Pagtingin sa mga Kayamanan ni Chester Beatty
Pagtingin sa mga Kayamanan ni Chester Beatty
“SAGANA sa kayamanan ng lipas nang mga sibilisasyon, . . . nagniningning sa kahanga-hangang kagandahan ng pagkaliliit na mga dibuho at ipinintang mga larawan.” Ganiyan inilarawan ng isang dating tagapangasiwa ng museo na si R. J. Hayes ang Chester Beatty Library sa Dublin, Ireland. Naririto ang malawak na koleksiyon ng napakahalagang mga antigo, natatanging mga likhang-sining, at pambihirang mga aklat at manuskrito na may napakalaking halaga. Sino ba si Chester Beatty? At anong mga kayamanan ang nakolekta niya?
Si Alfred Chester Beatty ay ipinanganak noong 1875 sa New York, E.U.A., at nagmula sa Scotland, Ireland, at Inglatera ang kaniyang mga ninuno. Pagtuntong sa edad na 32, kumita siya nang malaki bilang isang inhinyero at konsultant sa pagmimina. Sa buong buhay niya, kaniyang ginamit ang malaking bahagi ng kayamanan niya sa pagkolekta ng magaganda at mahahalagang bagay. Nang mamatay siya noong 1968 sa edad na 92, iniwan ni Beatty ang lahat ng kaniyang koleksiyon sa mga mamamayan ng Ireland.
Ano ba ang mga Kinolekta Niya?
Malawak at sari-sari ang mga koleksiyon ni Beatty. Mga 1 porsiyento lamang ang itinatanghal sa bawat eksibit. Nakapagtipon siya ng pambihira at mahahalagang bagay mula sa iba’t ibang panahon at kultura na libu-libong taon na ang tanda—mula sa Europa noong Edad Medya at noong panahong Renasimyento (Renaissance) at mula sa mga bansa sa Asia at Aprika. Halimbawa, ang koleksiyon niya ng magagarbong ukit sa kahoy ng Hapon ay itinuturing na isa sa pinakamaiinam na koleksiyon sa daigdig.
Ibang-iba naman sa mga gawang sining ang kawili-wiling koleksiyon ng mahigit na isandaang tapyas na luwad mula sa Babilonya at Sumer na may sinaunang mga inskripsiyong cuneiform. Mahigit 4,000 taon na ang nakalilipas, isinulat ng mga mamamayan ng Mesopotamia ang detalyadong salaysay ng kanilang buhay sa basang mga tapyas na luwad, na inihuhurno naman pagkatapos. Marami sa gayong mga tapyas ang umiiral pa hanggang ngayon, anupat nagbibigay sa atin ng malinaw na patotoo kung gaano na katanda ang sining ng pagsulat.
Pagkabighani sa mga Aklat
Waring naakit si Chester Beatty sa kahusayan sa sining na kailangan sa paggawa ng maiinam na aklat. Nakakolekta siya ng libu-libong sekular at relihiyosong mga aklat, lakip na ang ilang kopya ng Koran na may masalimuot na mga disenyo. Sinabi ng isang manunulat na “humanga [si Chester Beatty] sa matematikal na simetriya ng mga letrang Arabe, . . . at sumulong ang kaunawaan niya sa mga kulay dahil sa dekorasyon ng kaligrapiya na may laminang pilak at ginto at iba pang mineral na matitingkad ang kulay.”
Nabighani si Chester Beatty sa batong jade, gaya rin ng ilang emperador ng Tsina noong sinaunang mga dantaon. Itinuring nilang pinakamahalaga sa lahat ng mineral ang mainam na jade, at di-hamak na mahalaga kaysa sa ginto. Inatasan ng mga tagapamahalang ito ang bihasang mga manggagawa na gumawa ng makikinis at maninipis na pilyego mula sa mga bloke ng jade. Pagkatapos, ang mga pahinang ito na gawa sa jade ay pinunan ng mahuhusay na alagad ng sining ng kaakit-akit na kaligrapiya at mga larawan na inukit sa ginto, anupat nalikha ang ilan sa pinakakamangha-manghang aklat na ginawa kailanman. Bantog sa buong daigdig ang koleksiyon ng mga aklat na ito ni Beatty.
