Hayaang Maging Liwanag sa Iyong Landas ang Salita ng Diyos
Hayaang Maging Liwanag sa Iyong Landas ang Salita ng Diyos
“Ang iyong salita ay . . . liwanag sa aking landas.”—AWIT 119:105.
1, 2. Sa anu-anong kalagayan magbibigay-liwanag sa ating landas ang salita ni Jehova?
MAGBIBIGAY-LIWANAG sa ating landas ang salita ni Jehova kung hahayaan nating magkagayon. Upang tamasahin ang gayong espirituwal na liwanag, dapat tayong maging masisikap na estudyante ng nasusulat na Salita ng Diyos at magkapit ng mga payo nito. Saka lamang natin mararanasan ang nadama ng salmista: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—Awit 119:105.
2 Talakayin natin ngayon ang Awit 119:89-176. Napakayamang impormasyon ang nakapaloob sa mga talatang ito na inayos sa 11 taludtod! Matutulungan tayo ng mga ito na manatili sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.—Mateo 7:13, 14.
Bakit Dapat Kagiliwan ang Salita ng Diyos?
3. Paano ipinakikita ng Awit 119:89, 90 na maaasahan natin ang salita ng Diyos?
3 Ang pagkagiliw sa salita ni Jehova ay nagdudulot ng espirituwal na katatagan. (Awit 119:89-96) Umawit ang salmista: “Hanggang sa panahong walang takda, O Jehova, ang iyong salita ay nakatatag sa langit. . . . Itinatag mong matibay ang lupa, upang ito ay mamalagi.” (Awit 119:89, 90) Sa pamamagitan ng salita ng Diyos—ang kaniyang “mga batas ng langit”—ang mga bagay sa kalangitan ay umiinog nang eksaktung-eksakto sa kanilang mga orbit at ang lupa ay matibay na nakatatag magpakailanman. (Job 38:31-33; Awit 104:5) Maaasahan natin ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova; ang sinasabi ng Diyos ay “tiyak na magtatagumpay” sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin.—Isaias 55:8-11.
4. Ano ang nagagawa ng pagkagiliw sa salita ng Diyos para sa mga lingkod niya na dumaranas ng kapighatian?
4 Ang salmista ay ‘namatay na sana sa kaniyang kapighatian kung hindi niya kinagiliwan ang kautusan ng Diyos.’ (Awit 119:92) Hindi mga banyaga ang pumipighati sa kaniya; kundi yaong mga Israelitang manlalabag-batas na napopoot sa kaniya. (Levitico 19:17) Ngunit hindi siya nadaig nito, sapagkat iniibig niya ang salita ng Diyos na nagpalakas sa kaniya. Sa Corinto, si apostol Pablo noon ay nasa “mga panganib sa gitna ng mga bulaang kapatid,” marahil kabilang dito ang “ubod-galing na mga apostol” na naghahanap ng maipaparatang sa kaniya. (2 Corinto 11:5, 12-14, 26) Ngunit nakayanan ito ni Pablo sa espirituwal na paraan dahil kinagigiliwan niya ang salita ng Diyos. Yamang kinagigiliwan natin ang nasusulat na Salita ni Jehova at ikinakapit ang sinasabi nito, iniibig natin ang ating mga kapatid. (1 Juan 3:15) Kahit kinapopootan tayo ng sanlibutan, hindi natin kinalilimutan ang anumang tagubilin ng Diyos. Patuloy nating ginagawa ang kaniyang kalooban bilang maibiging pakikiisa sa ating mga kapatid habang umaasa tayo sa walang hanggan at maligayang paglilingkod kay Jehova.—Awit 119:93.
