Isang Liham Mula kay Alejandra
Isang Liham Mula kay Alejandra
MATAGAL nang mabisang paraan ng pagpapatotoo ang pagsulat ng liham. Bagaman maaaring hindi tiyak kung minsan ang magiging bunga nito, saganang pinagpapala ang mga nagpapatuloy sa paggamit ng pamamaraang ito. Alam nila ang matalinong payo ng Bibliya: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.”—Eclesiastes 11:6.
Si Alejandra, isang kabataang Saksi na may sampung taon nang naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico, ay ginagamot sa pamamagitan ng chemotherapy dahil sa kanser. Lumala ang kaniyang kalagayan, at nanghina siya nang husto anupat hindi na niya magawa ang kaniyang pang-araw-araw na rutin. Gayunman, dahil ayaw niyang mapabayaan ang kaniyang ministeryo, nagpasiya si Alejandra na sumulat ng mga liham. Sumulat siya tungkol sa kaayusan hinggil sa walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya at inilakip niya ang numero ng telepono ng kaniyang nanay. Pagkatapos, ibinigay niya ang mga liham sa kaniyang nanay upang iwanan ito sa mga tirahan na walang mga tao sa panahon ng ministeryo sa bahay-bahay ng nanay niya.
Samantala, nagtrabaho si Diojany, isang kabataang babae mula sa Guatemala, bilang isang katulong sa Cancún, Mexico. Habang naroroon, nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova at nasiyahan siya sa pakikipag-usap sa kanila hinggil sa Bibliya. Nang maglaon, nagpasiyang lumipat sa Mexico City ang kaniyang mga amo at nais nilang sumama siya. Nag-aatubiling lumipat si Diojany dahil mangangahulugan ito na hindi na niya makikita ang mga Saksi.
“Huwag kang mag-alala,” ang tiniyak sa kaniya ng kaniyang mga amo, “may mga Saksi sa lahat ng dako. Hahanapin natin sila pagdating natin doon.” Taglay ang masayang pag-asang iyon, sumang-ayon si Diojany na sumama sa kanila. Pagdating sa Mexico City, hinanap ng mga amo ni Diojany ang mga Saksi. Sa ilang kadahilanan, hindi nila nasumpungan ang mga ito, bagaman may mahigit sa 41,000 Saksi at 730 kongregasyon sa lunsod na iyon.
Di-nagtagal, nasisiraan na ng loob si Diojany sapagkat hindi niya masumpungan ang mga Saksi upang ipagpatuloy ang kaniyang pakikipag-usap hinggil sa Bibliya. Isang araw, lumapit sa kaniya ang amo niyang babae, na ang sabi: “May sorpresa ako! Dininig ng iyong Diyos ang mga panalangin mo.” Habang iniaabot sa kaniya ang isang liham, sinabi niya: “Iniwan sa iyo ng mga Saksi ang liham na ito.” Isa itong liham mula kay Alejandra.
Nakipag-ugnayan si Diojany sa nanay ni Alejandra at sa kapatid nitong babae, si Blanca, at tinanggap ang isang pag-aaral sa Bibliya. Pagkaraan ng ilang linggo, nakilala niya si Alejandra at tuwang-tuwa silang makita ang isa’t isa. Pinasigla siya ni Alejandra na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya upang sumulong siya sa espirituwal.
Pagkaraan ng ilang buwan, noong Hulyo 2003, namatay si Alejandra, na nakapag-iwan sa kaniyang mga kapananampalataya ng mainam na halimbawa ng pananampalataya at lakas ng loob. Sa libing, marami ang lubhang naantig nang makilala nila si Diojany at marinig ang kaniyang sinabi: “Isang kahanga-hangang halimbawa sa akin si Alejandra at ang kaniyang pamilya. Determinado akong maglingkod kay Jehova at magpabautismo sa lalong madaling panahon. Nananabik akong makitang muli si Alejandra sa dumarating na Paraiso!”
Oo, maaaring maliit na bagay ang isang liham. Subalit totoong kaayaaya at nagtatagal ang mga epekto nito!