Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagaman Mahina, Ako ay Malakas

Bagaman Mahina, Ako ay Malakas

Bagaman Mahina, Ako ay Malakas

AYON SA SALAYSAY NI LEOPOLD ENGLEITNER

Hinugot ng opisyal ng SS ang kaniyang baril, itinutok sa aking ulo, at saka nagtanong: “Handa ka na bang mamatay? Babarilin na kita dahil wala ka na talagang pag-asa.” “Handa na ako,” ang sabi ko, anupat sinisikap kong pakalmahin ang aking tinig. Inihanda ko ang aking sarili, ipinikit ang aking mga mata, at hinintay kong kalabitin niya ang gatilyo, ngunit walang nangyari. “Napakahangal mo pa nga para mamatay!” ang sigaw niya, at inalis ang baril sa aking sentido. Paano ako nasadlak sa gayon kapanganib na situwasyon?

ISINILANG ako noong Hulyo 23, 1905, sa bayan ng Aigen-Voglhub, na nasa Austrian Alps. Ang aking ama ay isang manggagawa sa lagarian at ang aking ina naman ay anak ng isang magsasakang tagaroon at ako ang kanilang panganay na lalaki. Mahirap lamang ang aking mga magulang ngunit masisipag sila. Ginugol ko ang panahon ng aking pagkabata sa Bad Ischl, malapit sa Salzburg, na napalilibutan ng magagandang lawa at makapigil-hiningang mga bundok.

Noong bata pa ako, madalas kong pag-isipan ang mga kawalang-katarungan sa buhay, hindi lamang dahil sa mahirap ang aming pamilya kundi dahil na rin sa ipinanganak akong baluktot ang gulugod anupat nagpahirap ito sa akin. Dahil sa sakit na dulot ng ganitong karamdaman sa aking likod, halos hindi na ako makatayo nang tuwid. Sa paaralan, hindi ako pinahintulutang makibahagi sa himnastiko at bunga nito ay naging tampulan ako ng panunuya ng aking mga kaklase.

Nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig I, noong malapit na akong mag-14 anyos, ipinasiya kong panahon na para maghanap ako ng trabaho nang sa gayon ay makalaya na ako sa karalitaan. Palaging kumakalam ang sikmura ko dahil sa gutom, at pinahina ako ng manaka-nakang pagkakaroon ng mataas na lagnat bunga ng trangkaso Espanyola, na ikinamatay na ng milyun-milyong tao noon. “Anong trabaho ang maibibigay namin sa isang lampang gaya mo?” ang tugon ng karamihan sa mga magsasaka kapag naghahanap ako ng mapapasukang trabaho. Gayunman, tinanggap ako ng isang mabait na magsasaka.

Nasabik sa Pag-ibig ng Diyos

Bagaman debotong Katoliko si Inay, bihira akong magsimba, pangunahin na dahil sa liberal na pangmalas ng aking ama hinggil sa relihiyosong mga bagay. Ngunit ako ay nabagabag sa pagsamba sa mga imahen na talagang malawakang isinasagawa sa Simbahang Romano Katoliko.

Isang araw noong Oktubre 1931, nakiusap sa akin ang isang kaibigan na samahan ko siyang dumalo sa isang relihiyosong pulong na idaraos ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Doon, natanggap ko ang salig-Bibliyang mga sagot sa mahahalagang tanong, tulad ng: Nakalulugod ba sa Diyos ang pagsamba sa imahen? (Exodo 20:4, 5) Mayroon nga bang maapoy na impiyerno? (Eclesiastes 9:5) Bubuhayin pa kayang muli ang mga patay?​—Juan 5:28, 29.

