Mga Kristiyano—Ipagmalaki Ninyo Kung Sino Kayo!
Mga Kristiyano—Ipagmalaki Ninyo Kung Sino Kayo!
“Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.”—1 CORINTO 1:31.
1. Ano ang nakikitang kalakaran sa saloobin ng mga tao sa relihiyon?
INILARAWAN kamakailan ng isang komentarista sa kapakanang panrelihiyon ang saloobin ng maraming tao tungkol sa kanilang pananampalataya. Nagpaliwanag siya: “Ang nagiging pinakakapansin-pansing kalakaran sa modernong relihiyon ay hindi sa mismong relihiyon—ito ay . . . sa kawalan ng interes ng tao sa kaniyang relihiyon.” Sinabi niya na maraming tao “ang naniniwala sa Diyos . . . ; wala nga lamang silang gaanong pakialam sa kaniya.”
2. (a) Bakit hindi nakapagtataka ang kawalan ng interes ng mga tao sa espirituwal na mga bagay? (b) Dahil sa laganap na kawalan ng interes sa espirituwal na mga bagay, anong panganib ang napapaharap sa tunay na mga Kristiyano?
2 Ang kalakarang ito ng kawalan ng interes sa espirituwal na mga bagay ay hindi ipinagtataka ng mga estudyante ng Bibliya. (Lucas 18:8) At may kinalaman sa relihiyon sa pangkalahatan, inaasahan ang gayong saloobin. Napakatagal nang inililigaw at binibigo ng huwad na relihiyon ang sangkatauhan. (Apocalipsis 17:15, 16) Gayunman, para sa tunay na mga Kristiyano, naghaharap ng panganib ang gayong laganap na kawalan ng interes at sigasig. Hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang ating pananampalataya at iwala ang ating sigasig para sa paglilingkod sa Diyos at sa katotohanan sa Bibliya. Nagbabala si Jesus laban sa gayong pagiging malahininga nang sabihin niya sa unang-siglong mga Kristiyano na nakatira sa Laodicea: “Ikaw ay hindi malamig ni mainit man. Nais ko sanang ikaw ay malamig o kaya ay mainit. . . . Ikaw ay malahininga.”—Apocalipsis 3:15-18.
Pag-unawa sa Kung Sino Tayo
3. Anu-anong aspekto ng kanilang pagkakakilanlan ang maipagmamalaki ng mga Kristiyano?
3 Upang mapaglabanan ang kawalan ng interes sa espirituwal na mga bagay, kailangang malinaw na maunawaan ng mga Kristiyano kung sino sila, at dapat nilang ipagmalaki ang kanilang natatanging pagkakakilanlan. Bilang mga lingkod ni Jehova at mga alagad ni Kristo, mababasa natin sa Bibliya ang mga paglalarawan hinggil sa kung sino tayo. Tayo ay “mga saksi” ni Jehova, “mga kamanggagawa ng Diyos,” yamang aktibo nating ibinabahagi sa iba ‘ang mabuting balita.’ (Isaias 43:10; 1 Corinto 3:9; Mateo 24:14) Tayo ay may ‘pag-ibig sa isa’t isa.’ (Juan 13:34) Ang tunay na mga Kristiyano ay mga indibiduwal na “dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Tayo ay “mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Filipos 2:15) Sinisikap nating “panatilihing mainam ang [ating] paggawi sa gitna ng mga bansa.”—1 Pedro 2:12; 2 Pedro 3:11, 14.
4. Paano malalaman ng isang mananamba ni Jehova kung saan siya hindi kabilang?
4 Batid din ng tunay na mga mananamba ni Jehova kung saan sila hindi kabilang. “Hindi sila bahagi ng sanlibutan,” kung paanong hindi bahagi ng sanlibutan ang kanilang Lider, si Jesu-Kristo. (Juan 17:16) Nananatili silang hiwalay mula sa “mga bansa,” na “nasa kadiliman ang . . . isip, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos.” (Efeso 4:17, 18) Bunga nito, ‘itinatakwil ng mga tagasunod ni Jesus ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at namumuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.’—Tito 2:12.