Napakahalagang mga Manuskrito ng Bibliya
Para sa mga lubos na nagpapahalaga sa Bibliya, ang pinakamahalagang kayamanan ni Chester Beatty ay nasa napakalawak na koleksiyon niya ng sinaunang mga manuskrito ng Bibliya noong Edad Medya. Masasalamin sa magagandang manuskrito na masalimuot na
pinalamutian ng matitingkad na kulay ang pagtitiyaga at kahusayan sa sining ng mga eskriba na manu-manong kumopya sa mga ito. Isinisiwalat ng inilimbag na mga aklat ang kadalubhasaan at kasanayan sa paggawa ng sinaunang mga tagapagpabalat at tagapaglimbag. Halimbawa, ang Biblia Latina ay inilimbag sa Nuremberg noong 1479 ni Anton Koberger, na halos kapanahon ni Johannes Gutenberg at inilarawan bilang “isa sa pinakaimportante at pinakaaktibo sa sinaunang mga tagapaglimbag.”Isang natatanging bagay na nakatanghal sa Chester Beatty Library ang sinaunang manuskritong isinulat sa balat ng hayop o vellum ni Ephraem, isang Siryanong iskolar, noong ikaapat na siglo. Malawakang sumipi si Ephraem sa isang akda noong ikalawang siglo na tinatawag na Diatessaron. Sa akdang ito, ang ulat ng apat na Ebanghelyo hinggil sa buhay ni Jesu-Kristo ay pinagsama-sama ng manunulat na si Tatian sa isang nagkakasuwatong salaysay. Tinukoy ng mas huling mga manunulat ang Diatessaron, subalit wala nang mga kopya nito ang umiiral sa ngayon. Pinag-alinlanganan pa nga ng ilang iskolar noong ika-19 na siglo ang pag-iral nito. Gayunman, noong 1956, natuklasan ni Beatty ang komentaryo ni Ephraem sa Diatessaron ni Tatian—isang tuklas na higit pang nagpatunay sa autentisidad at pagiging totoo ng Bibliya.
Mga Manuskritong Papiro na Di-matutumbasan ang Halaga
Nakakolekta rin si Beatty ng napakaraming relihiyoso at sekular na mga manuskritong papiro. Mahigit 50 papirong codex ang may petsang mas maaga pa sa ikaapat na siglo C.E. Ang ilan sa mga papirong ito ay nakuha mula sa malalaking bunton ng papiro—pangunahin nang bunton ng mga basurang papel—na nakakubli sa disyerto ng Ehipto sa loob ng maraming siglo. Marami na ang kulang sa mga dokumentong papiro nang ipagbili ang mga ito. Nagdatingan ang mga tagapagbenta na may dala-dalang kahon na yari sa karton na puno ng mga piraso ng papiro. “Dadampot lamang sa kahon ang mga interesadong bumili at pipiliin ang pinakamalaking piraso na may pinakamaraming sulat,” ang sabi ni Charles Horton, ang tagapangasiwa ng Western Collections ng Chester Beatty Library.
Ang “pinakakapansin-pansing tuklas” ni Beatty, sabi ni Horton, ay binubuo ng mahahalagang codex ng Bibliya na “may kasamang ilang sinauna at kilalang mga kopya ng Kristiyanong Matanda at Bagong Tipan.” Ang mga codex ay malamang na pinagpira-piraso ng mga tagapagbenta na nakababatid sa halaga ng mga ito upang maipagbili nila ang magkakahiwalay na bahagi nito sa iba’t ibang mámimili. Gayunman, nabili ni Beatty ang karamihan sa mga codex. Gaano nga ba kahalaga ang mga codex na ito? Inilarawan ni Sir Frederic Kenyon ang pagkatuklas sa mga ito na “totoong pinakamahalaga” kasunod ng pagkatuklas ni Tischendorf sa Codex Sinaiticus noong 1844.