Higit kong hinangaan ang bagay na hindi kinukunsinti ng Diyos ang madugong mga digmaan ng tao, kahit na sinasabi pang ipinaglalaban ito alang-alang sa Kaniyang pangalan. Natutuhan ko na ang “Diyos ay pag-ibig” at mayroon siyang dakilang pangalan, Jehova. (1 Juan 4:8; Awit 83:18) Tuwang tuwa akong malaman na sa pamamagitan ng Kaharian ni Jehova, ang mga tao ay maaaring mabuhay magpakailanman sa kaligayahan sa isang pambuong-daigdig na paraiso. Nalaman ko rin ang kahanga-hangang pag-asa na iniaalok sa ilang di-sakdal na tao na pinili ng Diyos upang makasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Handa kong ibigay ang lahat para sa Kahariang iyan. Kaya noong Mayo 1932, nabautismuhan ako at naging isang Saksi ni Jehova. Kailangan ang lakas ng loob para magawa ang gayong hakbang, yamang nangingibabaw ang kawalang-pagpaparaya sa relihiyon sa Austria na saradong Katoliko nang panahong iyon.

Pagharap sa Pag-alipusta at Pagsalansang

Galit na galit ang aking mga magulang nang tumiwalag ako sa simbahan, at mabilis na ikinalat ng pari ang balitang ito mula sa pulpito. Dinuduraan ng aming mga kapitbahay ang lupa sa harap ko upang ipakita ang kanilang pag-alipusta. Gayunpaman, determinado akong mapabilang sa buong-panahong mga ministro, at nagsimula akong magpayunir noong Enero 1934.

Lalong umiigting noon ang situwasyon sa pulitika dahil higit na lumalakas ang impluwensiya ng partidong Nazi sa aming probinsiya. Noong nagpapayunir ako sa Styrian Valley sa Enns, lagi akong tinutugis ng mga pulis, at kailangan kong maging ‘maingat na gaya ng serpiyente.’ (Mateo 10:16) Mula 1934 hanggang 1938, naging bahagi na ng aking pang-araw-araw na pamumuhay ang pag-uusig. Bagaman wala akong trabaho, ipinagkait sa akin ang pensiyon para sa mga walang trabaho, at ilang ulit akong sinentensiyahang mabilanggo nang sandaling panahon at apat na ulit na ibinilanggo nang mas mahabang panahon dahil sa aking gawaing pangangaral.

Sinakop ng mga Hukbo ni Hitler ang Austria

Noong Marso 1938, sinakop ng mga hukbo ni Hitler ang Austria. Sa loob lamang ng ilang araw, mahigit 90,000 katao​—mga 2 porsiyento ng populasyon ng mga adulto​—ang inaresto at dinala sa mga bilangguan at mga kampong piitan, anupat inakusahang sumasalansang sa rehimeng Nazi. Waring nakahanda ang mga Saksi ni Jehova sa mangyayari. Noong tag-araw ng 1937, nagbisikleta nang 350 kilometro patungong Prague ang ilang miyembro ng unang kongregasyon na kinaaniban ko upang daluhan ang isang internasyonal na kombensiyon. Doon nila narinig ang kalupitang ipinaranas sa ating mga kapananampalataya sa Alemanya. Maliwanag, kami naman ngayon ang makararanas nito.

Mula nang sakupin ng mga hukbo ni Hitler ang Austria, napilitan na ang mga Saksi ni Jehova na isagawa nang palihim ang kanilang mga pagpupulong at gawaing pangangaral. Bagaman naipupuslit ang mga literatura sa Bibliya mula sa hanggahan ng Switzerland, hindi pa rin ito sapat para sa lahat. Kaya palihim na gumagawa ng literatura ang mga kapuwa Kristiyano sa Vienna. Madalas akong maglingkod bilang mensahero, na naghahatid ng mga literatura sa mga Saksi.

Pagtungo sa Isang Kampong Piitan

Noong Abril 4, 1939, kami ng tatlo pang kapuwa Kristiyano ay inaresto ng Gestapo samantalang ipinagdiriwang namin ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa Bad Ischl. Isinakay kaming lahat sa kotse patungo sa himpilan ng mga pulis ng Estado sa Linz. Iyon ang kauna-unahan kong pagsakay ng kotse, ngunit hindi ako nasiyahan dahil masyado akong balisa noon. Sa Linz, pinahirapan ako ng sunud-sunod na pagtatanong, ngunit hindi ko itinakwil ang aking pananampalataya. Makalipas ang limang buwan, iniharap ako sa tagapagsiyasat na hukom sa Upper Austria. Sa di-inaasahan, itinigil ang paglilitis sa akin; subalit hindi iyon ang wakas ng aking paghihirap. Samantala, ang tatlong kasama ko ay ipinadala sa mga kampong piitan, kung saan sila namatay, anupat nanatiling tapat hanggang sa wakas.

