabak, ang kaniyang pangunahing sandata para sa tao-sa-taong pakikipaglaban.

3. Bakit tayo dapat sumunod sa mga tagubilin ni Jesu-Kristo at tumulad sa kaniyang halimbawa?

3 Bukod sa kagamitan at pagsasanay, nakasalalay ang tagumpay ng hukbong Romano sa pagsunod ng mga kawal sa kanilang kumandante. Gayundin naman, kailangang sundin ng mga Kristiyano si Jesu-Kristo, na inilalarawan ng Bibliya bilang “kumandante sa mga liping pambansa.” (Isaias 55:4) Siya rin ang “ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:23) Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng mga tagubilin para sa ating espirituwal na pakikidigma at naglalaan ng sakdal na halimbawa kung paano isusuot ang espirituwal na kagayakang pandigma. (1 Pedro 2:21) Yamang maraming pagkakahawig ang tulad-Kristong personalidad at ang ating espirituwal na kagayakang pandigma, pinapayuhan tayo ng Kasulatan na ‘isakbat’ sa ating sarili ang disposisyon ng kaisipan ni Kristo. (1 Pedro 4:1) Kung gayon, habang sinusuri natin ang bawat bahagi ng ating espirituwal na kagayakang pandigma, gagamitin natin ang halimbawa ni Jesus upang ipakita ang kahalagahan at pagkamabisa nito.

Pagsasanggalang sa mga Balakang, Dibdib, at Paa

4. Anong papel ang ginampanan ng pamigkis sa kagayakang pandigma ng isang kawal, at ano ang inilalarawan nito?

4 Ang mga balakang ay may bigkis na katotohanan. Noong panahon ng Bibliya, nagsusuot ang mga kawal ng malapad na sinturong katad, o pamigkis, na 5 hanggang 15 sentimetro ang lapad. Iminumungkahi ng ilang tagapagsalin na ganito ang dapat mabasa sa talata, “na ang katotohanan ay parang sinturon na nakabigkis nang mahigpit sa inyong balakang.” Tumutulong ang sinturon ng kawal upang proteksiyunan ang kaniyang mga balakang, at naglalaan ito ng maalwang pagsasabitan ng tabak. Kapag binigkisan ng isang kawal ang kaniyang mga balakang, naghahanda siya para sa pakikipagdigma. Ginamit ni Pablo ang sinturon ng kawal upang ilarawan kung hanggang saan dapat makaimpluwensiya sa ating buhay ang katotohanan mula sa Kasulatan. Dapat itong mahigpit na nakabigkis sa atin, wika nga, nang sa gayon ay mamuhay tayong kasuwato ng katotohanan at maipagtanggol natin ito sa anumang pagkakataon. (Awit 43:3; 1 Pedro 3:15) Upang magawa iyan, kailangan nating masikap na pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ang mga nilalaman nito. Ang kautusan ng Diyos ay ‘nasa mga panloob na bahagi’ ni Jesus. (Awit 40:8) Kaya naman nang tanungin ng mga sumasalansang, sumagot siya na sinisipi nang saulado ang Kasulatan.​—Mateo 19:3-6; 22:23-32.

5. Ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang maka-Kasulatang payo kapag tayo’y sinusubok o tinutukso.

5 Kapag hinahayaan nating gabayan tayo ng katotohanan sa Bibliya, maipagsasanggalang tayo nito mula sa maling pangangatuwiran at matutulungan tayong gumawa ng matatalinong pasiya. Kapag tayo’y tinutukso o sinusubok, mapatitibay ng mga tagubilin mula sa Bibliya ang ating kapasiyahang gawin ang tama. Para bang makikita natin ang ating Dakilang Tagapagturo, si Jehova, at maririnig ang salita sa likuran natin na nagsasabi: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”​—Isaias 30:20, 21.

