Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Saan Nagtunggali ang Tunay na Pagsamba at ang Paganismo

Kung Saan Nagtunggali ang Tunay na Pagsamba at ang Paganismo

Kung Saan Nagtunggali ang Tunay na Pagsamba at ang Paganismo

ANG mga guho ng sinaunang Efeso, na nasa kanlurang baybayin ng Turkey, ay matagal nang naging lugar ng puspusang pagsasaliksik ng mga arkeologo sa loob ng mahigit na isang siglo. May ilang gusali roon na muling itinayo, at napakaraming natuklasan doon na pinag-aralan at ipinaliwanag ng mga siyentipiko. Dahil dito, ang Efeso ay naging isa sa pinakapopular na pasyalan ng mga turista sa Turkey.

Ano ba ang natuklasan sa Efeso? Ano na kaya ang hitsura ngayon ng kawili-wiling metropolis na iyon ng sinaunang panahon? Ang pagpasyal kapuwa sa mga guho ng Efeso at sa Museo ng Efeso sa Vienna, Austria, ay tutulong sa atin na maunawaan kung paano nagtunggali sa Efeso ang tunay na pagsamba at ang paganong relihiyon. Una, alamin muna natin ang ilang bagay tungkol sa Efeso.

Isang Lubhang Hinahangad na Lugar

Naging karaniwan na lamang ang kaguluhan at pandarayuhan sa Eurasia noong ika-11 siglo B.C.E. Noon sinimulang sakupin ng mga Griegong Ionian ang kanlurang baybayin ng Asia Minor. Natagpuan ng sinaunang mga nandayuhang iyon ang mga taong kilalá sa kanilang pagsamba sa isang inang-diyosa, isang bathala na nakilala nang dakong huli bilang si Artemis ng Efeso.

Noong kalagitnaan ng ikapitong siglo B.C.E., dumating ang pagala-galang mga Cimmeriano mula sa Dagat na Itim sa hilaga upang dambungin ang Asia Minor. Nang maglaon, noong mga 550 B.C.E., nangibabaw ang kapangyarihan ni Haring Croesus ng Lydia, isang makapangyarihang tagapamahala na naging tanyag dahil sa kaniyang napakalaking kayamanan. Nang palawakin ng Imperyo ng Persia ang nasasakupan nito, nilupig ni Haring Ciro ang mga lunsod ng mga Ionian pati na ang Efeso.

Noong 334 B.C.E., sinimulan ni Alejandro ng Macedonia ang kaniyang kampanya laban sa Persia, at sa gayon ay naging bagong tagapamahala ng Efeso. Pagkatapos ng di-inaasahang pagkamatay ni Alejandro noong 323 B.C.E., nasangkot ang Efeso sa pag-aagawan ng kaniyang mga heneral ukol sa kapangyarihan. Noong 133 B.C.E., ang Efeso ay ipinagkaloob ni Attalus III, ang walang-anak na hari ng Pergamo, sa mga Romano, anupat ginawa itong bahagi ng lalawigan ng Roma sa Asia.

Nagtunggali ang Tunay na Pagsamba at ang Paganismo

Papatapos na ang ikalawang paglalakbay ni apostol Pablo bilang misyonero noong unang siglo C.E. nang dumating siya sa Efeso at nasumpungan niya ang isang lunsod na may mga 300,000 naninirahan. (Gawa 18:19-21) Noong panahon ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, bumalik si Pablo sa Efeso at taglay ang panibagong tapang, nagsalita siya sa sinagoga hinggil sa Kaharian ng Diyos. Subalit pagkatapos ng tatlong buwan, tumindi ang pagsalansang ng mga Judio, at ipinasiya ni Pablo na araw-araw na magpahayag sa awditoryum ng paaralan ni Tirano. (Gawa 19:1, 8, 9) Nagpatuloy ang kaniyang gawaing pangangaral sa loob ng dalawang taon, kalakip ang pambihirang mga gawa ng kapangyarihan, tulad ng makahimalang pagpapagaling at pagpapalayas ng mga demonyo. (Gawa 19:10-17) Hindi nga kataka-taka na marami ang naging mananampalataya! Oo, nanaig ang salita ni Jehova, anupat isang malaking bilang ng mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang nagkusang-loob na sunugin ang kanilang mamahaling mga aklat.​—Gawa 19:19, 20.

