Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ipinahihiwatig ba ng mga salita ni Esteban sa Gawa 7:59 na dapat iukol ang mga panalangin kay Jesus?
Ganito ang sinasabi ng Gawa 7:59: “Pinagbabato nila si Esteban habang siya ay nagsusumamo at nagsasabi: ‘Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.’ ” Ang mga salitang iyon ay nagbangon ng mga katanungan sa ilan, yamang sinasabi sa Bibliya na si Jehova ang “Dumirinig ng Panalangin.” (Awit 65:2) Talaga bang nanalangin si Esteban kay Jesus? Ipinahihiwatig ba nito na si Jesus ay si Jehova rin?
Sinasabi ng King James Version na si Esteban ay “tumatawag sa Diyos.” Mauunawaan kung gayon na marami ang naghihinuhang gaya ng komentarista sa Bibliya na si Matthew Henry, na nagsabi: “Yamang nanalangin dito si Esteban kay Kristo, gayundin ang dapat nating gawin.” Subalit mali ang pangmalas na ito. Bakit?
Ganito ang tapat na pag-amin ng Barnes’ Notes on the New Testament: “Ang salitang Diyos ay wala sa orihinal, at hindi dapat lumitaw sa salin. Hindi ito makikita sa sinaunang [mga manuskrito] o mga bersiyon.” Paano naisingit sa talatang iyon ang salitang “Diyos”? Tinawag ito ng iskolar na si Abiel Abbot Livermore na “isang halimbawa ng pagkiling ng mga tagapagsalin sa isang sekta.” Kaya naman, inaalis ng karamihan ng makabagong mga salin ang mapanlinlang na pagtukoy na ito sa Diyos.
Magkagayunman, maraming bersiyon ang nagsasabing “nanalangin” si Esteban kay Jesus. At ipinakikita ng talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References na ang pananalitang “nagsusumamo” ay maaari ring mangahulugang “pamamanhik; pananalangin.” Hindi ba nito ipinahihiwatig na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Hindi. Ipinaliwanag ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words na sa tagpong ito, ang orihinal na salitang Griego, e·pi·ka·leʹo, ay nangangahulugang: “Tumawag, makiusap; . . . umapela sa isang awtoridad.” Ginamit ni Pablo ang mismong salitang ito nang ipahayag niya: “Umaapela ako kay Cesar!” (Gawa 25:11) Angkop kung gayon na sabihin ng The New English Bible na “tumawag” si Esteban kay Jesus.
Ano ang nagpakilos kay Esteban na gawin ang gayong pagsusumamo? Ayon sa Gawa 7:55, 56, si Esteban, “puspos ng banal na espiritu, ay tumitig sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.” Karaniwan na, tiyak na iuukol ni Esteban ang kaniyang mga paghiling kay Jehova sa pangalan ni Jesus. Subalit yamang nakita ang binuhay-muling si Jesus sa pangitain, maliwanag na nadama ni Esteban na malaya siyang makapagsusumamo kay Jesus nang tuwiran, na sinasabi: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Alam ni Esteban na binigyan si Jesus ng awtoridad na buhayin ang mga patay. (Juan 5:27-29) Kaya hiniling niya kay Jesus na ingatan ang kaniyang espiritu, o puwersa ng buhay, hanggang sa dumating ang araw na bubuhayin siyang muli ni Jesus sa imortal na buhay sa langit.
Ang maikli bang sinabi ni Esteban ay nagsisilbing parisan upang manalangin kay Jesus? Hinding-hindi. Unang-una, nilinaw ni Esteban na magkaiba si Jesus at si Jehova, yamang sinasabi ng ulat na nakita niya si Jesus na “nakatayo sa kanan ng Diyos.” Gayundin, lubhang di-pangkaraniwan ang kalagayang ito. Ang tanging isa pang situwasyon kung saan tuwirang iniukol ang gayong kapahayagan kay Jesus ay yaong naganap kay apostol Juan, na tuwiran ding nakipag-usap kay Jesus nang makita Siya ni Juan sa pangitain.—Apocalipsis 22:16, 20.
Bagaman wastong iniuukol ng mga Kristiyano ang lahat ng kanilang panalangin sa Diyos na Jehova, taglay rin nila ang di-matitinag na pananampalataya na si Jesus “ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Kagaya sa kaso ni Esteban, ang pananampalataya sa kakayahan ni Jesus na buhayin ang kaniyang namatay na mga tagasunod ay makatutulong at makapagpapalakas sa atin sa panahon ng pagsubok.