Natutuhan Naming Magtiwala Nang Lubusan kay Jehova
Natutuhan Naming Magtiwala Nang Lubusan kay Jehova
AYON SA SALAYSAY NI NATALIE HOLTORF
Hunyo 1945 noon. Isang araw nang buwang iyon, isang maputlang lalaki ang dumating sa bahay namin at matiyagang tumayo sa may pintuan sa harap. Palibhasa’y nagulat, ang aking bunsong anak na babaing si Ruth ay sumigaw: “Mama, may tao sa pinto!” Wala siyang kamalay-malay na ang taong iyon ay ang kaniyang ama—ang aking mahal na asawa, si Ferdinand. Dalawang taon bago nito, tatlong araw lamang pagkasilang ko kay Ruth, si Ferdinand ay umalis ng bahay, inaresto, at ikinulong sa isang kampong piitan ng mga Nazi. Ngunit ngayon, sa wakas, nakita na ni Ruth ang kaniyang ama, at buo nang muli ang aming pamilya. Napakarami naming dapat pagkuwentuhan ni Ferdinand!
SI Ferdinand ay isinilang noong 1909 sa lunsod ng Kiel, sa Alemanya, at isinilang naman ako noong 1907 sa lunsod ng Dresden, sa Alemanya rin. Labindalawang taóng gulang ako noong unang makilala ng aming pamilya ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon. Pagtuntong sa edad na 19, iniwan ko ang Simbahang Ebangheliko at inialay ang aking buhay kay Jehova.
Samantala, nagtapos si Ferdinand sa kolehiyo ng pagiging marino at ito ang naging propesyon niya. Sa kaniyang mga paglalakbay, napag-isip-isip niya ang mga tanong tungkol sa pag-iral ng isang Maylalang. Nang dumaong sila, dinalaw ni Ferdinand ang kaniyang kuya, na isang Estudyante ng Bibliya. Ang pagdalaw niyang ito ay sapat na para makumbinsi siyang nasa Bibliya ang mga sagot sa mga tanong na gumugulo sa kaniyang isipan. Iniwan niya ang Simbahang Luterano, at nagpasiya rin siyang tumigil na sa pagtatrabaho bilang marino.
Matapos gugulin ang kaniyang unang araw sa pangangaral, nakadama siya ng matinding pagnanais na gampanan ang gawaing ito sa natitirang bahagi ng kaniyang buhay. Nang gabi ring iyon, inialay ni Ferdinand ang kaniyang buhay kay Jehova. Nabautismuhan siya noong Agosto 1931.Isang Marino at Isang Mangangaral
Noong Nobyembre 1931, sumakay si Ferdinand sa isang tren patungong Netherlands para tumulong sa pangangaral doon. Nang sabihin ni Ferdinand sa kapatid na nag-organisa ng gawain sa bansang iyon na dati siyang marino, napabulalas ang kapatid: “Ikaw ang taong kailangang-kailangan namin!” Umupa kasi ang mga kapatid ng isang lantsa para makapangaral ang isang grupo ng mga payunir (buong-panahong mga ministro) sa mga nakatira sa kahabaan ng malalaking daluyan ng tubig sa hilagang bahagi ng bansa. Lima ang tripulante ng lantsa, pero wala ni isa man sa kanila ang marunong maglayag nito. Kaya si Ferdinand ang naging kapitan ng lantsa.
Pagkalipas ng anim na buwan, hinilingan si Ferdinand na maglingkod bilang payunir sa Tilburg, na nasa timugang Netherlands. Nang mga panahon ding iyon ako dumating sa Tilburg para maglingkod bilang payunir at nakilala ko si Ferdinand. Ngunit kaagad-agad kaming hinilingang lumipat sa Groningen, na nasa hilagang bahagi ng bansa. Ikinasal kami roon noong Oktubre 1932, at sa isang bahay na ginagamit ng ilang payunir kami nag-honeymoon habang ipinagpapatuloy ang aming pagpapayunir!
Isinilang noong 1935 ang aming anak na si Esther. Bagaman maliit lamang ang kita namin, determinado kaming ipagpatuloy ang pagpapayunir. Lumipat kami sa isang nayon, kung saan tumira kami sa isang maliit na bahay. Habang inaalagaan ko ang sanggol sa bahay, maghapon naman sa ministeryo ang aking asawa. Kinabukasan, ako naman ang nangangaral. Nagpatuloy ito hanggang sapat na ang gulang ni Esther para makasama namin sa ministeryo.
