Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Kahalaga ang Iyong Buhay?

Gaano Kahalaga ang Iyong Buhay?

Gaano Kahalaga ang Iyong Buhay?

BAGAMAN napakaraming buhay ang isinakripisyo sa Europa noong Digmaang Pandaigdig I, kahanga-hangang pagsisikap naman ang isinagawa upang iligtas ang buhay sa Antartiko. Dumanas ng matinding sakuna ang Anglo-Irish na manggagalugad na si Ernest Shackleton at ang kaniyang mga kasamahan nang wasakin at palubugin ng isang malaking tipak ng yelo sa dagat ang kanilang barko, ang Endurance. Nadala ni Shackleton sa ligtas na kanlungan ang kaniyang mga tauhan​—sa paano man​—sa Elephant Island sa Karagatan ng Timog Atlantiko. Subalit nakaharap pa rin nila ang matinding panganib.

Natanto ni Shackleton na ang kanilang tanging pag-asang makaligtas ay nakasalalay sa pagsusugo ng mga tao upang humingi ng tulong mula sa whaling station sa pulo ng Timog Georgia. Mga 1,100 kilometro ang layo nito, at mayroon lamang siyang 7 metrong bangkang salbabida na nasagip niya mula sa Endurance. Waring malabo ang pag-asa nila.

Gayunman, noong Mayo 10, 1916, pagkaraan ng 17 napakahirap na mga araw, narating ni Shackleton at ng ilang tripulante ang Timog Georgia, subalit dahil sa kahila-hilakbot na mga kalagayan sa dagat ay napilitan silang dumaong sa kabilang panig ng pulo. Upang marating ang kanilang huling destinasyon, kinailangan nilang maglakad nang 30 kilometro sa kabundukang wala sa mapa at na natatakpan pa ng niyebe. Sa kabila ng lahat​—sa napakalamig na klima at walang wastong kasangkapan sa pag-akyat sa bundok​—narating ni Shackleton at ng kaniyang mga kasama ang kanilang destinasyon, at sa wakas ay nasagip niya ang lahat ng kaniyang mga tauhan sa Elephant Island. Bakit gayon na lamang ang pagsisikap ni Shackleton? “Ang kaniyang tanging tunguhin,” sulat ng mananalambuhay na si Roland Huntford, ay “iligtas ang bawat isa sa kaniyang mga tauhan nang buháy.”

“Walang Isa Man sa Kanila ang Nawawala”

Ano ang nagligtas sa mga tauhan ni Shackleton mula sa ganap na kawalang-pag-asa habang nag-uumpukan at naghihintay sila sa isang “mapanglaw at mahirap marating na maliit na pulo ng bato at yelo, na tatlumpung kilometro lamang mula sa magkabilang dulo”? Ang kanilang pagtitiwala na tutuparin ng kanilang lider ang kaniyang pangako na sasagipin niya sila.

Ang sangkatauhan sa ngayon ay lubhang nakakatulad ng mga lalaking iyon na napadpad sa Elephant Island. Marami ang nabubuhay sa di-kapani-paniwalang mahihirap na kalagayan at nakikipagpunyagi upang mabuhay lamang. Gayunman, lubusan silang makapagtitiwala na “ililigtas [ng Diyos] ang napipighati” mula sa paniniil at kabagabagan. (Job 36:15) Makatitiyak silang itinuturing ng Diyos na mahalaga ang buhay ng bawat isa. “Tawagin mo ako sa araw ng kabagabagan,” ang sabi ng Diyos na Jehova, ang Maylalang, at “ililigtas kita.”​—Awit 50:15.

Hindi ka ba makapaniwala na ikaw mismo​—na isa lamang indibiduwal sa bilyun-bilyong tao sa lupa​—ay itinuturing ng Maylalang na mahalaga? Kung gayon, pansinin ang isinulat ni propeta Isaias tungkol sa bilyun-bilyong bituin sa bilyun-bilyong galaksi sa pagkalawak-lawak na uniberso sa palibot natin. Ating mababasa: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”​—Isaias 40:26.

