Mga Kaibigan ng Diyos sa “Palakaibigang mga Pulo”
Mga Kaibigan ng Diyos sa “Palakaibigang mga Pulo”
Noong 1932, isang sasakyang naglalayag ang nagdala ng napakahalagang mga binhi sa Tonga. Binigyan ng bangkero si Charles Vete ng buklet na “Where Are the Dead?” Kumbinsido si Charles na nasumpungan niya ang katotohanan. Nang maglaon, inaprobahan ng punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang kahilingan ni Charles na isalin ang buklet sa kaniyang katutubong wika. Nang matapos ang pagsasalin, tumanggap siya ng 1,000 inilimbag na buklet at nagsimulang ipamahagi ang mga ito. Ganiyan nagsimula ang pagpapalaganap ng mga binhi ng katotohanan hinggil sa Kaharian ni Jehova sa kaharian ng Tonga.
SA MAPA ng Timog Pasipiko, makikita mo ang Tonga sa kanluran lamang kung saan nagtatagpo ang international date line at ang Tropic of Capricorn. Ang pinakamalaking pulo nito, ang Tongatapu, ay masusumpungan mga 2,000 kilometro sa hilagang-silangan ng Auckland, New Zealand. Ang Tonga ay binubuo ng 171 pulo, na 45 sa mga ito ay pinamamayanan. Palakaibigang mga Pulo ang ipinangalan ng ika-18-siglong tanyag na manggagalugad ng Britanya na si James Cook sa nabubukod na mga islang ito.
Ang Tonga, na may populasyon na mga 106,000, ay binubuo ng tatlong grupo ng mga pulo—ang pangunahing mga grupo ay Tongatapu, Ha’apai, at Vava’u. Sa limang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon, ang tatlo ay nasa pinakamataong grupo ng Tongatapu, ang isa ay nasa Ha’apai, at ang isa naman ay nasa Vava’u. Upang matulungan ang mga tao na maging mga kaibigan ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay may tahanan ng mga misyonero at isang tanggapan sa pagsasaling-wika na malapit sa Nuku’alofa, ang kabisera.—Isaias 41:8.
Mula noong dekada ng 1930, kilaláng-kilalá si Charles Vete bilang isang Saksi ni Jehova, bagaman noon lamang 1964 siya nabautismuhan. Sumama sa kaniya ang iba sa gawaing pagpapatotoo, at noong 1966, itinayo ang isang Kingdom Hall na nakapaglalaman ng 30 katao. Isang kongregasyong binubuo ng 20 mamamahayag ng Kaharian ang binuo sa Nuku’alofa noong 1970.
Mula noon, maliwanag na nakikita sa mga Isaias 42:12) Patuloy na sumusulong ang gawaing pang-Kaharian, anupat tinutulungan ang marami na magkaroon ng kaugnayan kay Jehova. Sa pandistritong kombensiyon sa Nuku’alofa noong 2003, ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 407, at 5 ang nabautismuhan. Bilang pahiwatig ng potensiyal na pagsulong, 621 ang dumalo sa Memoryal noong 2004.
pulo ng Tonga ang katuparan ng mga salita ni propeta Isaias: “Mag-ukol sila ng kaluwalhatian kay Jehova, at sa mga pulo ay ihayag nila ang kaniyang kapurihan.” (Simpleng Pamumuhay
Gayunman, kapansin-pansin pa rin ang pangangailangan para sa karagdagang mga tagapaghayag ng Kaharian sa mga lugar na malayo sa kabisera. Halimbawa, kailangang makaalam pa nang higit tungkol sa katotohanan sa Bibliya ang 8,500 katao na naninirahan sa 16 na pulo ng Ha’apai. Ang Ha’apai ay pangunahin nang binubuo ng mabababang pulo na namumutiktik sa mga palma at may mahahabang baybayin ng puting buhangin. Napakalinaw ng tubig ng karagatan, anupat madalas na nakikita ang lalim na mahigit sa 30 metro. Isang pambihirang karanasan ang lumangoy sa gitna ng mga bahura ng korales at ng mahigit sa isang daang uri ng makukulay na isdang tropiko. Pangkaraniwan nang maliliit ang mga nayon. Bagaman simple lamang ang mga bahay, kaya nitong matagalan ang mga bagyo sa tropiko.
