Hanapin Ninyo si Jehova, ang Tagasuri ng mga Puso
Hanapin Ninyo si Jehova, ang Tagasuri ng mga Puso
“Hanapin ninyo ako, at patuloy kayong mabuhay.”—AMOS 5:4.
1, 2. Ano ang ibig sabihin kapag sinasabi ng Kasulatan na ‘nakikita ni Jehova kung ano ang nasa puso’?
SINABI ng Diyos na Jehova kay propeta Samuel: “Ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Paano ‘nakikita ni Jehova kung ano ang nasa puso’?
2 Sa Kasulatan, ang puso ay madalas na ginagamit upang makasagisag na kumatawan sa panloob na pagkatao ng isang indibiduwal—ang kaniyang mga ninanasa, iniisip, nadarama at minamahal. Kaya kapag sinasabi ng Bibliya na nakikita ng Diyos ang puso, nangangahulugan ito na hindi niya tinitingnan ang panlabas na anyo kundi nagtutuon siya ng pansin sa tunay na pagkatao ng isang indibiduwal.
Sinuri ng Diyos ang Israel
3, 4. Ayon sa Amos 6:4-6, ano ang kalagayang umiral sa sampung-tribong kaharian ng Israel?
3 Nang magmasid ang Tagasuri ng mga puso sa sampung-tribong kaharian ng Israel noong panahon ni Amos, ano ang nakita Niya? Binabanggit ng Amos 6:4-6 ang mga lalaking “nakahiga sa mga higaang garing at nakahilata sa kanilang mga kama.” Sila ay “kumakain ng mga barakong tupa mula sa kawan at ng mga guyang toro mula sa mga pinatabang guya.” Ang mga lalaking iyon ay “gumawa para sa kanilang sarili ng mga panugtog para sa pag-awit” at “umiinom mula sa mga mangkok ng alak.”
4 Sa unang tingin, waring kaayaayang eksena ito. Sa kaalwanan ng kanilang mararangyang tahanan, tinatamasa ng mayayaman ang pinakamasasarap na pagkain at inumin at inaaliw sila ng pinakamagagandang instrumento sa musika. Mayroon din silang “mga higaang garing.” Natagpuan ng mga arkeologo ang pagkagagandang nililok na garing sa Samaria, ang kabiserang lunsod ng kaharian ng Israel. (1 Hari 10:22) Malamang na ang karamihan sa mga ito ay nakakabit sa mga muwebles at nakapalamuti sa mga dingding na kahoy.
5. Bakit hindi nalugod ang Diyos sa mga Israelita noong panahon ni Amos?
5 Tutol ba ang Diyos na Jehova na namumuhay nang maalwan ang mga Israelita, nagtatamasa ng masasarap na pagkain, umiinom ng maiinam na alak, at nakikinig sa magagandang musika? Siyempre, hindi! Sa katunayan, sagana siyang naglalaan ng gayong mga bagay para sa kasiyahan ng tao. (1 Timoteo 6:17) Ang hindi nakalugod kay Jehova ay ang maling mga pagnanasa ng bayan, ang balakyot na kalagayan ng kanilang puso, ang kanilang walang-pagpipitagang saloobin sa tunay na Diyos, at ang kanilang kawalan ng pag-ibig sa kapuwa nila mga Israelita.
6. Ano ang espirituwal na kalagayan ng Israel noong panahon ni Amos?
6 Ang mga ‘nakahilata sa kanilang mga kama, kumakain ng mga barakong tupa mula sa kawan, umiinom ng alak, at gumagawa ng mga panugtog para sa pag-awit’ ay magugulat. Tinanong ang mga lalaking iyon: “Inaalis ba ninyo sa inyong isipan ang kapaha-pahamak na araw?” Dapat sana silang labis na mapighati dahil sa mga kalagayan sa Israel, subalit sila ay “hindi nagkasakit dahil sa kasakunaan ng Jose.” (Amos 6:3-6) Sa kabila ng saganang kabuhayan ng bansa, nakita ng Diyos na ang Jose—o Israel—ay nasa kapaha-pahamak na espirituwal na kalagayan. Gayunman, ang mga tao ay patuloy sa kanilang pang-araw-araw na gawain nang hindi man lamang nababahala. Marami sa ngayon ang may gayunding saloobin. Baka sumang-ayon sila na nabubuhay tayo sa mahirap na panahon, ngunit hangga’t hindi sila personal na naaapektuhan, hindi sila nababahala sa kalagayan ng iba at wala silang interes sa espirituwal na mga bagay.