Nauunawaan mo ba ang ibig sabihin niyan? Ang ating galaksi na Milky Way​—kung saan isang bahagi lamang ang ating sistema solar​—ay naglalaman ng di-kukulangin sa 100 bilyong bituin. At gaano pa karami ang mga galaksi? Walang sinuman ang nakatitiyak, subalit binabanggit ng ilang kalkulasyon na ito ay 125 bilyon. Napakaraming bituin nga niyan! Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na nakikilala ng Maylalang ng uniberso ang bawat bituin sa pangalan.

“Ang Mismong mga Buhok ng Inyong Ulo ay Bilang na Lahat”

‘Ngunit,’ maaaring tumutol ang isa, ‘ang basta pagkilala sa pangalan ng bilyun-bilyong bituin​—o ng bilyun-bilyong tao​—ay hindi naman nangangahulugang nagmamalasakit siya sa bawat isa sa kanila.’ Maitatala ng isang computer na may sapat na memorya ang pangalan ng bilyun-bilyong tao. Gayunman, walang sinuman ang mag-iisip na ang computer ay nagmamalasakit sa sinuman sa kanila. Subalit, ipinakikita ng Bibliya na hindi lamang nakikilala ng Diyos na Jehova ang pangalan ng bilyun-bilyong tao kundi nagmamalasakit din siya sa kanila bilang mga indibiduwal. ‘Ihagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan,’ ang sulat ni apostol Pedro, “sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:7.

Sinabi ni Jesu-Kristo: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) Pansinin na hindi sinabi ni Jesus na basta nalalaman ng Diyos ang nangyayari sa mga maya at sa mga tao. Sinabi niya: “Nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.” Bakit higit kang mahalaga? Sapagkat ikaw ay ginawa “ayon sa larawan ng Diyos”​—na may kakayahang magpaunlad at magpakita ng moral, intelektuwal, at espirituwal na mga katangiang nagpapabanaag ng mismong dakilang mga katangian ng Diyos.​—Genesis 1:26, 27.

“Produkto ng Matalinong Paggawa”

Huwag kang paliligaw sa sinasabi ng mga taong itinatanggi na may isang Maylalang. Ayon sa kanila, ang mga puwersa ng kalikasan na walang layunin at hindi persona ang gumawa sa iyo. Inaangkin nila na hindi ka ginawa “ayon sa larawan ng Diyos,” at na ikaw ay walang pinagkaiba sa lahat ng iba pang mga buhay-hayop sa planetang ito​—kasali na ang mga maya.

Makatuwiran nga ba sa iyo na ang buhay ay basta nagkataon lamang, o pinangyari ng puwersang walang layunin? Ayon sa molecular biologist na si Michael J. Behe, ang ideyang iyan ay lubhang di-makatuwiran dahil sa “kagila-gilalas na komplikadong mga prosesong biyokemika” na umuugit sa buhay. Sinabi niya, ang ebidensiya ng biyokemika ay umaakay sa di-maiiwasang konklusyon na “ang buhay sa lupa sa pinakasaligang antas nito . . . ay produkto ng matalinong paggawa.”​—Darwin’s Black Box​—The Biochemical Challenge to Evolution.

Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang buhay sa lupa sa lahat ng antas nito ay produkto ng matalinong paggawa. At sinasabi nito sa atin na ang Bukal ng lahat ng matalinong paggawang ito ay ang Diyos na Jehova, ang Maylalang ng sansinukob.​—Awit 36:9; Apocalipsis 4:11.

Huwag mong hayaang hadlangan kang maniwala na may isang Maylalang at Disenyador ng lupa at ng lahat ng buhay rito dahil sa katotohanang kailangan nating magbata sa isang daigdig na punô ng kirot at pagdurusa. Tandaan ang dalawang mahahalagang katotohanan. Ang isa ay na hindi dinisenyo ng Diyos ang di-kasakdalang umiiral sa palibot natin. Ang isa pa ay na may mabubuting dahilan ang ating Maylalang sa pansamantalang pagpapahintulot nito. Gaya ng madalas talakayin ng magasing ito, ipinahihintulot ng Diyos na Jehova na umiral ang masama sa isang limitadong panahon lamang upang lutasin minsan at magpakailanman ang moral na mga usaping ibinangon noong unang tanggihan ng mga tao ang kaniyang soberanya. *​—Genesis 3:1-7; Deuteronomio 32:4, 5; Eclesiastes 7:29; 2 Pedro 3:8, 9.