5. Paano hinanap ni Haring Asa si Jehova?
5 Sa pagpapahayag ng ating debosyon kay Jehova, maaari nating ipanalangin: “Ako ay sa iyo. O iligtas mo nawa ako, sapagkat hinanap ko ang iyong mga pag-uutos.” (Awit 119:94) Hinanap ni Haring Asa ang Diyos at inalis niya ang apostasya sa Juda. Sa isang malaking pagtitipon noong ika-15 taon ng paghahari ni Asa (963 B.C.E.), ang mga tumatahan sa Juda ay “pumasok . . . sa isang tipan upang hanapin si Jehova.” “Hinayaan [ng Diyos na] siya ay masumpungan nila” at “patuloy [siyang] nagbigay sa kanila ng kapahingahan sa buong palibot.” (2 Cronica 15:10-15) Ang halimbawang ito ay dapat magpasigla sa sinumang naanod palayo sa kongregasyong Kristiyano na muling hanapin ang Diyos. Pagpapalain niya at ipagsasanggalang ang mga naging aktibong muli sa pakikisama sa kaniyang bayan.
6. Anong landasin ang magsasanggalang sa atin mula sa espirituwal na pinsala?
6 Ang salita ni Jehova ay nagbibigay ng karunungan na makapagsasanggalang sa atin mula sa espirituwal na pinsala. (Awit 119:97-104) Nagiging mas marunong tayo kaysa sa ating mga kaaway dahil sa mga utos ng Diyos. Nabibigyan tayo ng kaunawaan dahil sa pagsunod sa kaniyang mga paalaala, at ‘gumagawi tayo nang may higit na unawa kaysa sa matatandang lalaki dahil sa pagtupad sa kaniyang mga pag-uutos.’ (Awit 119:98-100) Kung ang mga pananalita ni Jehova ay ‘mas madulas sa ating ngalangala kaysa sa pulot-pukyutan sa ating bibig,’ kapopootan natin at iiwasan “ang bawat landas ng kabulaanan.” (Awit 119:103, 104) Magsisilbi itong proteksiyon mula sa espirituwal na pinsala habang nakakaharap natin ang mga taong palalo, mabangis, at di-makadiyos sa mga huling araw na ito.—2 Timoteo 3:1-5.
Lampara sa Ating Paa
7, 8. Bilang pagsunod sa Awit 119:105, ano ang kailangan nating gawin?
7 Ang salita ng Diyos ay pinagmumulan ng di-naglalahong espirituwal na liwanag. Awit 119:105-112) Tayo man ay pinahirang mga Kristiyano o mga kasamahan nila na “ibang mga tupa,” ipinahahayag natin: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Juan 10:16; Awit 119:105) Ang salita ng Diyos ay gaya ng lampara na nagbibigay-liwanag sa ating landas, upang hindi tayo matisod at mabuwal sa espirituwal. (Kawikaan 6:23) Gayunman, dapat nating hayaan mismo na maging lampara sa ating paa ang salita ni Jehova.
(8 Kailangan nating maging matatag gaya ng kumatha ng Awit 119. Determinado siyang huwag lumihis mula sa mga pag-uutos ng Diyos. “Ako ay sumumpa,” ang sabi niya, “at isasagawa ko iyon, na iingatan ko ang iyong [ni Jehova] matuwid na mga hudisyal na pasiya.” (Awit 119:106) Huwag na huwag nating mamaliitin ang halaga ng regular na pag-aaral ng Bibliya at pakikibahagi sa Kristiyanong mga pagpupulong.
9, 10. Paano natin nalalaman na ang mga indibiduwal na nakaalay kay Jehova ay maaaring ‘lumihis mula sa kaniyang mga pag-uutos,’ ngunit paano ito maiiwasan?
9 Ang salmista ay hindi ‘lumihis mula sa mga pag-uutos ng Diyos,’ subalit maaaring mangyari iyan sa isang indibiduwal na nakaalay kay Jehova. (Awit 119:110) Lumihis si Haring Solomon, bagaman siya ay kabilang sa bansang nakaalay kay Jehova at kumilos noong una alinsunod sa bigay-Diyos na karunungan. “Siya man ay pinagkasala ng mga asawang banyaga” sa pamamagitan ng paghikayat sa kaniya na sumamba sa huwad na mga diyos.—Nehemias 13:26; 1 Hari 11:1-6.
