Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ikalawang Samuel
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ikalawang Samuel
ANG pagkilala ba sa soberanya ni Jehova ay humihiling ng ating sakdal na pagsunod? Palagi bang ginagawa ng taong matapat kung ano ang tama sa paningin ng Diyos? Anong uri ng indibiduwal ang nasusumpungan ng tunay na Diyos na “kalugud-lugod sa kaniyang puso”? (1 Samuel 13:14) Kasiya-siya ang mga sagot ng aklat ng Bibliya na Ikalawang Samuel sa mga tanong na ito.
Ang Ikalawang Samuel ay isinulat nina Gad at Natan, dalawang propetang malapít kay Haring David ng sinaunang Israel. * Natapos ito noong mga 1040 B.C.E., sa pagtatapos ng 40-taóng paghahari ni David, at ang aklat ay pangunahin nang tungkol kay David at sa kaniyang kaugnayan kay Jehova. Inilalahad ng kapana-panabik na ulat na ito kung paano naging maunlad at nagkakaisang kaharian sa ilalim ng magiting na hari ang isang bansang giniyagis ng alitan. Ang makapigil-hiningang drama ay punung-puno ng damdaming napakasidhi ang pagkakapahayag.
SI DAVID AY “DUMAKILA NANG DUMAKILA”
Ang reaksiyon ni David sa balitang napatay sina Saul at Jonatan ay nagsisiwalat ng kaniyang damdamin para sa kanila at kay Jehova. Sa Hebron, hinirang si David bilang hari sa tribo ng Juda. Ang anak naman ni Saul na si Is-boset ang ginawang hari sa natitira pang bahagi ng Israel. Si David ay patuloy na “dumakila nang dumakila,” at makalipas ang mga pito at kalahating taon, ginawa siyang hari sa buong Israel.—2 Samuel 5:10.
Nabihag ni David ang Jerusalem mula sa mga Jebusita at ginawa niya itong kabisera ng kaniyang kaharian. Humantong sa kasakunaan ang una niyang pagtatangkang ilipat sa Jerusalem ang kaban ng tipan. Gayunman, nagtagumpay ang ikalawa niyang pagsisikap, at sumayaw sa kagalakan si David. Nakipagtipan si Jehova kay David ukol sa isang kaharian. Nasupil ni David ang kaniyang mga kaaway dahil nanatiling sumasakaniya ang Diyos.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:18—Bakit tinawag si Joab at ang kaniyang dalawang kapatid na lalaki na tatlong anak ni Zeruias, ang kanilang ina? Sa Hebreong Kasulatan, karaniwang natatalunton ang mga talaangkanan sa pamamagitan ng ama. Maaaring maagang namatay ang asawa ni Zeruias, o maaaring itinuring siyang di-karapat-dapat na isama sa Banal na Kasulatan. Posibleng si Zeruias ang itinala dahil kapatid siya ni David o kaya’y kapatid sa ina. (1 Cronica 2:15, 16) Ang tanging pagkakataon na binanggit ang ama ng tatlong magkakapatid ay may kinalaman sa dakong libingan nito sa Betlehem.—2 Samuel 2:32.
3:29—Ano ang ibig sabihin ng “lalaking humahawak sa umiikot na kidkiran”? Mga babae ang karaniwang naghahabi ng tela. Samakatuwid, maaaring tumutukoy ang pananalitang ito sa mga lalaking di-karapat-dapat sa mga gawaing tulad ng pakikipagdigma at kung gayon ay naobligang gawin ang trabahong karaniwang ginagawa ng isang babae.
5:1, 2—Gaano katagal bago ginawang hari si David sa buong Israel matapos patayin nang pataksil si Is-boset? Tila makatuwirang maging konklusyon na sinimulan ni Is-boset ang kaniyang dalawang-taóng paghahari di-nagtagal pagkamatay ni Saul, halos kasabay ng simula ng paghahari ni David sa Hebron. Namahala si David sa Juda mula sa Hebron sa loob ng pito at kalahating taon. Di-nagtagal matapos siyang gawing hari sa buong Israel, inilipat niya ang kaniyang kabisera sa Jerusalem. Kaya mga limang taon ang lumipas pagkamatay ni Is-boset bago naging hari si David sa buong Israel.—2 Samuel 2:3, 4, 8-11; 5:4, 5.
8:2—Gaano karaming Moabita ang pinatay matapos silang makalaban ng Israel? Maaaring tinuos ang bilang sa pamamagitan ng pagsukat sa halip na pagbilang. Waring magkakahilerang pinahiga ni David ang mga Moabita sa lupa. Pagkatapos nito, pinasukat niya ang hilera ayon sa haba ng pisi, o panali. Lumilitaw na ang dalawang sukat ng pisi, o dalawang katlo ng mga Moabita, ang pinatay, at isang sukat ng pisi, o sangkatlo sa kanila, ang itinirang buháy.
Mga Aral Para sa Atin:
2:1; 5:19, 23. Sumangguni muna si David kay Jehova bago siya nanirahan sa Hebron at bago siya umahon laban sa kaniyang mga kaaway. Dapat din tayong humingi muna ng patnubay kay Jehova bago magpasiya hinggil sa mga bagay na makaaapekto sa ating espirituwalidad.
3:26-30. Malungkot ang kinahihinatnan ng paghihiganti.—Roma 12:17-19.
3:31-34; 4:9-12. Pambihira ang hindi paghihiganti at paghihinanakit ni David.
5:12. Hindi natin dapat kalimutan kailanman na tinuruan tayo ni Jehova sa kaniyang mga daan at ginawa niyang posible na magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa kaniya.
6:1-7. Bagaman mabuti naman ang intensiyon ni David, ang kaniyang pagtatangkang ilipat ang Kaban sakay ng karwahe ay labag sa utos ng Diyos at ito ay nabigo. (Exodo 25:13, 14; Bilang 4:15, 19; 7:7-9) Ang pagsunggab ni Uzah sa Kaban ay nagpapakita rin na hindi nababago ng mabubuting intensiyon ang kahilingan ng Diyos.
6:8, 9. Sa isang mapanubok na kalagayan, nagalit muna si David, at saka natakot—marahil ay isinisi pa nga kay Jehova ang trahedya. Dapat tayong maging mapagbantay upang hindi natin isisi kay Jehova ang mga problemang bunga ng pagwawalang-bahala sa kaniyang mga utos.
7:18, 22, 23, 26. Ang kapakumbabaan ni David, bukod-tanging debosyon kay Jehova, at interes sa pagdakila sa pangalan ng Diyos ay mga katangiang dapat nating tularan.
8:2. Natupad ang isang hula na binigkas mga 400 taon bago ito nangyari. (Bilang 24:17) Laging nagkakatotoo ang salita ni Jehova.
9:1, 6, 7. Tinupad ni David ang kaniyang pangako. Dapat din nating sikaping tuparin ang ating pangako.
NAGBANGON SI JEHOVA NG KAPAHAMAKAN LABAN SA KANIYANG PINAHIRAN
“Narito, magbabangon ako laban sa iyo ng kapahamakan mula sa iyong sariling sambahayan,” ang sabi ni Jehova kay David, “at kukunin ko ang iyong mga asawa sa iyong paningin at ibibigay ko sila sa iyong kapuwa, at sisipingan nga niya ang iyong mga asawa sa paningin ng araw na ito.” (2 Samuel 12:11) Bakit ganito ang ipinahayag? Ito ay dahil sa kasalanan ni David may kinalaman kay Bat-sheba. Bagaman pinatawad ang nagsisising si David, hindi siya nakaligtas sa mga bunga ng kaniyang kasalanan.
Una, namatay ang anak na isinilang ni Bat-sheba. Pagkatapos, ang birheng anak ni David na si Tamar ay hinalay ni Amnon na kapatid niya sa ama. Si Amnon naman ay pinaslang ng tunay na kapatid ni Tamar na si Absalom bilang paghihiganti. Nakipagsabuwatan si Absalom laban sa kaniyang sariling ama at ipinroklama niyang hari ang kaniyang sarili sa Hebron. Napilitang tumakas si David mula sa Jerusalem. Sinipingan ni Absalom ang sampu sa mga babae ng kaniyang ama
na naiwan para mag-ingat ng bahay. Naibalik sa pagkahari si David noon lamang mapatay si Absalom. Nagwakas ang paghihimagsik ng Benjaminitang si Sheba nang patayin siya.Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
14:7—Ano ang isinasagisag ng “ningas ng aking mga baga”? Ang ningas ng mga bagang mabagal na nag-aalab ay ginamit upang tumukoy sa buháy na supling.