Nanatili akong nakapiit, at noong Oktubre 5, 1939, ipinabatid sa akin na ililipat ako sa kampong piitan sa Buchenwald, Alemanya. Kaming mga bilanggo ay hinintay ng isang pantanging tren sa istasyon nito sa Linz. Ang bawat isa sa mga bagon ay may mga selda para sa dalawang tao. Ang lalaking nakasama ko sa selda ay walang iba kundi ang dating gobernador ng Upper Austria, si Dr. Heinrich Gleissner.

Nagkaroon kami ng kawili-wiling pag-uusap ni Dr. Gleissner. Talagang interesado siya sa aking kalagayan at ikinagulat niya na maging noong panahon ng kaniyang panunungkulan, napaharap na ang mga Saksi ni Jehova sa napakaraming usapin sa hukuman sa kaniyang probinsiya. Malungkot niyang sinabi: “Mr. Engleitner, hindi ko na maitutuwid ang nagawang mali, ngunit gusto ko talagang humingi ng paumanhin. Waring nagkamali ang aming pamahalaan sa paglalapat ng katarungan. Sakaling mangailangan kayo ng anumang tulong, lubos akong malulugod na tumulong.” Muli nga kaming nagkita pagkatapos ng digmaan. Tinulungan niya akong makatanggap mula sa pamahalaan ng kabayaran sa pagreretiro para sa mga biktima ng Nazi.

“Babarilin na Kita”

Noong Oktubre 9, 1939, dumating ako sa kampong piitan ng Buchenwald. Di-nagtagal pagkatapos noon, ipinabatid sa tagapangasiwa ng bilangguan na kabilang ang isang Saksi sa mga bagong datíng, at ako ang pinag-initan niya. Walang-awa niya akong pinagbubugbog. Pagkatapos, nang kaniyang matanto na hindi niya ako mapipilit na itakwil ang aking pananampalataya, sinabi niya: “Babarilin na kita, Engleitner. Ngunit bago ko gawin iyon, pasusulatin muna kita ng isang kard ng pamamaalam sa iyong mga magulang.” Nag-isip ako ng nakaaaliw na mga salitang maisusulat ko para sa aking mga magulang, ngunit sa tuwing sisimulan ko na ang pagsulat, binabalya niya ang aking siko, anupat hindi ako makasulat nang mahusay. Nangutya siya: “Hangal talaga ito! Ni hindi siya makasulat ng dalawang tuwid na linya. Ngunit hindi iyon nakapagpahinto sa kaniya na magbasa ng Bibliya, hindi ba?”

Pagkatapos ay hinugot ng tagapangasiwa ang kaniyang baril, itinutok ito sa aking ulo, at pinapaniwala ako na kakalabitin na niya ang gatilyo, gaya ng inilahad ko sa pambungad ng salaysay na ito. Pagkatapos, pinagtulakan niya ako sa isang maliit at siksikang selda. Kinailangan kong palipasin ang gabi nang nakatayo. Kung sa bagay, hindi naman ako makatulog dahil masakit ang buong katawan ko. Ang tanging “pang-aliw” na ibinigay naman ng mga kasama ko sa selda ay ganito: “Talagang sayang kung mamamatay ka dahil lamang sa walang-kuwentang relihiyon!” Nasa kabilang selda noon si Dr. Gleissner. Narinig niya ang nangyari at nababahalang nagsabi, “Muli na namang nagsisimula ang pag-uusig sa mga Kristiyano!”