10 Ang “manghuhuli ng ibon,” si Satanas, ay naglalagay ng maraming bitag. (Awit 91:3) Halimbawa, maaaring hikayatin tayo ng isang dating kasama na lumihis mula sa landas ng espirituwal na liwanag tungo sa kadiliman ng apostasya. Sa mga Kristiyano sa Tiatira, naroon “ang babaing iyon na si Jezebel,” marahil ay isang grupo ng mga babae na nagtuturo sa iba na magsagawa ng idolatriya at makiapid. Hindi kinunsinti ni Jesus ang gayong kasamaan, at hindi rin natin ito dapat kunsintihin. (Apocalipsis 2:18-22; Judas 3, 4) Kung gayon, idalangin natin na tulungan sana tayo ni Jehova upang hindi tayo mailihis mula sa kaniyang mga pag-uutos kundi makapanatili tayo sa makadiyos na liwanag.—Awit 119:111, 112.
Pinalalakas ng Salita ng Diyos
11. Ayon sa Awit 119:119, ano ang turing ng Diyos sa balakyot?
11 Kung hindi tayo kailanman lilihis sa kaniyang mga tuntunin, palalakasin tayo ng Diyos. (Awit 119:113-120) Hindi natin sinasang-ayunan ang “mga may pusong hati,” kung paanong hindi sinasang-ayunan ni Jesus ang malahininga at nag-aangking mga Kristiyano sa ngayon. (Awit 119:113; Apocalipsis 3:16) Dahil buong-puso tayong naglilingkod kay Jehova, siya ang ‘ating dakong kublihan’ at palalakasin niya tayo. ‘Itatakwil niya silang lahat na lumilihis sa kaniyang mga tuntunin’ sa pamamagitan ng pagbaling sa pandaraya at kabulaanan. (Awit 119:114, 117, 118; Kawikaan 3:32) Itinuturing niya ang mga balakyot na ito bilang “maruming linab”—dumi na inaalis sa mahahalagang metal na gaya ng pilak at ginto. (Awit 119:119; Kawikaan 17:3) Palagi nawa tayong magpamalas ng pag-ibig sa mga paalaala ng Diyos, sapagkat tiyak na ayaw nating mapabilang sa mga balakyot sa bunton ng maruming linab ukol sa pagkapuksa!
12. Bakit mahalaga ang pagkatakot kay Jehova?
12 “Dahil sa panghihilakbot sa iyo [Jehova] ay nangingilabot ang aking laman,” ang sabi ng salmista. (Awit 119:120) Ang pagkakaroon natin ng mabuting panghihilakbot sa Diyos, na nakikita sa pag-iwas sa mga bagay na hindi niya sinasang-ayunan, ay mahalaga sa pagpapalakas niya sa atin bilang kaniyang mga lingkod. Ang mapagpitagang pagkatakot kay Jehova ang nagtulak kay Job upang mamuhay nang matuwid. (Job 1:1; 23:15) Ang makadiyos na takot ay tutulong sa atin na magmatiyaga sa landas na sinasang-ayunan ng Diyos anuman ang kailangan nating batahin. Gayunman, ang pagbabata ay nangangailangan ng marubdob na mga panalangin na binigkas nang may pananampalataya.—Santiago 5:15.
Manalangin Nang May Pananampalataya
13-15. (a) Bakit tayo makapananampalataya na sasagutin ang ating mga panalangin? (b) Ano ang maaaring mangyari kung hindi natin alam ang ating sasabihin sa panalangin? (c) Ilarawan kung paano tumutugma ang Awit 119:121-128 sa ating “mga daing na di-mabigkas” sa panalangin.
13 Makapananalangin tayo nang may pananampalataya na kikilos ang Diyos alang-alang sa atin. (Awit 119:121-128) Tulad ng salmista, makatitiyak tayo na sasagutin ang ating mga panalangin. Bakit? Sapagkat iniibig natin ang mga utos ng Diyos “nang higit pa kaysa sa ginto, maging sa dalisay na ginto.” Bukod diyan, ‘itinuturing nating marapat ang lahat ng pag-uutos ng Diyos tungkol sa lahat ng bagay.’—Awit 119:127, 128.