19:29—Bakit gayon ang naging tugon ni David sa paliwanag ni Mepiboset? Nang marinig niya si Mepiboset, malamang na natanto ni David na nagkamali siya noong agad niyang pinaniwalaan ang mga salita ni Ziba. (2 Samuel 16:1-4; 19:24-28) Malamang na ikinainis ito ni David, at ayaw na niyang makarinig pa ng hinggil dito.
Mga Aral Para sa Atin:
11:2-15. Ang tahasang ulat hinggil sa mga pagkukulang ni David ay patunay sa katotohanang ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos.
11:16-27. Kapag nagkasala tayo nang malubha, hindi natin ito dapat tangkaing itago gaya ng ginawa ni David. Sa halip, dapat nating ipagtapat ang ating kasalanan kay Jehova at humingi ng tulong sa matatanda sa kongregasyon.—Kawikaan 28:13; Santiago 5:13-16.
12:1-14. Nagpakita ng magandang halimbawa si Natan para sa hinirang na matatanda sa kongregasyon. Dapat nilang tulungan ang mga nahulog sa pagkakasala na maituwid ang kanilang landasin. Dapat gampanan nang mahusay ng matatanda ang pananagutang ito.
12:15-23. Ang pagkakaroon ng tamang pangmalas sa nangyari sa kaniya ay tumulong kay David na makatugon nang wasto sa kapighatian.
15:12; 16:15, 21, 23. Nang waring iluluklok na sa trono si Absalom, ang pagmamapuri at ambisyon ang nagtulak sa napakatalinong tagapayo na si Ahitopel para maging traidor. Maaaring maging silo ang pagkakaroon ng katalinuhan nang walang kapakumbabaan at pagkamatapat.
19:24, 30. Talagang pinahalagahan ni Mepiboset ang maibiging-kabaitan ni David. Nagpasakop siya nang maluwag sa kalooban sa pasiya ng hari hinggil kay Ziba. Dapat tayong pakilusin ng ating pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang organisasyon na maging mapagpasakop.
20:21, 22. Maaaring makaiwas sa kapahamakan ang marami dahil sa karunungan ng isang tao.—Eclesiastes 9:14, 15.
MAHULOG NAWA KAMI “SA KAMAY NI JEHOVA”
Nagkaroon ng taggutom sa loob ng tatlong taon dahil sa pagkakasala ni Saul sa dugo sapagkat pinatay niya ang mga Gibeonita. (Josue 9:15) Upang ipaghiganti ang pagkakasalang iyon sa dugo, hiniling ng mga Gibeonita na patayin ang pitong anak na lalaki ni Saul. Ibinigay ni David ang mga ito sa kamay ng mga Gibeonita, at nagwakas ang tagtuyot nang bumuhos ang ulan. Apat na higanteng Filisteo ang “nabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David at ng kamay ng kaniyang mga lingkod.”—2 Samuel 21:22.
Malubhang nagkasala si David nang iutos niya ang isang ilegal na sensus. Nagsisi siya at pinili niyang mahulog “sa kamay ni Jehova.” (2 Samuel 24:14) Bilang resulta, 70,000 ang namatay sa salot. Sinunod ni David ang utos ni Jehova, at tumigil ang salot.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
21:8—Paano masasabing ang anak na babae ni Saul na si Mical ay may limang anak na lalaki, gayong binabanggit sa 2 Samuel 6:23 na namatay siyang walang anak? Ang pinakamalawakang tinatanggap na paliwanag ay na ang mga ito ay mga anak ng kapatid na babae ni Mical na si Merab, na nagpakasal kay Adriel. Malamang na maagang namatay si Merab, at ang nagpalaki sa mga bata ay si Mical na walang anak.
21:9, 10—Gaano katagal nagbantay si Rizpa sa kaniyang dalawang anak na lalaki at sa limang apong lalaki ni Saul na pinatay ng mga Gibeonita? Ang pitong ito ay ibinitin “nang mga unang araw ng pag-aani”—Marso o Abril. Iniwang nakalantad sa bundok ang kanilang mga bangkay. Araw at gabing binantayan ni Rizpa ang pitong bangkay hanggang sa ipakita ni Jehova sa pamamagitan ng pagwawakas sa tagtuyot na humupa na ang Kaniyang galit. Malayong bumuhos nang malakas ang ulan bago matapos ang panahon ng pag-aani kapag Oktubre. Samakatuwid, maaaring nagbantay si Rizpa nang hanggang lima o anim na buwan. Pagkatapos nito, ipinalibing ni David ang mga buto ng mga lalaking ito.