Noong tag-araw ng 1940, inutusan ang lahat ng bilanggo na magtrabaho sa tibagan sa isang Linggo, bagaman karaniwan nang nagpapahinga kami kapag Linggo. Parusa ito sa “maling paggawi” ng ilang bilanggo. Inutusan kaming buhatin ang malalaking bato mula sa tibagan tungo sa kampo. Sinisikap ng dalawang bilanggo na ipatong sa aking likod ang isang napakalaking bato, at halos mabuwal ako dahil sa bigat nito. Gayunman, sa di-inaasahan, sumaklolo sa akin si Arthur Rödl, ang kinatatakutang Lagerführer (superbisor ng kampo). Nang makita niyang hirap na hirap ako sa pagbuhat sa bato, sinabi niya sa akin: “Hindi ka makababalik sa kampo na pasan ang batong iyan sa likod mo! Ibaba mo iyan, ngayon din!” Tuwang-tuwa ko namang sinunod ang utos na iyon. Pagkatapos ay itinuro ni Rödl ang isang mas maliit na bato, na sinasabi: “Buhatin mo ang isang iyon, at dalhin mo sa kampo. Mas madaling buhatin iyan!” Pagkatapos nito, bumaling siya sa aming superbisor at nag-utos: “Pauwiin na ninyo ang mga Estudyante ng Bibliya sa kanilang mga baraks. Sapat na ang kanilang nagawa para sa isang araw!”

Sa katapusan ng bawat araw ng pagtatrabaho, lagi akong natutuwa na makasama ang aking espirituwal na pamilya. May mga kaayusan kami sa pamamahagi ng espirituwal na pagkain. Isusulat ng isang kapatid na lalaki ang isang teksto sa Bibliya sa isang piraso ng papel at ipapasa ito sa iba. Naipuslit din ang isang Bibliya sa loob ng kampo. Pinilas-pilas ito at hinati-hati sa tig-iisang aklat. Sa loob ng tatlong buwan, ipinagkatiwala sa akin ang aklat ng Job. Itinago ko ito sa aking mga medyas. Tinulungan ako ng ulat ni Job na manatiling matatag.

Sa wakas, noong Marso 7, 1941, kabilang ako sa isinakay sa malaking grupo ng mga sasakyan na maglilipat sa amin sa kampong piitan sa Niederhagen. Lumulubha ang aking kalusugan araw-araw. Isang araw, kami ng dalawa pang kapatid na lalaki ay inutusang mag-impake ng mga kasangkapan sa malalaking kahon. Matapos gawin iyon, sinamahan namin ang iba pang bilanggo pabalik sa mga baraks. Napansin ng isang tauhan ng SS na nahuhuli ako. Gayon na lamang ang kaniyang galit anupat buong-kalupitan niya akong sinipa sa likod nang basta-basta na lamang, anupat malubha akong napinsala. Napakasakit ng naramdaman ko, ngunit sa kabila ng kirot ay nagtrabaho pa rin ako kinabukasan.

Di-inaasahang Paglaya

Noong Abril 1943, sa wakas ay nilisan namin ang kampo sa Niederhagen. Pagkatapos nito, inilipat ako sa kampong bitayan sa Ravensbrück. Sumunod, noong Hunyo 1943, hindi ko inaasahan na aalukan ako ng pagkakataong makalaya mula sa kampong piitan. Sa pagkakataong ito, ang pagpapalaya ay hindi depende sa pagtatakwil sa aking pananampalataya. Kailangan lamang na sumang-ayon akong magtrabaho nang sapilitan sa isang bukirin hangga’t ako ay nabubuhay. Handa kong gawin iyon makalaya lamang ako sa nakatatakot na mga kalagayan sa loob ng kampo. Nagpunta ako sa doktor ng kampo para sa huling pagpapatingin. Nagulat ang doktor nang makita ako. “Aba, Saksi ni Jehova ka pa rin hanggang ngayon!” ang bulalas niya. “Tama po kayo, Mr. Doktor,” ang sagot ko. “Kung gayon, wala akong nakikitang dahilan para palayain ka namin. Sa kabilang panig naman, kaylaking ginhawa namin kung mawawala ang isang miserableng tao na gaya mo.”

