Sino ang Nararapat na Lider sa Ngayon?
Sino ang Nararapat na Lider sa Ngayon?
Noong 1940, nagkaroon ng krisis sa liderato ng Parlamento ng Britanya. Ang 77-taóng-gulang na si David Lloyd George, na nakinig sa debate, ang umakay sa Britanya upang magtagumpay noong Digmaang Pandaigdig I, at dahil sa kaniyang maraming taóng karanasan sa pulitika, masusi niyang nasuri ang gawain ng matataas na opisyal. Sa isang talumpati sa House of Commons noong Mayo 8, sinabi niya: “Handa ang bansa na isakripisyo ang kahit ano hangga’t may liderato ito, hangga’t malinaw na ipinakikita ng Pamahalaan kung ano ang kanilang mga adhikain at hangga’t nagtitiwala ang bansa na ginagawa ng mga namumuno ang kanilang buong makakaya.”
NILILIWANAG ng mga salita ni Lloyd George na inaasahan ng mga tao na ang kanilang mga lider ay may-kakayahan at taimtim na magsisikap na paunlarin ang mga bagay-bagay. Ganito ang pagkasabi ng isang tagapagkampanya sa eleksiyon: “Kapag may ibinobotong pangulo ang mga tao, ibinoboto nila ang isang pagkakatiwalaan nila ng kanilang buhay, ng kanilang kinabukasan, ng kanilang mga anak.” Isang napakalaking tungkulin na pakaingatan ang gayong pagtitiwala. Bakit?
Ang daigdig natin ay punung-puno ng mga problema na waring wala nang solusyon. Halimbawa, sinong lider ang napakatalino at napakamakapangyarihan anupat mapapawi niya ang krimen at digmaan? Sino sa mga lider sa ngayon ang may mga kakayahan at habag upang mapaglaanan ng pagkain, malinis na tubig, at pangangalaga sa kalusugan ang lahat ng tao? Sino ang may kaalaman at determinasyon upang maipagsanggalang at maisauli ang kapaligiran? Sino ang may sapat na kakayahan at kapangyarihan upang matiyak na magtatamasa ng mahaba at maligayang buhay ang buong sangkatauhan?
Hindi Kayang Gampanan ng mga Tao ang Gayong Atas
Totoo naman na may ilang lider na nagtatagumpay. Subalit makapaglilingkod lamang sila nang ilang dekada—at sino ang susunod pagkatapos? Ang tanong na ito ay pinag-isipan ng isa sa pinakamagaling na lider na nabuhay kailanman, si Haring Solomon ng sinaunang Israel. Ganito ang kaniyang konklusyon: “Ako nga ay napoot sa lahat ng aking pagpapagal na pinagpapagalan ko sa ilalim ng araw, na iiwanan ko para sa tao na magiging kasunod ko. At sino ang nakaaalam kung siya ay magiging marunong o mangmang? Gayunma’y pamamahalaan niya ang lahat ng aking pagpapagal na pinagpagalan ko at pinagpakitaan ko Eclesiastes 2:18, 19.
ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito rin ay walang kabuluhan.”—Hindi alam ni Solomon kung ipagpapatuloy o sisirain ng kahalili niya ang lahat ng kaniyang mabuting gawa. Para kay Solomon, “walang kabuluhan” ang proseso ng paghalili ng mga baguhang tagapamahala sa mga datihan. Tinatawag ng ibang salin ng Bibliya ang prosesong ito na “walang saysay,” o “walang kabuluhan.” Ganito ang sabi ng isang bersiyon: “Wala itong kuwenta.”
Kung minsan, ginagamit ang karahasan upang sapilitang halinhan ang mga tagapamahala. Pinapaslang ang may-kakayahang mga lider habang nanunungkulan ang mga ito. Minsan ay sinabi ni Abraham Lincoln, isang kagalang-galang na pangulo ng Estados Unidos, sa mga tagapakinig niya: “Pinili ako upang gampanan ang isang mahalagang tungkulin sa sandaling panahon, at sa inyong paningin, pinagkalooban ako ngayon ng kapangyarihan na madali ring lilipas.” Totoo ngang sandali lamang ang kaniyang paglilingkod. Sa kabila ng lahat ng ginawa niya at ng kaniyang hangaring paglingkuran pa nang higit ang mga tao, apat na taon lamang namuno si Pangulong Lincoln sa kaniyang bansa. Sa pasimula ng kaniyang ikalawang panunungkulan, pinatay siya ng isang lalaking naghahangad na mabago ang liderato.
Hindi kayang garantiyahan kahit ng pinakamagagaling na lider na tao ang kanilang sariling kinabukasan. Kung gayon, magtitiwala ka ba na magagarantiyahan nila ang sa iyo? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas. Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.” Ganito ang salin ng Ang Biblia sa huling bahagi ng talata 4: “Sa araw ding iyo’y nawawalan ng saysay ang kanilang mga balak.”—Awit 146:3, 4.