Ang mga puno ng rimas at mangga ay naglalaan ng lilim at pagkain. Gumugugol ng malaking bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ang pagtitipon at paghahanda ng pagkain. Bukod sa karne ng baboy, natatamasa rin ng mga taga-isla ang masaganang pagkaing-dagat. Nakapag-aani naman ng mga halamang-ugat at gulay sa mga hardin ng pamilya. Tumutubo kahit saan ang mga puno ng sitrus; sagana sa mga puno ng niyog at saging. Ang kaalaman ng mga tagaroon hinggil sa mga halaman, dahon, balat ng kahoy, at mga ugat na ginagamit bilang gamot ay ipinapasa sa sali’t salinlahi.
Siyempre pa, ang pinakakaakit-akit na pag-aari ng Ha’apai ay ang palakaibigang mga tao nito na bagay na bagay sa mapayapang kapaligiran. Simple lamang ang buhay rito. Karamihan sa mga babae ay naghahabi ng mga basket, telang tapa, at banig. Habang nagtatrabaho, magkakasamang nauupo ang mga babaing taga-Tonga, nag-uusap-usap, nagkakantahan, at nagtatawanan sa lilim ng isang puno, kadalasan nang kasama ang mga bata at mga sanggol na naglalaro o natutulog sa di-kalayuan. At karaniwan nang mga babae ang pumupunta sa mga bahura kapag kumáti ang tubig upang kumuha ng mga kabibi at iba pang nakakaing nilalang sa dagat, gayundin ng malulutóng na damong-dagat na ginagamit sa paggawa ng masarap na salad.
Ginugugol naman ng karamihan sa mga lalaki ang kalakhang bahagi ng kanilang panahon sa paghahardin, pangingisda, pag-uukit, paggawa ng mga bangka, at pagkukumpuni ng mga lambat. Gumagamit ng maliliit at may bubong na mga bangkang pangisda ang mga lalaki, babae, at mga bata kapag tumatawid sa mga pulo upang dumalaw sa mga kamag-anak, magpagamot, at mangalakal o magbenta ng mga ani.
Nakaaabot ang Mabuting Balita Kahit sa Liblib na mga Lugar
Sa kalugud-lugod na kapaligirang ito dumating ang dalawang misyonero at dalawang ministrong payunir noong panahon ng Memoryal ng 2002. Nakakausap na rin noon paminsan-minsan ang mga tao, at nakatanggap na ang mga taga-Ha’apai ng literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova, anupat nakipag-aral pa nga ng Bibliya sa mga Saksi.
Ang apat na guro ng Bibliya na dumalaw roon ay may tatlong tunguhin: makapagpasakamay ng literatura sa Bibliya, makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, at makapag-anyaya ng mga interesado sa pagdaraos ng Hapunan ng Panginoon.
Naabot ang tatlong tunguhing ito. Siyamnapu’t pitong tao ang tumugon sa paanyayang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Ang ilan sa kanila ay naglakbay sakay ng mga bangkang walang bubong sa kabila ng malakas na ulan at hangin. Dahil masungit ang panahon, marami ang nagpalipas ng gabi sa dakong pinagdausan ng Memoryal at umuwi kinabukasan.Hindi rin biru-biro ang situwasyon ng tagapagsalita sa Memoryal. “Hindi ko na kailangang sabihin sa iyo kung gaano kahirap magbigay ng dalawang pahayag sa Memoryal sa iisang gabi gamit ang banyagang wika,” ang naaalaala ng misyonerong tagapagsalita. “Isip-isipin mo kung gaano katindi ang pagkabalisa ko. Talagang malaking tulong ang panalangin! Hindi ko akalaing maalaala ko ang mga salita at pangungusap na napag-aralan ko pala noon.”
Bilang resulta ng paglilinang ng mga ebanghelisador sa interes sa mga pulo ng Ha’apai, dalawang mag-asawa sa lugar na iyon ang nabautismuhan. Ang isa sa mga asawang lalaki ay naging interesado sa literatura ng mga Saksi habang nagsasanay siya upang maging isang ministro sa lokal na simbahan.