Hindi nga pagmamalabis ang paglalarawan niya. Talagang napakakritikal noon ng kalagayan ng kalusugan ko. Kinain na ng mga kuto ang ilang bahagi ng aking balat, nabingi ang isa kong tainga dahil sa pambubugbog, at punô ng nagnanaknak na sugat ang buong katawan ko. Matapos pagkaitan ng mga pangangailangan, gutumin nang walang katapusan, at sapilitang pagtrabahuhin sa loob ng 46 na buwan, 28 kilo na lamang ang naging timbang ko. Samantalang nasa gayong kalagayan, pinalaya ako mula sa Ravensbrück noong Hulyo 15, 1943.

Isinakay ako sa tren pabalik sa aking tinubuang-bayan nang walang guwardiyang nagbabantay sa akin, at nagtungo ako sa himpilan ng mga Gestapo sa Linz. Ibinigay ng opisyal ng Gestapo ang mga papeles para sa aking paglaya at binabalaan ako: “Kung iniisip mo na pinalalaya ka namin para makapagpatuloy ka sa iyong palihim na gawain, nagkakamali ka! Diyos na ang bahala sa iyo kapag nahuli ka naming nangangaral.”

Sa wakas ay nakauwi ako! Walang binago ang aking ina sa aking silid mula nang una akong maaresto, noong Abril 4, 1939. Kahit ang Bibliya ko ay nakabukas pa rin sa mesang nasa tabi ng aking kama! Lumuhod ako at taos-pusong nanalangin ng pasasalamat.

Di-nagtagal ay inatasan akong magtrabaho sa isang bukirin sa bundok. Sinuwelduhan pa nga ako ng magsasakang kababata ko, bagaman hindi siya obligadong gawin iyon. Bago ang digmaan, pinahintulutan ako ng kababata kong ito na magtago ng ilang literatura sa Bibliya sa kaniyang bakuran. Natutuwa akong gamitin sa kapaki-pakinabang na paraan ang maliit na imbakang iyon ng literatura upang mapanumbalik ang aking espirituwal na lakas. Natustusan ang lahat ng pangangailangan ko, at determinado akong hintayin ang pagtatapos ng digmaan sa bukiring iyon.

Pagtatago sa Kabundukan

Subalit hindi nagtagal ang payapang mga araw na iyon ng pagiging isang malaya. Noong kalagitnaan ng Agosto 1943, inutusan akong makipagkita sa isang doktor ng militar para sa medikal na pagsusuri. Sa simula, ipinahayag niya na hindi ako maaaring makibahagi sa aktibong serbisyo dahil masama ang lagay ng likod ko. Gayunman, makalipas lamang ang isang linggo, binaligtad ng doktor ding iyon ang kaniyang mga pagsusuri na kababasahan ng ganito: “Maaaring makibahagi sa aktibong serbisyo sa unahan ng labanan.” Hindi ako kaagad natunton ng hukbo, ngunit noong Abril 17, 1945, noong malapit nang magwakas ang digmaan, natagpuan din nila ako. Sapilitan akong inutusan na maglingkod sa unahan ng labanan.

Dala ang kaunting panustos at isang Bibliya, nagtago ako sa kalapit na kabundukan. Sa simula, nakakatulog ako kahit walang silungan, ngunit pumangit ang lagay ng panahon, at kalahating metro ang kapal ng bumagsak na niyebe. Basang-basa ako noon. Narating ko ang isang kabin sa bundok na nasa taas na halos 1,200 metro mula sa kapantayan ng dagat. Palibhasa’y giniginaw, nagpaningas ako ng apoy sa apuyan, at nakapagpainit naman ako at napatuyo ko ang aking damit. Dahil sa pagod, nakatulog ako sa isang bangkô sa harapan ng apuyan. Di-nagtagal, bigla akong nagising dahil sa matinding kirot. Nasusunog ang damit ko! Nagpagulung-gulong ako sa sahig upang patayin ang apoy. Napuno ng paltos ang buong likuran ko.

Kahit na napakapanganib, palihim akong nagbalik sa bukirin sa bundok bago magbukang-liwayway, ngunit ang asawa ng magsasaka ay takot na takot anupat pinalayas ako, at sinabing pinaghahanap na ako. Kaya nagpunta ako sa aking mga magulang. Sa simula, maging ang aking mga magulang ay nag-atubiling patuluyin ako, ngunit sa wakas ay pinahintulutan nila akong matulog sa atik na imbakan ng dayami, at ginamot ni Inay ang aking mga sugat. Subalit makalipas ang dalawang araw, talagang hindi na mapakali ang aking mga magulang anupat naipasiya kong mas makabubuti kung magtatago akong muli sa kabundukan.

