“Ano ang Sekreto Mo?”
“Ano ang Sekreto Mo?”
ANG tanong na ito mula sa may-edad nang estranghero sa isang fast-food na restawran ay ikinagulat ni Muriel, ina ng tatlong bata. Abala noon si Muriel dahil pinatingnan niya sa doktor ang kaniyang mga anak, at gahol na siya sa panahon. Wala na silang sapat na panahon para makauwi at makapaghapunan bago dumalo sa kanilang Kristiyanong pagpupulong. Kaya dinala niya ang kaniyang mga anak sa kalapít na restawran upang makakain sila.
Nang patapos na silang kumain, isang lalaki ang lumapit kay Muriel at nagsabi: “Kanina ko pa kayo pinagmamasdan mula nang pumasok kayo rito. At napansin ko ang malaking pagkakaiba ng iyong mga anak at niyaong karaniwan kong napagmamasdan. Kung makikita mo lang sana ang ginagawa ng ibang mga bata sa mga mesa at upuan. Ipinapatong nila sa mesa ang kanilang mga paa. Tinutulak-tulak nila ang mga upuan. Pero ang mga anak mo ay napakatahimik at napakababait. Ano ang sekreto mo?”
Sumagot si Muriel: “Kami po ng aking asawa ay regular na nakikipag-aral ng Bibliya sa aming mga anak, at sinisikap naming ikapit sa aming buhay ang aming natututuhan. Mga Saksi ni Jehova po kami.” Pagkatapos nito, sinabi ng lalaki: “Ako ay isang Judio at isa sa mga nakaligtas sa Holocaust. Naaalaala ko pa ang ginawang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Kahit ganoon ang nangyari, ibang-iba pa rin sila. Talagang hanga ako sa ugali ng iyong mga anak. Dapat kong suriing mabuti ang inyong relihiyon.”
Ang Bibliya ay isang napakahusay na giyang-aklat sa pagpapalaki ng mga anak. Interesadung-interesado ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ang iba na makinabang sa patnubay na masusumpungan sa Kasulatan. Malugod namin kayong inaanyayahan na tumugon sa sumusunod na paanyaya.