5. Ano ang ipinahihiwatig ng payo na “ipaghambog . . . si Jehova”?
5 Ang ating malinaw na pagkaunawa sa kung sino tayo at sa kaugnayan natin sa Soberanong Tagapamahala ng sansinukob ay nag-uudyok sa atin na “ipaghambog . . . si Jehova.” (1 Corinto 1:31) Anong uri ng paghahambog ito? Bilang tunay na mga Kristiyano, ipinagmamalaki natin na si Jehova ang ating Diyos. Sinusunod natin ang payo: “Ang nagyayabang tungkol sa kaniyang sarili ay magyabang dahil sa mismong bagay na ito, sa pagkakaroon ng kaunawaan at sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa.” (Jeremias 9:24) ‘Ipinaghahambog’ natin ang pribilehiyong makilala ang Diyos at magamit niya upang tulungan ang iba.
Ang Hamon
6. Bakit nagiging hamon para sa ilan na panatilihing malinaw sa kanilang isipan ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano?
6 Sabihin pa, hindi laging madaling panatilihing malinaw sa ating isipan ang natatanging pagkakakilanlan natin bilang mga Kristiyano. Naaalaala ng isang lalaking pinalaki bilang Kristiyano na minsan ay naging mahina siya sa espirituwal: “May mga pagkakataong hindi ko alam kung bakit isa akong Saksi ni Jehova. Mula pa sa pagkasanggol ay pinalaki na ako sa katotohanan. Pakiwari ko kung minsan na isa lamang ito sa mga pangkaraniwan at tinatanggap na relihiyon.” Maaaring hinahayaan ng iba na hubugin sila ng daigdig ng libangan, media, at ng kasalukuyang di-makadiyos na pananaw sa buhay. (Efeso 2:2, 3) Baka ang ilang Kristiyano naman ay paminsan-minsang nag-aalinlangan sa kanilang sarili at muling nagsusuri ng kanilang mga pamantayan at tunguhin.
7. (a) Anong uri ng pagsusuri sa sarili ang angkop sa mga lingkod ng Diyos? (b) Kailan ito nagiging mapanganib?
7 Mali bang maingat na suriin ang ating sarili sa pana-panahon? Hindi naman. Maaaring natatandaan mo na pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na patuloy na suriin ang kanilang mga sarili: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Pinasisigla rito ng apostol ang kapaki-pakinabang na pagsisikap na tukuyin ang anumang espirituwal na kahinaan na maaaring lumitaw, sa layuning makagawa ng kinakailangang mga hakbang upang ituwid ang mga iyon. Kapag sinubok ng isang Kristiyano kung siya ay nasa pananampalataya, dapat niyang tiyakin kung ang kaniyang salita at gawa ay naaayon sa inaangkin niyang pinaniniwalaan niya. Gayunman, kapag ginawa ito sa maling paraan, ang pagsusuri sa sarili na nag-uudyok sa atin upang kilalanin ang ating sarili o hanapin ang kasagutan na walang kinalaman sa ating kaugnayan kay Jehova o sa kongregasyong Kristiyano ay magiging walang saysay at maaari pa ngang makamatay sa espirituwal na diwa. * Hindi natin kailanman nanaising ‘dumanas ng pagkawasak may kinalaman sa ating pananampalataya’!—1 Timoteo 1:19.
Hindi Tayo Ligtas sa mga Hamon
8, 9. (a) Paano ipinahayag ni Moises ang kaniyang pag-aalinlangan sa sarili? (b) Paano tumugon si Jehova sa iniisip ni Moises na mga limitasyon niya? (c) Ano ang epekto sa iyo ng mga pampatibay-loob ni Jehova?