Israel—Isang Bansang Pasamâ Nang Pasamâ
7. Ano ang mangyayari kung hindi makikinig ang bayan ng Israel sa mga babala ng Diyos?
7 Inilalarawan ng aklat ng Amos ang isang bansa na pasamâ nang pasamâ sa kabila ng tila kasaganaan nito. Dahil hindi sila nakinig sa mga babala ng Diyos at hindi nila itinuwid ang kanilang pangmalas, pababayaan sila ni Jehova sa kanilang mga kaaway. Susunggaban sila ng
mga Asiryano mula sa kanilang magagandang higaang garing at kakaladkarin sa pagkabihag. Wala nang maalwang buhay para sa kanila!8. Paano nasadlak ang Israel sa masamang kalagayan sa espirituwal?
8 Paano nasadlak ang mga Israelita sa gayong kalagayan? Nagsimula ang kalagayang ito noong 997 B.C.E. nang halinhan si Haring Solomon ng kaniyang anak na si Rehoboam at humiwalay ang sampung tribo ng Israel mula sa mga tribo ng Juda at Benjamin. Ang unang hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel ay si Jeroboam I, “na anak ni Nebat.” (1 Hari 11:26) Kinumbinsi ni Jeroboam ang mga tao sa kaniyang kaharian na napakahirap para sa kanila na maglakbay pa sa Jerusalem upang sambahin si Jehova. Subalit hindi siya talaga nagmamalasakit sa kapakanan ng bayan. Sa halip, sinisikap lamang niyang protektahan ang kaniyang sariling mga kapakanan. (1 Hari 12:26) Nangangamba si Jeroboam na kung patuloy na magtutungo ang mga Israelita sa templo sa Jerusalem para sa taunang mga kapistahan na nagpaparangal kay Jehova, maililipat sa dakong huli ang kanilang katapatan sa kaharian ng Juda. Upang maiwasan ito, naglagay si Jeroboam ng dalawang ginintuang guya, isa sa Dan at isa sa Bethel. Kaya ang pagsamba sa guya ang naging relihiyon ng Estado sa kaharian ng Israel.—2 Cronica 11:13-15.
9, 10. (a) Anu-anong relihiyosong mga gawain ang isinaayos ni Haring Jeroboam I? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos sa mga kapistahan na ipinagdiriwang sa Israel noong panahon ni Haring Jeroboam II?
9 Sinikap ni Jeroboam na gawing tila kagalang-galang ang bagong relihiyon. Nag-organisa siya ng mga pagdiriwang na medyo hawig sa mga kapistahan na ginaganap sa Jerusalem. Sa 1 Hari 12:32, mababasa natin: “Si Jeroboam ay nagdaos ng isang kapistahan nang ikawalong buwan sa ikalabinlimang araw ng buwan, tulad ng kapistahang nasa Juda, upang makapaghandog siya sa ibabaw ng altar na kaniyang ginawa sa Bethel.”
10 Hindi kailanman sinang-ayunan ni Jehova ang gayong huwad na relihiyosong mga kapistahan. Talagang nilinaw niya ito sa pamamagitan ni Amos pagkalipas ng mahigit sa isang siglo noong paghahari ni Jeroboam II, na naging hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel noong mga 844 B.C.E. (Amos 1:1) Ayon sa Amos 5:21-24, sinabi ng Diyos: “Kinapopootan ko, itinatakwil ko ang inyong mga kapistahan, at hindi ko lalanghapin ang amoy ng inyong mga kapita-pitagang kapulungan. Ngunit kung maghahandog kayo sa akin ng mga buong handog na sinusunog, maging sa inyong mga handog na kaloob ay hindi ako makasusumpong ng kaluguran, at ang inyong mga haing pansalu-salo na mga patabain ay hindi ko titingnan. Alisin mo sa akin ang kabagabagan ng iyong mga awit; at ang malamyos na tunog ng iyong mga panugtog na de-kuwerdas ay huwag ko sanang marinig. At hayaang ang katarungan ay bumugsong gaya ng tubig, at ang katuwiran gaya ng ilog na patuloy na dumadaloy.”
Mga Pagkakatulad sa Makabagong Panahon
11, 12. Anu-ano ang mga pagkakatulad ng pagsamba sa sinaunang Israel at yaong sa Sangkakristiyanuhan?
