“Patuloy na Magbantay”
“Patuloy na Magbantay”
NOONG sinaunang panahon, ang mga bantay ng pintuang-daan ay naglilingkod sa mga pasukan ng lunsod at ng templo, at sa ilang pagkakataon, sa mga pintuan ng pribadong mga tahanan. Bukod sa tinitiyak nilang nakasara ang mga pintuang-daan sa gabi, nagsisilbi rin silang mga bantay. Isa itong mabigat na pananagutan, sapagkat nakasalalay ang kaligtasan ng lunsod sa pagsigaw nila upang babalaan ang mga tao sa anumang nagbabantang panganib.
Alam ni Jesu-Kristo ang papel na ginagampanan ng mga bantay ng pintuang-daan, na tinatawag ding bantay-pinto. Minsan niyang inihalintulad ang kaniyang mga alagad sa mga bantay-pinto at hinimok silang patuloy na magbantay hinggil sa katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay. Sinabi niya: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon. Tulad ito ng isang taong naglalakbay sa ibang bayan na nag-iwan ng kaniyang bahay at . . . nag-utos sa bantay-pinto na patuloy na magbantay. Kaya nga patuloy kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay.”—Marcos 13:33-35.
Sa katulad na paraan, sa loob ng mahigit na 125 taon na ngayon, itinatawid ng babasahing ito, Ang Bantayan, ang paghimok ni Jesus na “patuloy na magbantay.” Paano? Gaya ng nakasaad sa pahina 2 ng magasing ito, “Sinusubaybayan nito ang mga pangyayari sa daigdig habang tinutupad ng mga ito ang hula sa Bibliya. Inaaliw nito ang lahat ng tao sa pamamagitan ng mabuting balita na malapit nang lipulin ng Kaharian ng Diyos ang mga nang-aapi sa kanilang kapuwa at na gagawin nitong paraiso ang lupa.” Yamang ang sirkulasyon nito sa buong daigdig ay mahigit na 26,000,000 kopya sa 150 wika, Ang Bantayan ang pinakamalawak na ipinamamahaging panrelihiyon na magasin sa daigdig. Sa pamamagitan nito, pinasisigla ng mga Saksi ni Jehova, tulad ng sinaunang mga bantay sa pintuang-daan, ang mga tao sa lahat ng dako na “manatiling gising” sa espirituwal sapagkat ang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay malapit nang bumalik at maglapat ng hatol sa sistemang ito ng mga bagay.—Marcos 13:26, 37.