Ang matagumpay na pangangaral ni Pablo ay hindi lamang nagpakilos sa marami upang iwan ang pagsamba sa diyosang si Artemis kundi pumukaw rin ito ng galit sa mga nagtataguyod ng gayong paganong pagsamba. Malakas ang negosyo ng paggawa ng mga pilak na dambana ni Artemis. Palibhasa’y nanganganib ang kanilang negosyo, pinukaw ng isang nagngangalang Demetrio na manggulo ang mga panday-pilak.​—Gawa 19:23-32.

Umabot sa sukdulan ang komprontasyong ito nang humiyaw at magwala ang pulutong sa loob ng dalawang oras: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” (Gawa 19:34) Nang humupa ang kaguluhan, muling pinatibay-loob ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano at saka nagpatuloy sa paglalakbay. (Gawa 20:1) Gayunman, kahit na umalis na siya sa Macedonia, hindi pa rin napigilan ang paghina ng kulto ni Artemis na nakatakda nang magwakas.

Nayanig ang Templo ni Artemis

Matibay ang pagkakatatag ng kulto ni Artemis sa Efeso. Bago pa ang panahon ni Haring Croesus, mahalaga na ang papel na ginagampanan ng inang-diyosa na si Cybele sa relihiyon ng mga tao roon. Sa pag-aangkin na si Cybele raw ay kamag-anak ng Helenikong mga bathala, umasa si Croesus na makalilikha siya ng isang diyos na katanggap-tanggap kapuwa sa mga Griego at di-Griego. Dahil sa kaniyang suporta, nagsimula ang pagtatayo sa templo ng kahalili ni Cybele, si Artemis, noong kalagitnaan ng ikaanim na siglo B.C.E.

Ang templo ay isang mahalagang likha sa arkitekturang Griego. Noon lamang unang ginamit ang gayon kalalaking bloke ng marmol upang gumawa ng gayong uri at gayon kalaking gusali. Sinunog ang templong iyon noong 356 B.C.E. Ang muling itinayong templo na kahanga-hanga rin ay naging isang mahalagang pinagmumulan ng trabaho at pangunahin nang pinupuntahan ng mga deboto. Ang templong ito na humigit-kumulang 50 metro ang lapad at 105 metro ang haba ay itinayo sa isang plataporma na 73 metro ang lapad at 127 metro ang haba. Itinuring itong isa sa pitong kamangha-manghang gawa ng daigdig. Gayunman, hindi lahat ay natutuwa rito. Itinulad ng pilosopong si Heracleitus ng Efeso ang madilim na pasukan ng altar sa kadiliman ng kabuktutan, at mas malubha pa raw sa hayop ang moralidad sa templo. Gayunman, para sa marami, waring hindi kailanman babagsak ang santuwaryo ni Artemis sa Efeso. Ngunit kabaligtaran ang pinatunayan ng kasaysayan. Ang aklat na Ephesos​—Der neue Führer (Efeso​—Ang Bagong Giya) ay nagsasabi: “Pagsapit ng ikalawang siglo, ang pagsamba kay Artemis at sa iba pang kilaláng mga bathala ay biglang bumagsak.”

Noong ikatlong siglo C.E., niyanig ng malakas na lindol ang Efeso. Bukod dito, ang kahanga-hangang kayamanan ng templo ni Artemis ay dinambong ng mga máglalayág na Goth mula sa Dagat na Itim at pagkatapos ay sinunog nila ang templo. Ang kababanggit lamang na aklat ay nagsasabi: “Palibhasa’y nagapi at hindi kayang ipagsanggalang ang sariling tahanan, paano pa maituturing na tagapagtanggol ng lunsod si Artemis?”​—Awit 135:15-18.