6. Bakit kailangang proteksiyunan ang ating makasagisag na puso, at paano ito mabisang maipagsasanggalang ng katuwiran?

6 Baluti ng katuwiran. Ipinagsasanggalang ng baluti ng kawal ang isang mahalagang sangkap, ang puso. Nangangailangan ng pantanging proteksiyon ang ating makasagisag na puso​—ang ating panloob na pagkatao​—dahil nakahilig ito sa mali. (Genesis 8:21) Kung gayon, kailangan nating alamin at ibigin ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova. (Awit 119:97, 105) Inaakay tayo ng ating pag-ibig sa katuwiran na iwaksi ang makasanlibutang pag-iisip na nagwawalang-bahala o nagpapalabo sa malilinaw na tagubilin ni Jehova. Karagdagan pa, kapag iniibig natin ang tama at kinapopootan ang mali, iniiwasan nating itaguyod ang isang landasin na makasisira sa ating buhay. (Awit 119:99-101; Amos 5:15) Huwaran si Jesus sa bagay na ito, sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaniya: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan.”​—Hebreo 1:9. *

7. Bakit kailangan ng isang kawal na Romano ang matibay na panyapak, at ano ang inilalarawan nito?

7 Ang mga paa ay may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan. Kailangan ng mga kawal na Romano ang angkop na mga panyapak o matitibay na sandalyas, yamang sa panahon ng kanilang pakikipaglaban, madalas silang nagmamartsa nang 30 kilometro araw-araw samantalang suut-suot o dala-dala ang mga 27 kilo ng kagayakang pandigma at kagamitan. Angkop na ginamit ni Pablo ang panyapak upang kumatawan sa ating pagiging handang mangaral ng mensahe ng Kaharian sa lahat ng makikinig. Mahalaga ito sapagkat paano makikilala ng mga tao si Jehova kung hindi tayo handa at nagnanais na mangaral?​—Roma 10:13-15.

8. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus bilang isang mángangarál ng mabuting balita?

8 Ano ang pinakamahalagang gawain sa buhay ni Jesus? Sinabi niya sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato: ‘Dumating ako sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan.’ Nangaral si Jesus sa tuwing nakasusumpong siya ng nagnanais makinig, at gayon na lamang ang kasiyahan niya sa kaniyang ministeryo anupat inuna niya ito kaysa sa kaniyang pisikal na mga pangangailangan. (Juan 4:5-34; 18:37) Kung sabik tayong magpahayag ng mabuting balita gaya ni Jesus, makasusumpong tayo ng maraming pagkakataon upang ibahagi ito sa iba. Karagdagan pa, ang ating pagiging lubhang abala sa ating ministeryo ay tutulong upang manatili tayong malakas sa espirituwal.​—Gawa 18:5.

Ang Kalasag, ang Helmet, at ang Tabak

9. Anong proteksiyon ang inilaan ng malaking kalasag sa isang kawal na Romano?

9 Ang malaking kalasag ng pananampalataya. Ang salitang Griego na isinaling “malaking kalasag” ay tumutukoy sa isang napakalaking kalasag na maaaring tumakip sa kalakhang bahagi ng katawan. Naglalaan ito ng proteksiyon mula sa “nag-aapoy na mga suligi” na binabanggit sa Efeso 6:16. Noong panahon ng Bibliya, ang mga kawal ay gumagamit ng mga tunod na yari sa hungkag na mga tambo na nilagyan ng maliliit na sisidlang bakal na maaaring lagyan ng nagliliyab na naphtha. Inilalarawan ng isang iskolar ang mga tunod na ito bilang “isa sa pinakamapanganib na sandata sa sinaunang digmaan.” Kung walang malaking kalasag ang isang kawal upang ipagsanggalang ang kaniyang sarili mula sa gayong mga suligi, maaari siyang masugatan nang malubha o mamatay pa nga.

