Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inihahambing Mo ba ang Iyong Sarili sa Iba?

Inihahambing Mo ba ang Iyong Sarili sa Iba?

Inihahambing Mo ba ang Iyong Sarili sa Iba?

SINO nga ba sa atin ang wala pang nakikilalang mas maganda, waring mas popular, mas madaling makaintindi, o mas mataas ang grado sa paaralan kaysa sa atin? Marahil ang iba ay mas malusog o mas maganda ang trabaho, mas matagumpay, o waring mas maraming kaibigan. Maaaring sila’y mas maraming pag-aari, mas maraming pera, mas bago ang sasakyan, o maaaring mukhang mas maligaya. Kapag binabanggit ang mga bagay na ito, inihahambing ba natin ang ating sarili sa iba? Mahirap bang iwasan ang paghahambing? Bakit kaya gustong iwasan ito ng isang Kristiyano? At paano tayo magiging kontento nang hindi inihahambing ang sarili sa iba?

Kung Bakit at Kung Kailan Tayo Maaaring Maghambing

Ang isang konsepto kung bakit maaaring ihambing ng mga tao ang kanilang sarili sa iba ay dahil sa ito’y nagpapanatili o nagpapataas ng kanilang pagpapahalaga sa sarili. Karaniwan nang nasisiyahan ang mga tao kapag nagtatagumpay rin silang gaya ng kanilang mga kasamahan. Ang isa pang ideya ay na ginagawa ang paghahambing upang mabawasan ang kawalan ng pagtitiwala sa sarili, upang maunawaan kung ano ang kaya nating gawin at kung ano ang mga limitasyon natin. Pinagmamasdan natin ang mga nagagawa ng iba. Kung sila’y katulad natin sa maraming bagay at nakaabot ng ilang tunguhin, maaaring isipin natin na magagawa rin natin ang mga iyon.

Madalas na ang pinaghahambing ay ang dalawang taong magkatulad​—yaong magkapareho ang kasarian, magkapareho ang edad, at magkapareho ang kalagayan sa buhay at saka magkakilala. Mas malamang na hindi natin ihahambing ang ating sarili sa sinuman na napakalaki ang kaibahan sa atin. Sa ibang pananalita, mas malamang na ihahambing ng isang ordinaryong tin-edyer na babae ang kaniyang sarili hindi sa isang popular na modelo kundi sa kaniyang mga kaeskuwela, at malamang na hindi rin naman ihahambing ng modelo ang sarili niya sa tin-edyer.

Sa anong mga pitak tayo gumagawa ng paghahambing? Anumang pag-aari o katangian na mahalaga sa paningin ng komunidad​—ito man ay talino, ganda, yaman, damit​—ay maaaring pagbatayan ng paghahambing. Gayunman, may tendensiya tayong maghambing tungkol sa mga bagay na doo’y interesado tayo. Halimbawa, hindi naman siguro tayo maiinggit sa dami ng nakolektang selyo ng isa sa ating mga kakilala, maliban na lamang kung partikular na interesado tayo sa pangongolekta ng mga selyo.

Ang paghahambing ay pumupukaw ng iba’t ibang reaksiyon, mula sa pagkakontento hanggang sa depresyon, mula sa paghanga at paghahangad na tumulad hanggang sa pagkabagabag o sama ng loob. Nakapipinsala ang ilan sa mga emosyong ito, at salungat ito sa mga katangiang Kristiyano.

Paghahambing na May Pagpapaligsahan

Marami sa mga gustong “manalo” sa paghahambing ang nagpapamalas ng espiritu ng pagpapaligsahan. Gusto nilang mahigitan ang iba, at hindi sila makokontento hangga’t hindi nila ito nagagawa. Mahirap makisama sa gayong mga indibiduwal. Ang pakikipagkaibigan sa kanila ay pilít, anupat may igting sa pagsasamahan. Hindi lamang walang pagpapakumbaba ang gayong mga tao kundi madalas na hindi nila naikakapit ang payo ng Bibliya tungkol sa pag-ibig sa kapuwa, yamang dahil sa kanilang ugali ay agad na nakadarama ang iba ng panghahamak at pagkapahiya.​—Mateo 18:1-5; Juan 13:34, 35.

