Isang Kapaki-pakinabang na Pantulong sa Pagsasaling-Wika
Isang Kapaki-pakinabang na Pantulong sa Pagsasaling-Wika
NAIS ng Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, na maipahayag ang mabuting balita ng Kaharian “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Gusto niyang mabasa ng lahat ng tao ang kaniyang nasusulat na Salita. Sa layuning iyan, isinalin ang Bibliya sa mas maraming wika kaysa sa anupamang aklat sa buong daigdig. Libu-libong tagapagsalin ang nagpagal nang husto upang maisalin ang kaisipan ng Diyos sa ibang wika.
Pero ang Bibliya ay hindi lamang isang aklat na isinasalin. Napakadalas itong gamitin mismo bilang pantulong sa pagsasalin ng ibang mga akda. Inihahambing ng maraming tagapagsalin ang mga terminong ginamit sa Bibliya sa iba’t ibang wika upang magkaroon ng isang mainam na salin para sa ilang salita. Ang mga katangian ng Bibliya bilang pantulong sa pagsasaling-wika ay ginagamit na rin ngayon sa pagsasaling-wika ng computer.
Talagang mahirap para sa isang computer na magsalin. Iniisip pa nga ng ilang eksperto na hindi talaga kaya ng computer na magsalin ng wika. Bakit? Ang wika ay hindi lamang kalipunan ng mga salita. Ang bawat wika ay may sariling kombinasyon ng mga salita, tuntunin, eksepsiyon sa mga tuntuning ito, idyoma, at mga pahiwatig (allusion). Ang pagsisikap na iprograma sa isang computer ang lahat ng ito ay hindi gaanong matagumpay. Karamihan sa naging mga salin ng computer ay napakahirap maintindihan.
Subalit sa ngayon, sinusubukan ng mga siyentipiko ng computer ang bagong mga paraan ng pagsasalin, ayon kay Franz Josef Och, isang nangungunang espesyalista sa pagsasaling-wika ng computer. Ipagpalagay na gusto mong isalin ang wikang Hindi tungo sa Ingles. Una, kunin mo muna ang mga teksto na makukuha sa parehong wika. Pagkatapos ay ipasok ito sa computer. Paghahambingin ng computer ang mga tekstong ito. Halimbawa, kapag nakita ng computer na maraming beses lumilitaw ang isang salitang Hindi at sa bawat pagkakataon ay lumilitaw sa katumbas na parirala nito ang salitang Ingles para sa “bahay,” ipapasiya ng computer na ang salitang Hindi na iyon ang salita para sa “bahay.” At malaki ang posibilidad na ang
katabing mga salita nito ay mga pang-uri, gaya ng “malaki,” “maliit,” “luma,” o “bago.” Kaya ang computer ay gumagawa ng talaan ng magkakatumbas na termino at kombinasyon ng mga salita. Pagkatapos ng gayong “pagsasanay,” na maaaring tumagal lamang nang ilang araw o linggo, maikakapit na ng computer ang “natutuhan” nito sa bagong teksto. Bagaman ang resultang salin ay hindi gaanong maayos pagdating sa balarila at istilo ng pagsulat, karaniwan namang nauunawaan ito anupat naihahatid ang kahulugan at mahahalagang detalye.Ang kalidad ng salin ay nakasalalay pangunahin na sa dami at kalidad ng teksto na unang ipinasok sa computer. At dito pumapasok ang kahalagahan ng Bibliya. Maingat itong isinalin sa napakaraming wika, madaling makuha, at naglalaman ng maraming teksto. Kaya ang Bibliya ang unang pinili ng mananaliksik sa pagsasanay sa computer para sa isang bagong wika.