10, 11. (a) Anu-anong “nag-aapoy na mga suligi” ni Satanas ang maaaring magpahina sa ating pananampalataya? (b) Paano ipinakikita ng halimbawa ni Jesus ang kahalagahan ng pananampalataya sa panahon ng pagsubok?

10 Anong “nag-aapoy na mga suligi” ang ginagamit ni Satanas upang pahinain ang ating pananampalataya? Maaari siyang magbangon ng pag-uusig o pagsalansang sa pamilya, sa trabaho, o sa paaralan. Naging kapaha-pahamak din sa espirituwalidad ng ilan ang pagnanasang magkamal ng higit at higit pang materyal na mga bagay at ang pang-akit ng imoralidad. Upang ipagsanggalang ang ating sarili laban sa gayong mga banta, “higit sa lahat, [kailangan nating] kunin . . . ang malaking kalasag ng pananampalataya.” Nagkakaroon tayo ng pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol kay Jehova, regular na pakikipag-usap sa kaniya sa panalangin, at pag-unawa kung paano niya tayo ipinagsasanggalang at pinagpapala.​—Josue 23:14; Lucas 17:5; Roma 10:17.

11 Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa mapanganib na mga panahon. Lubusan siyang nagtiwala sa mga pasiya ng kaniyang Ama at nalugod na gawin ang kalooban ng Diyos. (Mateo 26:42, 53, 54; Juan 6:38) Kahit noong dumaranas siya ng matinding dalamhati sa hardin ng Getsemani, sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Hindi ayon sa kalooban ko, kundi ayon sa kalooban mo.” (Mateo 26:39) Hindi nakalimutan ni Jesus ang kahalagahan ng pananatiling tapat at pagpapasaya sa kaniyang Ama. (Kawikaan 27:11) Kung gayundin ang pananalig natin kay Jehova, hindi natin hahayaang pahinain ng pamimintas o pagsalansang ang ating pananampalataya. Sa halip, mapatitibay ang ating pananampalataya kung mananalig tayo sa Diyos, iibigin siya, at susundin ang kaniyang mga utos. (Awit 19:7-11; 1 Juan 5:3) Walang materyal na mga gantimpala o panandaliang makalaman na kaluguran ang maihahambing sa mga pagpapalang inilalaan ni Jehova para sa mga umiibig sa kaniya.​—Kawikaan 10:22.

12. Anong mahalagang bahagi ng ating katawan ang ipinagsasanggalang ng makasagisag na helmet, at bakit mahalaga ang gayong proteksiyon?

12 Ang helmet ng kaligtasan. Ipinagsasanggalang ng helmet ang ulo at utak​—ang sentro ng pag-iisip​—ng kawal. Inihahambing ang ating pag-asang Kristiyano sa isang helmet dahil ipinagsasanggalang nito ang ating isip. (1 Tesalonica 5:8) Bagaman binago na natin ang ating pag-iisip sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, tayo ay mahina at di-sakdal na mga tao pa rin. Madali pa ring pasamain ang ating isip. Maaari tayong gambalain ng mga tunguhin sa sistemang ito ng mga bagay o baka halinhan pa nga nito ang ating bigay-Diyos na pag-asa. (Roma 7:18; 12:2) Nabigo ang Diyablo na ilihis ang tunguhin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalok sa kaniya ng “lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at [ng] kanilang kaluwalhatian.” (Mateo 4:8) Ngunit matatag na tinanggihan ni Jesus ang alok, at sinabi ni Pablo tungkol sa kaniya: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata [si Jesus] ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.”​—Hebreo 12:2.

13. Paano natin mapananatili ang ating pananalig sa pag-asa sa hinaharap?

13 Hindi basta-basta nakakamit ang uri ng pananalig na taglay ni Jesus. Kung pupunuin natin ang ating isip ng mga ambisyon at mga tunguhin ng sistemang ito ng mga bagay sa halip na laging isaisip ang pag-asa sa hinaharap, hihina ang ating pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Sa kalaunan, baka lubusan pa nga nating maiwala ang ating pag-asa. Sa kabilang panig naman, kung regular nating bubulay-bulayin ang mga pangako ng Diyos, patuloy tayong magsasaya sa pag-asang inilagay sa harap natin.​—Roma 12:12.