Kapag ipinadama mo sa mga tao na sila’y “talunan,” nasasaktan sila sa paanuman. Ayon sa isang manunulat, “lalong nagiging masakit ang ating mga kabiguan kapag waring nakamit ng ibang tao na katulad natin ang kalagayan ang mga pag-aaring pinapangarap natin.” Kung gayon, ang espiritu ng pagpapaligsahan ay pumupukaw ng inggit, hinanakit, at yamot sa isang tao dahil sa kaniyang pag-aari, kasaganaan, katayuan, reputasyon, kalamangan, at iba pa. Humahantong ito sa higit pang pagpapaligsahan​—walang katapusan at napakasama. Hinahatulan ng Bibliya ang “nagsusulsol ng pagpapaligsahan.”​—Galacia 5:26.

Upang mapagtakpan ng mga inggitero’t inggitera ang kanila mismong nasirang pagtingin sa sarili, minamaliit nila ang mga nagagawa ng kanilang mga karibal. Maaaring ordinaryo lamang ang gayong mga reaksiyon, pero kung ito’y palalampasin na lamang at hindi pipigilin, maaari itong humantong sa higit pang paggawa ng masama. Tingnan natin ang dalawang pangyayari sa Bibliya na naganap dahil sa inggit.

Sa panahon ng kaniyang pakikipamayan sa mga Filisteo, si Isaac ay biniyayaan “ng mga kawan ng mga tupa at mga kawan ng mga baka at malaking kalipunan ng mga lingkod, anupa’t kinainggitan siya ng mga Filisteo.” Dahil dito, tinabunan nila ang mga balon na ipinahukay ng ama ni Isaac na si Abraham, at pinalayas ng kanilang hari si Isaac sa lugar na iyon. (Genesis 26:1-3, 12-16) Ang inggit nila ay may masamang hangarin at mapaminsala. Talagang hindi na nila matagalan ang kasaganaang tinatamasa ni Isaac sa gitna nila.

Pagkalipas ng ilang siglo, napabantog si David sa larangan ng digmaan. Ang kaniyang mga tagumpay ay ipinagdiwang ng mga kababaihan ng Israel, na nag-aawitan: “Si Saul ay nagpabagsak ng kaniyang libu-libo, at si David ay ng kaniyang sampu-sampung libo.” Bagaman pinupuri rin naman siya, itinuring ni Saul na mapanghamak ang paghahambing na iyon, at umusbong ang inggit sa kaniyang puso. Mula noon, nagkimkim na siya ng galit kay David. Di-nagtagal, sinimulan na niya ang una sa ilang pagtatangkang mapatay si David. Napakasama talaga ng idinudulot ng inggit!​—1 Samuel 18:6-11.

Kaya kung ang paghahambing ng ating sarili sa iba​—sa kanilang mga tagumpay o kalamangan​—​ay pumupukaw ng saloobing kahawig ng inggit o pakikipagpaligsahan, mag-ingat! Ito’y mga nakapipinsalang saloobin na salungat sa pag-iisip ng Diyos. Subalit bago natin suriin kung paano malalabanan ang gayong saloobin, tingnan muna natin ang ibang bagay na pinagmumulan ng paghahambing.

Pagsusuri sa Sarili at Pagkakontento

‘Ako ba’y matalino, kaakit-akit, may kakayahan, malusog, may awtoridad, kagiliw-giliw? At hanggang saan ito?’ Madalang tayong humarap sa salamin para itanong ang mga bagay na ito. Subalit ayon sa isang manunulat, “likas lamang na sumagi sa ating isipan ang gayong mga tanong at sagutin ito sa medyo kasiya-siyang paraan.” Ang isang taong hindi nakatitiyak sa mga bagay na kaniyang magagawa ay maaaring magbulay-bulay tungkol sa mga ito nang walang pakikipagpaligsahan ni bahid man ng pagkainggit. Sinusuri lamang niya ang kaniyang sarili. Wala naman talagang masama rito. Subalit ang tamang paraan ng paggawa nito ay sa pamamagitan ng hindi paghahambing ng ating sarili sa iba.

