Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Gilingang Naglalaan ng Tinapay sa Mesa

Mga Gilingang Naglalaan ng Tinapay sa Mesa

Mga Gilingang Naglalaan ng Tinapay sa Mesa

TINUTUKOY ito bilang “suhay ng buhay,” “ang pinakapangunahing pagkain,” at ang “patuluyang pundasyon at suporta ng tao mula pa noong sinauna.” Oo, simula’t sapol, ang tinapay ay isa sa pinakapangunahing pagkain. Sa katunayan, ang isa sa kailangang-kailangan ng tao ay ang tinapay sa araw-araw.

Ang pangunahing sangkap ng tinapay ay harina, o meal, na nakukuha sa paggiling sa mga binutil. Kung gayon, ang paggiling ay isang sinaunang kasanayan. Tiyak na napakahirap maggiling ng mga butil upang gawin itong harina kung walang tulong ng makinarya! Noong panahon ng Bibliya, ang tunog ng gilingang pangkamay ay iniuugnay sa normal at mapayapang mga kalagayan, at pagkatiwangwang naman kapag hindi naririnig ang tunog nito.​—Jeremias 25:10, 11.

Paano ba isinasagawa ang paggiling sa buong kasaysayan ng tao? Anu-ano ang ilan sa mga paraan at kasangkapang ginagamit upang magawa ito? At anu-anong uri ng gilingan ang naglalaan ng tinapay sa inyong mesa sa ngayon?

Bakit Kailangan ang mga Ito?

Sinabi ni Jehova kina Adan at Eva, ang unang mag-asawa: “Narito, ibinigay ko sa inyo ang lahat ng pananim na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng buong lupa at bawat punungkahoy na may bunga ng punungkahoy na nagkakabinhi. Sa inyo ay magsilbi ito bilang pagkain.” (Genesis 1:29) Kabilang sa mga pagkaing ibinigay ng Diyos na Jehova sa sangkatauhan ay ang binhi mula sa mga uhay ng mga binutil. Ang pinagmumulang ito ng pagkain ay mahalaga sa pag-iral ng tao, yamang ang lahat ng binutil​—lakip na ang trigo, sebada, senteno, oat, palay, mijo, batad, at mais​—ay naglalaman ng magawgaw na mga carbohydrate na kayang baguhin ng katawan tungo sa pangunahing pinagmumulan nito ng lakas​—glucose.

Gayunman, hindi kaya ng tao na tunawin ang buo at hilaw na mga binutil. Para sa mga tao, mas madali itong kainin kapag ginawa itong harina at niluto. Ang pinakasimpleng mga paraan upang gawing harina ang isang partikular na dami ng butil ay ang pagdikdik dito sa isang lusóng, pagdurog dito sa pagitan ng dalawang bato, o paggamit ng kombinasyon ng mga paraang ito.

Mga Gilingang Pinatatakbo Nang Manu-mano

Inilalarawan ng maliliit na estatuwa mula sa sinaunang mga libingan sa Ehipto ang paggamit ng tulad-síyang (katulad ng upuang inilalagay sa likod ng kabayo) gilingan ng butil. Ang gilingang ito ay binubuo ng dalawang bato​—isang medyo hungkag at pahilis na batong pang-ilalim, at isang mas maliit na batong pang-ibabaw. Ang manggagawa​—karaniwan nang isang babae​—ay nakaluhod sa likuran ng kasangkapang ito at nakahawak ang dalawang kamay sa pang-itaas na bato. Pagkatapos ay idinidiin at itinutulak ng bigat ng kaniyang katawan ang batong ito at ikinikiskis ang pang-itaas na bato nang paroo’t parito sa pang-ilalim na bato, anupat dinudurog ang butil sa pagitan ng dalawang bato. Tunay ngang isang simple subalit mabisang kasangkapan!

Gayunman, nakapipinsala ang matagal na pagluhod. Ang pagtulak sa pang-itaas na bato nang paroo’t parito sa magkabilang dulo ng gilingan ay nagdudulot ng patuluyang presyon sa likod, mga bisig, hita, tuhod, at mga daliri sa paa ng manggagawa. Batay sa mga pagsusuri sa mga abnormalidad sa buto ng mga kalansay mula sa sinaunang Sirya, ipinapalagay ng mga paleontologo na ang paggamit ng nakatutulad na mga gilingan ang sanhi ng mga pinsala sa mga kabataang babae dulot ng paulit-ulit na presyon​—biyak na mga tuhod, pinsala sa likod, at malubhang osteoarthritis sa hinlalaki ng paa. Sa sinaunang Ehipto, waring gumagamit ng gilingang pangkamay ang mga alilang babae. (Exodo 11:5) * Naniniwala ang ilang iskolar na nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto, ang tulad-síyang gilingan ang dala-dala nila.

