Oras ng Pagkain—Hindi Lamang Panahon Para Kumain!
Oras ng Pagkain—Hindi Lamang Panahon Para Kumain!
NASISIYAHAN ang lahat sa masarap na pagkain. Kung idaragdag dito ang magandang pag-uusap at magiliw na pakikipagsamahan sa mga taong minamahal mo, ito ay magiging isang kapana-panabik na okasyon na hindi lamang nakasasapat sa ating pagkagutom. Sinisikap ng maraming pamilya ang kumain nang sama-sama kahit minsan lamang sa isang araw. Ang oras ng pagkain ay nagbibigay ng pagkakataon sa isang pamilya na pag-usapan ang mga nangyari o mga plano sa buong araw. Ang mga magulang na nakikinig sa mga komento at kapahayagan ng kanilang mga anak ay nagkakaroon ng ideya sa pag-iisip at damdamin ng mga ito. Sa paglipas ng panahon, ang maligaya at relaks na pakikipagsamahang natatamasa ng pamilya sa oras ng pagkain ay naglilinang ng pagkadama ng katiwasayan, pagtitiwala, at pag-ibig na nagpapatatag sa pamilya.
Sa ngayon, palibhasa’y laging abala ang maraming miyembro ng pamilya, nahihirapan silang maglaan ng panahon na kumain nang sama-sama. Sa ilang bahagi ng daigdig, hindi sinasang-ayunan ng lokal na kultura na sama-samang kumain ang isang pamilya o mag-usap pa nga sa oras ng pagkain. Nakaugalian naman ng ibang mga pamilya na buksan ang telebisyon habang kumakain, anupat nawawala ang pagkakataong magkaroon ng makabuluhang pag-uusap.
Gayunman, ang mga Kristiyanong magulang ay palaging alisto sa mga pagkakataon upang patibayin ang kanilang sambahayan. (Kawikaan 24:27) Noong sinaunang panahon, sinabihan ang mga magulang na ang isa sa mga pinakamainam na pagkakataon upang maituro ang salita ng Diyos sa kanilang mga anak ay ‘kapag nakaupo sila sa kanilang bahay.’ (Deuteronomio 6:7) Ang regular na pagkain nang sama-sama ay nagbibigay sa mga magulang ng pantanging pagkakataon na lalong ikintal sa kanilang mga anak ang masidhing pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Sa pamamagitan ng paglinang ng isang maligaya at relaks na kapaligiran, maaari mo ring gawing kasiya-siya at nakapagpapatibay ang oras ng pagkain ng iyong pamilya. Oo, gawin mong hindi lamang panahon para kumain ang oras ng pagkain!