May petsang mula ikalawa hanggang ikaapat na siglo C.E. ang mga codex na ito. Kasali sa mga aklat ng Hebreong Kasulatan na nasa bersiyong Griegong Septuagint ang dalawang kopya ng Genesis. May natatanging kahalagahan ang mga ito, ang sabi ni Kenyon, “sapagkat ang malaking bahagi ng aklat [ng Genesis] ay wala sa Vaticanus at Sinaiticus,” mga manuskritong vellum noong ikaapat na siglo. Tatlong codex ang naglalaman ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang isa ay naglalaman ng kalakhang bahagi ng apat na Ebanghelyo at maraming bahagi ng aklat ng Mga Gawa. Ang ikalawang codex, na may karagdagang mga pahina na nakuha ni Beatty nang maglaon, ay may halos kumpletong kopya ng mga liham ni apostol Pablo, lakip na ang kaniyang liham sa mga Hebreo. Nasa ikatlong codex ang halos sangkatlo ng aklat ng Apocalipsis. Ayon kay Kenyon, “sa pamamagitan ng maliwanag na mga ebidensiya, pinatibay [ng mga papirong ito] ang saligan—na napakatibay na—ng ating pagtitiwala
sa teksto ng Bagong Tipan na taglay natin ngayon.”Ang mga papiro ng Bibliya ni Chester Beatty ay nagpapakita na ang mga Kristiyano ay nagsimulang gumamit ng codex, o de-pahinang aklat, kapalit ng mahirap-gamiting balumbon sa napakaagang petsa, malamang bago pa matapos ang unang siglo C.E. Ipinakikita rin ng mga papiro na dahil sa kakapusan ng mga materyales sa pagsusulat, ang mga tagakopya ay madalas gumamit ng segunda-mano at lumang mga pilyego ng papiro. Halimbawa, isang manuskritong Coptic ng isang bahagi ng Ebanghelyo ni Juan ang nakasulat “sa tila isang pampaaralang aklat sa pagsasanay sa Griegong matematika.”
Hindi kaakit-akit sa paningin ang mga dokumentong papiro na ito, subalit hindi matutumbasan ang halaga ng mga ito. Ang mga ito ang nakikita at kongkretong kawing sa mismong pasimula ng Kristiyanismo. “Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, na nakikita mismo ng iyong mga mata,” sabi ni Charles Horton, “makikita mo ang uri ng mga aklat na ginamit ng ilan sa pinakaunang mga Kristiyanong komunidad—mga aklat na labis nilang pinahahalagahan.” (Kawikaan 2:4, 5) Kung magkaroon ka ng pagkakataong suriin ang ilan sa mga kayamanang ito sa Chester Beatty Library, tiyak na masisiyahan ka.
[Larawan sa pahina 31]
Mga ukit sa kahoy ng Hapon na gawa ni Katsushika Hokusai
[Larawan sa pahina 31]
Ang “Biblia Latina” ay kabilang sa pinakaunang inimprentang mga kopya ng Bibliya
[Larawan sa pahina 31]
Ang komentaryo ni Ephraem sa “Diatessaron” ni Tatian ay nagpapatibay sa autentisidad ng Bibliya
[Larawan sa pahina 31]
Ang Chester Beatty P45, ang pinakamatandang “codex” sa daigdig, ay naglalaman ng kalakhang bahagi ng apat na Ebanghelyo at maraming bahagi ng aklat ng Mga Gawa na nasa iisang tomo
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Reproduced by kind permission of The Trustees of the Chester Beatty Library, Dublin
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Lahat ng larawan: Reproduced by kind permission of The Trustees of the Chester Beatty Library, Dublin