Nakasumpong ng Isang Maibiging Ama ang Naiwang Ulila
Nakasumpong ng Isang Maibiging Ama ang Naiwang Ulila
AYON SA SALAYSAY NI DIMITRIS SIDIROPOULOS
“Sige, kunin mo ang baril na iyan at paputukin mo,” ang singhal ng opisyal habang ipinagduduldulan ang riple sa harap ko. Mahinahon akong tumanggi. Sa pagkagimbal ng mga sundalong nakatingin, humaging sa balikat ko ang mga bala mula sa baril ng opisyal. Akala ko’y mamamatay na ako. Mabuti na lamang, nakaligtas ako. Subalit hindi ito ang unang pagkakataong nanganib ang buhay ko.
ANG aking pamilya ay kabilang sa etnikong minorya na nakatira malapit sa Kayseri, sa Capadocia, Turkey. Lumilitaw na tinanggap ng ilang indibiduwal mula sa dakong ito ang Kristiyanismo noong unang siglo C.E. (Gawa 2:9) Subalit sa pasimula ng ika-20 siglo, lubhang nagbago ang mga bagay-bagay.
Isang Takas na Naging Ulila
Mga ilang buwan pagkasilang sa akin noong 1922, lumikas ang aking pamilya patungong Gresya bilang mga takas dahil sa etnikong labanan. Walang anumang dala-dala ang aking nahintakutang mga magulang maliban sa kanilang ilang buwang-gulang na sanggol, ako. Pagkatapos dumanas ng matitinding hirap, kahabag-habag ang kalagayan nila nang dumating sila sa nayon ng Kiria, malapit sa Drama, sa gawing hilaga ng Gresya.
Nang ako’y apat na taóng gulang at pagkasilang sa aking nakababatang kapatid na lalaki, namatay ang tatay ko. Siya’y 27 taóng gulang lamang, subalit nanghina siya dahil sa mga tiniis niya sa napakahirap na mga panahong iyon. Matinding paghihirap ang dinanas ni Inay, anupat di-nagtagal siya man ay namatay rin. Naiwan kaming magkapatid na salat sa lahat ng bagay. Palipat-lipat kami ng bahay-ampunan, at sa edad na 12, napunta ako sa isang bahay-ampunan sa Tesalonica, kung saan nag-aprentis ako bilang isang mekaniko.
Habang lumalaki ako sa manhid at walang malasakit na mga bahay-ampunan, nag-iisip ako kung bakit may mga tao na dumaranas ng labis-labis na paghihirap at kawalang-katarungan. Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na umiral ang gayong nakalulungkot na mga kalagayan. Sa aming mga klase na nagtuturo ng relihiyon, itinuro sa amin na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, subalit wala silang maibigay na makatuwirang paliwanag tungkol sa pag-iral at paglaganap ng kasamaan. Isang popular na kasabihan ang nagsasabing ang Simbahang Griego Ortodokso raw ang pinakamagaling na relihiyon. Nang magtanong ako, “Kung ang Ortodokso po ang pinakamagaling na relihiyon, bakit hindi Ortodokso ang lahat ng tao?” wala akong tinanggap na kasiya-siyang kasagutan.
Gayunpaman, may matinding paggalang sa Bibliya ang aming guro, at ikinintal niya sa amin na ito ay isang sagradong aklat. Gayunding saloobin ang ipinakita ng direktor ng bahay-ampunan, subalit sa ilang kadahilanan, hindi siya nakikibahagi sa relihiyosong mga serbisyo. Nang magtanong ako hinggil dito, may nagsabi sa akin na dati siyang nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, isang relihiyong hindi ko kilala.
Ako’y 17 taóng gulang nang matapos ko ang aking pag-aaral sa bahay-ampunan sa Tesalonica. Nagsimula na ang Digmaang Pandaigdig II, at nasakop ng mga Nazi ang Gresya. Ang mga tao ay namamatay sa mga lansangan dahil sa gutom. Upang mabuhay, tumakas ako patungong lalawigan upang magtrabaho kahit napakaliit ng suweldo bilang isang trabahador.
Mga Sagot Mula sa Bibliya
Pagbalik ko sa Tesalonica noong Abril 1945, dinalaw ako ng ate ng isa sa aking mga kababatang kaibigan na nakasama ko sa ilang bahay-ampunan. Sinabi sa akin ni Paschalia na nawawala ang kaniyang kapatid na lalaki at tinanong niya ako kung alam ko ang kinaroroonan niya. Sa aming pag-uusap, sinabi niya na isa siyang Saksi ni Jehova at binanggit niyang interesado ang Diyos sa mga tao.
Punô ng hinanakit, nagbangon ako ng maraming pagtutol. Bakit ako nagdurusa mula pa sa pagkabata? Bakit ako naulila? Nasaan ang Diyos noong kailangang-kailangan namin siya? Sumagot siya, “Natitiyak mo bang ang Diyos ang dapat sisihin sa mga kalagayang ito?” Sa paggamit ng kaniyang Bibliya, ipinakita niya sa akin na hindi pinagdurusa ng Diyos ang mga tao. Natulungan ako nitong maunawaan na iniibig ng Maylalang ang mga tao at malapit na niyang ayusin ang mga bagay-bagay. Sa paggamit ng mga kasulatang gaya ng Isaias 35:5-7 at Apocalipsis 21:3, 4, ipinakita niya sa akin na malapit nang alisin ang digmaan, alitan, sakit, at kamatayan, at na mabubuhay magpakailanman sa lupa ang mga taong tapat.
Nasumpungan ang Isang Sumusuportang Pamilya
Napag-alaman kong napatay ang kapatid ni Paschalia sa isang labanan ng mga puwersa ng gerilya. Dinalaw ko ang kaniyang pamilya upang aliwin sila, ngunit sila pa ang nagbigay ng maka-Kasulatang kaaliwan sa akin. Bumalik ako sa kanilang tahanan para sa higit pang nakaaaliw na mga kaisipan mula sa Bibliya, at di-nagtagal ay naging bahagi ako ng isang maliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova na palihim na nagtitipon upang mag-aral at sumamba. Sa kabila ng pagtatakwil sa mga Saksi, determinado akong magpatuloy sa pakikisama sa kanila.
Sa grupong iyon ng mapagpakumbabang mga Kristiyano, nasumpungan ko ang mainit at maibiging pamilya na hinahanap-hanap ko. Inilaan nila ang espirituwal na suporta at tulong na kailangang kailangan ko. Nasumpungan ko sa kanila ang di-makasarili at nababahalang mga kaibigan, na handa at nagnanais tumulong at umaliw sa akin. (2 Corinto 7:5-7) Mas mahalaga, natulungan ako na lalong maging malapít kay Jehova, na kinikilala ko ngayon bilang aking maibiging makalangit na Ama. Ang kaniyang mga katangian ng pag-ibig, habag, at matinding pagkabahala ay lubhang kaakit-akit. (Awit 23:1-6) Sa wakas, nasumpungan ko rin ang isang espirituwal na pamilya at isang maibiging Ama! Naantig ang aking puso. Di-nagtagal, napakilos akong ialay ang aking sarili kay Jehova, at nabautismuhan ako noong Setyembre 1945.
Ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano ay hindi lamang nakaragdag sa aking kaalaman kundi nagpatibay rin sa aking pananampalataya. Yamang wala namang iba pang transportasyon, marami sa amin ang kadalasang naglalakad nang
tatlong milya mula sa aming nayon hanggang sa dakong pinagpupulungan, habang pinag-uusapan ang di-malilimot na espirituwal na mga talakayan. Noong mga huling buwan ng 1945, nang malaman ko ang hinggil sa pagkakataong makibahagi sa buong-panahong gawaing pag-eebanghelyo, nagsimula akong magpayunir. Mahalaga ang malapít na kaugnayan kay Jehova, yamang ang aking pananampalataya at integridad ay malapit nang masubok sa sukdulan.Maganda ang Naging Resulta ng Pagsalansang
Madalas lusubin ng mga pulis ang aming dakong pinagpupulungan habang nakatutok ang mga baril. Ang bansa ay nasa ilalim ng martial law, dahil sa gera sibil na kasagsagan noon sa Gresya. Buong-bangis na sumalakay sa isa’t isa ang magkakalabang grupo. Sa pagsasamantala sa kalagayan, kinumbinsi ng klero ang mga awtoridad na maniwalang mga Komunista kami at dapat kaming pag-usigin nang may kabangisan.