Sa wakas, nang papatapos na ang ikaapat na siglo C.E., pinagtibay ni Emperador Theodosius I ang “Kristiyanismo” bilang relihiyon ng Estado. Di-nagtagal, tinibag ang mga batong bahagi ng dating bantog na templo ni Artemis upang gamiting materyales sa pagtatayo. Ang pagsamba kay Artemis ay tuluyan nang naglaho. Isang tagapagmasid na hindi binanggit ang pangalan ang nagkomento hinggil sa maikling tula na pumupuri sa templo bilang isang kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig: “Ito ngayon ay isa nang lubhang tiwangwang at kalunus-lunos na lugar.”

Hinalinhan ng “Ina ng Diyos” si Artemis

Nagbabala si Pablo sa matatandang lalaki ng kongregasyon sa Efeso na pag-alis niya, lilitaw ang “mapaniil na mga lobo” at babangon ang mga tao mula sa gitna nila at “magsasalita ng mga bagay na pilipit.” (Gawa 20:17, 29, 30) Ganiyang-ganiyan ang nangyari. Isinisiwalat ng mga pangyayari na nangibabaw ang huwad na pagsamba sa Efeso sa anyo ng apostatang Kristiyanismo.

Noong 431 C.E., ginanap sa Efeso ang ikatlong ekumenikal na konseho, kung saan tinalakay ang usapin hinggil sa pagkakakilanlan ni Kristo. Nagpapaliwanag ang Ephesos​—Der neue Führer: “Ang tagumpay ng mga Alejandrino, na nanghahawakan sa paniniwalang si Kristo ay may iisang pagkakakilanlan lamang, samakatuwid nga, ang pagiging Diyos, . . . ay naging ganap.” Malaki ang epekto nito. “Ang desisyong napagkaisahan sa Efeso, na dahil doon ay naitaas ang posisyon ni Maria mula sa pagiging nagsilang kay Kristo tungo sa pagiging nagsilang sa Diyos, ay hindi lamang naglaan ng saligan para sa kulto ni Maria kundi naging sanhi rin ng kauna-unahang malaking pagkakabaha-bahagi sa loob ng simbahan. . . . Nagpapatuloy pa rin ang debate hanggang sa ngayon.”

Dahil dito, ang pagsamba kay Cybele at Artemis ay nahalinhan ng pagsamba kay Maria, ang “nagsilang sa Diyos” o ang “ina ng diyos.” Gaya ng sabi ng aklat, “ang Kulto ni Maria sa Efeso . . . ay isa pa ring buháy na tradisyon hanggang sa ngayon, na hindi maipaliliwanag kung hindi iuugnay sa Kulto ni Artemis.”

Isa na Lamang Dahon sa Kasaysayan

Kasunod ng pagbagsak ng pagsamba kay Artemis ay ang pagbagsak naman ng Efeso. Lalong naging mahirap ang buhay sa lunsod dahil sa mga lindol, malarya, at sa unti-unting pagdami ng banlik sa daungan.

Pagsapit ng ikapitong siglo C.E., nagsimula na ang malawakang pananakop ng Islam. Hindi lamang mga tribong Arabo ang sinikap ng Islam na pagkaisahin sa ideolohiya nito. Ang mga plota ng mga Arabo ay nandambong sa Efeso sa buong ikapito at ikawalong siglo C.E. Lubusan nang natiyak ang kahihinatnan ng Efeso nang ganap na mapuno ng banlik ang daungan nito at ang lunsod ay naging isang bunton ng mga guho. Kung tungkol sa dating kahanga-hangang lunsod na iyon, isang maliit na pamayanan na lamang na pinanganlang Aya Soluk (Selçuk ngayon) ang natira.

Pamamasyal sa mga Guho ng Efeso

Upang lubusang maunawaan ng isang tao ang dating kaluwalhatian ng Efeso, maaari niyang puntahan ang mga guho nito. Kung sisimulan mo ang iyong pamamasyal sa pasukan sa itaas, agad na tatambad sa iyo ang kagila-gilalas na tanawin ng Lansangan ng Curetes hanggang sa Aklatan ni Celsus. Sa kanang panig ng lansangan, mapupukaw ang iyong interes sa Odeum​—isang maliit na teatro na itinayo noong ikalawang siglo C.E. Yamang makauupo rito ang 1,500 katao, malamang na ginamit ito hindi lamang para maging dakong pulungan ng konseho kundi para maging dako rin naman ukol sa pampublikong libangan. Nakahanay sa magkabilang panig ng Lansangan ng Curetes ang mga gusali, tulad ng agora (tipunang-dako) ng Estado kung saan tinatalakay ang mga bagay-bagay hinggil sa Estado, ang templo ni Hadrian, ilang pampublikong bukal, at mga bahay sa dalisdis ng burol​—mga tirahan ng kilaláng mga taga-Efeso.

