Mga Kabataan—Magpatulong Kayo sa Inyong mga Magulang na Bantayan ang Inyong Puso!
Mga Kabataan—Magpatulong Kayo sa Inyong mga Magulang na Bantayan ang Inyong Puso!
ANO sa palagay mo ang pinakamahirap na hamon para sa isang kapitan ng barko? Ang pagtawid kaya nang ligtas sa malawak na karagatan? Karaniwan nang hindi. Karamihan sa mga barkong nawawasak ay yaong malapit na sa dalampasigan at hindi sa laot. Sa katunayan, baka mas mapanganib pa ngang magdaong ng barko kaysa magpalapag ng eroplano. Bakit?
Bago ligtas na maidaong ng kapitan ang kaniyang barko, kailangan niyang iwasan ang lahat ng panganib sa isang partikular na daungan. Kailangang alam niyang isaalang-alang ang mga daloy sa ilalim ng tubig habang iniiwasan niyang bumangga sa iba pang barko. Kailangan din niyang iwasang sumadsad sa mga bahura ng buhangin, mga bato, o mga labí ng nasirang barko na nakakubli sa ilalim ng tubig. At mas masahol pa, baka ito ang kaniyang kauna-unahang pagdaong sa pantalan.
Upang mapagtagumpayan ang mga problemang ito, maaaring magpatulong ang isang matalinong kapitan sa isang piloto na pamilyar sa daungang iyon. Nakatayo ang piloto sa plataporma ng barko katabi ng kapitan at nagbibigay ng ekspertong patnubay. Magkasama nilang sinusuri ang mga panganib at minamaniobra ang barko sa anumang makipot na mga lagusan patungo sa daungan.
Maihahambing ang kinakailangang kasanayan ng piloto sa napakahalagang tulong na maaaring makuha ng mga kabataang Kristiyano na kailangang magplano sa buhay sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Ano ang tulong na ito? Bakit ito kailangan ng mga tin-edyer?
Ipagpatuloy natin ang ilustrasyon hinggil sa barko. Kung isa kang binata o dalaga, kagaya mo ang kapitan ng barko dahil sa malao’t madali, kakailanganin mong magpasiya hinggil sa iyong buhay. At ang mga magulang mo naman ay may papel na kagaya ng piloto ng barko habang sinisikap nilang patnubayan ka sa ilan sa pinakamahihirap na situwasyon na kailangan mong harapin sa buhay. Gayunman, sa panahon ng pagkatin-edyer, baka mahirapan kang tanggapin ang payo na ibinibigay sa iyo ng mga magulang mo. Bakit kaya?
Kalimitan nang nauugnay ang puso sa suliranin. Baka udyukan ka ng iyong puso na nasain kung ano ang ipinagbabawal o kaya ay tutulan ang anumang bagay na inaakala mong nagkakait sa iyo ng kalayaan. “Ang hilig ng puso ng tao,” ang sabi sa Bibliya, “ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Ipinababatid sa iyo ni Jehova na malaking pagsubok ang makakaharap mo. “Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama,” ang babala niya. (Jeremias 17:9, Ang Biblia) Bukod sa pagkikimkim ng maling mga pagnanasa, maaaring dayain ng puso ang isang kabataan upang isiping mas marami siyang nalalaman kaysa sa kaniyang mga magulang, bagaman may higit silang karanasan. Gayunman, may mabubuti kang dahilan para magpatulong sa iyong mga magulang habang naglalayag ka sa mahihirap na taon ng pagkatin-edyer.
Bakit Mo Dapat Sundin ang Iyong mga Magulang?
Higit sa lahat, sinasabi sa iyo ni Jehova, ang Tagapagpasimula ng pamilya, na dapat kang makinig sa patnubay ng iyong mga magulang. (Efeso 3:15) Yamang inatasan ng Diyos ang iyong mga magulang upang alagaan ka, pinapayuhan ka niya: “Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat.” (Efeso 6:1-3, Magandang Balita Biblia; Awit 78:5) Bagaman tin-edyer ka na, pananagutan pa rin ng iyong mga magulang na patnubayan ka, at obligasyon mo namang sumunod. Nang isulat ni apostol Pablo na dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang, ginamit niya ang salitang Griego na maaaring kumapit sa mga anak anuman ang kanilang edad. Halimbawa, gaya ng nakaulat sa Mateo 23:37, tinukoy ni Jesus ang mga naninirahan sa Jerusalem bilang kaniyang “mga anak,” bagaman karamihan sa mga tao roon ay mga adulto na.