14, 15. (a) Ano ang ating makasagisag na tabak, at paano natin ito magagamit? (b) Ilarawan kung paano makatutulong ang tabak ng espiritu upang mapaglabanan natin ang tukso.

14 Ang tabak ng espiritu. Ang salita, o mensahe, ng Diyos na nakaulat sa Bibliya ay gaya ng isang matalas na tabak na may dalawang-talim na makatatagpas sa relihiyosong kabulaanan at makatutulong sa matuwid-pusong mga tao na masumpungan ang espirituwal na kalayaan. (Juan 8:32; Hebreo 4:12) Maipagtatanggol din tayo ng espirituwal na tabak na ito kapag ginigiyagis tayo ng mga tukso o tinatangka ng mga apostata na sirain ang ating pananampalataya. (2 Corinto 10:4, 5) Laking pasalamat natin na ‘ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at lubusang nagsasangkap sa atin ukol sa bawat mabuting gawa’!​—2 Timoteo 3:16, 17.

15 Nang tuksuhin siya ni Satanas sa ilang, mabisang ginamit ni Jesus ang tabak ng espiritu upang tanggihan ang maling pangangatuwiran at tusong mga panghihikayat. Sa bawat pagtukso ni Satanas, sumagot siya: “Nasusulat.” (Mateo 4:1-11) Natuklasan din ni David, isang Saksi ni Jehova sa Espanya, na nakatulong sa kaniya ang Kasulatan upang mapaglabanan ang tukso. Nang 19 na taóng gulang siya, isang kaakit-akit na kabataang babae na katrabaho niya sa kompanya ng paglilinis ang nagmungkahi na “lumabas silang dalawa para magrelaks.” Tinanggihan ni David ang paanyaya ng babae at hiniling niya sa kaniyang superbisor na ilipat siya ng trabaho upang hindi na maulit ang pangyayaring iyon. “Naalaala ko ang halimbawa ni Jose,” ang sabi ni David. “Tinanggihan niya ang imoralidad at agad siyang umalis. Gayundin ang ginawa ko.”​—Genesis 39:10-12.

16. Ipaliwanag kung bakit kailangan natin ang pagsasanay upang ‘magamit nang wasto ang salita ng katotohanan.’

16 Ginamit din ni Jesus ang tabak ng espiritu upang tulungan ang iba na makatakas sa kontrol ni Satanas. “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin,” ang sabi ni Jesus, “kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Upang matularan ang dalubhasang pagtuturo ni Jesus, kailangan natin ng pagsasanay. Tungkol sa mga kawal na Romano, sumulat ang Judiong istoryador na si Josephus: “Ang bawat kawal ay nagsasanay araw-araw, at puspusan nilang ginagawa ito, na para bang nasa digmaan sila kung kaya napakadali nilang nakakayanan ang pagod sa mga digmaan.” Sa ating espirituwal na pakikipagdigma, kailangan nating gamitin ang Bibliya. Bukod diyan, kailangan nating ‘gawin ang ating buong makakaya na iharap sa Diyos ang ating sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Timoteo 2:15) At kaylaki ng ating kasiyahan kapag nagagamit natin ang Kasulatan upang sagutin ang taimtim na tanong ng isang taong interesado!

Manalangin sa Bawat Pagkakataon

17, 18. (a) Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa paglaban kay Satanas? (b) Magbigay ng halimbawa upang ilarawan ang kahalagahan ng panalangin.

