Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Mapagpakumbabang Aprikano na Umibig sa Salita ng Diyos

Isang Mapagpakumbabang Aprikano na Umibig sa Salita ng Diyos

Isang Mapagpakumbabang Aprikano na Umibig sa Salita ng Diyos

MADALAS ikagulat ng mga dumadalaw sa Aprika kung gaano kadaling makipag-usap sa mga tagaroon hinggil sa mga paksa sa Bibliya. Ang mga tanong na gaya ng, “Ano ba ang Kaharian ng Diyos?” o “Mayroon bang namamalaging solusyon sa mga problemang gaya ng kakapusan sa pagkain, sakit, digmaan, at krimen?” ay madaling nakapupukaw sa mga tao na makinig. Malugod na hahayaan ng marami na ipakita sa kanila ng isang estranghero ang mga sagot mula sa Bibliya. Malimit itong nauuwi sa regular na pag-aaral sa Bibliya. At kapag sumulong sa espirituwal ang mga estudyante, sila ay nagiging bautisadong mga Kristiyano.

Ang isa sa unang mga Aprikano na tumugon nang gayon ay binabanggit sa Bibliya sa Gawa 8:26-40. Isa siyang lalaking Etiope na naglakbay patungong Jerusalem upang sumamba sa tunay na Diyos, si Jehova.

Gaya ng ipinakikita sa larawan na nasa ibaba, pauwi na ang Etiope sakay ng kaniyang karo, habang binabasa ang isang bukás na balumbon. Nilapitan siya ng isang estranghero at tinanong: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Mapagpakumbabang inamin ng Etiope na kailangan niya ang tulong at namanhik siya sa estranghero, ang Kristiyanong ebanghelisador na si Felipe, na sumakay ito sa karo. Pagkatapos ay hiniling niya kay Felipe na ipaliwanag ang kababasa lamang niyang teksto sa Kasulatan. Ipinaliwanag ni Felipe na ito ay isang hula na tumutukoy sa kamakailang pagkamatay ng Mesiyas, si Jesu-Kristo. Inilahad din ni Felipe ang iba pang bagay na may kaugnayan sa “mabuting balita tungkol kay Jesus,” anupat walang-alinlangang inilakip niya ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.

Nang marinig ang kamangha-manghang mga katotohanang ito, gusto ng Etiope na maging alagad ni Jesus at nagtanong siya: “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” Pagkatapos siyang mabautismuhan, maligayang naglakbay pauwi ang mapagpakumbabang Aprikano na ito, at wala nang binanggit pa ang Bibliya tungkol sa kaniya.

Sa ngayon, tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang milyun-milyong tao sa buong daigdig na matutuhan ang tungkol sa ‘mabuting balitang’ iyan. Sa kasalukuyan, mga anim na milyon na ang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos nang walang bayad.