14 Dinirinig ni Jehova ang ating mga pakiusap dahil nananalangin tayo nang may pananampalataya at maingat din tayong sumusunod sa kaniyang mga pag-uutos. (Awit 65:2) Ngunit paano kung may nakalilito tayong mga problema kung minsan anupat hindi natin alam kung ano ang sasabihin sa panalangin? Kung gayon, “ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin na may mga daing na di-mabigkas.” (Roma 8:26, 27) Sa gayong mga pagkakataon, tinatanggap ng Diyos ang mga kapahayagang masusumpungan sa kaniyang Salita bilang mga panalanging kumakatawan sa ating mga pangangailangan.
15 Maraming panalangin at mga kaisipan sa Kasulatan na tumutugma sa ating “mga daing na di-mabigkas.” Halimbawa, isaalang-alang ang Awit 119:121-128. Ang paraan ng pagkakapahayag ng mga bagay-bagay rito ay maaaring angkop sa ating mga kalagayan. Halimbawa, kung nangangamba tayong madaya, maaari nating hilingin ang tulong ng Diyos sa paraang ginawa ng salmista. (Aw 119 Talata 121-123) Ipagpalagay nang kailangan nating gumawa ng napakahirap na pasiya. Kung gayon ay maaari nating ipanalangin na tulungan sana tayo ng espiritu ni Jehova na alalahanin at ikapit ang kaniyang mga paalaala. (Aw 119 Talata 124, 125) Bagaman ‘kinapopootan natin ang bawat landas ng kabulaanan,’ baka kailanganin nating hilingin sa Diyos na siya ang kumilos alang-alang sa atin upang hindi tayo madaig ng tukso na labagin ang kaniyang kautusan. (Aw 119 Talata 126-128) Kung araw-araw nating babasahin ang Bibliya, baka maisip natin ang gayong nakatutulong na mga talata kapag nagsusumamo tayo kay Jehova.
Tinutulungan ng mga Paalaala ni Jehova
16, 17. (a) Bakit natin kailangan ang mga paalaala ng Diyos, at ano ang dapat na pangmalas natin sa mga ito? (b) Ano ang maaaring isipin ng iba tungkol sa atin, ngunit ano talaga ang mahalaga?
16 Upang dinggin ang ating panalangin at tamasahin ang lingap ng Diyos, kailangan nating sundin ang mga paalaala ng Diyos. (Awit 119:129-136) Yamang malilimutin tayo, kailangan natin ang kamangha-manghang mga paalaala ni Jehova na magpapagunita sa atin ng kaniyang tagubilin at mga utos. Sabihin pa, pinahahalagahan natin ang espirituwal na liwanag na natatamasa sa bawat bagong pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. (Awit 119:129, 130) Nagpapasalamat din tayo na ‘pinasinag ni Jehova ang kaniyang mukha sa atin’ bilang pagsang-ayon, bagaman ‘mga daloy ng tubig ang tumutulo mula sa ating mga mata’ dahil nilalabag ng iba ang kaniyang kautusan.—Awit 119:135, 136; Bilang 6:25.
17 Makatitiyak tayo sa patuloy na lingap ng Diyos kung susundin natin ang kaniyang matuwid na mga paalaala. (Awit 119:137-144) Bilang mga lingkod ni Jehova, kinikilala natin na may karapatan siyang itawag-pansin sa atin ang kaniyang matuwid na mga paalaala at asahan na susundin natin ang mga utos na ito. (Awit 119:138) Yamang sinunod naman ng salmista ang mga utos ng Diyos, bakit niya kaya sinabi: “Ako ay walang-halaga at kasuklam-suklam”? (Awit 119:141) Maliwanag, tinutukoy niya ang tingin sa kaniya ng mga kaaway niya. Kung hindi natin ikokompromiso ang ating paninindigan sa katuwiran, baka hamakin tayo ng iba. Gayunman, ang talagang mahalaga ay tinitingnan tayo ni Jehova nang may paglingap dahil namumuhay tayo alinsunod sa kaniyang matuwid na mga paalaala.
Tiwasay at Payapa
18, 19. Anu-ano ang resulta ng pagsunod natin sa mga paalaala ng Diyos?
