Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ibinahagi Niya sa Kaniyang mga Kaklase ang mga Paniniwala Niya

Ibinahagi Niya sa Kaniyang mga Kaklase ang mga Paniniwala Niya

Ibinahagi Niya sa Kaniyang mga Kaklase ang mga Paniniwala Niya

NAIS mo bang tulungan ang iyong mga kaklase na higit na maunawaan ang iyong mga paniniwalang salig sa Bibliya? Madalas na ipinakikipag-usap ni Magdalena, isang 18-taóng-gulang na estudyante sa haiskul sa Poland, ang tungkol sa mga paniniwala niya bilang isang Saksi ni Jehova sa kaniyang mga kaklase. Bilang resulta, lagi siyang tinatanong ng mga tanong na tulad ng, ‘Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging isang Saksi ni Jehova?’ at ‘Hindi ba kayo naniniwala kay Jesu-Kristo?’ Paano niya matutulungan ang kaniyang mga kaklase? Humingi ng patnubay si Magdalena kay Jehova sa panalangin at kumilos kasuwato ng kaniyang mga panalangin.​—Santiago 1:5.

Isang araw, tinanong ni Magdalena ang isang guro na gumagalang sa mga paniniwala ni Magdalena kung maaari niyang ipalabas sa klase ang video na Jehovah’s Witnesses​—The Organization Behind the Name. * Pumayag ang guro. Sinabi ni Magdalena sa kaniyang mga kaklase: “Isinaayos ko na magharap ng 90-minutong programa sa klase ang isa kong kaibigan. Kalakip dito ang pagpapalabas ng video at talakayan hinggil sa mga Saksi ni Jehova. Nais ba ninyong dumalo?” Pumayag ang lahat. Nagsimulang maghanda para sa proyekto si Magdalena at si Wojciech, isang makaranasan at buong-panahong ebanghelisador.

Ang plano ay simulan ang presentasyon sa pamamagitan ng 20-minutong pahayag salig sa brosyur na Mga Saksi ni Jehova​—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila? * na susundan naman ng tanong-sagot na talakayan. Pagkatapos nito, ipalalabas ang video sa aklatan ng paaralan. Bibigyan ng kaloob ang bawat estudyante sa klase​—isang malaking sobre na may lamang ilang brosyur, aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, * at ilang tract at magasin.

Sa araw ng presentasyon, kabilang sa mga tagapakinig ang 14 na kaklase, guro, at 4 na iba pang estudyante na nagkataong nasa aklatan. Ipinaliwanag muna ni Wojciech na ginamit ng ilang makata at manunulat na Polako ang pangalan ng Diyos, Jehova, sa kanilang mga akda. Binanggit din niya ang ilang lumang katesismong Katoliko kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Sa pagpapaliwanag sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon, ipinakita niya ang mga brosyur ng iba’t ibang tanggapang pansangay at mga larawan ng ilang mga Assembly Hall.

Sumunod ang masiglang talakayan. Ginamit nina Magdalena at Wojciech ang Bibliya sa pagsagot ng mga tanong. Napahanga nito ang mga tagapakinig at nakumbinsi silang hindi ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang sarili nilang mga ideya. Anu-ano ang ilan sa kanilang mga tanong at paano sinagot ang mga ito?

Tanong: Ang Bibliya ay puno ng matalinhagang pananalita at mga metapora, anupat marami ang maaaring maging interpretasyon dito. Paano makapamumuhay ang isang tao nang ayon sa Bibliya?

Sagot: Sinasabi ng ilan na ang Bibliya ay tulad ng biyolin na maaari mong patugtugin sa anumang tonong gusto mo. Pero pag-isipan ito: Kung nais mong malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi ng isang manunulat, hindi ba ang pinakamainam na gawin ay tanungin siya mismo? Di-gaya ng namatay nang mga manunulat ng mga akda ng tao, ang Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, ay buháy. (Roma 1:20; 1 Corinto 8:5, 6) Maipakikita ng konteksto ng isang kasulatan ang tamang interpretasyon. Bukod dito, madalas na tinatalakay sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya ang gayon ding paksa, kaya makatutulong ang paghahambing sa mga ito. Kaya maaari nating hayaang patnubayan ng Diyos ang ating mga kaisipan, na para bang siya mismo ang nagpapaliwanag ng kasulatan sa atin. Kung gagawin natin ito, malalaman natin at makapamumuhay tayo nang ayon sa kaniyang kalooban gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, hindi ba?