Hindi nagtagal, nagsimulang dumilim ang pulitikal na kalagayan sa Europa. Nabalitaan namin ang pag-uusig sa mga Saksi sa Alemanya, at natanto naming di-magtatagal at kami na ang susunod. Napag-isip-isip namin kung ano ang mangyayari sa amin sa ilalim ng matinding pag-uusig. Noong 1938, naglabas ang mga awtoridad na Olandes ng isang dekretong nagbabawal sa mga banyaga na magsagawa ng gawaing colporteur sa pamamagitan ng pamamahagi ng relihiyosong mga publikasyon. Para matulungan kaming magpatuloy sa aming ministeryo, ibinigay sa amin ng mga Saksing Olandes ang pangalan ng mga taong nagpakita ng interes sa aming gawain, at napagdausan namin ng pag-aaral sa Bibliya ang ilan sa kanila.
Nang mga panahong iyon, may idaraos na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman kulang kami sa pondo para makabili ng tiket sa tren na patungo sa pagdarausan ng kombensiyon, gusto naming dumalo. Kaya pinasimulan namin ang tatlong araw na biyahe sa pamamagitan ng bisikleta, habang nakaupo ang maliit na si Esther sa isang upuan na nakakabit sa manibela. Nakitulog kami sa mga Saksi na nakatira sa ruta namin. Tuwang-tuwa kaming makadalo sa aming kauna-unahang pambansang kombensiyon! Pinatibay kami ng programa para sa mga Awit 31:6: “Sa ganang akin, kay Jehova ako nagtitiwala.”
pagsubok sa hinaharap. Higit sa lahat, napaalalahanan kami na ilagak ang aming tiwala sa Diyos. Naging sawikain namin ang mga salita saPinaghahanap ng mga Nazi
Noong Mayo 1940, sinalakay ng mga Nazi ang Netherlands. Di-nagtagal pagkatapos nito, bigla kaming dinalaw ng mga Gestapo, o mga sekreta, habang inaayos namin ang ipinadala sa aming mga literatura sa Bibliya. Dinala si Ferdinand sa punong-himpilan ng mga Gestapo. Lagi namin siyang dinadalaw roon ni Esther, at kung minsan ay pinagtatatanong siya at binubugbog sa mismong harapan namin. Nang buwan ng Disyembre, biglang pinalaya si Ferdinand, ngunit panandalian lamang ito. Isang gabi habang pauwi kami sa bahay, nakita namin ang isang kotse ng mga Gestapo malapit sa bahay namin. Nakalayô si Ferdinand samantalang kami naman ni Esther ay pumasok sa bahay. Naghihintay sa amin ang mga Gestapo. Hinahanap nila si Ferdinand. Nang gabi ring iyon pagkaalis ng mga Gestapo, dumating naman ang mga pulis na Olandes at isinama nila ako para pagtatanungin. Kinabukasan, nagtago kami ni Esther sa bahay ng isang mag-asawang Saksi na bagong bautisado, ang pamilya Norder, na naglaan ng kanlungan at proteksiyon sa amin.
Sa pagtatapos ng Enero 1941, inaresto ang isang mag-asawang payunir na nakatira sa isang lantsa. Kinabukasan, pinuntahan ng isang tagapangasiwa ng sirkito (naglalakbay na ministro) at ng aking asawa ang lantsa para kunin ang ilang gamit ng mag-asawa, pero sinunggaban sila ng mga nakipagtulungan sa mga Gestapo. Nakahulagpos si Ferdinand at nakatakas siya sakay ng kaniyang bisikleta. Gayunman, ang tagapangasiwa ng sirkito ay dinala sa bilangguan.
Hiniling kay Ferdinand ng responsableng mga kapatid na siya na ang tumayong tagapangasiwa ng sirkito. Nangangahulugan iyan na tatlong araw lamang siyang maaaring lumagi sa bahay sa loob ng isang buwan. Bagong hamon ito para sa amin, ngunit nagpatuloy ako sa pagpapayunir. Pinag-ibayo ng mga Gestapo ang paghahanap sa mga Saksi, kaya kinailangan naming magpalipat-lipat ng tirahan. Noong 1942, tatlong beses kaming lumipat. Nang maglaon, nakarating kami sa lunsod ng Rotterdam, malayo sa lugar kung saan isinasagawa ni Ferdinand ang kaniyang palihim na ministeryo. Nang mga panahong iyon, malapit ko nang isilang ang aking ikalawang anak. Ang pamilya Kamp, na ang dalawang anak na lalaki ay ipinatapon kamakailan sa mga kampong piitan, ay may-kabaitang kumupkop sa amin sa kanilang tahanan.