8 Ang mga Kristiyano ba na nag-aalinlangan sa sarili paminsan-minsan ay dapat makadama na bigo sila? Siyempre, hindi! Sa katunayan, makasusumpong sila ng kaaliwan sa pagkaalam na hindi na bago ang gayong mga damdamin. Naranasan din ito ng tapat na mga saksi ng Diyos noon. Kuning halimbawa si Moises, na nagpakita ng pambihirang pananampalataya, katapatan, at debosyon. Nang bigyan siya ng waring napakahirap na atas, may-pag-aatubiling nagtanong si Moises: “Sino ako?” (Exodo 3:11) Maliwanag na ang iniisip niyang sagot ay, ‘Pangkaraniwang tao lamang ako!’ o ‘Hindi ko kaya!’ May ilang pitak sa buhay ni Moises na maaaring dahilan kung bakit nadama niyang hindi siya karapat-dapat: Kabilang siya sa bansa ng mga alipin. Itinakwil siya ng mga Israelita. Hindi siya bihasang tagapagsalita. (Exodo 1:13, 14; 2:11-14; 4:10) Isa siyang pastol, isang hanapbuhay na kinasusuklaman ng mga Ehipsiyo. (Genesis 46:34) Tunay ngang hindi nakapagtataka na madama niyang hindi siya karapat-dapat na maging tagapagpalaya ng inaaliping bayan ng Diyos!
9 Pinatibay-loob ni Jehova si Moises nang magbitiw Siya ng dalawang pangako: “Ako ay sasaiyo, at ito ang tanda para sa iyo na ako nga ang nagsugo sa iyo: Pagkatapos mong mailabas ang bayan mula sa Ehipto, paglilingkuran ninyo ang tunay na Diyos sa bundok na ito.” (Exodo 3:12) Sinasabi ng Diyos sa kaniyang nag-aatubiling lingkod na palagi Siyang sasakaniya. Bukod dito, ipinahihiwatig ni Jehova na walang-pagsalang ililigtas niya ang kaniyang bayan. Sa paglipas ng mga siglo, nangako ang Diyos ng gayunding tulong. Halimbawa, sinabi niya sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises nang sila ay papasok na sa Lupang Pangako: “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay. . . . Si Jehova na iyong Diyos ang hahayong kasama mo. Hindi ka niya pababayaan ni iiwan ka man nang lubusan.” (Deuteronomio 31:6) Tiniyak din ni Jehova kay Josue: “Walang sinuman ang makatatayong matatag sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. . . . Ako [ay] sasaiyo. Hindi kita pababayaan ni iiwan man kita nang lubusan.” (Josue 1:5) At ipinangako niya sa mga Kristiyano: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Dapat nating ipagmalaki na tayo ay mga Kristiyano yamang nasa atin ang gayong malakas na suporta!
10, 11. Paano natulungan ang Levitang si Asap na mapanatili ang tamang saloobin hinggil sa kahalagahan ng kaniyang paglilingkod kay Jehova?
10 Mga limang siglo pagkamatay ni Moises, tahasang isinulat ng isang tapat na Levita na nagngangalang Asap ang kaniyang mga pag-aalinlangan hinggil sa kahalagahan ng pagtataguyod ng matuwid na landasin. Samantalang nagpupunyagi siya sa paglilingkod sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok at tukso, nakita ni Asap na nagiging mas makapangyarihan at mas maunlad ang ilang nanlilibak sa Diyos. Paano ito nakaapekto kay Asap? “Kung tungkol sa akin, ang aking mga paa ay muntik nang mapaliko,” ang pag-amin niya. “Ang aking mga hakbang ay muntik nang madupilas. Sapagkat nainggit ako sa mga hambog, kapag nakikita ko ang kapayapaan ng mga taong balakyot.” Nagsimula siyang mag-alinlangan sa kahalagahan ng pagiging mananamba ni Jehova. “Tunay na walang kabuluhan ang paglilinis ko ng aking puso at ang paghuhugas ko ng aking mga kamay sa kawalang-sala,” ang naisip ni Asap. “At ako ay sinasalot sa buong araw.”—Awit 73:2, 3, 13, 14.
11 Paano hinarap ni Asap ang nakababagabag na damdaming ito? Ikinaila ba niya ito? Hindi. Binanggit niya ang mga ito sa panalangin sa Diyos, gaya ng mababasa natin sa ika-73 Awit. Nagbago ang saloobin ni Asap nang magtungo siya sa santuwaryo ng templo. Habang naroroon, napagtanto niya na ang pinakamatalino pa ring landasin ay ang pagpapakita ng debosyon sa Diyos. Nang manumbalik ang kaniyang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, naunawaan niyang kinapopootan ni Jehova ang kasamaan at na parurusahan ang mga balakyot sa takdang panahon. (Awit 73:17-19) Sa pagbabagong ito ng saloobin, pinatatag ni Asap ang kaniyang pagiging pinagpalang lingkod ni Jehova. Sinabi niya sa Diyos: “Ako ay palagi mong kasama; tinanganan mo ang aking kanang kamay. Papatnubayan mo ako ng iyong payo, at pagkatapos ay dadalhin mo ako sa kaluwalhatian.” (Awit 73:23, 24) Muling ipinagmalaki ni Asap ang kaniyang Diyos.—Awit 34:2.