Tanong: Ano ang pagkakaiba ng mga Kristiyano at ng mga Saksi ni Jehova?

Sagot: Mga Kristiyano kami! Subalit sa halip na basta mag-angking mga Kristiyano, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na mamuhay nang ayon sa mga paniniwala nila at ayon sa itinuturo ng Diyos sa kanila para sa kapakinabangan nila. (Isaias 48:17, 18) Yamang ang lahat ng kanilang turo ay salig sa Bibliya, batid nilang nasa kanila ang katotohanan.​—Mateo 7:13, 14, 21-23.

Tanong: Bakit ninyo kinakausap ang mga taong hindi ninyo kakilala at nagpupumilit kayong kausapin sila? Hindi ba iyan paggigiit ng inyong pananampalataya sa iba?

Sagot: Sa palagay ninyo, mali bang lapitan kayo ng isang tao sa kalye upang magalang na itanong sa inyo ang inyong opinyon tungkol sa isang bagay? (Jeremias 5:1; Zefanias 2:2, 3) (Saka itinanghal nina Wojciech at Magdalena ang paraan ng pagbabangon nila ng tanong sa mga taong naglalakad kung nagmamalasakit ba ang Diyos sa mga nagdusa sa kamakailang pagbaha sa Poland.) Pagkatapos marinig ang opinyon ng isang tao, inaakay namin ang kanilang pansin sa Bibliya. Kung ayaw makipag-usap ng isang tao, nagpapaalam na kami at nakikipag-usap naman sa iba. (Mateo 10:11-14) Iyan ba ay pamimilit makipag-usap? O dapat bang hindi na lamang makipag-usap ang mga tao?

Tanong: Bakit hindi kayo nagdiriwang ng mga kapistahan?

Sagot: Ipinagdiriwang namin ang tanging pangyayari na iniutos ng Bibliya na gunitain natin​—ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. (1 Corinto 11:23-26) May kinalaman sa mga kapistahan, inyong malalaman ang pinagmulan ng mga ito kapag binasa ninyo ang mga ensayklopidiya at iba pang mapananaligang mga aklat. Kung inyo itong gagawin, madali ninyong matatanto kung bakit hindi namin ipinagdiriwang ang gayong mga kapistahan.​—2 Corinto 6:14-18.

Marami pang mga tanong ang ibinangon at sinagot. Tumagal ang talakayan anupat kinailangang ipagpaliban ang pagpapalabas ng video.

Anu-ano ang naging reaksiyon ng mga estudyante? Hayaan nating si Magdalena ang magsabi sa atin: “Nagulat ako nang ang mga estudyanteng karaniwan nang mapagbiro at nanunuya sa iba ay nagbangon ng seryosong mga tanong. Bagaman sinasabi nilang mga ateista sila, nagpahayag sila ng pananampalataya sa Diyos noong talakayan!” Malugod na tinanggap ng mga dumalo ang mga kaloob​—may kabuuang 35 aklat, 63 brosyur, at 34 na magasin ang naipasakamay sa kanila.

Napakainam na bunga ito ng isang proyekto sa paaralan! Hindi lamang nito natulungan ang mga kaklase ni Magdalena na higit na makilala at maunawaan ang mga Saksi ni Jehova kundi pinasigla rin nito ang maraming kabataan na pag-isipan ang layunin ng buhay. Bakit hindi mo rin sikaping tulungan ang iyong mga kaklase na higit na malaman ang iyong mga paniniwala?

[Talababa]

^ par. 3 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 4 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 4 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 31]

Naghahanda sina Magdalena at Wojciech para sa talakayan