18 Nananatili tayong malapít sa Diyos dahil sa pagsunod sa mga paalaala niya. (Awit 119:145-152) Dahil nagbibigay-pansin tayo sa mga paalaala ni Jehova, nadarama nating malaya tayong makatatawag sa kaniya nang buong puso, at makaaasa tayong diringgin niya tayo. Baka magising tayo “nang maaga sa pagbubukang-liwayway” at humingi ng tulong. Napakainam ngang panahon ito para manalangin! (Awit 119:145-147) Malapít din sa atin ang Diyos dahil iniiwasan natin ang mahalay na paggawi at itinuturing nating katotohanan ang kaniyang salita, gaya ng ginawa ni Jesus. (Awit 119:150, 151; Juan 17:17) Ang ating kaugnayan kay Jehova ay nagpapalakas sa atin sa maligalig na sanlibutang ito at aakayin tayo nito hanggang sa kaniyang dakilang digmaan ng Armagedon.—Apocalipsis 7:9, 14; 16:13-16.
19 Dahil sa ating matinding paggalang sa salita ng Diyos, nagtatamasa tayo ng tunay na katiwasayan. (Awit 119:153-160) Di-tulad ng mga balakyot, ‘hindi tayo lumilihis sa mga paalaala ni Jehova.’ Iniibig natin ang mga pag-uutos ng Diyos at samakatuwid ay matiwasay tayo sa kaniyang maibiging-kabaitan. (Awit 119:157-159) Pinagagana ng mga paalaala ni Jehova ang ating memorya upang matandaan natin kung ano ang hinihiling niya sa atin sa espesipikong mga kalagayan. Sa kabilang panig, ang mga pag-uutos ng Diyos ay mga tagubilin, at agad nating kinikilala ang karapatan ng Maylalang na patnubayan tayo. Yamang batid natin na ‘ang diwa ng salita ng Diyos ay katotohanan’ at na hindi natin maitutuwid ang ating mga hakbang sa ating ganang sarili lamang, malugod nating tinatanggap ang patnubay ng Diyos.—Awit 119:160; Jeremias 10:23.
20. Bakit natin taglay ang “saganang kapayapaan”?
20 Ang ating pag-ibig sa kautusan ni Jehova ay nagdudulot sa atin ng saganang kapayapaan. (Awit 119:161-168) Hindi naaagaw sa atin ng pag-uusig ang walang katulad na “kapayapaan ng Diyos.” (Filipos 4:6, 7) Lubha nating pinahahalagahan ang hudisyal na mga pasiya ni Jehova anupat palagi natin siyang pinupuri dahil sa mga ito—‘pitong ulit sa isang araw.’ (Awit 119:161-164) “Ang saganang kapayapaan ay nauukol sa mga umiibig sa iyong kautusan,” ang awit ng salmista, “at sa kanila ay walang katitisuran.” (Awit 119:165) Kung tayo bilang mga indibiduwal ay umiibig at sumusunod sa kautusan ni Jehova, hindi tayo matitisod sa espirituwal na paraan dahil sa ginagawa ng iba o sa anupamang bagay.
21. Anu-anong maka-Kasulatang halimbawa ang nagpapakitang hindi tayo dapat matisod kapag bumangon ang mga problema sa kongregasyon?
21 Hindi pinahintulutan ng maraming indibiduwal sa rekord ng Bibliya ang anumang bagay na maging permanenteng katitisuran nila. Halimbawa, ang Kristiyanong lalaking si Gayo ay hindi natisod kundi ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’ sa kabila ng di-makadiyos na paggawi ni Diotrepes. (3 Juan 1-3, 9, 10) Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong babaing sina Euodias at Sintique na “magkaroon ng magkatulad na kaisipan sa Panginoon,” malamang na dahil nagkaroon ng problema sa pagitan nila. Maliwanag na tinulungan silang lutasin ang kanilang problema, at nagpatuloy silang maglingkod kay Jehova nang may katapatan. (Filipos 4:2, 3) Kaya hindi tayo dapat matisod kapag may bumangong problema sa loob ng kongregasyon. Ipako natin ang ating pansin sa pagtupad sa mga pag-uutos ni Jehova, anupat inaalaala na ‘ang lahat ng mga lakad natin ay nasa harap niya.’ (Awit 119:168; Kawikaan 15:3) Sa gayon ay walang anumang permanenteng makaaagaw ng ating “saganang kapayapaan.”
