Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit isinulat ni Pablo hinggil sa isang Kristiyanong asawang babae: “Maiingatan siyang ligtas sa pamamagitan ng pag-aanak”?—1 Timoteo 2:15.
Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo ayon sa isinisiwalat ng konteksto ng talatang ito? Sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu, nagpapayo siya tungkol sa papel ng Kristiyanong babae sa kongregasyon. Sumulat siya: “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” (1 Timoteo 2:9, 10) Hinihimok ni Pablo ang kaniyang Kristiyanong mga kapatid na babae na maging mahinhin, maging timbang sa pagpili ng personal na kagayakan, at ‘magayakan’ ng mabubuting gawa.
Sumunod, ipinaliwanag ni Pablo ang kaayusan ng pagkaulo sa kongregasyon, na sinasabi: “Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo, o magkaroon ng awtoridad sa lalaki, kundi tumahimik.” (1 Timoteo 2:12; 1 Corinto 11:3) Ipinaliliwanag niya ang saligan para sa kaayusang ito sa pamamagitan ng pagsasabing bagaman si Adan ay hindi nalinlang ni Satanas, si Eva ay “lubusang nalinlang at nahulog sa pagsalansang.” Paano maiiwasan ng isang Kristiyanong babae na magkasala gaya ni Eva? Ganito ang sagot ni Pablo: “Gayunman, maiingatan siyang ligtas sa pamamagitan ng pag-aanak, kung mananatili sila sa pananampalataya at pag-ibig at pagpapabanal kasama ng katinuan ng pag-iisip.” (1 Timoteo 2:14, 15) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo sa mga pananalitang ito?
Waring ipinahihiwatig ng ilang tagapagsalin na ang kaligtasan ng isang babae ay depende sa kaniyang pagsisilang ng anak. Halimbawa, ganito ang sabi ng Magandang Balita Bibliya: “Maliligtas ang babae dahil sa pagsisilang ng sanggol.” Gayunman, hindi tumpak ang interpretasyong ito sa mga salita ni Pablo. Ipinakikita ng maraming kasulatan na upang maligtas, dapat makilala ng isang tao si Jehova, maniwala kay Jesus, at manampalataya, anupat ipinakikita ang pananampalatayang iyan sa pamamagitan ng mga gawa. (Juan 17:3; Gawa 16:30, 31; Roma 10:10; Santiago 2:26) Karagdagan pa, hindi ibig sabihin ni Pablo na garantisadong ligtas ang panganganak ng mga babaing nananampalataya. Ligtas na nakapagsisilang ng anak ang mga babae sila man ay mga mananampalataya o hindi. At nakalulungkot nga, ang ilan ay namamatay sa panganganak, sila man ay mananampalataya o hindi.—Genesis 35:16-18.
Tinutulungan tayo ng karagdagang payo ni Pablo tungkol sa mga babae sa dakong huli ng sulat ding ito upang maunawaan ang ibig niyang sabihin. Binabalaan niya ang ilang nakababatang babaing balo na “walang pinagkakaabalahan, nagpapalipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lamang walang pinagkakaabalahan, kundi mga tsismosa rin naman at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, na nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat.” Ano ang payo ni Pablo? Siya’y nagpatuloy: “Kaya nga nais kong ang mga nakababatang babaing balo ay mag-asawa, magsipag-anak, mamahala ng isang sambahayan, huwag magbigay ng pangganyak sa sumasalansang upang manlait.”—1 Timoteo 5:13, 14.
Itinatampok ni Pablo ang mabuting papel ng mga babae sa kaayusang pampamilya. Palibhasa’y abala sa mga gawaing gaya ng ‘pag-aanak at pamamahala sa isang sambahayan,’ ang isang babae na nananatili “sa pananampalataya at pag-ibig at pagpapabanal kasama ng katinuan ng pag-iisip” ay hindi mahihilig sa paggawi na hindi nakapagpapatibay. Ang kaniyang espirituwalidad ay mapananatili, o ‘maiingatang ligtas.’ (1 Timoteo 2:15) Ang paggawa nito ay tutulong sa maraming nakababatang kababaihan na maiwasan ang mga silo ni Satanas.
Ang mga salita ni Pablo kay Timoteo ay nagpapaalaala sa ating lahat, mga lalaki at babae, na maging abala sa kapaki-pakinabang na paraan. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa lahat ng mga Kristiyano: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong.”—Efeso 5:15.