“Ililigtas Niya ang Dukha na Humihingi ng Tulong”

Sabihin pa, kahit na dumaranas ng miserableng mga kalagayan ang maraming tao sa ngayon, isang kamangha-manghang kaloob pa rin ang buhay. At ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang mapanatili ito. Ang buhay sa hinaharap na ipinangangako ng Diyos ay higit pa sa basta pakikipagpunyagi lamang upang mabuhay sa malupit at mahirap na mga kalagayan​—gaya ng mga tauhan ni Shackleton sa Elephant Island. Layunin ng Diyos na sagipin tayo mula sa ating kasalukuyang pag-iral na lipos ng pasakit at kawalang-saysay upang tayo’y ‘makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay’ na orihinal na nilayon ng Diyos para sa kaniyang nilalang na tao.​—1 Timoteo 6:19.

Gagawing lahat ito ng Diyos sapagkat ang bawat isa sa atin ay mahalaga sa kaniyang paningin. Isinaayos niya na ilaan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang kinakailangang haing pantubos upang mapalaya tayo mula sa kasalanan, di-kasakdalan, at kamatayan na minana natin mula sa ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. (Mateo 20:28) “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan,” ang sabi ni Jesu-Kristo, “anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay . . . magkaroon ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 3:16.

Ano ang gagawin ng Diyos sa mga taong ang buhay ngayon ay pinahihirapan ng kirot at paniniil? May kinalaman sa kaniyang Anak, sinasabi sa atin ng kinasihang Salita ng Diyos: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.” Bakit niya ito gagawin? Sapagkat ang “kanilang dugo [o, kanilang buhay] ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”​Awit 72:12-14.

Sa loob ng maraming siglo, nagpapagal ang sangkatauhan sa pasanin ng kasalanan at di-kasakdalan, na para bang “dumaraing” dahil sa labis na kirot at pagdurusa. Pinahintulutan lamang ito ng Diyos taglay ang kaalaman na malulunasan niya ang anumang pinsalang resulta nito. (Roma 8:18-22) Napakalapit na niyang pangyarihin ang “pagsasauli ng lahat ng mga bagay” sa pamamagitan ng pamamahala ng kaniyang Kaharian sa kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.​—Gawa 3:21; Mateo 6:9, 10.

Kasali riyan ang pagbuhay-muli sa mga taong nagdusa at namatay na. Ligtas sila sa alaala ng Diyos. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Malapit na nilang tanggapin ang buhay “nang sagana”​—buhay na walang hanggan sa kasakdalan sa isang paraisong lupa na wala nang kirot at pagdurusa. (Juan 10:10; Apocalipsis 21:3-5) Ang lahat ng mabubuhay roon ay lubusang masisiyahan sa buhay at maglilinang ng kahanga-hangang mga katangian at kakayahang magsisilbing palatandaan ng mga taong ginawa “ayon sa larawan ng Diyos.”

Naroroon ka kaya upang tamasahin ang buhay na ipinangako ni Jehova? Nasa sa iyo iyan. Hinihimok ka namin na samantalahin ang mga paglalaang ginawa ng Diyos upang isakatuparan ang mga pagpapalang ito. Maliligayahan ang mga tagapaglathala ng magasing ito na tulungan kang gawin ito.

[Talababa]

^ par. 17 Para sa detalyadong pagtalakay sa puntong ito, tingnan ang kabanata 8, “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?” sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 4, 5]

Nagtitiwala ang mga tauhan na napadpad sa pulo na tutuparin ni Shackleton ang kaniyang pangako na sasagipin niya sila

[Credit Line]

© CORBIS

[Larawan sa pahina 6]

“Nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya”