Ang Isang Matapat na Bayan ay Nagdudulot ng Kapurihan kay Jehova
Ang Isang Matapat na Bayan ay Nagdudulot ng Kapurihan kay Jehova
SA BUONG lupa, kilala ang mga Saksi ni Jehova—bata at matanda—sa kanilang pagkamatapat. Isaalang-alang ang mga halimbawa mula sa tatlong kontinente.
Ang 17-taóng-gulang na si Olusola, na nakatira sa Nigeria, ay pauwi isang araw mula sa paaralan nang makita niya sa daan ang isang pitaka. Dinala niya ito sa prinsipal, na siyang bumilang sa pera, at umabot ang halaga nito sa ₦6,200 (mga $45, U.S.). Isinauli ng prinsipal ang pitaka sa guro na nakawala nito. Bilang pagpapahalaga, binigyan ng guro si Olusola ng ₦1,000 (mga $7, U.S.) at sinabing ipambayad niya ito ng kaniyang matrikula sa paaralan. Nang mabalitaan ng ibang estudyante ang nangyari, tinuya nila si Olusola. Pagkaraan ng ilang linggo, nagsumbong ang isang estudyante na nanakawan siya ng pera, kaya hinilingan ang mga guro na kapkapan ang lahat ng estudyante. “Tumayo ka rito,” ang sabi ng guro kay Olusola. “Alam ko na bilang isang Saksi ni Jehova, hindi mo magagawang magnakaw.” Nakita ang pera sa dalawa sa mga batang lalaki na tumuya kay Olusola, at sila ay matinding pinarusahan. Sumulat si Olusola: “Masayang-masaya ako na kilala ako bilang isang Saksi ni Jehova, na hindi kailanman magnanakaw, sa gayo’y naluluwalhati si Jehova.”
Pagkaalis ng bahay isang araw, si Marcelo, isang katutubo ng Argentina, ay nakakita ng isang portpolyo mga ilang metro mula sa pinto sa likuran ng kanilang bahay. Dinala niya ang portpolyo sa loob ng bahay at maingat nila itong binuksang mag-asawa. Laking gulat nila nang makita nila ang malaking halaga ng salapi, mga credit card, at ilang pirmadong tseke, na isa sa mga ito ay nagkakahalaga ng isang milyong piso. Sa isang resibo, nakakita sila ng numero ng telepono. Tinawagan nila ang may-ari at isinaayos na isauli ang portpolyo kasama ang mga laman nito sa lugar kung saan nagtatrabaho si Marcelo. Nang dumating ang may-ari, parang balisang-balisa ito. Sinabi ng amo ni Marcelo sa may-ari na huminahon ito, sapagkat si Marcelo ay isang Saksi ni Jehova. Bilang gantimpala sa pagkakahanap sa portpolyo, binigyan lamang ng may-ari si Marcelo ng 20 piso (mga $6, U.S.). Labis na ikinagalit ito ng amo ni Marcelo dahil hangang-hanga siya sa pagkamatapat nito. Nagbigay ito ng pagkakataon kay Marcelo na ipaliwanag na bilang isang Saksi ni Jehova, nais niyang maging matapat sa lahat ng pagkakataon.
Nagmula naman sa Kyrgyzstan ang kasunod na karanasan. Nakapulot si Rinat, isang anim-na-taóng-gulang na batang lalaki, ng isang pitaka na pag-aari ng isang babae na nakatira malapit sa kanila. Ang pitaka ay naglalaman ng 1,100 som (mga $25, U.S.). Nang isauli ni Rinat ang nawawalang pitaka sa babae, binilang nito ang pera at pagkatapos ay sinabi nito sa ina ni Rinat na may nawawalang 200 som. Sinabi ni Rinat na hindi niya kinuha ang pera. Pagkatapos ay lumabas silang lahat para hanapin ang nawawalang pera at natagpuan nila ito malapit sa lugar kung saan napulot ang pitaka. Manghang-mangha ang babae. Nagpasalamat siya kay Rinat at sa ina nito, una dahil sa pagsasauli sa nawawalang pera at pangalawa, dahil sa pagpapalaki kay Rinat bilang Kristiyano.