Mapapahanga ka sa kagandahan ng eleganteng Aklatan ni Celsus, na itinayo noong ikalawang siglo C.E. Ang napakaraming balumbon nito ay nakasilid sa mga uka ng pader ng isang malaking kuwarto para sa pagbabasa. Ang apat na estatuwa sa kahanga-hangang harapan nito ay lumalarawan sa karaniwang mga katangian na inaasahan sa isang pangunahing lingkod ng bayan sa Roma tulad ni Celsus, at ito ay ang sumusunod: Sophia (karunungan), Arete (kagalingan), Ennoia (debosyon), at Episteme (kaalaman o unawa). Ang orihinal na mga estatuwa ay makikita sa Museo ng Efeso sa Vienna. Sa tabi ng bukana ng aklatan makikita ang isang napakalaking pintuan na patungo sa Tetragonos agora, ang pamilihan. Namimili at nagbebenta ang mga tao sa napakalaking liwasang ito, na napalilibutan ng mga pasyalang may mga bubong.

Pagkatapos nito, mararating mo ang Marble Road, na patungo naman sa malaking teatro. Dahil sa huling pagpapalawak na ginawa noong panahon ng imperyo ng Roma, nakauupo sa teatrong ito ang mga 25,000 mánonoód. Ang harapan nito ay saganang napalalamutian ng mga poste, eskultura, at estatuwa. Malinaw mong maguguniguni ang malaking kaguluhang pinukaw ng panday-pilak na si Demetrio sa mga pulutong na nagkakatipon doon.

Kagila-gilalas din ang lansangan na nagsisimula sa malaking teatro hanggang sa daungan ng lunsod. Mga 500 metro ang haba nito at 11 metro naman ang lapad, at sa magkabilang panig nito ay may nakahanay na mga poste. Itinayo rin sa tabi ng lansangang ito ang theater gymnasium at ang harbor gymnasium, na kapuwa inilaan para sa pisikal na pagsasanay. Ang kahanga-hangang pasukan ng daungan sa dulo ng lansangan ang siyang pinakapintuang-daan tungo sa iba pang bahagi ng daigdig, at dito nagtatapos ang ating maikling pamamasyal sa ilan sa pinakakawili-wiling mga guho ng daigdig. Nasa Museo ng Efeso sa Vienna ang modelong kahoy ng makasaysayang lunsod na ito gayundin ang napakaraming monumento.

Kapag nilibot ang museo at nakita ang estatuwa ni Artemis ng Efeso, tiyak na sasagi sa isip ng isa ang pagbabata ng sinaunang mga Kristiyano sa Efeso. Kinailangan nilang mamuhay sa isang lunsod na punô ng espiritismo at nabubulagan ng relihiyosong pagtatangi. Ang mensahe ng Kaharian ay napaharap sa matinding pagsalansang ng mga mananamba ni Artemis. (Gawa 19:19; Efeso 6:12; Apocalipsis 2:1-3) Sa di-kaayaayang kapaligirang iyon, naitatag ang tunay na pagsamba. Ang pagsambang ito sa tunay na Diyos ay mananaig din kapag nagwakas ang huwad na relihiyon sa ating panahon, kung paanong nagwakas ang sinaunang pagsamba kay Artemis.​—Apocalipsis 18:4-8.

[Mapa/​Larawan sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MACEDONIA

Dagat na Itim

ASIA MINOR

Efeso

Dagat Mediteraneo

EHIPTO

[Larawan sa pahina 27]

Mga guho ng templo ni Artemis

[Mga larawan sa pahina 28, 29]

1. Aklatan ni Celsus

2. Malapitang larawan ni Arete

3. Marble Road, na patungo sa malaking teatro