Palapit Nang Palapit sa Amin ang mga Gestapo
Isinilang ang aming ikalawang anak, si Ruth, noong Hulyo 1943. Pagkasilang ko kay Ruth, nakasama namin si Ferdinand nang tatlong araw, pero kinailangan na niyang umalis, at matagal namin siyang hindi nakita mula noon. Pagkalipas ng mga tatlong linggo, naaresto si Ferdinand sa Amsterdam. Dinala siya sa himpilan ng mga Gestapo, kung saan natiyak nila kung sino siya. Mahigpit siyang pinagtatanong ng mga Gestapo sa pagsisikap na pilitin siyang magbigay ng impormasyon tungkol sa aming pangangaral. Ngunit ang tanging handang isiwalat ni Ferdinand ay na isa siyang Saksi ni Jehova at na hindi siya sangkot sa anumang pulitikal na gawain. Galít na galít ang mga opisyal ng Gestapo dahil si Ferdinand, na isang Aleman, ay hindi naglingkod sa militar, at nagbanta silang papatayin siya bilang isang traidor.
Sa loob ng sumunod na limang buwan, ibinilanggo si Ferdinand sa isang selda, kung saan binatá niya ang patuloy na pananakot na siya ay papatayin sa pamamagitan ng firing squad. Pero hindi natinag ang kaniyang katapatan kay Jehova. Ano ang nakatulong sa kaniya na manatiling malakas sa espirituwal? Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Siyempre pa, dahil isa siyang Saksi, hindi pinayagan si Ferdinand na magkaroon ng Bibliya. Gayunman, maaaring humiling ng kopya ang ibang bilanggo. Kaya kinumbinsi ni Ferdinand ang kaniyang kasama sa selda na hilingin sa pamilya nito na magpadala ng Bibliya, na siya namang ginawa ng lalaki. Pagkalipas ng maraming taon, sa tuwing ikinukuwento ni Ferdinand ang pangyayaring ito, mababanaag sa kaniyang mukha ang kasiglahan at napabubulalas siya: “Kaylaking kaaliwan ang naibigay ng Bibliyang iyon sa akin!”
Maaga noong Enero 1944, biglang dinala si Ferdinand sa isang kampong piitan sa Vught, na nasa Netherlands. Sa di-inaasahan, isa palang pagpapala
para sa kaniya ang pagkakalipat niyang iyon dahil nakatagpo niya roon ang 46 na Saksi. Nang mabalitaan kong inilipat siya, tuwang-tuwa akong malaman na buháy siya!Pangangaral Nang Walang Humpay sa Kampong Piitan
Napakahirap ng buhay sa kampo. Karaniwan na lamang ang malubhang malnutrisyon, kakulangan sa makapal na damit, at matinding lamig. Nagkasakit si Ferdinand ng malubhang tonsilitis. Pagkatapos ng napakahabang pagtawag sa mga pangalan ng mga bilanggo habang nasa labas sa maginaw na panahon, nagpunta siya sa dako kung saan inaalagaan ang mga maysakit. Ang mga pasyenteng may lagnat na 40 digri Celsius o mas mataas pa ay pinapayagang manatili roon. Pero hindi pinayagang manatili roon si Ferdinand, dahil ang temperatura niya ay 39 na digri Celsius lamang! Pinabalik siya sa trabaho. Gayunman, tinulungan siya ng madamaying mga kapuwa bilanggo, sa pamamagitan ng pagtatago sa kaniya sa loob ng maiikling yugto ng panahon sa isang mainit na lugar. Nagkaroon ng karagdagang kaginhawahan nang uminit ang lagay ng panahon. Gayundin, kapag nakatatanggap ang ilang kapatid ng mga padalang pagkain, ibinabahagi nila ang mga ito sa iba, kaya nabawi ni Ferdinand ang kaniyang lakas.
Bago nabilanggo ang aking asawa, pangunahin sa kaniyang buhay ang pangangaral, at sa loob ng kampo ay nagpatuloy siyang ibahagi sa iba ang kaniyang mga paniniwala. Madalas siyang kinukutya ng mga opisyal ng kampo dahil sa lilang tatsulok sa kaniyang damit, ang sagisag na nagpapakilalang ang bilanggo ay isang Saksi. Pero itinuring ni Ferdinand ang gayong mga pangungutya bilang pagkakataon upang pasimulan ang pakikipag-uusap sa kanila. Noong una, ang teritoryong pinangangaralan ng mga kapatid ay sa mga baraks lamang na pangunahin nang tinitirhan ng mga Saksi. Tinanong ng mga kapatid ang kanilang sarili, ‘Paano namin makakausap ang mas maraming bilanggo?’ Sa di-sinasadya, ang mga nangangasiwa sa kampo ang naglaan ng solusyon. Paano?