17 Matapos talakayin ang kumpletong espirituwal na kagayakang pandigma, may isa pang mahalagang ipinayo si Pablo. Sa paglaban kay Satanas, dapat samantalahin ng mga Kristiyano ang “bawat uri ng panalangin at pagsusumamo.” Gaano kadalas? ‘Magpatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa pamamagitan ng espiritu,’ ang sulat ni Pablo. (Efeso 6:18) Kapag napapaharap tayo sa mga tukso, pagsubok, o panghihina ng loob, lubha tayong mapatitibay ng panalangin. (Mateo 26:41) “Naghandog [si Jesus] ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan, na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at malugod siyang pinakinggan dahil sa kaniyang makadiyos na takot.”​—Hebreo 5:7.

18 Si Milagros, na mahigit 15 taon nang nag-aalaga sa kaniyang asawa na may malubhang sakit, ay nagsabi: “Kapag pinanghihinaan ako ng loob, nananalangin ako kay Jehova. Walang higit na makatutulong sa akin kundi siya lamang. Totoo, may mga sandaling nadarama kong hindi ko na kaya. Ngunit paulit-ulit, matapos akong manalangin kay Jehova, nakadarama ako ng panibagong lakas at bumubuti ang aking pakiramdam.”

19, 20. Ano ang kailangan natin upang magtagumpay sa ating pakikipaglaban kay Satanas?

19 Alam ng Diyablo na maikli na ang kaniyang panahon, at pinag-iibayo niya ang kaniyang mga pagsisikap upang daigin tayo. (Apocalipsis 12:12, 17) Kailangan nating labanan ang makapangyarihang kaaway na ito at ‘ipakipaglaban ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.’ (1 Timoteo 6:12) Kinakailangan dito ang lakas na higit sa karaniwan. (2 Corinto 4:7) Kailangan din natin ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos at kung gayon, dapat nating hilingin ito sa panalangin. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”​—Lucas 11:13.

20 Maliwanag, mahalagang isuot natin ang kumpletong kagayakang pandigma na inilalaan ni Jehova. Upang maisuot ang espirituwal na kagayakang pandigmang ito, kailangan nating linangin ang makadiyos na mga katangian, tulad ng pananampalataya at katuwiran. Kailangan din nating ibigin ang katotohanan na para bang nakabigkis ito sa atin, na maging handang palaganapin ang mabuting balita sa bawat pagkakataon, at laging isaisip ang pag-asa sa hinaharap. Dapat nating matutuhang gamitin nang may kasanayan ang tabak ng espiritu. Sa pamamagitan ng pagsusuot ng kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos, magtatagumpay tayo sa ating pakikipagbuno sa balakyot na mga puwersang espiritu at makapagdudulot nga ng kaluwalhatian sa banal na pangalan ni Jehova.​—Roma 8:37-39.

[Talababa]

^ par. 6 Sa hula ni Isaias, inilalarawan si Jehova mismo na nakasuot ng “katuwiran bilang kutamaya.” Kaya naman, hinihiling niya na maglapat ng katarungan at kumilos nang matuwid ang mga tagapangasiwa.​—Isaias 59:14, 15, 17.

Paano Mo Sasagutin?

• Sino ang pinakamahusay na halimbawa sa pagsusuot ng espirituwal na kagayakang pandigma, at bakit natin dapat isaalang-alang nang maingat ang kaniyang halimbawa?

• Paano natin maipagsasanggalang ang ating isip at ang ating makasagisag na puso?

• Paano tayo magiging dalubhasa sa paggamit ng tabak ng espiritu?

• Bakit tayo dapat patuloy na manalangin sa bawat pagkakataon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang masikap na pag-aaral ng Bibliya ay makapag-uudyok sa atin na ipahayag ang mabuting balita sa bawat pagkakataon

[Mga larawan sa pahina 18]

Tinutulungan tayo ng ating tiyak na pag-asa na harapin ang mga pagsubok

[Mga larawan sa pahina 19]

Ginagamit mo ba “ang tabak ng espiritu” sa ministeryo?