Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mag-ingat sa mga Kaugaliang Hindi Nakalulugod sa Diyos

Mag-ingat sa mga Kaugaliang Hindi Nakalulugod sa Diyos

Mag-ingat sa mga Kaugaliang Hindi Nakalulugod sa Diyos

SA ISANG maliit na looban, isang nakabukas na kabaong ang nakabilad sa mainit na araw sa Aprika. Habang pumipila ang mga nagdadalamhati upang ipahayag ang kanilang pamimighati, isang matandang lalaki ang huminto roon. Habang lumuluha dahil sa kalungkutan, binulungan niya ang patay na lalaki: “Bakit hindi mo sinabing mamamatay ka na? Bakit mo ako iniwan nang ganito? Ngayong nagbalik ka na, tutulungan mo pa ba ako?”

Sa isa pang bahagi ng Aprika, isinilang ang isang sanggol. Walang sinuman ang pinahihintulutang makita ang bata. Pagkatapos palipasin ang ilang panahon, saka lamang inilabas sa madla ang sanggol at binigyan ng pangalan sa isang seremonya.

Sa ilang tao, maaaring kakatwa ang makipag-usap sa patay o hindi ipakita sa iba ang isang kasisilang na sanggol. Gayunman, sa ilang kultura at lipunan, ang paggawi at pananaw ng mga tao sa kamatayan at kapanganakan ay naiimpluwensiyahan ng napakatibay na paniniwalang ang mga patay ay hindi talaga patay kundi buháy at may malay.

Napakatindi ng paniniwalang ito anupat may napakahalagang papel ito sa mga kaugalian at ritwal na nakaaapekto sa halos lahat ng pitak ng buhay. Halimbawa, milyun-milyon ang naniniwala na ang mahahalagang yugto ng buhay ng isa​—tulad ng kapanganakan, pagbibinata o pagdadalaga, pag-aasawa, pag-aanak, at kamatayan​—ay mga bahagi ng paglalakbay tungo sa daigdig ng mga espiritu ng mga ninuno. Sa lugar na iyon, ipinapalagay na patuloy na ginagampanan ng patay na tao ang isang aktibong papel sa buhay ng mga naiwan niya. At maaari niyang ipagpatuloy ang siklo ng buhay sa pamamagitan ng muling pagsilang sa kaniya.

Upang matiyak na magiging maayos ang paglalakbay sa bawat yugto ng siklong ito, maraming kaugalian at ritwal ang isinasagawa. Ang mga kaugaliang ito ay naiimpluwensiyahan ng paniniwala na may isang bagay sa loob natin na nananatiling buháy sa kamatayan. Iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano ang anumang kaugaliang nauugnay sa paniniwalang ito. Bakit kaya?

Ano ba ang Kalagayan ng mga Patay?

Maliwanag ang paglalarawan ng Bibliya hinggil sa kalagayan ng patay. Simple lamang ang sinasabi nito: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naglaho na . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang karaniwang libingan ng tao], ang dako na iyong paroroonan.” (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Matagal nang pinahahalagahan ng tunay na mga mananamba ng Diyos ang pangunahing katotohanang ito sa Bibliya. Sa halip na isang imortal na bagay, naunawaan nila na ang kaluluwa ay namamatay at nalilipol. (Ezekiel 18:4) Alam din nila na hindi umiiral ang espiritu ng mga patay. (Awit 146:4) Noong sinaunang panahon, mahigpit na ipinag-utos ni Jehova sa kaniyang bayan na lubusan silang humiwalay sa anumang kaugalian o ritwal na nauugnay sa paniniwalang ang patay ay may malay at impluwensiya sa mga buháy.​—Deuteronomio 14:1; 18:9-13; Isaias 8:19, 20.

Iniwasan din ng unang-siglong mga Kristiyano ang anumang tradisyonal na kaugalian o ritwal na nauugnay sa huwad na relihiyosong turo. (2 Corinto 6:15-17) Sa ngayon, anuman ang kanilang lahi, tribo, o pinagmulan, iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tradisyon at kaugalian na nauugnay sa huwad na turong may nananatiling buháy sa loob ng isang tao sa kamatayan.