Maaaring mahirap tanggapin ang payo na huwag magtiwala sa mga lider na tao. Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya na hindi na magkakaroon kailanman ng mahusay at namamalaging lider ang sangkatauhan. “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran,” ang sabi ng Isaias 32:1. Naghanda ang Diyos na Jehova, ang Maylalang ng tao, ng “isang hari,” isang Lider, na malapit nang lubusang mamahala sa mga gawain sa lupa. Sino siya? Ipinakikilala siya ng hula ng Bibliya.
Isang Tunay na Kuwalipikadong Maging Lider
Dalawang libong taon na ang nakalilipas, sinabi ng isang anghel sa dalagang Judio na nagngangalang Maria: “Ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:31-33) Oo, si Jesus ng Nazaret ang Hari na ipinakikilala ng hula ng Bibliya.
Si Jesus ay madalas na inilalarawan ng relihiyosong mga sining bilang isang sanggol, isang taong payat at mahina, o isang lalaking mapagpakasakit na nagpaparaya na lamang anuman ang gawin sa kaniya. Ang mga paglalarawang ito ay hindi makapupukaw ng pagtitiwala sa kaniya bilang Tagapamahala. Gayunman, ang tunay na Jesu-Kristo sa Bibliya ay lumaking isang masigla at matipunong lalaki na lipos ng sigasig at pagkukusa. At may iba pa siyang mga katangian na nagpapatunay na kuwalipikado siyang maging lider. (Lucas 2:52) Ang sumusunod ay ilan sa mga bahagi ng kaniyang natatanging personalidad.
Napanatili ni Jesus ang sakdal na katapatan. Gayon na lamang ang kaniyang tapat at matuwid na paggawi anupat hayagan niyang hinamon ang kaniyang mga kaaway na magharap ng makatuwirang akusasyon laban sa kaniya. Wala silang maiharap. (Juan 8:46) Nahikayat ang maraming taimtim na mga tao na maging mga tagasunod niya dahil sa kaniyang di-mapagpaimbabaw na mga turo.—Juan 7:46; 8:28-30; 12:19.
Lubusang nakaalay sa Diyos si Jesus. Gayon na lamang ang determinasyon niya na tapusin ang kaniyang bigay-Diyos na gawain anupat walang kalaban—tao man o demonyo—ang makahahadlang sa kaniya. Hindi siya natakot sa mararahas na pagsalakay. (Lucas 4:28-30) Hindi siya nasiraan ng loob dahil sa pagod at gutom. (Juan 4:5-16, 31-34) Bagaman tinalikuran siya ng kaniyang mga kaibigan, hindi siya lumihis kailanman sa kaniyang tunguhin.—Mateo 26:55, 56; Juan 18:3-9.
May matinding pagmamalasakit si Jesus sa mga tao. Binigyan niya ng pagkain ang mga nagugutom. (Juan 6:10, 11) Inaliw niya ang mga nanlulumo. (Lucas 7:11-15) Pinagaling niya ang mga bulag, bingi, at mga may karamdaman. (Mateo 12:22; Lucas 8:43-48; Juan 9:1-6) Pinatibay niya ang loob ng kaniyang masisipag na apostol. (Juan, kabanata 13-17) Siya ay naging “mabuting pastol” na nag-aalaga sa kaniyang mga tupa.—Juan 10:11-14.
Handang magtrabaho si Jesus. Hinugasan niya ang mga paa ng mga apostol upang turuan sila ng mahalagang aral. (Juan 13:4-15) Ang mga paa niya mismo ay narumhan habang ipinangangaral ang mabuting balita sa maalikabok na mga daan sa Israel. (Lucas 8:1) Kahit noong nagbabalak siyang magpahinga sa “isang liblib na dako,” tumugon siya nang hilingin ng mga pulutong na turuan pa sila. (Marcos 6:30-34) Sa gayon ay naging halimbawa siya ng kasipagan para sa lahat ng mga Kristiyano.—1 Juan 2:6.
Tinapos ni Jesus ang kaniyang atas at nilisan ang lupa. Bilang gantimpala sa kaniyang katapatan, ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos na Jehova ang pagkahari at imortalidad sa langit. Tungkol sa binuhay-muling si Jesus, sinasabi ng Bibliya: “Si Kristo, ngayong ibinangon na siya mula sa mga patay, ay hindi na namamatay; ang kamatayan ay hindi na namamanginoon sa kaniya.” (Roma 6:9) Makatitiyak ka nga na siya ang magiging pinakamagaling na Lider ng sangkatauhan. Kapag si Kristo Jesus na ang lubusang namahala sa buong lupa, hindi na kailangang pagkalooban ng kapangyarihan ang sinuman, ni kailangan pang magkaroon ng ibang lider. Hindi siya mapaaalis kailanman sa tungkulin, at ang kaniyang gawa ay hindi ibibitin o sisirain ng walang-kakayahang kahalili. Ngunit ano nga ba ang partikular na gagawin niya na pakikinabangan ng sangkatauhan?