Iba’t iba ang ating mga kakayahan, depende sa iba’t ibang dahilan. Asahan natin na palaging may ilan na nakahihigit sa atin. Kaya naman, sa halip na kainggitan sila, dapat nating sukatin ang ating nagagawa ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos, na siyang tiyak na makapagsasabi ng tama at mabuti. Interesado si Jehova sa atin bilang indibiduwal. Hindi na niya kailangang ihambing pa tayo sa sinuman. Pinapayuhan tayo ni apostol Pablo: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”​—Galacia 6:4.

Paglaban sa Inggit

Yamang hindi sakdal ang lahat ng tao, maaaring kailanganin ang matindi at matagalang pagsisikap upang mapaglabanan ang inggit. Oo nga’t sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo,” pero mahirap itong gawin. Inamin ni Pablo na siya mismo’y nakahilig sa pagkakasala. Para mapaglabanan ito, kailangang ‘bugbugin niya ang kaniyang katawan at gawin itong alipin.’ (Roma 12:10; 1 Corinto 9:27) Para sa atin, maaari itong mangahulugan ng paglaban sa mga kaisipang may bahid ng pakikipagpaligsahan at palitan ito ng mga positibong bagay. Kailangan tayong manalangin at hilingin ang tulong ni Jehova na ‘huwag tayong mag-isip nang higit tungkol sa ating sarili kaysa sa nararapat isipin.’​—Roma 12:3.

Makatutulong din ang pag-aaral sa Bibliya at pagbubulay-bulay. Halimbawa, isip-isipin na lamang ang inaasahan nating Paraiso na ipinangako ng Diyos. Sa panahong iyon, ang lahat ay magtatamasa ng kapayapaan, mabuting kalusugan, saganang pagkain, maalwang tahanan, at kasiya-siyang trabaho. (Awit 46:8, 9; 72:7, 8, 16; Isaias 65:21-23) Mayroon pa kayang makikipagpaligsahan doon? Wala na. Walang nang dahilan para gawin iyon. Totoo, hindi ibinigay ni Jehova sa atin ang bawat detalye ng magiging kalagayan ng buhay sa panahong iyon, subalit makatuwiran lamang na umasang maitataguyod nating lahat ang mga hilig at kasanayang gusto natin. Maaaring pag-aralan ng isa ang astronomiya, ang iba naman ay ang pagdidisenyo ng magagandang tela. Bakit pa sila mag-iinggitan? Ang mga nagagawa ng ating kapuwa ay magiging inspirasyon, sa halip na ikasamâ ng loob. Ang gayong mga damdamin ay ibabaon nang lahat sa limot.

Kung ito ang buhay na gusto natin, hindi ba’t ngayon pa lamang ay dapat na nating pagyamanin ang ganitong saloobin? Tinatamasa na natin ngayon ang espirituwal na paraiso, anupat malaya sa maraming problema ng sanlibutang nakapalibot sa atin. Yamang mawawala na ang espiritu ng pagpapaligsahan sa bagong sanlibutan ng Diyos, makatuwiran lamang na iwasan na natin ito ngayon pa lamang.

Kung gayon, mali ba talagang ihambing ang ating sarili sa iba? O may mga pagkakataong angkop lamang na gawin ito?

Angkop na mga Paghahambing

Maraming paghahambing ang humahantong sa masasaklap o nakapanlulumong reaksiyon, pero hindi naman dapat na laging magkaganito. Kaugnay nito, pansinin ang payo ni apostol Pablo: “Maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Hebreo 6:12) Maaaring maging kapaki-pakinabang na sikaping malinang ang mga katangiang gaya ng sa tapat na mga lingkod ni Jehova noong sinaunang panahon. Oo, maaaring kailanganin dito ang ilang paghahambing. Pero makatutulong ito sa atin na makita ang mga halimbawang puwede nating tularan at ang mga pitak na dapat nating pasulungin.

Isaalang-alang natin si Jonatan. Masasabing may katuwiran naman siyang mainggit. Bilang panganay na anak ni Haring Saul ng Israel, maaaring inasahan din naman ni Jonatan na siya ang magiging hari, pero pinili ni Jehova ang isang lalaking halos 30 taon ang bata sa kaniya, ang kabataang si David. Sa halip na magkimkim ng sama ng loob, ipinakita ni Jonatan na iba siya dahil sa di-makasariling pakikipagkaibigan at suporta kay David bilang haring itinalaga ni Jehova. Talagang isang espirituwal na tao si Jonatan. (1 Samuel 19:1-4) Di-gaya ng kaniyang ama, na itinuring si David bilang karibal, kinilala ni Jonatan ang pagmamaniobra ng kamay ni Jehova sa mga bagay-bagay at nagpasakop siya sa Kaniyang kalooban; hindi niya inihambing ang kaniyang sarili kay David anupat itinanong, “Bakit si David at hindi ako?”

Hindi natin dapat madama kailanman na banta sa atin ang mga kapuwa natin Kristiyano, na para bang nagsisikap ang mga ito na mahigitan tayo o maagaw ang ating puwesto. Hindi tama ang pagpapaligsahan. Ang may-gulang na mga Kristiyano ay kinakikitaan ng pagtutulungan, pagkakaisa, at pag-ibig, hindi ng pagpapaligsahan. “Ang pag-ibig ay mahigpit na kaaway ng inggit,” ang sabi ng sosyologong si Francesco Alberoni. “Kung may iniibig tayo, gusto natin siyang mapabuti, at masaya tayo kapag siya ay nagtatagumpay at nagiging maligaya.” Kaya kapag may napili sa kongregasyong Kristiyano para sa isang pribilehiyo, dapat natin itong ikatuwa bilang pagpapakita ng pag-ibig. Ganiyan ang ginawa ni Jonatan. Tulad niya, pagpapalain din tayo kung susuportahan natin ang tapat na mga naglilingkod sa responsableng mga posisyon sa organisasyon ni Jehova.

Angkop lamang na hangaan ang napakainam na halimbawa ng kapuwa mga Kristiyano. Ang timbang na paghahambing ng ating sarili sa kanila ay mag-uudyok sa atin na tularan ang kanilang pananampalataya taglay ang mabuting hangarin. (Hebreo 13:7) Subalit kung hindi tayo mag-iingat, ang pagtulad ay maaaring humantong sa pakikipagpaligsahan. Kung nadarama nating nalalamangan tayo ng isang taong hinahangaan natin at sinisikap nating hamakin o pintasan siya, hindi na ito pagtulad kundi pagkainggit.

Walang di-sakdal na tao ang maaaring maging angkop na angkop na huwaran. Kaya nga sinabi sa Kasulatan: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” Gayundin, “si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (Efeso 5:1, 2; 1 Pedro 2:21) Ang mga katangian ni Jehova at ni Jesus​—ang kanilang pag-ibig, kabaitan, empatiya, at pagpapakumbaba​—ang dapat nating pagsikapang tularan. Maglaan tayo ng panahon upang ihambing ang ating sarili sa kanilang mga katangian, layunin, at mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang ganitong uri ng paghahambing ay makapagpapasulong ng ating buhay, anupat naglalaan ng tiyak na patnubay, katatagan, at katiwasayan, at makatutulong sa atin na makamtan ang sukat ng laki na nauukol sa may-gulang na mga lalaki at babaing Kristiyano. (Efeso 4:13) Kung magbubuhos tayo ng pansin sa paggawa ng ating buong makakaya upang matularan ang kanilang sakdal na halimbawa, tiyak na maiiwasan natin na palaging ihambing ang ating sarili sa ating kapuwa.

[Larawan sa pahina 28, 29]

Nainggit si Haring Saul kay David

[Larawan sa pahina 31]

Hindi kailanman itinuring ni Jonatan na karibal ang nakababatang si David