Malinaw sa Kanilang Isipan Kung Sino Sila
12, 13. Magbigay ng mga halimbawa ng mga tauhan sa Bibliya na hindi ikinahiya ang kanilang kaugnayan sa Diyos.
12 Ang isang paraan upang maging malinaw sa ating isipan ang pagkakakilanlan natin bilang mga Kristiyano ay sa pamamagitan ng pagsusuri at pagtulad sa pananampalataya ng tapat na mga mananamba, na sa kabila ng kagipitan ay nalugod sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Isaalang-alang si Jose, na anak ni Jacob. Sa murang edad, may-pagtataksil siyang ipinagbili bilang alipin at dinala sa Ehipto, daan-daang kilometro ang distansiya mula sa kaniyang amang may takot sa Diyos at malayung-malayo sa magiliw at mapagkalingang kapaligiran ng kaniyang tahanan. Habang nasa Ehipto, walang taong mahihingan ng makadiyos na payo si Jose, at kinailangan niyang harapin ang mahihirap na kalagayan na sumubok sa kaniyang mga pamantayang moral at pananalig sa Diyos. Gayunman, maliwanag na nagsikap siya na mapanatiling malinaw sa kaniyang isipan na isa siyang lingkod ng Diyos, at nanatili siyang tapat sa alam niyang tama. Itinuring niyang isang karangalan ang maging mananamba ni Jehova maging sa napakasamang kapaligiran, at hindi siya nag-atubiling ipahayag ang kaniyang nadarama.—Genesis 39:7-10.
13 Walong siglo pagkalipas nito, isang batang babaing Israelita na naging bihag at alipin ng Siryanong heneral na si Naaman ang hindi nakalimot na siya ay mananamba ni Jehova. Nang mabuksan ang pagkakataon, may-katapangan siyang nagbigay ng mainam na patotoo hinggil kay Jehova nang banggitin niya si Elias bilang propeta ng tunay na Diyos. (2 Hari 5:1-19) Pagkalipas ng maraming taon, sa kabila ng tiwaling kapaligiran niya, ipinatupad ng batang si Haring Josias ang mga reporma sa relihiyon sa loob ng matagal na panahon, kinumpuni niya ang templo ng Diyos, at inakay niya ang bayan upang manumbalik sila kay Jehova. Hindi niya ikinahiya ang kaniyang pananampalataya at pagsamba. (2 Cronica, kabanata 34, 35) Hindi kailanman nalimutan ni Daniel at ng kaniyang tatlong kasamang Hebreo sa Babilonya na sila ay mga lingkod ni Jehova, at maging sa ilalim ng panggigipit at tukso, naingatan nila ang kanilang katapatan. Maliwanag na hindi nila ikinahiya ang kanilang pagiging lingkod ni Jehova.—Daniel 1:8-20.
Ipagmalaki Mo Kung Sino Ka
14, 15. Ano ang nasasangkot upang maipagmalaki natin ang ating pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano?
14 Nagtagumpay ang mga lingkod na ito ng Diyos sapagkat nilinang nila ang wastong saloobin anupat ipinagmalaki ang kanilang katayuan sa harap ng Diyos. Kumusta naman tayo sa ngayon? Ano ba ang nasasangkot upang maipagmalaki natin ang ating pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano?