Maraming tapat na mga lalaki noon ang patuloy na sumunod sa kanilang mga magulang kahit mga adulto na sila. Bagaman malaki na si Jacob, naunawaan niya na kailangan siyang sumunod sa utos ng kaniyang ama na huwag mag-asawa ng isang babaing hindi mananamba ni Jehova. (Genesis 28:1, 2) Walang alinlangan, nakita ni Jacob na nagdulot ng matinding dalamhati sa kaniyang mga magulang ang desisyon ng kaniyang kapatid na mag-asawa ng paganong mga babaing Canaanita.—Genesis 27:46.
Bukod sa kanilang bigay-Diyos na pananagutang patnubayan ka, ang iyong Kristiyanong mga magulang ang pinakakuwalipikadong maging tagapayo mo. Ang pangunahing dahilan ay sapagkat kilalang-kilala ka nila at walang-alinlangang naipakita na nila ang kanilang walang-pag-iimbot na pag-ibig sa iyo sa loob ng maraming taon. Gaya ng piloto ng barko, nagsasalita sila buhat sa kanilang karanasan. Naranasan nila mismo ang “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” At bilang tunay na mga Kristiyano, personal na nilang nakita ang kahalagahan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya.—2 Timoteo 2:22.
Yamang ang tulong ng mga may karanasan ay nasa tabi mo lamang, natutulungan kang harapin nang matagumpay maging ang pinakamahihirap na situwasyon. Kuning halimbawa ang pakikipag-ugnayan mo sa di-kasekso. Paano ka mapapatnubayan ng iyong Kristiyanong mga magulang sa maselang bagay na ito?
Pagkaakit sa Di-kasekso
Pinapayuhan ng mga piloto ang mga kapitan ng barko na dumistansiya mula sa mga bahura ng buhangin. Malambot ang mga bahura ng buhangin subalit mapanganib, yamang nagbabago ang posisyon ng mga ito. Nanaisin din ng iyong mga magulang na lumayo ka sa mga kalagayan na maaaring sumilo sa iyo sa emosyonal na paraan. Halimbawa, alam ng mga magulang na ang mga damdamin para sa isang di-kasekso ay maaaring masidhi at mahirap ilarawan. Subalit minsang mapukaw, maaari kang ipahamak ng mga damdaming ito.
Ipinakikita ng halimbawa ni Dina na mapanganib ang hindi paglayo sa kapahamakan. Marahil ay pagkamausisa at pagnanais na magpakasaya ang nagtulak kay Dina na makipagkaibigan sa mga babaing Canaanita, na walang-alinlangang maluwag sa moral. Ang animo’y di-nakapipinsalang katuwaan sa pasimula ay humantong nang maglaon sa isang masaklap na karanasan—ginahasa siya ng “pinakamarangal” na kabataang lalaki sa bayan.—Genesis 34:1, 2, 19.
Ang gayong mga panganib ay pinalala pa ng palagiang pagdiriin sa sekso sa mga panahon na kinabubuhayan natin. (Oseas 5:4) Baka papaniwalain ka ng maraming kabataan na ang pagsasaya kasama ng isang di-kasekso ang pinakamaligayang bagay na puwedeng gawin. Baka nananabik kang maging mapag-isa kasama ng isang di-kasekso na nagugustuhan mo. Subalit sisikapin ng maibiging mga magulang na ipagsanggalang ka mula sa pakikipagsamahan sa mga kabataang hindi gumagalang sa mga pamantayan ng Diyos.
Inaamin ni Laura na maaaring bulagin ng pagkamausisa ang mga tin-edyer mula sa panganib. “Nang sabihin sa akin ng mga kaklase kong babae na nakipagsayawan sila sa ilang guwapong kabataang lalaki hanggang hating-gabi, pinalilitaw nilang isang di-malilimot na karanasan iyon. Alam kong madalas na pinagaganda lamang nila ang kuwento, pero gusto ko pa ring mag-usisa at naiisip kong baka napagkakaitan ako ng malaking kaligayahan. Bagaman alam kong makatuwiran ang mga magulang ko sa hindi pagpapahintulot sa akin na pumunta sa gayong mga lugar, natutukso pa rin ako.”