Sa loob ng dalawang taon, ilang ulit kaming inaresto, at anim na ulit kaming tumanggap ng sentensiyang hanggang apat na buwan. Gayunman, punô na ang mga bilangguan ng pulitikal na mga bilanggo, kaya pinalaya kami. Ginamit namin ang aming di-inaasahang kalayaan upang ipagpatuloy ang pangangaral, subalit pagkaraan ng ilang panahon ay muli kaming inaresto—tatlong beses sa loob ng isang linggo. Alam naming naipatapon na sa mga tigang na isla ang marami sa aming mga kapatid. May sapat kayang lakas ang aking pananampalataya upang maharap ko ang gayong pagsubok?
Naging napakahirap ng mga kalagayan nang malagay ako sa probasyon ng pulisya. Upang masubaybayan ako, ipinadala ako ng mga awtoridad sa Evosmos, malapit sa Tesalonica, na kinaroroonan ng istasyon ng pulisya. Umupa ako ng isang kuwarto malapit dito, at upang masuportahan ang aking sarili, nagtrabaho ako bilang isang lumilibot na bihasang manggagawa, na nagpapakintab ng mga kaldero at kawaling tanso. Samantalang nagpapayunir ako sa palibot na mga nayon, nakatulong ang hanapbuhay na ito upang madali akong makapasok sa mga tahanan nang hindi pinaghihinalaan ng mga pulis. Bunga nito, ilang tao ang nakarinig ng mabuting balita at tumugon nang may pagsang-ayon. Nang dakong huli, mahigit na sampu sa kanila ang naging nakaalay na mga mananamba ni Jehova.
Sampung Taon, Walong Bilangguan
Patuloy akong sinubaybayan ng pulisya hanggang noong pagtatapos ng 1949, saka ako bumalik sa Tesalonica, anupat sabik na ipagpatuloy ang buong-panahong ministeryo. Noong 1950, nang akala ko’y tapos na ang aking mga pagsubok, di-inaasahang inutusan akong sumama sa hukbo. Dahil sa aking Kristiyanong neutralidad, determinado akong huwag ‘mag-aral ng pakikidigma.’ (Isaias 2:4) Sa gayon ay nagsimula ang mahaba, napakahirap at sunud-sunod na pagkabilanggo na magdadala sa akin sa ilan sa kakila-kilabot na bilangguan sa Gresya.
Nagsimula ang lahat sa lunsod ng Drama. Noong mga unang linggo ng pagkabilanggo ko roon, ang bagong kalap na mga sundalo ay nagsimulang magsanay sa pagbaril. Isang araw, dinala ako sa dakong sanayan ng pagbaril. Ipinagduldulan ng isa sa mga opisyal ang riple sa harapan ko at inutusan akong magpaputok. Nang tumanggi ako, pinahagingan niya ako ng mga bala. Nang makita ng iba pang mga opisyal na hindi ako makikipagkompromiso, may kabangisan nila akong pinagsusuntok. Nagsindi sila ng sigarilyo at pinatay ang mga ito sa aking mga palad. Pagkatapos, inilagay nila ako sa bartolina. Nagpatuloy ito sa loob ng tatlong araw. Napakatindi ng kirot mula sa mga paso ng sigarilyo, at dala-dala ko ang mga pilat sa aking mga kamay sa loob ng maraming taon.