11 Maliwanag na sinuri ni Jehova ang puso ng mga nakikibahagi sa mga kapistahan sa Israel at itinakwil niya ang kanilang mga pagdiriwang at handog. Sa katulad na paraan sa ngayon, itinatakwil ng Diyos ang paganong mga pagdiriwang ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng Pasko at Pasko ng Pagkabuhay. Para sa mga mananamba ni Jehova, walang pakikibahagi ang katuwiran sa katampalasanan, walang pakikisama ang liwanag sa kadiliman.—2 Corinto 6:14-16.
12 May iba pang pagkakatulad na mapapansin sa pagsamba ng mga Israelitang sumasamba sa guya at yaong sa Sangkakristiyanuhan. Bagaman tinatanggap ng ilang nag-aangking Kristiyano ang katotohanan ng Salita ng Diyos, ang mismong pagsamba ng Sangkakristiyanuhan ay hindi udyok ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Dahil kung udyok sana ito ng pag-ibig, igigiit nito ang pagsamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan” sapagkat iyan ang anyo ng pagsamba na nakalulugod sa Kaniya. (Juan 4:24) Bukod diyan, hindi ‘hinahayaan ng Sangkakristiyanuhan na ang katarungan ay bumugsong gaya ng tubig, at ang katuwiran gaya ng ilog na patuloy na dumadaloy.’ Sa halip, paulit-ulit nitong pinabababa ang moral na mga kahilingan ng Diyos. Kinukunsinti nito ang pakikiapid at ang iba pang malulubhang kasalanan at nagawa pa nga nitong basbasan ang pagsasama ng mga homoseksuwal!
“Ibigin ang Kabutihan”
13. Bakit natin kailangang sundin ang mga salita sa Amos 5:15?
13 Sa lahat ng nagmimithing sumamba kay Jehova Amos 5:15) Ang pag-ibig at poot ay matitinding damdamin na nagmumula sa makasagisag na puso. Yamang mapandaya ang puso, kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang maingatan ito. (Kawikaan 4:23; Jeremias 17:9) Kung hahayaan nating malinang sa ating puso ang maling mga pagnanasa, baka masumpungan nating umiibig na tayo sa kasamaan at napopoot sa kabutihan. At kung kikilos tayo ayon sa gayong mga pagnanasa sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan, hindi maibabalik ng pinakamatinding sigasig sa paglilingkod kay Jehova ang paglingap ng Diyos sa atin. Kaya humingi tayo ng tulong sa Diyos sa panalangin upang ‘kapootan ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.’
sa paraang kaayaaya, sinasabi niya: “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.” (14, 15. (a) Sa Israel, sinu-sino ang kabilang sa mga gumagawa ng kabutihan, ngunit paano pinakikitunguhan ang ilan sa kanila? (b) Paano natin mapasisigla ang mga nasa buong-panahong paglilingkod sa ngayon?
14 Hindi naman lahat ng Israelita ay gumagawa ng masama sa paningin ni Jehova. Halimbawa, sina Oseas at Amos ay ‘umibig sa kabutihan’ at naglingkod nang tapat sa Diyos bilang mga propeta. Ang iba ay nanata bilang mga Nazareo. Sa buong panahon ng kanilang pagiging Nazareo, umiwas sila sa paggamit ng mga produktong galing sa punong ubas, lalo na sa alak. (Bilang 6:1-4) Paano itinuring ng ibang mga Israelita ang mapagsakripisyo-sa-sariling landasin ng gayong mga gumagawa ng mabubuting bagay? Isinisiwalat ng nakagigitlang sagot sa tanong na iyan kung gaano kasama ang espirituwal na kalagayan ng bansa. Sinasabi sa Amos 2:12: “Patuloy ninyong binibigyan ng alak na maiinom ang mga Nazareo, at sa mga propeta ay nag-utos kayo, na sinasabi: ‘Huwag kayong manghuhula.’ ”
15 Dapat sana ay nahiya at napakilos na magbago ng landas ang mga Israelitang iyon nang makita nila ang tapat na halimbawa ng mga Nazareo at mga propeta. Sa halip, walang pag-ibig nilang sinikap na sirain ang loob ng mga matapat sa pagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Huwag nawa nating ibuyo kailanman ang ating kapuwa Kristiyanong mga payunir, mga misyonero, naglalakbay na mga tagapangasiwa, o mga miyembro ng pamilyang Bethel na itigil ang kanilang buong-panahong paglilingkod upang bumalik lamang sa tinatawag na normal na buhay. Sa halip, pasiglahin natin sila na ipagpatuloy ang kanilang mabuting gawain!
