Kasaysayan sa Bibliya—Gaano ba Ito Katumpak?
Kasaysayan sa Bibliya—Gaano ba Ito Katumpak?
SA KANILANG aklat na Battles of the Bible, sina Chaim Herzog, dating presidente ng Estado ng Israel, at Mordechai Gichon, retiradong propesor sa arkeolohiya sa Tel Aviv University, ay nagsabi:
“Ang paglalarawan sa mga taktikang ginamit sa mga digmaang binanggit sa Bibliya . . . ay imposibleng gawa-gawa lamang. Halimbawa, sapat nang katibayan na paghambingin ang pakikidigma ni Gideon sa mga Midianita at sa mga kaalyado nito, gaya ng nakaulat sa Hukom, 6-8, at ang labanan sa Trojan War, na inilarawan naman ni Homer sa kaniyang Iliad. Sa ulat ni Homer, anumang dalampasigan at isang di-kalayuang nakukutaang bayan ay sapat na bilang heograpikong eksena . . . Hindi ganito ang pangyayaring nakaulat sa Bibliya tungkol sa pakikidigma ni Gideon. Ang detalyadong mga taktika at sagupaan batay sa interaksiyon ng partikular na mga katangian ng lugar at ng mga ikinilos ng magkalabang pangkat—sa eksena ng digmaan na sumasaklaw sa layo na halos 60 kilometro—ay talagang hindi na kayang gayahin saanmang lugar . . . Dahil dito, wala tayong magagawa kundi tanggapin ang katotohanan ng kasaysayan tungkol sa mga taktika ng digmaang inilalarawan sa Bibliya.”
Puwede mong pag-aralan ang pakikidigma ni Gideon sa pamamagitan ng mapa sa pahina 18 at 19 ng parang-atlas na brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain.’ * Nagsimula ang kasaysayan nang “ang buong Midian at Amalek at ang mga taga-Silangan ay nagtipong sama-sama na parang iisa at tumawid at nagkampo sa mababang kapatagan ng Jezreel.” Inanyayahan ni Gideon ang karatig na mga tribo upang tumulong. Naganap ang mga pangyayaring ito mula sa balon ng Harod hanggang sa burol ng More, pababa sa Libis ng Jordan. Natalo ni Gideon ang mga kaaway matapos nilang tugisin ang mga ito patawid sa Ilog Jordan.—Hukom 6:33–8:12.
Ipinakikita sa mapang iyan sa ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain’ ang binanggit na mga pangunahing lugar at ang mga katangian ng lupain. Ipinakikita naman sa isa pang mapa (pahina 15) ang mga teritoryo ng mga tribo ng Israel. Matutulungan ka ng dalawang mapang ito na makita ang katumpakan ng ulat ng Bibliya.
Inilalarawan nito ang obserbasyon ng yumaong propesor na si Yohanan Aharoni: “Sa lupain sa Bibliya, napakalaki ng kaugnayan ng heograpiya at ng kasaysayan anupat hindi talaga mauunawaan ang alinman sa dalawa kung wala ang isa.”
[Talababa]
^ par. 4 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Mapa sa likuran: Based on maps copyrighted by Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel