Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtugon sa Pangangailangan sa Macedonia

Pagtugon sa Pangangailangan sa Macedonia

Pagtugon sa Pangangailangan sa Macedonia

“TUMAWID ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” (Gawa 16:9) Ang mga pananalitang ito ng isang lalaki na nagpakita sa isang pangitain kay apostol Pablo ay nagsisiwalat ng pangangailangan na ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa isang bagong teritoryo, sa mga lunsod na ngayon ay nasa Gresya.

Sa kasalukuyang bansa ng Macedonia, mayroon lamang 1 Saksi ni Jehova sa bawat 1,840 mamamayan doon. Maraming tao ang hindi pa nakarinig ng tungkol sa Diyos na Jehova. Oo, may matinding pangangailangan na marinig ng mga tao ng bansang ito ang mensahe ng kapayapaan.​—Mateo 24:14.

Binuksan ng Diyos ang daan para matulungang matugunan ang pangangailangang iyan. Isang araw noong Nobyembre 2003, ang tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Macedonia sa Skopje ay nakatanggap ng di-inaasahang tawag sa telepono. Nagmula ito sa Macedonian Center for International Cooperation, na nag-aanyaya sa mga Saksi na maglagay ng isang displey upang ipaliwanag ang kanilang mga paniniwala sa isang tatlong-araw na eksibisyon na magsisimula sa Nobyembre 20. Kaylaking pagkakataon ito upang maabot ang libu-libong tao na hindi pa nakarinig ng mabuting balita ng Kaharian!

Masikap na nagtrabaho ang mga boluntaryo upang ihanda ang isang eksibit ng iba’t ibang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Macedoniano. Idinispley ang mga sampol ng mga literaturang ito upang makakuha ng kopya ang mga bisita kung nais nila. Ang eksibit ay nagbigay sa marami ng pagkakataong makakuha ng nakagiginhawang espirituwal na tubig nang walang bayad.​—Apocalipsis 22:17.

Partikular na nais ng mga bisita ang mga publikasyong nakaaapekto sa kanilang buhay, gaya ng Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas * at Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. * Siyamnapu’t walong tao ang nagbigay ng kanilang mga adres, anupat humihiling na dalawin sila ng mga Saksi ni Jehova. Marami ang positibong nagkomento hinggil sa mainam na gawain ng mga Saksi ni Jehova at sa kalidad ng mga literatura.

Isang lalaki na akay ang kaniyang maliit na anak na lalaki ang lumapit sa eksibit. Nagtanong ang ama kung may literatura ba para sa mga bata. Ipinakita sa kaniya ng mga Saksi ang publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. * Tiningnan niya ito at natutuwang nagtanong kung magkano ito. Nang marinig niyang ang gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova ay lubusang sinusuportahan ng boluntaryong mga donasyon, lalo siyang natuwa. (Mateo 10:8) Ipinakita niya ang aklat sa kaniyang anak at sinabi: “Napakagandang aklat nito! Babasahan ka ni Daddy ng isang kuwento bawat araw!”

Isang propesor ng pilosopiya ang lumapit sa eksibit. Lubha siyang interesado sa relihiyon sa pangkalahatan ngunit lalo na sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Habang tinitingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, * ganito ang sinabi ng propesor: “Napakalohikal ng paghaharap ng materyal na ito! Ganiyang-ganiyan ang naisip kong paraan kung paano ito dapat iharap.” Nang maglaon, ilan sa mga estudyante sa kaniyang paaralan ang nagpunta sa eksibit at nagtanong kung puwede silang magkaroon ng sariling kopya ng aklat na nakuha ng propesor. Nais nilang pag-aralan ang aklat ding iyon. Iniisip nila na baka gamitin niya ang materyal sa kaniyang pagtuturo ng mga aralin.

Ang eksibit ay nagbigay sa ilang tao ng kanilang kauna-unahang pagkakataon na makabasa at makarinig ng mga katotohanan sa Kasulatan. Isang grupo ng mga tin-edyer na bingi ang lumapit upang tumingin-tingin. Isa sa mga Saksi ang nagbigay sa kanila ng maikling pahayag, sa tulong ng isang batang babae na nag-interprete nito sa wikang pasenyas. Gamit ang mga ilustrasyon mula sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, * ipinaliwanag niya na pinagaling ni Jesus ang maysakit, pati na ang bingi. Natuwa silang “marinig” ang pangako ng Bibliya na malapit nang gawin ni Jesus ang gayunding bagay sa mga taong nabubuhay sa lupa sa ating panahon. Ilan sa kanila ang masayang tumanggap ng salig-Bibliyang mga literatura, at isinaayos na dalawin sila ng isang Saksi na nakaaalam ng wikang pasenyas.

Bukod sa wikang Macedoniano, makukuha rin ang mga literatura sa Albaniano, Ingles, at Turkiyano. Isang lalaki na hindi nagsasalita ng Macedoniano ang humiling ng ilang literatura sa Ingles. Matapos tumanggap ng mga isyu ng magasing Bantayan at Gumising!, binanggit niya na nagsasalita siya ng Turkiyano. Nang ipakita sa kaniya ang mga literatura sa kaniyang sariling wika, hindi siya makapaniwala! Nakita niyang nais ng mga Saksi ni Jehova na matulungan ang lahat.

Kay-inam na patotoo ang naibigay sa pagkakataong iyon, at nakapagpapasiglang makita ang napakaraming tao na nagpamalas ng interes sa katotohanan sa Bibliya! Oo, binuksan ni Jehova ang daan para lalo pang mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian sa Macedonia.

[Mga talababa]

^ par. 6 Lahat ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 6 Lahat ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 7 Lahat ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 8 Lahat ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 9 Lahat ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

ISANG MAHALAGANG PANGYAYARI!

Ang mga pagsisikap na palaganapin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay nagkaroon ng malaking pagsulong noong Mayo 17, 2003. Inialay ang isang tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Skopje. Dalawang taon ang ginugol sa konstruksiyon, anupat pinalawak nang apat na ulit ang mga dating pasilidad.

May tatlong magkakahiwalay na gusali na kinaroroonan ng tanggapang pampangasiwaan at ng tanggapan ng pagsasaling-wika gayundin ng mga tirahan, isang kusina, at isang palabahan. Si Guy Pierce, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay. Dumalo sa programa ng pag-aalay ang mga bisita mula sa sampung iba’t ibang bansa. Tuwang-tuwa ang lahat na makita ang magaganda at bagong mga gusali.

[Mapa sa pahina 8, 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BULGARIA

MACEDONIA

Skopje

ALBANIA

GRESYA

[Larawan sa pahina 8]

Skopje, Macedonia