22. (a) Kung susundin natin ang Diyos, anong pribilehiyo ang matatamasa natin? (b) Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa ilan na umalis sa kongregasyong Kristiyano?
22 Kung lagi nating sinusunod si Jehova, magkakapribilehiyo tayo na patuloy siyang purihin. (Awit 119:169-176) Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga tuntunin ng Diyos, hindi lamang tayo nagtatamasa ng espirituwal na katiwasayan kundi ‘patuloy na nagbubukal ng papuri kay Jehova ang ating mga labi.’ (Awit 119:169-171, 174) Ito ang pinakadakilang pribilehiyo na maaari nating taglayin sa mga huling araw na ito. Nais ng salmista na patuloy na mabuhay at pumuri kay Jehova, ngunit sa di-malamang dahilan, ‘gumala-gala siyang tulad ng nawawalang tupa.’ (Awit 119:175, 176) Marahil ay iniibig pa rin ng ilang umalis sa kongregasyong Kristiyano ang Diyos at baka nais nilang purihin siya. Kung gayon, gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang tulungan silang makasumpong muli ng espirituwal na katiwasayan at maranasan ang kagalakan ng pagpuri kay Jehova kasama ng kaniyang bayan.—Hebreo 13:15; 1 Pedro 5:6, 7.
Namamalaging Liwanag sa Ating Landas
23, 24. Anu-anong pakinabang ang nakuha mo sa Awit 119?
23 Makikinabang tayo sa Awit 119 sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, matutulungan tayo nito na lalong umasa sa Diyos, sapagkat ipinakikita nito na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa ‘paglakad sa kautusan ni Jehova.’ (Awit 119:1) Ipinaaalaala sa atin ng salmista na ‘ang diwa ng salita ng Diyos ay katotohanan.’ (Awit 119:160) Tiyak na magpapasidhi ito sa ating pagpapahalaga sa lahat ng nasusulat na Salita ng Diyos. Ang pagbubulay-bulay sa Awit 119 ay dapat magpakilos sa atin na masikap na pag-aralan ang Kasulatan. Paulit-ulit na nagsumamo ang salmista sa Diyos: “Ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.” (Awit 119:12, 68, 135) Namanhik din siya: “Turuan mo ako ng kabutihan, ng katinuan at ng kaalaman, sapagkat nanampalataya ako sa iyong mga utos.” (Awit 119:66) Dapat tayong manalangin sa gayunding paraan.
24 Nagiging posible ang matalik na kaugnayan kay Jehova dahil sa pagtuturo ng Diyos. Paulit-ulit na tinawag ng salmista ang kaniyang sarili bilang lingkod ng Diyos. Sa katunayan, kinausap niya si Jehova sa makabagbag-damdaming mga salitang ito: “Ako ay sa iyo.” (Awit 119:17, 65, 94, 122, 125; Roma 14:8) Kaylaki ngang pribilehiyo na paglingkuran at purihin si Jehova bilang isa sa kaniyang mga Saksi! (Awit 119:7) Naglilingkod ka ba sa Diyos nang may kagalakan bilang tagapaghayag ng Kaharian? Kung oo, makatitiyak ka na patuloy kang aalalayan at pagpapalain ni Jehova sa pinagpalang gawaing ito kung lagi kang magtitiwala sa kaniyang salita at hahayaan mo itong maging liwanag sa iyong landas.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit natin dapat kagiliwan ang salita ng Diyos?
• Paano tayo pinalalakas ng salita ng Diyos?
• Sa anu-anong paraan tayo tinutulungan ng mga paalaala ni Jehova?
• Bakit tiwasay at payapa ang bayan ni Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 16]
Ang salita ng Diyos ay pinagmumulan ng espirituwal na liwanag
[Larawan sa pahina 17]
Kung iniibig natin ang mga paalaala ni Jehova, hinding-hindi niya tayo ituturing na “maruming linab”
[Mga larawan sa pahina 18]
Kung araw-araw nating babasahin ang Bibliya, agad nating maaalaala ang nakatutulong na mga talata kapag nananalangin tayo