Noong Mayo 5, 1945, nagising ako sa malakas na ingay. Nakita kong mababa ang lipad ng mga eroplanong Allied. Nang sandaling iyon, alam kong bumagsak na ang rehimen ni Hitler! Pinalakas ako ng espiritu ni Jehova upang mabata ang di-kapani-paniwalang pahirap. Naranasan ko ang katotohanan ng mga salitang nakaulat sa Awit 55:22, na labis na nakaaliw sa akin sa pasimula pa lamang ng mga pagsubok sa akin. ‘Inihagis ko ang aking pasanin kay Jehova,’ at bagaman mahina ako sa pisikal, pinalakas niya ako habang lumalakad ako sa “libis ng matinding karimlan.”​—Awit 23:4.

Ang Kapangyarihan ni Jehova ay “Pinasasakdal sa Kahinaan”

Matapos ang digmaan, unti-unting nagbalik sa normal ang aking buhay. Sa simula, nagtrabaho ako bilang upahang manggagawa sa bukirin ng aking kaibigang magsasaka na nasa bundok. Napalaya lamang ako sa aking obligasyong sapilitang magsaka hangga’t ako ay nabubuhay nang mamagitan ang sumasakop na hukbo ng Estados Unidos noong Abril 1946.

Nang magwakas ang digmaan, ang mga kapatid na Kristiyano sa Bad Ischl at sa distrito sa palibot ay nagsimulang magpulong nang regular. Nagsimula silang mangaral taglay ang panibagong sigasig. Binigyan ako ng trabaho bilang panggabing bantay sa isang pabrika at dahil dito’y nakapagpatuloy ako sa pagpapayunir. Nang dakong huli, nanirahan ako sa lugar ng St. Wolfgang, at noong 1949, pinakasalan ko si Theresia Kurz, na may anak na babae sa una niyang asawa. Magkasama kami sa loob ng 32 taon hanggang sa mamatay ang aking mahal na asawa noong 1981. Inalagaan ko siya nang mahigit na pitong taon.

Nang mamatay si Theresia, ipinagpatuloy ko ang paglilingkod bilang payunir, na nakatulong naman sa akin upang maibsan ang labis na pangungulila. Sa kasalukuyan, naglilingkod ako bilang payunir at elder sa aming kongregasyon sa Bad Ischl. Yamang lagi akong nasa silyang de-gulong, nag-aalok ako ng mga literatura sa Bibliya at nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa pag-asa ng Kaharian sa parke ng Bad Ischl o sa harap ng aking bahay. Malaking kagalakan ang natatamasa ko sa maiinam na pakikipagtalakayan sa Bibliya.

Sa pagbabalik-tanaw, mapatutunayan ko na hindi ako naghihinanakit sa kahila-hilakbot na mga karanasang sapilitang dinanas ko. Siyempre pa, may mga panahon ding nanlumo ako dahil sa mga pagsubok. Gayunman, tinulungan ako ng aking matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova na mapagtagumpayan ang gayong mahihirap na panahon. Naging totoo rin sa buhay ko ang payo ng Panginoon kay Pablo, “Ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Ngayon, sa edad na halos 100, kaisa ako ni apostol Pablo sa pagsasabi: “Nalulugod ako sa mga kahinaan, sa mga insulto, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig at mga kahirapan, para kay Kristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.”​—2 Corinto 12:9, 10.

[Mga larawan sa pahina 25]

Dinakip ng mga Gestapo, Abril 1939

Dokumento ng Gestapo na may mga paratang, Mayo 1939

[Credit Line]

Dalawang larawan: Privatarchiv; B. Rammerstorfer

[Larawan sa pahina 26]

Naglaan ng kanlungan ang kalapit na kabundukan

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Foto Hofer, Bad Ischl, Austria