Lakas ng Loob sa Harap ng Pagsalansang
Lakas ng Loob sa Harap ng Pagsalansang
PUWERSAHANG pinapasok ng galít na pangkat ng mga mang-uumog sina Gayo at Aristarco, ang dalawang kasamahan ni apostol Pablo, sa dulaan ng Efeso. Doon, dalawang oras na isinisigaw ng galít na pulutong: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” (Gawa 19:28, 29, 34) Nanatili bang matatag ang mga kasamahan ni Pablo sa harap ng pagsalansang na ito? At paano ba nagsimula ang ganitong situwasyon?
Matagumpay na nangaral si Pablo sa lunsod ng Efeso sa loob ng mga tatlong taon. Dahil dito, maraming taga-Efeso ang hindi na sumamba sa mga idolo. (Gawa 19:26; 20:31) Ang karaniwang idolo ng Efeso ay isang maliit na dambanang pilak ni Artemis, ang diyosa ng pag-aanak, na ang maringal na templo ay nakatunghay sa lunsod. Ang maliliit na kawangis na ito ng templo ay isinusuot bilang anting-anting o idinidispley sa mga tahanan. Siyempre pa, hindi bibili ang mga Kristiyano ng gayong mga idolo.—1 Juan 5:21.
Naniniwala si Demetrio, isa sa mga panday-pilak, na nanganganib ang kanilang malakas na negosyo dahil sa ministeryo ni Pablo. Sa pamamagitan ng pagsasabi ng bahagyang mga katotohanan at pagpapalabis, kinumbinsi niya ang bihasang mga kamanggagawa na ang mga tao sa buong Asia Minor ay hindi na sasamba balang araw kay Artemis. Nang magsimulang sumigaw ng papuri kay Artemis ang galít na mga panday-pilak, nagkaroon ng matinding kaguluhan anupat napuno ng kalituhan ang buong lunsod.—Gawa 19:24-29.
Libu-libong tao ang nagtipon sa dulaan, na makapagpapaupo ng 25,000 manonood. Ninais ni Pablo na kausapin ang magulong pangkat ng mga mang-uumog, subalit kinumbinsi siya ng palakaibigang mga opisyal na huwag nang kausapin ang mga ito. Sa wakas, napatahimik ng tagapagtala ng lunsod ang pulutong, at nakatakas nang walang pinsala sina Gayo at Aristarco.—Gawa 19:35-41.
Sa ngayon, maaari ring mapaharap ang bayan ng Diyos sa mga mananalansang at sa mga kaguluhan pa nga habang isinasagawa nila ang kanilang ministeryo. Madalas silang nangangaral ng mabuting balita sa mga lunsod kung saan laganap ang idolatriya, imoralidad, at pagkadelingkuwente. Sa kabila nito, lakas-loob nilang tinutularan si apostol Pablo, na ‘hindi ipinagkait ang pagtuturo nang hayagan at sa bahay-bahay’ sa lunsod ng Efeso. (Gawa 20:20) At nagsasaya rin sila kapag nakikita nilang ‘patuloy na lumalago at nananaig ang salita ni Jehova.’—Gawa 19:20.
[Larawan sa pahina 30]
Mga guho ng dulaan sa Efeso