Kung Ano ang Gagawin ng Bagong Lider na Ito
Naglalaan sa atin ang Awit 72 ng ilang makahulang detalye kung paano mamamahala ang sakdal at imortal na Haring ito. Sa talata 7 at 8, mababasa natin: “Sa kaniyang mga araw ay sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan. At magkakaroon siya ng mga sakop sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.” Sa ilalim ng kaniyang kapaki-pakinabang na pamamahala, tatamasahin ng mga nananahan sa lupa ang walang-hanggan at walang-maliw na katiwasayan. Sisirain niya ang lahat ng umiiral na sandata at aalisin sa puso ng tao maging ang hangaring makipaglaban. Lubusang mababago ang disposisyon ng mga tao sa ngayon na nananalakay sa iba na parang ganid na mga leon o nakikitungo sa kanilang mga kapuwa na tulad ng mababagsik na oso. (Isaias 11:1-9) Sasagana ang kapayapaan.
Sinasabi pa ng Awit 72 sa talata 12 hanggang 14: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.” Ang mga maralita, dukha, at napipighati ay magiging bahagi ng isang maligayang pamilya ng tao, na nagkakaisa sa ilalim ng pangunguna ng haring si Jesu-Kristo. Malilipos ng kagalakan, hindi ng pagdadalamhati at kawalan ng pag-asa, ang kanilang buhay.—Isaias 35:10.
Nangangako ang talata 16: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” Palaging nakararanas ng gutom ang milyun-milyong tao sa lupa sa ngayon. Kadalasan ay nahahadlangan ng pulitika at kasakiman ang pantay-pantay na pamamahagi ng sapat na pagkain, anupat ang karamihan, lalo na ang mga bata, ay namamatay sa gutom. Subalit sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo, maglalaho ang problemang ito. Ang lupa ay saganang aani ng masasarap na pagkain. Mabubusog ang buong sangkatauhan.
Gusto mo bang matamasa ang mga pagpapalang ito ng pagkakaroon ng mahusay na lider? Kung oo, pinasisigla ka naming alamin ang tungkol sa Lider na ito na lubusang mamamahala sa buong lupa sa malapit na hinaharap. Nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang gawin iyan. Hindi ka mabibigo, sapagkat sinabi mismo ng Diyos na Jehova tungkol sa kaniyang Anak: “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.”—Awit 2:6.
[Kahon sa pahina 5]
BIGLANG NAALIS SA KAPANGYARIHAN
Karaniwan nang inaasahan ng isang tagapamahala na igagalang at susuportahan siya ng kaniyang mga nasasakupan kung pagkakalooban niya ang mga ito ng makatuwirang antas ng kapayapaan at matiwasay na mga kalagayan ng pamumuhay. Subalit kapag nawalan ng tiwala sa kaniya ang mga tao bunga ng anumang kadahilanan, di-magtatagal at may iba namang uupo sa kapangyarihan. Ang sumusunod ay ilang halimbawa ng mga kalagayan na nagiging dahilan upang biglang maalis sa kapangyarihan ang malalakas na tagapamahala.
Mahirap na mga kalagayan ng pamumuhay. Noong huling bahagi ng ika-18 siglo, napilitan ang maraming mamamayang Pranses na mamuhay nang maraming binabayarang buwis ngunit salat naman sa pagkain. Ang mga kalagayang ito ang naging sanhi ng Rebolusyong Pranses, na naging dahilan ng pagpatay kay Haring Louis XVI noong 1793 sa pamamagitan ng gilotina.
Digmaan. Winakasan ng Digmaang Pandaigdig I ang pamamahala ng ilan sa pinakamakapangyarihang mga emperador sa kasaysayan. Halimbawa, noong 1917, ang kakapusan sa pagkain sa St. Petersburg, Russia na epekto ng digmaan ay humantong sa February Revolution. Pinatalsik ng rebolusyong ito sa trono si Czar Nicholas II at umakay ito sa pamamahalang Komunista. Noong Nobyembre 1918, nais na sanang makipagpayapaan ng Alemanya, ngunit hindi tumigil sa pakikipaglaban ang mga Alyado hangga’t hindi nagkakaroon ng pagbabago sa pamamahala. Dahil dito, napilitang ipatapon sa Netherlands ang emperador ng Alemanya na si Wilhelm II.
Paghahangad sa ibang sistema ng pamamahala. Noong 1989, bumagsak ang Komunismo. Ang mga rehimen na waring kasintibay ng bato ay nadurog nang tanggihan ng kanilang mga nasasakupan ang Komunismo at itatag ng mga ito ang iba’t ibang anyo ng pamamahala.
[Mga larawan sa pahina 7]
Pinakain ni Jesus ang mga gutóm, pinagaling ang mga maysakit, at ipinakita ang mainam na halimbawa para sa lahat ng Kristiyano
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Lloyd George: Photo by Kurt Hutton/Picture Post/Getty Images