24:1—Bakit isang malubhang kasalanan ni David ang ginawang sensus? Hindi naman ipinagbabawal sa Kautusan ang pagkuha ng sensus sa ganang sarili. (Bilang 1:1-3; 26:1-4) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang nag-udyok kay David na bilangin ang bayan. Gayunman, ipinahihiwatig ng 1 Cronica 21:1 na inudyukan siya ni Satanas na gawin iyon. Anuman ang nangyari, alam ng pinuno ng kaniyang hukbo, si Joab, na mali ang pasiya ni David na irehistro ang bayan, at sinikap niyang hikayatin si David na huwag gawin iyon.
Mga Aral Para sa Atin:
22:2-51. Pagkaganda-ganda ng pagkakalarawan ng awit ni David kay Jehova bilang tunay na Diyos, na karapat-dapat sa ating lubos na pagtitiwala!
23:15-17. Gayon na lamang katindi ang paggalang ni David sa kautusan ng Diyos hinggil sa buhay at dugo anupat hindi niya ginawa sa pagkakataong ito ang isang bagay na kahit sa wari lamang ay paglabag sa kautusang iyon. Dapat tayong maglinang ng gayunding saloobin hinggil sa lahat ng utos ng Diyos.
24:10. Pinakilos si David ng kaniyang budhi na magsisi. Sapat na ba ang pagkasensitibo ng ating budhi para tumugon sa gayunding paraan?
24:14. Kumbinsido si David na mas maawain si Jehova kaysa sa mga tao. Gayundin ba ang ating pananalig?
24:17. Nagsisi si David dahil sa paghihirap na idinulot ng kaniyang kasalanan sa buong bansa. Dapat ding ikalungkot ng nagsisising nagkasala ang upasala na maaaring idinulot ng kaniyang ginawa sa kongregasyon.
Kaya Nating Maging ‘Kalugud-lugod sa Puso ni Jehova’
Ang ikalawang hari ng Israel ay ‘isang lalaking kalugud-lugod sa puso ni Jehova.’ (1 Samuel 13:14) Hindi kailanman kinuwestiyon ni David ang pagiging matuwid ng mga pamantayan ni Jehova, at hindi niya sinikap itaguyod ang landasing hiwalay sa Diyos. Sa tuwing nagkakasala si David, inaamin niya ang kaniyang kasalanan, tinatanggap ang disiplina, at itinutuwid ang kaniyang mga daan. Si David ay isang taong matapat. Hindi ba isang katalinuhan para sa atin na maging tulad niya, lalo na kapag nagkasala tayo?
Malinaw na inilalarawan ng talambuhay ni David na ang pagkilala sa soberanya ni Jehova ay nangangahulugan ng pagtanggap sa Kaniyang mga pamantayan ng mabuti at masama at pagsisikap na sundin ang mga ito bilang mga tagapag-ingat ng katapatan. Kaya nating gawin ito. Gayon na lamang kalaki ang ating pasasalamat dahil sa mga aral na matututuhan natin mula sa aklat ng Ikalawang Samuel! Ang kinasihang mensahe na nasa mga pahina nito ay tunay ngang buháy at may lakas.—Hebreo 4:12.
[Talababa]
^ par. 4 Bagaman hindi kasama si Samuel sa sumulat nito, ipinangalan sa kaniya ang aklat sapagkat ang dalawang aklat ng Samuel noon ay nasa iisang balumbon lamang sa kanong Hebreo. Isinulat ni Samuel ang malaking bahagi ng Unang Samuel.
[Larawan sa pahina 16]
Ang pagsasaisip kung sino ang matibay na nagtatag sa kaniya bilang hari ang tumulong kay David na manatiling mapagpakumbaba
[Mga larawan sa pahina 18]
“Narito, magbabangon ako laban sa iyo ng kapahamakan mula sa iyong sariling sambahayan”
Bat-sheba
Tamar
Amnon