Bilang mga Kristiyano, ano ang maaaring maging gabay natin sa pagpapasiya kung dapat sundin ang isang kaugalian o hindi? Kailangan nating pag-isipang mabuti ang posibleng kaugnayan nito sa anumang di-makakasulatang turo, gaya ng paniniwala na ang espiritu ng mga patay ay nakaiimpluwensiya sa pamumuhay ng mga buháy. Karagdagan pa, kailangan nating isaalang-alang kung ang pakikibahagi natin sa gayong kaugalian o seremonya ay makatitisod sa ibang nakaaalam sa paniniwala at turo ng mga Saksi ni Jehova. Taglay sa isipan ang mga puntong iyan, suriin natin ang dalawang pitak na isinasaalang-alang​—ang kapanganakan at kamatayan.

Ang Kapanganakan at mga Seremonya ng Pagpapangalan sa Bata

Wasto naman ang maraming kaugaliang nauugnay sa kapanganakan. Subalit dapat mag-ingat ang tunay na mga Kristiyano sa mga lugar kung saan ang kapanganakan ay itinuturing na paglalakbay mula sa daigdig ng mga espiritu ng mga ninuno tungo sa komunidad ng mga tao. Halimbawa, sa ilang bahagi ng Aprika, ang isang kasisilang na bata ay itinatago sa loob ng bahay at hindi binibigyan ng pangalan hangga’t hindi lumilipas ang isang yugto ng panahon. Bagaman maaaring iba-iba ang yugto ng paghihintay depende sa lugar, nagtatapos ito sa pamamagitan ng seremonya ng pagpapangalan sa bata, kung saan inilalabas ang bata at pormal na inihaharap sa mga kamag-anak at kaibigan. Sa panahong iyon, opisyal na iniaanunsiyo ang pangalan ng bata sa lahat ng naroroon.

Sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng kaugaliang ito, ganito ang sinasabi ng aklat na Ghana​—Understanding the People and Their Culture: “Sa unang pitong araw ng buhay nito, ipinapalagay na ‘dumadalaw’ raw ang sanggol at naglalakbay mula sa daigdig ng mga espiritu tungo sa buhay sa lupa. . . . Karaniwan nang itinatago sa loob ng bahay ang sanggol at hindi pinahihintulutang makita ito ng mga hindi kapamilya.”

Bakit may yugto ng paghihintay bago pangalanan ang bata sa isang seremonya? Ganito ang paliwanag ng aklat na Ghana in Retrospect: “Bago sumapit ang ikawalong araw, ipinapalagay na hindi pa dapat tao ang bata. Sa paanuman, nauugnay pa siya sa daigdig ng espiritu na kaniyang pinanggalingan.” Nagpapatuloy ang aklat: “Yamang ang pangalan ang diumano’y nagpapangyari na maging tao ang bata, kapag nangangamba ang mag-asawa na ang kanilang anak ay mamamatay, karaniwan nang ipinagpapaliban nila ang pagbibigay sa kaniya ng pangalan hanggang sa makatiyak sila na siya ay mabubuhay. . . . Kaya ang ritwal na ito ng pagbabago ng kalagayan, na kung minsan ay tinatawag na outdooring [paghaharap sa bata sa madla], ay pinaniniwalaang may malaking epekto sa bata at sa mga magulang. Ang seremonya ang nagdadala sa bata sa daigdig ng mga tao.”

Isang matandang kamag-anak ng pamilya ang karaniwan nang nangunguna sa gayong seremonya ng pagpapangalan sa bata. Iba-iba ang nagaganap sa okasyon depende sa lugar, pero kadalasan nang kasama sa seremonya ang pagbubuhos ng handog na inumin, pananalangin sa mga espiritu ng mga ninuno bilang pasasalamat sa ligtas na pagdating ng bata, at iba pang mga ritwal.

Ang pinakatampok na bahagi ng seremonya ay ang pagpapatalastas sa pangalan ng bata. Bagaman ang mga magulang ang may pananagutan sa pagpapangalan sa kanilang anak, madalas na may malakas na impluwensiya ang ibang mga kamag-anak sa pagpili ng pangalan. Ang ilang pangalan ay may simbolikong kahulugan sa lokal na wika, gaya ng “yumao at nagbalik,” “nagbalik si Inay sa ikalawang pagkakataon,” o “nagbalik si Itay.” Ang ibang pangalan ay may mga kahulugang kinatha upang mapigilan daw ang mga ninuno na kunin muli ang kasisilang na bata tungo sa daigdig ng mga patay.