Walang mga preno ang barko, kaya matagal itong mapahinto. Alam ng mga magulang na ganito rin ang pagnanasa. Ang isang lalaking kinokontrol ng di-mapigil na pagnanasa ay inihahambing ng aklat ng Mga Kawikaan sa isang toro na inaakay sa patayan. (Kawikaan 7:21-23) Hindi mo gugustuhing mangyari sa iyo ang gayon, anupat dumanas ng espirituwal at emosyonal na pinsala. Maaaring napapansin ng iyong mga magulang na inililigaw ka na ng iyong puso hinggil sa bagay na ito, at maaaring magbigay sila ng angkop na payo. Magiging marunong ka kaya at makikinig sa kanila upang makaiwas sa kapahamakan?—Kawikaan 1:8; 27:12.
Kailangan mo rin ang suporta ng iyong mga magulang kapag kailangan mong pagtagumpayan ang panggigipit ng mga kasamahan. Paano ka nila matutulungan?
Ang Mapanghikayat na Impluwensiya ng Iyong mga Kasamahan
Maaaring maanod palayo ang isang barko dahil sa malalakas na agos. Upang labanan ang puwersang ito, kailangang maniobrahin sa ibang direksiyon ang barko. Sa katulad na paraan, maaari kang maanod palayo sa espirituwal dahil sa mapanghikayat na impluwensiya ng ibang mga kabataan maliban na lamang kung gagawa ka ng kinakailangang mga hakbang.
Gaya ng ipinakikita ng halimbawa ni Dina, “kung makikipagkaibigan ka sa mga taong hangal, mapapahamak ka.” (Kawikaan 13:20, Today’s English Version) Tandaan na sa Bibliya, ang “hangal” ay isa na hindi nakakakilala kay Jehova o isa na nagpapasiyang huwag lumakad sa kaniyang mga daan.
Gayunman, baka hindi madaling tanggihan ang mga pananaw o mga gawain ng iyong mga kaklase. Ganito ang paliwanag ni María José: “Gusto kong tanggapin ako ng ibang kabataan. Dahil ayaw kong isipin nilang naiiba ako, ginagaya ko sila hangga’t maaari.” Maaari kang maimpluwensiyahan ng iyong mga kasamahan nang hindi mo namamalayan—sa pagpili mo ng musika, sa gusto mong isuot na damit, o maging sa paraan ng iyong pagsasalita. Baka komportable ka kapag kasama mo ang mga kabataang kaedad mo. Likas lamang ito, subalit madali kang matatangay ng kanilang malakas na impluwensiya, na maaari namang maging nakapipinsala.—Naaalaala ni Caroline ang suliraning napaharap sa kaniya ilang taon na ang nakalilipas: “Mula nang tumuntong ako sa edad na 13, karamihan sa mga kaibigan kong babae ay may mga kasintahan na, at sa loob ng ilang taon ay lagi akong ginigipit na tumulad sa kanila. Gayunman, pinatnubayan ako ng aking ina sa mahihirap na panahong ito. Gumugol siya ng maraming oras sa pakikinig sa akin, pakikipagkatuwiranan sa akin, at pagtulong sa akin na makita ang pangangailangang ipagpaliban muna ang gayong mga ugnayan hanggang sa maging mas maygulang na ako.”
Gaya ng ina ni Caroline, baka madama rin ng iyong mga magulang na kailangan nilang babalaan ka hinggil sa panggigipit ng kasamahan o bigyan ka ng limitasyon sa ilang gawain o pakikipagkaibigan. Natatandaan ni Nathan ang maraming pagkakataon na nakipagtalo siya sa kaniyang mga magulang hinggil sa gayong mga bagay. “Madalas akong anyayahan ng mga kaibigan ko na lumabas kasama nila,” ang paliwanag niya, “subalit ayaw ng mga magulang ko na sumama ako sa malalaking grupo o pumunta sa malalaking parti na walang nangangasiwa. Hindi ko maintindihan noon kung bakit mas maluwag ang ibang mga magulang kaysa sa aking mga magulang.”
Gayunman, naunawaan din ito ni Nathan nang maglaon. “Alam ko na sa aking kalagayan ‘ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata,’ ” ang pag-amin niya. “Waring lumalabas ang kamangmangang ito kapag nagsasama-sama ang mga kabataang lalaki. Magsisimulang gumawa ng masama ang isa, susundan ng isa ng mas masama pa, at palulubhain naman ng ikatlo ang situwasyon. Di-magtatagal at bubuyuhin nang makisali ang lahat. Maaaring mahulog sa bitag na ito maging ang mga kabataang nag-aangking naglilingkod kay Jehova.”—Kawikaan 22:15.
