Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-akyat sa Ilalim ng Saba

Pag-akyat sa Ilalim ng Saba

Pag-akyat sa Ilalim ng Saba

ANG pulo ng Saba na pinamumunuan ng mga Olandes ay dating nagsilbing moog para sa mga piratang naglalayag sa katubigan ng Dagat ng Caribbean sa paghahanap ng samsam. Sa ngayon, ang munting pulo na ito, na 240 kilometro ang layo mula sa silangan ng Puerto Rico, ay tahanan ng mga 1,600 naninirahan, 5 sa kanila ay mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang hinahanap ng walang-takot na mga ministrong ito ay isang bagay na mas mahalaga kaysa sa samsam. Buong-sikap nilang hinahanap ang mga taong “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”​—Gawa 13:48.

Unang nakarating sa pulo ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos noong Hunyo 22, 1952, nang dumaong sa baybayin ng Saba ang 18-metrong sasakyang pandagat na Sibia, na pinatatakbo ng mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:14) Ang mga misyonerong sina Gust Maki at Stanley Carter ay umakyat sa Ang Hagdanan (The Ladder), isang landas na may mahigit na 500 baytang na bato hanggang sa Ilalim (The Bottom), ang kabisera ng Saba. * Sa loob ng mga dantaon, ang makipot na landas na ito ang tanging paraan upang marating ang mga naninirahan sa pulo.

Ang kauna-unahang nailathalang ulat ng Kristiyanong gawaing pagpapatotoo sa Saba ay lumitaw sa 1966 Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Ayon sa ulat na iyon, may isa lamang aktibong Saksi sa pulo. Nang maglaon, isang pamilya mula sa Canada ang gumugol ng ilang taon sa pangangaral ng mabuting balita roon. Kamakailan, sina Russel at Kathy, isang mag-asawang retirado mula sa Estados Unidos, ay nagtungo sa Saba at nakibahagi sa gawaing pangangaral doon. Isaalang-alang ang kanilang kuwento.

Pagdalaw sa Saba

Kaming mag-asawa ay dumating sakay ng eroplano bilang mga bisita ni Ronald, ang nag-iisang Saksi sa pulo mula noong mga taon ng 1990. Hinihintay na kami sa paliparan ng magpapatulóy sa amin. Tuwang-tuwa siya sa maliit na kahon ng mga gulay na dinala namin bilang regalo, yamang walang komersiyal na pagsasaka na ginagawa sa pulo. Pagkalulan namin sa isang maliit na trak, dahan-dahan at paliku-liko kaming umakyat sa gilid ng Bundok Scenery hanggang sa taluktok ng patay na bulkang ito.

Huminto kami sa nayon ng Hell’s Gate habang tinitingnan ni Ronald ang pampublikong paskilan ng impormasyon upang alamin kung nakapaskil pa rin ang isang paanyaya para sa pahayag pangmadla sa Linggo. Natutuwa kaming makita na nakapaskil pa ito. Bumalik siya sa trak, at nagpatuloy kami sa pag-akyat sa pinakamalaking nayon ng pulo, ang Windwardside. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang magandang nayon na ito ay nasa panig ng isla na pasalunga sa direksiyon ng hangin, mga 400 metro ang taas sa kapantayan ng dagat. Habang papasok kami sa bakuran ng bahay ni Ron, nakita namin ang makulay na karatula sa harapang beranda na nagpapakilala rito bilang isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.

Samantalang nanananghalian, iniharap ko sa kaniya ang tanong na nag-udyok sa aming pagdalaw, “Paano ka naging isang mamamahayag ng Kaharian sa Saba?”

“Nang matapos ang pagtatayo ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Puerto Rico noong 1993,” ang sabi ni Ron, “kaming mag-asawa ay interesadong manatili sa isang atas sa banyagang lupain. Noong una, dinalaw namin ang Saba kasama ng isa pang mag-asawang payunir at nalaman namin na may 1,400 naninirahan dito subalit walang Saksi. Kaya kinausap namin ang Komite ng Sangay sa Puerto Rico hinggil sa paglipat namin dito.

“Positibong sumulong ang mga bagay-bagay, at sa wakas ay tinanggap namin ang pahintulot na lumipat dito. Nakalulungkot na pagkalipas ng dalawang taon, nagkasakit nang malubha ang misis ko, at bumalik kami sa California. Pagkamatay niya, bumalik ako sa Saba. Alam mo, gusto kong tapusin ang isang bagay na sinimulan ko.”

Bahay-bahay na Pagpapatotoo sa Saba

Ang salas ng sandaang-taóng-gulang na bahay ni Ron ay nagsisilbi ring Kingdom Hall. * Habang nag-aalmusal kami at naghahandang magtungo sa ministeryo, binasâ ng ulan mula sa nagdaraang ulap ang kusina sa labas. Pagkatapos ng almusal, umalis na kami para sa isang umaga ng pagpapatotoo sa bahay-bahay sa Ilalim habang kalat-kalat ang mga ulap. Sa bawat bahay, binabati ni Ron ang may-bahay sa pangalan. Ang aming pag-uusap ay nakatuon sa isang lokal na balita kamakailan. Pamilyar na ang karamihan ng mga tao kay Ron at sa kaniyang ministeryo, at marami ang agad na tumatanggap ng literatura sa Bibliya.

Maaaring maging isang hamon ang pag-iingat ng isang rekord ng mga interesado sa mensahe ng Kaharian kung hindi mo kilala ang mga taganayon. Bakit? Sapagkat “hinihiling ng batas na iisang kulay lamang ang pintura ng mga bahay,” ang sabi ni Ron. Totoo nga naman, tumingin ako sa paligid at nakita kong lahat ng mga bahay sa Saba ay kulay puti na may pulang bubong.

Pagkatapos ng aming pag-uusap hinggil sa Bibliya, inanyayahan namin ang may-bahay na dumalo sa salig-Bibliyang pahayag pangmadla na idaraos sa Linggo sa Kingdom Hall. Kapag nasa pulo si Ron, siya ang nagbibigay ng pahayag pangmadla linggu-linggo. Sa kasalukuyan, 17 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa Saba. Dalawampu katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 2004. At bagaman tila maliit ang bilang na iyan, kumakatawan ito sa 1 porsiyento ng buong populasyon sa Saba!

Tunay nga, lubusang nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova upang maipaabot sa pinakamaraming tao hangga’t maaari ang mensahe ng kaligtasan ng Diyos. Ito man ay sa maliit na pulo na gaya ng Saba o sa buong kontinente, matapat na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”​—Mateo 28:19.

Nakalulungkot naman, nagwakas na ang aming pagdalaw. Habang sumasakay kami sa aming eroplano, kumaway kami ng pamamaalam. Lagi naming maaalaala ang aming pagdalaw sa Saba at ang panahong ginugol namin sa pag-akyat sa Ilalim!

[Mga talababa]

^ par. 3 Waring tinawag ito ng mga pirata na Ilalim dahil inakala nilang nasa ilalim ito ng bunganga ng bulkan.

^ par. 12 Noong Setyembre 28, 2003, nagtungo sa Saba ang mga boluntaryo mula sa Florida, E.U.A., at binago ang isang kalapit na gusali, na ngayo’y isa nang Kingdom Hall.

[Mga mapa sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PUERTO RICO

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Background: www.sabatourism.com