Siyempre, hindi naman masamang magsaya kapag isinilang ang isang bata. Ang pagpapangalan sa isang bata alinsunod sa pangalan ng iba at pagbibigay ng pangalang nagpapahiwatig ng mga kalagayang nauugnay sa kapanganakan nito ay mga kaugaliang katanggap-tanggap naman, at ang pagpapasiya kung kailan bibigyan ng pangalan ang bata ay isang personal na desisyon. Subalit ang mga Kristiyanong nagnanais na paluguran ang Diyos ay maingat na umiiwas sa anumang kaugalian o seremonyang magbibigay ng impresyon na sumasang-ayon sila sa pananaw na ang bagong-silang na bata ay isang “bisitang” naglalakbay mula sa daigdig ng mga espiritu ng mga ninuno tungo sa daigdig ng mga buháy.

Karagdagan pa, bagaman itinuturing ng marami sa komunidad na ang seremonya sa pagpapangalan ay isang mahalagang ritwal ng pagbabago ng kalagayan, dapat maging sensitibo ang mga Kristiyano sa budhi ng iba at isaalang-alang nila ang impresyong maibibigay nito sa mga di-sumasampalataya. Halimbawa, ano kaya ang maaaring isipin ng iba kung hindi ipakikita ng isang pamilyang Kristiyano sa ibang mga tao ang kanilang bagong-silang na anak hanggang sa gawin ang isang seremonya ng pagpapangalan? Ano kaya ang magiging impresyon kung ang mga pangalang ginamit ay sumasalungat sa kanilang pag-aangkin bilang mga guro ng katotohanan sa Bibliya?

Kaya kapag nagpapasiya kung paano at kailan bibigyan ng pangalan ang kanilang mga anak, nagsisikap ang mga Kristiyano na “gawin . . . ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos” upang hindi maging sanhi ng ikatitisod. (1 Corinto 10:31-33) Hindi nila ‘isinasaisantabi ang utos ng Diyos upang panatilihin ang mga tradisyon’ na pangunahin nang kinatha upang parangalan ang mga patay. Sa kabaligtaran, pinararangalan at niluluwalhati nila ang buháy na Diyos, si Jehova.​—Marcos 7:9, 13.

Paglalakbay Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay

Itinuturing ng marami ang kamatayan, gaya ng kapanganakan, bilang isang paglalakbay; ang isa na namatay ay naglalakbay mula sa nakikitang daigdig tungo sa di-nakikitang daigdig ng espiritu ng mga patay. Marami ang naniniwala na malibang isagawa ang ilang kaugalian at ritwal sa libing ng isang taong namatay, ang mga espiritu ng mga ninuno, na diumano’y may kapangyarihang magparusa o magbigay ng gantimpala sa mga buháy, ay magagalit. Malaki ang impluwensiya ng paniniwalang ito sa paraan ng pagsasaayos at pagsasagawa ng mga libing.

Ang mga libing na nilayong magpalubag ng mga patay ay madalas na nagsasangkot ng maraming emosyon​—mula sa walang-patumanggang hagulhulan at sigawan sa harapan ng patay hanggang sa masasayang pistahan pagkatapos ng paglilibing. Ang walang-taros na pistahan, lasingan, at sayawan sa malakas na tugtugin ay madalas na makikita sa gayong mga selebrasyon ng libing. Gayon na lamang kalaki ang pagpapahalaga sa mga libing anupat kahit ang pinakamahihirap na pamilya ay madalas na nagpapagal nang husto upang makaipon ng sapat na pondo para makapagbigay ng “angkop na libing,” bagaman maaari itong magdulot ng kahirapan at pagkakautang.

Sa loob ng maraming taon, lubusang ibinubunyag ng mga Saksi ni Jehova ang di-makakasulatang mga kaugalian sa libing. * Kabilang sa gayong mga kaugalian ang mga lamay na nagpaparangal sa patay, pagbubuhos ng mga handog na inumin, pakikipag-usap at paghiling sa mga patay, mga seremonya at pangingilin ng mga anibersaryo ng libing, at iba pang mga kaugaliang nakasalig sa paniniwala na may nananatiling buháy sa loob ng isang tao sa kamatayan. Ang gayong mga kaugaliang hindi nagpaparangal sa Diyos ay “marumi,” isang “walang-katuturang panlilinlang” na nakasalig sa “tradisyon ng mga tao” at hindi sa Salita ng Diyos na katotohanan.​—Isaias 52:11; Colosas 2:8.