Kabilang sa mga pagsulong sa mga gilingan ang paglalakip ng mga uka sa dalawang bato upang mapahusay ang paggiling. Sa paglalagay ng tulad-imbudong butas sa pang-itaas na bato, naging posible sa tagagiling na magsubo ng butil sa gilingan, na awtomatikong napupunta sa pagitan ng mga bato. Noong ikaapat o ikalimang siglo B.C.E., ginawa sa Gresya ang pinakasimpleng makinang panggiling. Isang pahalang na hawakan, o pingga, ang nakakabit sa pang-itaas na bato. Ang pagtulak sa dulo ng pingga na ito nang paroo’t parito sa isang maliit na arko ang nagpapakilos sa pang-itaas na bato na may tulad-imbudong butas na kumiskis sa pang-ilalim na bato.

Ang lahat ng nabanggit na gilingan ay may malaking disbentaha. Nakadepende ang mga ito sa paroo’t paritong pagkilos na hindi kayang ipagawa sa hayop. Kaya manu-mano ang pagpapatakbo sa mga gilingang ito. Pagkatapos ay dumating ang bagong teknolohiya​—ang rotary mill (iniikot na mga gilingan). Maaari na ngayong gamitin ang mga hayop.

Pinadadali ng mga Rotary Mill ang Trabaho

Bagaman iba-iba ang sinasabi ng mga reperensiya, maaaring naimbento ang rotary mill sa mga bansang nakapalibot sa Mediteraneo noong mga ikalawang siglo B.C.E. Pagsapit ng unang siglo C.E., pamilyar na ang mga Judio sa Palestina sa gayong gilingan, yamang sinabi ni Jesus ang tungkol sa “isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno.”​—Marcos 9:42.

Ginamit sa Roma at sa kalakhang bahagi ng Imperyo ng Roma ang gilingang pinatatakbo ng hayop. Maraming gayong gilingan ang umiiral pa rin sa Pompeii. Binubuo ang mga ito ng isang mabigat na pang-itaas na batong may malapad na bunganga at makitid na katawang nagsisilbing imbudo at ng isang pang-ilalim na batong hugis-balisungsong. Habang umiikot ang pang-itaas na bato sa ibabaw ng pang-ilalim na bato, ang mga butil ay isinusubo sa pagitan ng dalawang bato at nagiging pulbos. Iba-iba ang laki ng mga umiiral na pang-itaas na bato ng ganitong mga gilingan, mula sa mga 45 hanggang 90 sentimetro sa diyametro. Ang mga gilingang ito ay umaabot nang 180 sentimetro ang taas.

Hindi maliwanag kung ang mga gilingang pinaiikot nang manu-mano ay nagmula sa mga gilingang pinaiikot ng mga hayop o ang kabaligtaran nito. Anuman ang naganap, madaling bitbitin at gamitin ang gilingang pinaiikot ng kamay. Binubuo ito ng dalawang bilog na bato, marahil 30 hanggang 60 sentimetro ang diyametro. Ang pinakaibabaw ng pang-ilalim na bato ay medyo nakaumbok at ang pinakailalim ng pang-itaas na bato ay may papaloob na uka upang magkasya ang umbok ng pang-ilalim na bato. Ang pang-itaas na bato ay nakapatong sa gitnang ehe at pinaiikot ng kahoy na hawakan. Karaniwan na, dalawang babae ang nakaupo nang magkaharap, at ang kamay ng bawat isa ang nagpapaikot sa pang-itaas na bato. (Lucas 17:35) Gagamitin ng isang babae ang kabila niyang kamay upang isubo nang paunti-unti ang mga butil sa butas ng pang-itaas na bato, at titipunin naman ng isang babae ang harina habang bumubuhos ito mula sa gilid ng gilingan tungo sa isang lalagyan o telang nakalatag sa ilalim ng gilingan. Sinapatan ng ganitong uri ng gilingan ang mga pangangailangan ng mga sundalo, marinero, o ng maliliit na sambahayang malayo sa mga establisimyento ng gilingan.