15 Pangunahin nang kalakip dito ang masidhing pagpapahalaga sa pagiging kabilang sa bayan na tinawag sa pangalan ni Jehova, anupat natatamasa ang kaniyang pagpapala at pagsang-ayon. Walang pag-aalinlangan ang Diyos sa kung sino ang nauukol sa kaniya. Sumulat si apostol Pablo, na nabuhay sa isang panahon ng malaking kalituhan sa relihiyon: “Kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.” (2 Timoteo 2:19; Bilang 16:5) Hindi ikinahihiya ni Jehova ang mga “nauukol sa kaniya.” Sinabi niya: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8) Maliwanag na iniibig tayo ni Jehova. Bilang ganti, ang ating kaugnayan sa kaniya ay dapat nakasalig sa ating masidhing pag-ibig sa kaniya. Sinabi ni Pablo: “Kung iniibig ng sinuman ang Diyos, ang isang ito ay kilala niya.”—1 Corinto 8:3.
16, 17. Bakit maipagmamalaki ng mga Kristiyano, bata man o matanda, ang kanilang espirituwal na pamana?
16 Makabubuti para sa mga kabataang pinalaki bilang mga Saksi ni Jehova na suriin kung ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano ay tumatatag salig sa kanilang personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Hindi sila maaaring umasa na lamang sa pananampalataya ng kanilang mga magulang. Tungkol sa bawat lingkod ng Diyos, sumulat si Pablo: “Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal.” Kung gayon, patuloy ni Pablo: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:4, 12) Maliwanag na hindi mo mapananatili ang isang matalik at pangmatagalang kaugnayan kay Jehova kung hati ang iyong puso sa pagtanggap sa pagsamba ng iyong mga magulang.
17 Sa buong kasaysayan, nagkaroon ng maraming mga saksi ni Jehova. Mula pa ito sa tapat na taong si Abel—mga 60 siglo na ang nakalilipas—hanggang sa “malaking pulutong” ng makabagong mga Saksi at hanggang sa napakarami pang mananamba ni Jehova na magtatamasa ng walang-hanggang kinabukasan. (Apocalipsis 7:9; Hebreo 11:4) Tayo ang pinakahuli sa mahabang talaang ito ng tapat na mga mananamba. Napakainam nga ng ating espirituwal na pamana!
18. Paano tayo nagiging hiwalay sa sanlibutan dahil sa ating mga simulain at mga pamantayan?
18 Kabilang din sa ating pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano ang mga simulain, katangian, at pamantayan na nagpapakilala sa atin bilang mga Kristiyano. Ito ang “Daan,” ang tanging matagumpay na paraan ng pamumuhay at pagpapalugod sa Diyos. (Gawa 9:2; Efeso 4:22-24) ‘Tinitiyak ng mga Kristiyano ang lahat ng bagay’ at ‘nanghahawakan silang mahigpit sa kung ano ang mainam’! (1 Tesalonica 5:21) Malinaw nating nauunawaan ang napakalaking pagkakaiba ng Kristiyanismo at ng sanlibutang hiwalay sa Diyos. Nilinaw ni Jehova ang pagkakaiba ng tunay at huwad na pagsamba. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, sinabi niya: “Tiyak na makikita ninyong muli ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.”—Malakias 3:18.
19. Ano ang hindi kailanman mangyayari sa tunay na mga Kristiyano?
19 Yamang napakahalagang ipaghambog si Jehova sa magulo at maligalig na sanlibutang ito, ano ang makatutulong sa atin upang patuloy na maipagmalaki ang ating Diyos at mapanatiling malinaw sa isipan natin ang ating pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano? Mababasa sa susunod na artikulo ang nakatutulong na mga mungkahi. Habang isinasaalang ang mga ito, makatitiyak ka rito: Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi kailanman magiging mga biktima ng kawalan ng interes sa relihiyon.
[Talababa]
^ par. 7 Ang tinutukoy lamang dito ay ang espirituwal na kalagayan natin. Para sa ilan, ang mga usapin hinggil sa kalusugan ng isip ay baka mangailangan ng propesyonal na paggamot.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano ‘ipinaghahambog ng mga Kristiyano si Jehova’?
• Ano ang natutuhan mo sa mga halimbawa nina Moises at Asap?
• Ipinagmalaki ng sinu-sinong tauhan sa Bibliya ang kanilang paglilingkod sa Diyos?
• Ano ang nasasangkot upang maipagmalaki natin ang ating pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 14]
May panahong nakadama ng pag-aalinlangan sa sarili si Moises
[Mga larawan sa pahina 15]
Ipinagmalaki ng maraming sinaunang mga lingkod ni Jehova kung sino sila