Ginigipit na Sumunod

Nagiging mahirap para sa ilan na umiwas sa tradisyonal na mga kaugalian, lalo na sa mga lupain kung saan itinuturing na napakahalaga ang pagpaparangal sa mga patay. Palibhasa’y hindi sinusunod ang gayong mga kaugalian, ang mga Saksi ni Jehova ay pinaghihinalaan o inaakusahan bilang mga taong lumalaban sa lipunan at hindi gumagalang sa patay. Dahil sa kritisismo at matinding panggigipit, ang ilan ay natatakot na maging iba sa karamihan sa kabila ng pagkakaroon ng wastong kaunawaan hinggil sa katotohanan sa Bibliya. (1 Pedro 3:14) Nadarama ng ilan na ang mga kaugaliang ito ay bahagi ng kanilang kultura at hindi lubusang maiiwasan. Ikinakatuwiran naman ng iba na ang pagtangging sumunod sa kaugalian ay maaaring maging dahilan upang magtangi ang komunidad laban sa bayan ng Diyos.

Hindi naman natin nais saktan ang damdamin ng iba. Gayunpaman, binababalaan tayo ng Bibliya na ang matatag na paninindigan sa katotohanan ay magbubunga ng di-pagsang-ayon ng isang sanlibutang hiwalay sa Diyos. (Juan 15:18, 19; 2 Timoteo 3:12; 1 Juan 5:19) Handa nating gawin ang gayong paninindigan, yamang nalalaman nating dapat tayong maging iba sa mga nasa espirituwal na kadiliman. (Malakias 3:18; Galacia 6:12) Kung paanong nilabanan ni Jesus ang tukso ni Satanas na gawin ang isang bagay na hindi nakalulugod sa Diyos, nilalabanan din natin ang panggigipit na gumawi sa paraang hindi nakalulugod sa Diyos. (Mateo 4:3-7) Sa halip na magpadaig sa pagkatakot sa tao, ang pangunahing ikinababahala ng tunay na mga Kristiyano ay ang paluguran ang Diyos na Jehova at parangalan siya bilang Diyos ng katotohanan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng hindi pagkokompromiso sa mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa dalisay na pagsamba dahil sa panggigipit ng iba.​—Kawikaan 29:25; Gawa 5:29.

Iginagalang ang Patay​—Pinararangalan si Jehova

Normal naman na makadama tayo ng matinding kirot at pighati kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. (Juan 11:33, 35) Ang pagpapahalaga sa alaala ng isang mahal sa buhay at pagbibigay ng marangal na libing ay angkop at wastong mga kapahayagan ng ating pag-ibig. Subalit hindi sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang mga kaugaliang di-nakalulugod sa Diyos samantalang hinaharap ang matinding kalungkutan na dulot ng kamatayan. Hindi ito madali sa mga pinalaki sa mga kulturang may matinding takot sa mga patay. Maaaring hamon ang maging timbang kapag nakadarama tayo ng kirot dahil sa kamatayan ng isang taong malapít sa atin. Magkagayunman, ang tapat na mga Kristiyano ay pinalalakas ni Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan,” at nakikinabang sa maibiging suporta ng mga kapananampalataya. (2 Corinto 1:3, 4) Ang kanilang matibay na pananampalatayang bubuhaying-muli balang araw ang walang-malay na mga patay na nasa alaala ng Diyos ay nagbibigay sa tunay na mga Kristiyano ng sapat na dahilan upang lubusang humiwalay sa di-makakristiyanong mga kaugalian sa libing na sumasalungat sa katotohanan ng pagkabuhay-muli.

Hindi ba tayo natutuwa na tinawag tayo ni Jehova “mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag”? (1 Pedro 2:9) Habang nararanasan natin ang kagalakan ng kapanganakan at binabata ang kalungkutang dulot ng kamatayan, nawa’y ang ating masidhing hangarin na gawin kung ano ang tama at ang ating masidhing pag-ibig sa Diyos na Jehova ang palaging magpakilos sa atin na “patuloy [na] lumakad bilang mga anak ng liwanag.” Huwag na huwag nawa nating hahayaang madumhan tayo sa espirituwal na paraan ng di-makakristiyanong mga kaugalian na hindi nakalulugod sa Diyos.​—Efeso 5:8.

[Talababa]

^ par. 23 Pakisuyong tingnan ang mga brosyur na Espiritu ng mga Patay​—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga bang Umiiral Sila? at The Road to Everlasting Life​—Have You Found It? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.