16. Bakit mas mabuti pa ang kalagayan ng mga Israelita noong panahon ni Moises kaysa noong panahon ni Amos?
16 Bagaman maraming Israelita ang may maalwang buhay noong panahon ni Amos, sila ay “hindi mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:13-21) Manna lamang ang kinain ng kanilang mga ninuno sa iláng sa loob ng 40 taon. Hindi sila nagpiging sa mga torong pinakain sa sabsaban ni humilata man sila sa mga higaang garing. Gayunman, angkop na sinabi sa kanila ni Moises: ‘Pinagpala kayo ni Jehova na inyong Diyos sa bawat gawa ng inyong kamay. Sa apatnapung taóng ito ay sumainyo si Jehova na inyong Diyos. Hindi kayo nagkulang ng anuman.” (Deuteronomio 2:7) Oo, laging natatamasa ng mga Israelita sa iláng ang mga bagay na talagang kailangan nila. Higit sa lahat, sumakanila ang pag-ibig, proteksiyon, at pagpapala ng Diyos!
17. Bakit inakay ni Jehova ang mga Israelita noon patungo sa Lupang Pangako?
17 Ipinaalaala ni Jehova sa mga kapanahon ni Amos na Siya ang nagdala sa kanilang mga ninuno sa Lupang Pangako at tumulong sa kanila na alisin sa lupain ang lahat ng kanilang mga kaaway. (Amos 2:9, 10) Subalit bakit inakay ng Diyos ang mga Israelitang iyon noon palabas ng Ehipto patungo sa lupang pangako? Upang makapamuhay lamang ba sila sa karangyaan at itakwil ang kanilang Maylalang? Hindi! Sa halip, ginawa niya ito upang siya ay sambahin nila bilang isang malayang bayan na malinis sa espirituwal. Subalit hindi napoot sa kasamaan at umibig sa kabutihan ang mga tumatahan sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Sa halip, nagbigay sila ng kaluwalhatian sa nililok na mga imahen, hindi sa Diyos na Jehova. Kahiya-hiya nga!
Humihingi si Jehova ng Pagsusulit
18. Bakit tayo pinalaya ni Jehova sa espirituwal na paraan?
18 Hindi ipinagwalang-bahala ng Diyos ang kahiya-hiyang paggawi ng mga Israelita. Niliwanag niya ang kaniyang pangmalas nang sabihin niya: “Hihingi ako ng pagsusulit laban sa inyo dahil sa lahat ng inyong mga kamalian.” (Amos 3:2) Dapat tayong maudyukan ng mga salitang iyon na bulay-bulayin ang pagliligtas sa atin mula sa pagkaalipin sa makabagong-panahong Ehipto, ang kasalukuyang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Hindi tayo pinalaya ni Jehova sa espirituwal na paraan upang maitaguyod natin ang makasariling mga tunguhin. Sa halip, ginawa niya ito upang maibigay natin sa kaniya ang taos-pusong papuri bilang isang malayang bayan na nagsasagawa ng malinis na pagsamba. At tayong lahat ay magsusulit sa paraan ng paggamit natin sa ating bigay-Diyos na kalayaan.—Roma 14:12.
19. Ayon sa Amos 4:4, 5, ano ang inibig ng karamihan sa mga Israelita?
19 Nakalulungkot, hindi pinakinggan ng karamihan sa mga tumatahan sa Israel ang mapuwersang mensahe na ipinahayag ni Amos. Inilantad ng propeta ang kalagayan ng kanilang pusong may sakit sa espirituwal sa mga salitang ito sa Amos 4:4, 5: “Pumaroon kayo sa Bethel at kayo ay sumalansang. Sa Gilgal ay dalasan ninyo ang pagsalansang, . . . sapagkat gayon ang ibig ninyo, O mga anak ni Israel.” Hindi nilinang ng mga Israelita ang tamang mga pagnanasa. Hindi nila iningatan ang kanilang puso. Bilang resulta, inibig ng karamihan sa kanila ang kasamaan at kinapootan ang kabutihan. Hindi nagbago ang mapagmatigas na mga mananambang iyon ng guya. Hihingi si Jehova ng pagsusulit, at mamamatay sila sa kanilang mga kasalanan!