Pinatatakbo ng Tubig o Hangin

Noong mga 27 B.C.E., inilarawan ng inhinyerong Romano na si Vitruvius ang gilingang pinatatakbo ng tubig noong panahon niya. Itinutulak ng umaagos na tubig ang mga gaod ng isang patayong gulong na nakakabit sa isang pahalang na ehe, anupat napaiikot ang gulong. Pinatatakbo naman ng mga ngipin ng gulong ang isang patayong ehe. Ang ehe namang ito ang nagpapatakbo ng malaking gilingang-bato sa itaas.

Gaano kabilis ang paggiling ng gilingang pinatatakbo ng tubig kung ihahambing sa ibang mga gilingan? Tinataya na ang mga gilingang pangkamay ay nakagigiling nang wala pang 10 kilo ng butil bawat oras, at umaabot nang 50 kilo sa pinakamabilis na mga gilingang pinatatakbo ng hayop. Sa kabilang dako naman, ang gilingan ni Vitruvius na pinatatakbo ng tubig ay nakagigiling nang mga 150 hanggang 200 kilo bawat oras. Ang pangunahing ideya, kabilang na ang di-mabilang na mga pagbabago at pagpapasulong, na inilarawan ni Vitruvius ay patuloy na ginamit ng may-kakayahang mga gumagawa ng gilingan sa loob ng maraming siglo pagkatapos nito.

Hindi lamang umaagos na tubig ang tanging pinagmumulan ng likas na enerhiyang ginagamit upang patakbuhin ang mga gilingang-bato. Kung ang mga gulong na pantubig ay papalitan ng mga layag ng isang molino (windmill), magagawa nito ang gayunding trabaho. Ginamit ang mga molino sa Europa marahil noong ika-12 siglo C.E. at ginamit ito nang malawakan bilang mga gilingan sa Alemanya, Belgium, Holland, at sa iba pang lugar. Ginamit ang mga ito hanggang sa pagdating ng mga gilingang pinatatakbo ng singaw at ng iba pang mga pinagmumulan ng enerhiya, hanggang sa hindi na ginamit ang ibang pinagmumulan ng enerhiya.

‘Ang Ating Tinapay Para sa Araw na Ito’

Sa kabila ng mga pagsulong, maraming pamamaraan ng paggiling noon ang ginagamit pa rin sa ilang panig ng lupa. Ginagamit pa rin ang pambayo at lusóng sa mga bahagi ng Aprika at Oceania. Sa Mexico at Sentral Amerika, ginagamit ang mga tulad-síyang gilingan sa paggiling ng mais para sa tortilya. At may mga gilingang pinatatakbo ng tubig at mga molino na ginagamit pa rin sa iba’t ibang lugar.

Subalit ang karamihan sa harinang ginagamit sa paggawa ng tinapay sa maunlad na bahagi ng daigdig sa ngayon ay ginagawa sa de-makina at awtomatikong mga gilingan. Unti-unting nagiging harina ang mga butil habang sumasailalim ang mga ito sa magkakasunod na yugto ng paggiling sa mga pares ng bakal na mga silinder na may mga uka at umiikot sa iba’t ibang bilis. Sa pamamagitan ng sistemang ito, nakagagawa ng iba’t ibang kalidad ng harina sa mababang halaga.

Ang pagkuha ng harina para sa pagluluto ay tiyak na hindi na mahirap kagaya noon. Gayunman, makapagpapasalamat tayo sa ating Maylalang sa pagbibigay sa atin ng butil at ng talino upang gawin itong ‘ating tinapay para sa araw na ito.’​—Mateo 6:11.

[Talababa]

^ par. 10 Noong panahon ng Bibliya, pinagtatrabaho sa gilingan ang nabihag na mga kaaway, gaya ni Samson at ng iba pang mga Israelita. (Hukom 16:21; Panaghoy 5:13) Ang malalayang babae ay naggigiling ng mga butil para sa kanilang sariling sambahayan.​—Job 31:10.

[Larawan sa pahina 23]

Tulad-síyang gilingan sa Ehipto

[Credit Line]

Soprintendenza Archeologica per la Toscana, Firenze

[Larawan sa pahina 23]

Sa isang gilingang pinatatakbo ng hayop, pinipisa ang mga olibo para sa langis

[Picture Credit Line sa pahina 22]

Mula sa Self-Pronouncing Edition of the Holy Bible, na naglalaman ng mga bersiyong King James at Revised