Bago ako ma-court-martial, inilipat ako sa isang kampo militar sa Iráklion, Creta. Doon, sa pagsisikap Jeremias 1:19: “Tiyak na makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ” Ang nakagiginhawang “kapayapaan ng Diyos” ay nagdulot ng kahinahunan at katahimikan. Naunawaan ko ang karunungan ng lubusang pagtitiwala kay Jehova.—Filipos 4:6, 7; Kawikaan 3:5.
na sirain ang aking integridad, binugbog nila ako nang husto. Sa takot ko na baka ako makipagkompromiso, marubdob akong nanalangin, anupat hinihiling sa aking makalangit na Ama na palakasin ako. Sumagi sa isipan ko ang pananalita saSa sumunod na paglilitis, nasentensiyahan ako ng habang-buhay na pagkabilanggo. Ang mga Saksi ni Jehova ay itinuring na pinakamasamang “mga kaaway ng Estado.” Ang habang-buhay na pagkabilanggo ay nagsimula sa bilangguan ng mga kriminal sa Itsedin, sa labas ng Canea, kung saan inilagay ako sa bartolina. Ang Itsedin ay isang dating kuta, at punô ng mga daga ang aking selda. Binabalot ko ng gula-gulanit at lumang kumot ang aking sarili mula ulo hanggang paa upang hindi sumayad ang mga daga sa mismong katawan ko kapag gumagapang sila sa akin. Nagkasakit ako ng malubhang pulmonya. Sinabi ng doktor na kailangan kong maupo sa labas upang masikatan ng araw, at sa gayo’y nakausap ko ang maraming bilanggo sa looban ng bilangguan. Subalit lumala ang aking kalagayan, at pagkatapos ng matinding pagdurugo sa aking mga baga, inilipat ako sa ospital sa Iráklion.
Minsan pa, tinulungan ako ng aking espirituwal na pamilya ng mga kapuwa Kristiyano nang kailanganin ko sila. (Colosas 4:11) Regular akong dinadalaw ng mga kapatid sa Iráklion, na nagbibigay sa akin ng kaaliwan at pampatibay-loob. Sinabi ko sa kanila na kailangan ko ng mga literatura upang makapagpatotoo sa mga interesado. Dinalhan nila ako ng isang maleta na may dobleng pang-ilalim kung saan ligtas na maitatago ko ang literatura. Tuwang-tuwa ako na noong mga panahon ng paglagi ko sa mga bilangguang iyon, di-kukulangin sa anim na kasamahan ko sa bilangguan ang natulungang maging tunay na mga Kristiyano!
Samantala, natapos na ang gera sibil, at nabawasan ang sentensiya ko tungo sa sampung taóng pagkabilanggo. Ginugol ko ang natitirang sentensiya sa akin sa mga bilangguan sa Rethimno, Genti Koule, at Cassandra. Pagkatapos gumugol ng sampung taon sa walong bilangguan, pinalaya ako, at nagbalik sa Tesalonica, kung saan mainit akong tinanggap ng aking minamahal na Kristiyanong mga kapatid.
Espirituwal na Pag-unlad sa Tulong ng Kapatirang Kristiyano
Nang panahong iyon medyo malaya nang nakasasamba ang mga Saksi sa Gresya. Agad kong sinamantala ang pagkakataong magpatuloy sa Awit 5:11.
buong-panahong ministeryo. Di-nagtagal, isa pang pagpapala ang naidagdag, nang makilala ko ang isang tapat na Kristiyanong sister, si Katina, na umiibig kay Jehova at napakaaktibo sa gawaing pangangaral. Ikinasal kami noong Oktubre 1959. Lalo pang naghilom ang mga sugat ng aking pagiging ulila nang ipanganak ang aming anak na babae, si Agape, at nang magkaroon ako ng sariling Kristiyanong pamilya. Higit sa lahat, nasisiyahan ang aming pamilya na maglingkod sa ilalim ng mapagsanggalang na pangangalaga ng ating maibiging makalangit na Ama, si Jehova.—Dahil sa matinding mga kalagayan sa kabuhayan, napilitan akong huminto sa pagpapayunir, subalit sinuportahan ko naman ang aking asawa habang nagpapatuloy siya sa buong-panahong paglilingkod. Dumating ang isang mahalagang pangyayari sa aking buhay bilang isang Kristiyano noong 1969 nang idaos ang isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Nuremberg, Alemanya. Habang naghahanda ako upang maglakbay patungo roon, nag-aplay ako para sa isang pasaporte. Nang magtungo sa istasyon ng pulis ang aking asawa upang alamin kung bakit mahigit dalawang buwan na ang lumipas ay wala pa rin ang pasaporte, inilabas ng opisyal ang makapal na salansan ng mga papeles mula sa kaniyang drower at nagsabi: “Hinihingi mo ang pasaporte ng tao na ito upang makapangumberte siya ng mga tao sa Alemanya? Imposible! Mapanganib siya.”