Bagaman kapos sa materyal, malaki-laki ang iniaabuloy ng mag-asawang ito sa simbahan kapag tinatawag ang kanilang mga pangalan sa taunang pangongolekta ng pondo. Isang Saksi na nakadalaw noon ang nag-anyaya sa asawang lalaki na buksan ang Bibliya nito at basahin ang 1 Timoteo 5:8. Sumulat si apostol Pablo: “Kung ang sinuman . . . ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” Naantig ang puso ng asawang lalaki sa simulaing ito ng Bibliya. Natanto niya na dahil sa kaniyang pagsunod sa labis-labis na kahilingan ng simbahan, hindi pala niya nailalaan ang pangunahing mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Nang sumunod na taunang pangongolekta, bagaman may pera siya, hindi niya malimut-limutan ang 1 Timoteo 5:8. Nang tawagin ang kaniyang pangalan, lakas-loob niyang ipinaalam sa pari na mas mahalaga ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Bilang resulta, hayagang nilait at pinagalitan ng matatanda ng simbahan ang mag-asawa.
Pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, naging mga mamamahayag ng mabuting balita ang mag-asawang ito. Sinabi ng asawang lalaki: “Binago ako ng katotohanan sa Bibliya. Hindi na ako malupit at mabagsik sa aking pamilya. Hindi na ako umiinom nang labis-labis. Nakikita ng mga tao sa aming nayon ang nagawa ng katotohanan sa aking buhay. Umaasa ako na balang araw ay mamahalin din nila ang katotohanan kagaya ng pagmamahal ko rito.”
Ang Quest na Ginamit sa Paghahanap
Mga ilang buwan pagkatapos ng Memoryal ng 2002, isa pang sasakyang naglalayag ang nagdala ng ilang napakahalagang kargamento sa liblib na Ha’apai. Ang 18-metrong yate na Quest mula sa New Zealand ay naglayag patungo sa mga pulo ng Tonga. Nakasakay roon sina Gary at Hetty, kasama ang kanilang anak na babaing si Katie. Siyam na kapatid na taga-Tonga at dalawang misyonero ang sumama sa kanila sa dalawang paglalakbay. May-kahusayan silang tinulungan ng mga Saksi na tagaroon sa paglalayag ng yate, kung minsan ay sa di-pamilyar na mga bahura. Hindi pamamasyal ang mga ito. Ang mga nakasakay roon ay magtuturo ng katotohanan sa Bibliya. Kinubrehan nila ang malawak na karagatan sa pagdalaw nila sa 14 na pulo. Ang mabuting balita ng Kaharian ay hindi pa kailanman naipangangaral sa ilan sa mga pulong iyon.
Paano tumugon ang mga tao? Sa pangkalahatan, ang mga mangangaral na naglayag ay sinalubong ng pagkamausisa, pagkamagiliw, at ng tradisyonal na pagkamapagpatuloy ng mga tagaroon. Kapag naunawaan ng mga taga-isla ang layunin ng pagdalaw, ipinahahayag nila Mateo 5:3.
ang kanilang masidhing pagpapahalaga. Kitang-kita ng Saksing dumadalaw na iginagalang ng mga tao sa pulo ang Salita ng Diyos at na palaisip sila sa kanilang espirituwal na pangangailangan.—Maraming beses na nauupo ang mga bisita sa ilalim ng mga tropikal na puno na pinalilibutan ng mga taong may maraming tanong hinggil sa Kasulatan. Pagkagat ng dilim, nagpapatuloy sa mga tahanan ang mga talakayan sa Bibliya. Ang mga tao sa isang pulo ay namanhik sa mga Saksing papaalis na: “Huwag kayong umalis! Sino na ang sasagot sa mga tanong namin kapag wala na kayo?” Ganito ang sinabi ng isang Saksi: “Palagi nang mahirap iwan ang napakaraming tulad-tupang mga tao na nagugutom sa katotohanan. Maraming binhi ng katotohanan ang naitanim.” Nang dumating ang Quest sa isang pulo, nasumpungan ng mga Saksi na nakadamit panluksa ang lahat ng tao. Kamamatay lamang pala ng asawang babae ng opisyal ng bayan. Personal na pinasalamatan ng opisyal ang mga kapatid sa pagbibigay ng mensahe ng kaaliwan mula sa Bibliya.