Kapuwa nakipagpunyagi sina Nathan at María José sa kanilang puso nang hindi sila pahintulutan ng kanilang mga magulang na gawin ang sinasabi ng kanilang mga kasamahan. Gayunman, nakinig sila, at nang maglaon ay ikinagalak nilang ginawa nila iyon. Sinasabi ng kawikaan: “Ikiling mo ang iyong pandinig at dinggin mo ang mga salita ng marurunong, upang maituon mo ang iyong puso sa aking kaalaman.”—Kawikaan 22:17.
Karapat-dapat sa Karangalan
Mahirap maniobrahin ang barkong tumatagilid, at kung labis ang pagtagilid nito, madali itong tataob. Dahil sa hindi kasakdalan, tayong lahat ay may hilig na maging makasarili at gumawa ng mali. Sa kabila ng mga tendensiyang ito, ang mga kabataan ay maaari pa ring makarating sa daungan, wika nga, kung maingat nilang susundin ang patnubay ng kanilang mga magulang.
Mateo 7:13, 14) Hindi makatuwirang isipin na puwede kang gumawa ng maliit na kasalanan nang hindi naman talaga lumalabag sa kautusan ng Diyos, na maaari mong “tikman” ang kasalanan nang hindi ito nilululon. Ang mga nagsisikap sumunod sa gayong landasin ay “iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon”—naglilingkod kay Jehova sa isang antas subalit umiibig din naman sa sanlibutan at sa mga bagay na nasa sanlibutan—at madaling tumaob sa espirituwal na paraan. (1 Hari 18:21; 1 Juan 2:15) Bakit nangyayari iyon? Dahil sa ating makasalanang mga hilig.
Halimbawa, matutulungan ka ng iyong mga magulang na iwaksi ang ideya na may isa pang daan sa gitna ng makipot na daan patungo sa buhay at ng malapad na daan patungo sa pagkapuksa. (Mas sisidhi ang ating di-sakdal na mga pagnanasa kung magpapadala tayo sa mga ito. Hindi masisiyahan ang ating ‘mapandayang puso’ sa ‘pagtikim’ lamang sa kasalanan. Maghahangad ito ng higit pa. (Jeremias 17:9) Minsang magsimula tayong maanod sa espirituwal, magkakaroon ng higit at higit na impluwensiya ang sanlibutan sa atin. (Hebreo 2:1) Baka hindi mo mapansing tumatagilid ka na sa espirituwal, subalit malamang na mapapansin ito ng iyong Kristiyanong mga magulang. Totoo, baka mas mabilis kang matuto ng programa sa computer kaysa sa kanila, subalit mas marami silang nalalaman hinggil sa mapandayang puso. At gusto ka nilang tulungan na ‘akayin ang iyong puso sa daan’ na umaakay sa buhay.—Kawikaan 23:19.
Mangyari pa, huwag asahan na laging makapagpapasiya nang tama ang iyong mga magulang kapag kinakailangan nilang magbigay sa iyo ng mga panuntunan sa sensitibong mga bagay, gaya ng musika, paglilibang, at pag-aayos. Maaaring hindi kasintalino ng iyong mga magulang si Solomon, ni kasintiyaga man sila ni Job. Gaya ng isang piloto ng barko, baka maging masyado silang mahigpit upang maiwasan ang mga panganib. Gayunman, makikinabang ka nang husto kung makikinig ka sa ‘disiplina ng iyong ama, at hindi mo iiwan ang kautusan ng iyong ina.’—Kawikaan 1:8, 9.
Maaaring hamakin ng ilang kabataan ang kanilang mga magulang. Gayunman, kung sinisikap ng iyong mga magulang na sundin ang Kasulatan, nasa tabi mo sila, sa anumang panahon, sa lahat ng pagkakataon, sa harap ng anumang kagipitan. Gaya ng isang kapitan ng barko na pinapayuhan ng isang makaranasang piloto, kailangan mo ang iyong mga magulang upang patnubayan ka, upang akayin ka sa daan ng karunungan. Magdudulot ito ng napakalaking kapakinabangan.
“Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan, mula sa taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay, mula sa mga lumilihis sa mga landas ng katuwiran upang lumakad sa mga daan ng kadiliman . . . Sapagkat ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito.”—Kawikaan 2:10-13, 21.
[Larawan sa pahina 22]
Maaari kang maanod palayo sa espirituwal na paraan dahil sa impluwensiya ng ibang mga kabataan
[Larawan sa pahina 23]
Alalahanin ang karanasan ni Dina
[Larawan sa pahina 24]
Kung paanong humihingi ng payo sa isang makaranasang piloto ang isang kapitan ng barko, dapat ding magpaakay ang mga kabataan sa patnubay ng kanilang mga magulang
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Larawan: www.comstock.com