Ang mga kapatid ay may lihim na suplay ng literatura sa Bibliya at gayundin ng 12 Bibliya. Isang araw, natagpuan ng mga guwardiya ang ilang literatura, pero hindi nila malaman kung kanino ang mga ito. Kaya nagpasiya ang mga opisyal ng kampo na kailangang paghiwa-hiwalayin ang mga Saksi. Kaya bilang parusa, inilipat ang lahat ng kapatid sa mga baraks na kinaroroonan ng mga bilanggong di-Saksi. Karagdagan pa, kailangang maupo ang mga kapatid sa tabi ng isang di-Saksi habang kumakain. Talagang isang pagpapala ang kaayusang ito. Magagawa na ngayon ng mga kapatid ang gustung-gusto nilang gawin—ang mangaral sa mas maraming bilanggo hangga’t maaari.
Mag-isang Pagpapalaki sa Dalawang Anak na Babae
Samantala, nakatira pa rin kami ng aking dalawang anak na babae sa Rotterdam. Ang taglamig noong 1943/44 ay talaga namang napakahirap. Sa likod ng bahay namin ay may mga kanyong panlaban sa mga eroplano na binabantayan ng mga sundalong Aleman. Nasa harap naman namin ang Daungan ng Waal, isang pangunahing puntirya ng mga eroplanong pambomba ng mga puwersang Allied. Hindi talaga iyon isang ligtas na lugar para pagtaguan. Bukod diyan, kakaunti ang pagkain. Higit kailanman, natutuhan naming magtiwala nang lubusan kay Jehova.—Kawikaan 3:5, 6.
Tumulong ang walong-taóng-gulang na si Esther sa aming maliit na pamilya sa pamamagitan ng pagpila sa nagrarasyon ng kaunting pagkain. Gayunman, madalas kapag siya na ang kukuha ng pagkain, wala nang natitira. Minsan sa kaniyang paghahanap ng pagkain, naipit siya sa gitna ng pagsalakay ng mga eroplanong pambomba. Nataranta ako nang marinig ko ang mga pagsabog, ngunit ang aking pag-aalala ay nahalinhan ng mga luha ng kagalakan nang makauwi siyang walang pinsala at may dala pa ngang ilang sugar beet. “Anong nangyari?” ang una kong nasabi. Mahinahon niyang sinabi: “Nang bumagsak po ang mga bomba, ginawa ko lang ang sinabi ni Daddy na gawin ko, ‘Dumapa ka sa lupa, huwag kang tatayo, at manalangin ka.’ At ayos naman po!”
Dahil sa ako ay may puntong Aleman, mas ligtas na si Esther ang mamilí. Napansin ito ng mga sundalong Aleman, na nagsimulang magtatanong kay Esther. Pero wala siyang isiniwalat na anumang lihim. Sa bahay, tinuturuan ko si Esther ng Bibliya, at dahil hindi siya makapasok sa paaralan, tinuruan ko siyang bumasa’t sumulat at ng iba pang kasanayan.
Tinulungan din ako ni Esther sa ministeryo. Bago ako umalis para magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang indibiduwal, nauuna si Esther sa akin para alamin kung may nagmamasid sa amin. Tinitiyak niya kung naroroon ba ang mga senyales na napagkasunduan namin ng estudyante sa Bibliya. Halimbawa, ipupuwesto ng taong dadalawin ko ang isang pasô ng halaman sa isang partikular na posisyon sa pasamano ng bintana para ipaalam sa akin na puwede akong tumuloy. Sa panahon ng pag-aaral sa Bibliya, mananatili sa labas si Esther para magmasid kung may panganib habang itinutulak niya ang stroller ni Ruth nang paroo’t parito sa kalye.
Patungo sa Sachsenhausen
Kumusta na kaya si Ferdinand? Noong Setyembre 1944, siya at ang marami pang iba ay pinagmartsa patungo sa isang istasyon ng tren kung saan ang mga grupo ng tig-80 bilanggo ay isiniksik sa naghihintay na mga bagon ng tren. Bawat bagon ay may isang timba na nagsilbing palikuran at isang timba para sa tubig na maiinom. Umabot ng tatlong araw at gabi ang paglalakbay, at nakatayo lamang sila! Halos walang bentilasyon. Walang bintana ang mga bagon kundi ilang maliliit na butas lamang kung saan-saan. Hindi mailalarawan ang init, gutom, at uhaw—bukod pa sa masangsang na amoy—na kailangan nilang batahin.