Sa tulong ni Jehova at sa tulong ng ilang kapatid, napasama ako sa panggrupong pasaporte at sa gayon ay nakadalo rin sa kahanga-hangang kombensiyong iyon. Umabot sa mahigit na 150,000 ang pinakamataas na bilang ng dumalo, at kitang-kita ko na pinapatnubayan at pinagkakaisa ng espiritu ni Jehova ang internasyonal at espirituwal na pamilyang ito. Nang dakong huli, lalo kong pinahalagahan ang kapatirang Kristiyano.
Noong 1977, namatay ang aking minamahal na asawa at tapat na kasama. Ginawa ko ang aking buong makakaya upang palakihin ang aking anak na babae ayon sa mga simulain ng Bibliya, subalit tumanggap ako ng tulong. Muli, tinulungan ako ng aking espirituwal na pamilya. Lagi kong tatanawing utang na loob ang suporta ng mga kapatid noong mahirap na panahong iyon. Ang ilan sa kanila ay pansamantala pa ngang lumipat sa aming bahay upang alagaan ang aking anak na babae. Hinding-hindi ko malilimutan ang kanilang mapagsakripisyong pag-ibig.—Juan 13:34, 35.
Lumaki si Agape at napangasawa ang isang kapananampalataya, si Elias. May apat silang anak na lalaki, na pawang nasa katotohanan. Nitong nakalipas na mga taon, ilang beses na akong naistrok at humina na ang aking kalusugan. Inaalagaan akong mabuti ng aking anak na babae at ng kaniyang pamilya. Sa kabila ng mahinang kalusugan, marami pa rin akong dahilan upang magsaya. Natatandaan ko pa noong halos iisandaan pa lamang ang mga kapatid sa buong Tesalonica, na palihim na nagtitipon sa pribadong mga tahanan. Ngayon, mayroon nang mga limang libong masisigasig na Saksi sa lugar na iyon. (Isaias 60:22) Sa mga kombensiyon, nilalapitan ako ng kabataang mga kapatid na lalaki at itinatanong: “Natatandaan po ba ninyo noong nagdadala po kayo ng mga magasin sa aming bahay?” Bagaman maaaring hindi binasa ng mga magulang ang mga magasing iyon, binasa naman iyon ng kanilang mga anak, at sumulong sila sa espirituwal!
Habang minamasdan ko ang pag-unlad ng organisasyon ni Jehova, nadarama kong sulit ang lahat ng mga pagsubok na tiniis ko. Lagi kong sinasabi sa aking mga apo at sa iba pang mga kabataan na alalahanin ang kanilang makalangit na Ama sa kanilang kabataan, at hinding-hindi niya sila pababayaan. (Eclesiastes 12:1) Tapat si Jehova sa kaniyang salita, anupat siya ay naging “ama ng mga batang lalaking walang ama” sa akin. (Awit 68:5) Bagaman isa akong naiwang ulila sa aking kabataan, sa wakas ay nakasumpong ako ng isang mapagmalasakit na Ama!
[Larawan sa pahina 22]
Nagtrabaho ako bilang isang kusinero sa bilangguan sa Drama
[Larawan sa pahina 23]
Kasama si Katina noong araw ng aming kasal, 1959
[Larawan sa pahina 23]
Isang asamblea sa kagubatan malapit sa Tesalonica, mga huling taon ng dekada ng 1960
[Larawan sa pahina 24]
Kasama ang aming anak, 1967