Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Si David ba na isang lalaking kalugud-lugod sa puso mismo ng Diyos ay naging sobrang malupit sa kaniyang mga bihag, gaya ng ipinalalagay ng ilan batay sa 2 Samuel 12:31 at 1 Cronica 20:3?

Hindi. Itinalaga lamang ni David sa puwersahang pagtatrabaho ang mga bihag na Ammonita. Nagkaroon ng maling pagkaunawa sa iginawi ni David dahil sa pagkakasalin sa mga talatang ito sa ilang mga salin ng Bibliya.

Sa paglalarawan sa parusang iginawad sa mga Ammonita, inilarawan ng mga bersiyong iyon ng Bibliya na mabagsik at malupit si David. Halimbawa, ang 2 Samuel 12:31, ayon sa King James Version, ay kababasahan: “Dinala niya ang mga taong naroon, at isinailalim sa lagari, at sa suyod na bakal, at sa palakol na bakal, at pinaraan sila sa hurnuhan ng laryo: at gayon ang ginawa niya sa lahat ng lunsod ng mga anak ni Ammon.” Gayundin ang pagkakasalin sa 1 Cronica 20:3.

Gayunman, gaya ng sinabi ng iskolar sa Bibliya na si Samuel Rolles Driver, ang kalupitan “ay malayung-malayo sa pagkakilala namin sa pagkatao at pag-uugali ni David.” Kaya naman ganito ang sabi sa The Anchor Bible: “Bumuo si David ng mga trabahador mula sa mga bihag upang gamitin ang nalupig na lupain sa pagpapaunlad ng sariling ekonomiya, na lumilitaw na karaniwang ginagawa ng nananalong mga hari.” Kasuwato nito, sinabi ni Adam Clarke: “Ang kahulugan kung gayon ay, inalipin Niya ang mga tao, at ang mga ito’y kaniyang pinaglagari, pinagawa ng mga suyod na bakal, o pinagmina, . . . at pinagputól ng kahoy, at pinagawa ng laryo. Ang paglagari, pagtaga, pagtadtad, at pagputol sa mga tao, ay malayung-malayo sa ibig sabihin ng tekstong ito, kung paanong malayung-malayo sa ugali ni David na gawin niya ang gayon sa mga Ammonita.”

Kasuwato ng mas tumpak na pagkaunawang ito, niliwanag ng iba’t ibang modernong salin na hindi dapat paratangan si David ng di-makataong pakikitungo. * Pansinin ang pagkakasalin ng New English Translation (2003): “Inalis niya ang mga taong naroon at pinagtrabaho nang mabigat gamit ang mga lagari, pikong bakal, at palakol na bakal, anupat pinagtrabaho sila sa hurnuhan ng laryo. Ito ang naging patakaran niya sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita.” (2 Samuel 12:31) “Kinuha niya ang mga mamamayan ng lunsod at pinagtrabaho gamit ang mga lagari, pikong bakal, at mga palakol. Gayon ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita.” (1 Cronica 20:3) Ang pagkakasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ay kasuwato rin ng kasalukuyang pagkaunawa ng mga iskolar: “Ang bayan na naroon ay inilabas niya upang mailagay niya sila sa paglalagari ng mga bato at sa matatalas na kasangkapang bakal at sa mga palakol na bakal, at pinapaglingkod niya sila sa paggawa ng laryo.” (2 Samuel 12:31) “Ang bayan na naroon ay inilabas niya, at pinagtrabaho niya sila sa paglalagari ng mga bato at sa matatalas na kasangkapang bakal at sa mga palakol; at gayon ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga anak ni Ammon.”​—1 Cronica 20:3.

Ang mga natalong Ammonita ay hindi naman dumanas ng mabagsik na pagpaparusa at nakapangingilabot na lansakang pagpatay sa mga kamay ni David. Hindi niya tinularan ang makahayop at brutal na mga kaugalian sa digmaan noong kaniyang kapanahunan.

[Talababa]

^ par. 6 Kapag naiba ang isang titik, ang teksto sa Hebreo ay maaaring basahing “inilagay niya sila sa lagari” o “pinagputúl-putól (nilagari) niya sila.” Bukod diyan, ang salita para sa “hurnuhan ng laryo” ay puwede ring mangahulugang “hulmahan ng laryo.” Ang gayong hulmahan ay masyadong makitid para daanan ng sinuman.