Huminto ang tren sa kinatatakutang kampong piitan ng Sachsenhausen. Anumang personal na gamit na nadala ng lahat ng bilanggo ay kinuha pa sa kanila—maliban sa 12 maliliit na Bibliyang dala ng mga Saksi sa biyahe!
Si Ferdinand at ang walo pang kapatid ay ipinadala sa isang kampo sa Rathenow na pinangangasiwaan ng Sachsenhausen upang magtrabaho sa pagawaan ng mga gamit sa digmaan. Kahit lagi silang pinagbabantaang papatayin, tumanggi ang mga kapatid na gawin ang gayong uri ng trabaho. Upang patibayin ang bawat isa na manatiling matatag, sa umaga ay ibinabahagi nila sa isa’t isa ang isang talata sa Bibliya, gaya ng Awit 18:2, upang mabulay-bulay nila ito sa buong maghapon. Nakatulong ito sa kanila upang magbulay-bulay sa espirituwal na mga bagay.
Sa wakas, ipinabatid ng mga dagundong ng mga kanyon na papalapit na ang mga tropa ng puwersang Allied at ng Russia. Unang dumating ang mga Ruso sa kampong kinaroroonan ni Ferdinand at ng kaniyang mga kasama. Binigyan nila ng pagkain ang mga bilanggo at sinabihan silang umalis na sa kampo. Sa pagtatapos ng Abril 1945, pinayagan na silang umuwi ng hukbo ng Russia.
Sa Wakas, Magkakasama Na Bilang Isang Pamilya
Noong Hunyo 15, dumating si Ferdinand sa Netherlands. Mainit siyang tinanggap ng mga kapatid sa Groningen. Di-nagtagal at nabalitaan niyang buháy kami, nakatira sa isang lugar sa bansa, at nabalitaan naman naming nakabalik na siya. Waring hindi na matapus-tapos ang aming paghihintay sa kaniyang pagdating. Ngunit sa wakas, isang araw ay sumigaw ang maliit na si Ruth: “Mama, may tao sa pinto!” Hayun ang aking pinakamamahal na asawa at kanilang ama!
Napakaraming problema ang kailangang ayusin bago kami makakilos muli bilang isang normal na pamilya. Wala kaming tirahan, at ang isang malaking suliranin ay kung paano namin matatamong muli ang aming estado bilang permanenteng mga residente. Yamang kami ay mga Aleman, ilang taon din kaming tinrato ng mga opisyal na Olandes bilang mga itinakwil. Gayunman,
nang dakong huli ay nagkaroon kami ng tirahan at muling nakapamuhay sa paraang lubha naming inaasam-asam—ang makapaglingkod kay Jehova nang magkakasama bilang isang pamilya.“Kay Jehova Ako Nagtitiwala”
Nitong nakalipas na mga taon, tuwing magsasama-sama kami nina Ferdinand at ng ilan sa aming mga kaibigan, na tulad namin ay nalampasan ang mahihirap na panahong iyon, naaalaala namin ang maibiging patnubay ni Jehova noong panahong iyon ng kagipitan. (Awit 7:1) Nagagalak kami na sa paglipas ng mga taon, pinahintulutan kami ni Jehova na magkaroon ng bahagi sa pagpapalaganap ng mga kapakanan ng Kaharian. Madalas din naming sinasabi kung gaano kami kasaya dahil ginugol namin ang aming kabataan sa banal na paglilingkod kay Jehova.—Eclesiastes 12:1.
Pagkatapos ng panahon ng pag-uusig ng mga Nazi, kami ni Ferdinand ay magkasamang naglingkod kay Jehova sa loob ng mahigit na 50 taon bago natapos ang kaniyang makalupang landasin noong Disyembre 20, 1995. Di-magtatagal at 98 anyos na ako. Araw-araw kong pinasasalamatan si Jehova dahil sa napakalaking suporta ng aming mga anak noong mahihirap na mga taong iyon at dahil nagagawa ko pa rin ang aking buong makakaya sa paglilingkod sa kaniya sa ikaluluwalhati ng kaniyang pangalan. Nagpapasalamat ako sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa akin, at hangad ng aking puso na patuloy na tuparin ang aking sawikain: “Sa ganang akin, kay Jehova ako nagtitiwala.”—Awit 31:6.
[Larawan sa pahina 19]
Kasama si Ferdinand noong Oktubre 1932
[Larawan sa pahina 19]
Ang lantsang “Almina” na ginagamit sa ebanghelyo kasama ang mga tripulante nito
[Larawan sa pahina 22]
Kasama si Ferdinand at ang mga anak namin