Hindi madaling puntahan ang ilang pulo. Ganito ang paliwanag ni Hetty: “Ang isang pulo ay walang kumbinyenteng lupang mapagdadaungan, anupat mga dalisdis lamang na humigit-kumulang isang metro ang taas mula sa dagat ang maaari naming babaan. Posible lamang na makapunta roon sa pamamagitan ng aming maliit na bangkang gawa sa goma. Una, kailangan naming ihagis ang aming mga bag sa maraming taong nasa baybayin na handang tumulong. Pagkatapos, kapag inangat ng alon ang bangka sa patag na bahagi ng dalisdis, kailangan naming tumalon mula sa bangka bago bumaba ang alon ng dagat.”
Subalit hindi lahat ng naglalayag ay matatapang na mandaragat. Pagkatapos maglayag nang dalawang linggo, ganito ang isinulat ng bangkero hinggil sa paglalakbay pabalik sa pangunahing isla ng Tongatapu: “Labingwalong oras kaming naglayag. Hindi kami makapaglakbay nang tuluy-tuloy dahil sa may mga nahihilo sa biyahe. Nalulugod kaming umuwi pero lungkot na lungkot din kaming iwan ang napakarami na ngayon lamang nakarinig ng mensahe ng Kaharian. Ipinauubaya namin sila sa pangangalaga ni Jehova, anupat umaasang susulong sila sa espirituwal sa tulong ng kaniyang banal na espiritu at mga anghel.”
Mga Pulo na Punung-puno ng Pag-asa
Mga anim na buwan pagkatapos umalis ang Quest, dalawang ebanghelisador na special pioneer, sina Stephen at Malaki, ang inatasang mangaral sa grupo ng mga pulo na Ha’apai. Doon ay sinamahan nila sa pagtuturo ng Bibliya ang dalawang mag-asawa na kababautismo pa lamang. Idinaraos ang masiglang mga talakayan hinggil sa doktrina, at lubusang ginagamit ng mga mamamahayag ang Bibliya.
Noong Disyembre 1, 2003, nabuo ang isang kongregasyon sa Ha’apai, ang ikalima sa Tonga. Kabilang sa mga dumadalo ang maraming bata. Natutuhan nilang makinig na mabuti. Tahimik silang nauupo at nananabik na magkomento sa mga bahaging may tanong-sagot. Sinabi ng tagapangasiwa ng sirkito na “ipinakikita ng kanilang kaalaman sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya na dinidibdib ng mga magulang ang kanilang pananagutang ikintal sa kanilang mga anak ang katotohanan sa Bibliya.” Maliwanag na ang mga pulong iyon ay punung-puno ng pag-asa para sa mas malaking pag-aani ng mas marami pang kaibigan ni Jehova.
Mahigit 70 taon na ang nakalilipas, nang isalin ni Charles Vete ang buklet na Where Are the Dead? sa kaniyang katutubong wika, ang Tongan, wala siyang kaalam-alam kung hanggang saan mag-uugat ang binhi ng Kaharian sa puso ng kaniyang mga kababayan. Mula sa maliit na pasimulang iyon, patuloy na pinagpapala ni Jehova ang lumalawak na paghahayag ng mabuting balita sa sulok na iyon ng ating globo. Sa ngayon, tunay na masasabing ang Tonga ay kabilang sa liblib na mga pulo sa dagat na bumabaling kay Jehova, wika nga. (Awit 97:1; Isaias 51:5) Ang “Palakaibigang mga Pulo” ay tahanan na ngayon ng marami sa mga kaibigan ni Jehova.
[Larawan sa pahina 8]
Charles Vete, 1983
[Larawan sa pahina 9]
Paggawa ng telang “tapa”
[Larawan sa pahina 10]
Ang “Quest” ay ginamit sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa Tonga
[Larawan sa pahina 11]
Pangkat ng mga tagapagsaling-wika, Nuku’alofa
[Picture Credit Lines sa pahina 9]
Paggawa ng telang tapa:© Jack Fields/CORBIS; larawan sa likuran sa pahina 8 at 9, at pangingisda: © Fred J. Eckert