20. Paano maitataguyod ng isa ang landasing kaayon ng Amos 5:4?
20 Malamang na hindi naging madali para sa sinumang nabubuhay noon sa Israel na manatiling tapat kay Jehova. Mahirap sumalunga sa agos, wika nga, gaya ng alam na alam ng mga Kristiyano sa ngayon, bata man o matanda. Ngunit ang pag-ibig sa Diyos at ang pagnanais na palugdan siya ang nag-udyok sa ilang Israelita na magsagawa ng tunay na pagsamba. Ipinaabot ni Jehova sa kanila ang marubdob na paanyayang nakaulat sa Amos 5:4: “Hanapin ninyo ako, at patuloy kayong mabuhay.” Sa ngayon, nagpapakita rin ang Diyos ng awa sa mga nagsisisi at naghahanap sa kaniya sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita at saka paggawa ng kaniyang kalooban. Hindi madaling itaguyod ang landasing ito, subalit ang paggawa nito ay umaakay sa buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
Kasaganaan sa Kabila ng Espirituwal na Taggutom
21. Anong taggutom ang sumasapit sa mga hindi nagsasagawa ng tunay na pagsamba?
21 Ano ang naghihintay sa mga hindi sumusuporta sa tunay na pagsamba? Ang pinakamatinding taggutom—espirituwal na taggutom! “Dumarating ang mga araw,” ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, “at magpapasapit ako ng taggutom sa lupain, ng taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Nasa gitna ng gayong espirituwal na taggutom ang Sangkakristiyanuhan. Ngunit nakikita ng tapat-pusong mga miyembro niya ang espirituwal na kasaganaan ng bayan ng Diyos at dumaragsa sila sa organisasyon ni Jehova. Ang pagkakaiba ng kalagayan ng Sangkakristiyanuhan at ng tunay na mga Kristiyano ay angkop na ipinakikita sa mga salita ni Jehova: “Narito! Ang aking mga lingkod ay kakain, ngunit kayo ay magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay iinom, ngunit kayo ay mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya, ngunit kayo ay mapapahiya.”—Isaias 65:13.
22. Bakit may dahilan tayong magsaya?
22 Bilang mga lingkod ni Jehova, personal ba nating pinahahalagahan ang espirituwal na mga paglalaan at pagpapala sa atin? Kapag nag-aaral tayo ng Bibliya at ng mga publikasyong Kristiyano at dumadalo sa ating mga pulong, asamblea, at kombensiyon, talaga ngang nais nating humiyaw sa kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso. Nagsasaya tayo dahil sa malinaw na pagkaunawa natin sa Salita ng Diyos, lakip na ang hula ni Amos na kinasihan ng Diyos.
23. Ano ang tinatamasa ng mga lumuluwalhati sa Diyos?
23 Para sa lahat ng tao na umiibig sa Diyos at nais lumuwalhati sa kaniya, ang hula ni Amos ay naglalaman ng mensahe ng pag-asa. Anuman ang ating kasalukuyang kalagayan sa kabuhayan o ang mga pagsubok na dapat nating harapin sa magulong daigdig na ito, tayong mga umiibig sa Diyos ay nagtatamasa ng Kaniyang mga pagpapala at ng pinakamainam na espirituwal na pagkain. (Kawikaan 10:22; Mateo 24:45-47) Kung gayon, ang lahat ng kaluwalhatian ay nauukol sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng bagay para sa ating kapakinabangan. Kaya maging determinado nawa tayong ibigay sa kaniya ang ating taos-pusong papuri magpakailanman. Iyan ang magiging nakagagalak na pribilehiyo natin kung hahanapin natin si Jehova, ang Tagasuri ng mga puso.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong kalagayan ang umiiral sa Israel noong panahon ni Amos?
• Sa makabagong panahon, sa anu-ano maihahalintulad ang kalagayan sa sampung-tribong kaharian ng Israel?
• Anong inihulang taggutom ang umiiral sa ngayon, subalit sinu-sino ang hindi apektado nito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 21]
Maraming Israelita ang namuhay nang marangya subalit hindi nagtamasa ng espirituwal na kasaganaan
[Larawan sa pahina 23]
Pasiglahin ang buong-panahong mga lingkod na ipagpatuloy ang kanilang mabuting gawain
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Walang espirituwal na taggutom sa gitna ng maligayang bayan ni Jehova