Trabaho—Pagpapala o Sumpa?
Trabaho—Pagpapala o Sumpa?
“Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang magtamasa ng kabutihan dahil sa kaniyang pagpapagal.”—Eclesiastes 2:24.
“PAGÓD na pagkatapos ng maghapong trabaho.” Sa isang surbey kamakailan, ganiyan inilarawan ng 1 sa 3 empleado ang kadalasang nadarama nila. Hindi ito kataka-taka sa kapaligiran kung saan ang mga tao ay dumaranas ng kaigtingan; nagtatrabaho sila nang mas mahabang oras at nag-uuwi ng mas maraming trabaho—bukod pa sa pagkakaroon ng mga amo na bihirang magpasalamat.
Nang magsimula ang lansakang produksiyon, nadarama ng maraming manggagawa na wala silang gaanong halaga sa napakalaking negosyo na binubuo ng napakaraming tauhan. Kadalasang pinipigilan ang inspirasyon at pagkamalikhain. Natural, apektado nito ang mga saloobin ng mga tao sa trabaho. Madaling napipigilan ang pangganyak na magkaroon ng personal na interes sa trabaho. Maaaring mahadlangan ang hangaring pagbutihin ang kasanayan sa paggawa. Dahil dito, maaaring ayawan ng isa ang trabaho mismo, marahil kapootan pa nga ang kaniyang trabaho.
Suriin ang Ating Motibo
Sabihin pa, hindi natin laging mababago ang ating mga kalagayan. Subalit hindi ka ba sasang-ayon na maaari nating baguhin ang ating saloobin? Kung napapansin mong naiimpluwensiyahan ka na sa paanuman ng negatibong mga saloobin sa trabaho, makabubuting isaalang-alang mo ang pangmalas ng Diyos at ang mga simulaing nauugnay sa paksang ito. (Eclesiastes 5:18) Nasumpungan ng marami na ang pagsasaalang-alang sa mga ito ay nagbigay sa kanila ng antas ng kaligayahan at kasiyahan sa kanilang trabaho.
Ang Diyos ay Napakasipag na Manggagawa. Ang Diyos ay isang manggagawa. Marahil ay hindi natin siya iniisip sa gayong paraan, subalit ganiyan niya unang ipinakilala ang kaniyang sarili sa Bibliya. Nagsisimula ang ulat ng Genesis sa paglalang ni Jehova ng langit at ng lupa. (Genesis 1:1) Isip-isipin ang napakaraming papel na ginampanan ng Diyos nang magsimula siyang lumalang—disenyador, organisador, inhinyero, dalubsining, espesyalista sa pagpili ng mga materyales, tagagawa ng proyekto, kimiko, biyologo, soologo, programmer, dalubwika, ilan lamang iyan.—Kawikaan 8:12, 22-31.
Ano ang kalidad ng trabaho ng Diyos? Sinasabi ng ulat ng Bibliya na ito ay “mabuti,” “napakabuti.” (Genesis 1:4, 31) Tunay nga, ang paglalang ay “naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos,” at dapat din natin siyang purihin!—Awit 19:1; 148:1.
Gayunman, ang gawain ng Diyos ay hindi nagtapos sa paglalang sa pisikal na langit at lupa at sa unang mag-asawa. Sinabi ng Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon.” (Juan 5:17) Oo, patuloy na gumagawa si Jehova sa pamamagitan ng paglalaan para sa kaniyang mga nilalang, pagtustos sa kaniyang paglalang, at pagliligtas sa kaniyang tapat na mga mananamba. (Nehemias 9:6; Awit 36:6; 145:15, 16) Ginagamit pa nga niya ang mga tao, na “mga kamanggagawa ng Diyos,” upang tumulong sa pagsasagawa ng ilang atas.—1 Corinto 3:9.
Maaaring maging pagpapala ang trabaho. Hindi ba’t sinasabi ng Bibliya na ang trabaho ay isang sumpa? Waring ipinahihiwatig ng Genesis 3:17-19 na pinarusahan ng Diyos sina Adan at Eva dahil sa kanilang paghihimagsik sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pasanin na trabaho. Nang hatulan ang unang mga taong iyon, sinabi ng Diyos kay Adan: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa.” Hindi ba iyan ang paghatol sa lahat ng uri ng trabaho?
Hindi. Sa halip, dahil sa kawalang-katapatan nina Adan at Eva, ang pagpapalawak sa Edenikong Paraiso ay hindi nangyari noong panahong iyon. Isinumpa ng Diyos ang lupa. Kailangan ang pagpapawis at pagpapagal upang tamuhin ang mga kinakailangan sa buhay mula sa lupa.—Roma 8:20, 21.
Sa halip na ilarawan ang trabaho bilang sumpa, ipinakikita ng Bibliya na ito ay pagpapala na dapat pakamahalin. Gaya ng binanggit kanina, ang Diyos mismo ay masikap na manggagawa. Palibhasa’y nilalang ang mga tao sa kaniyang larawan, ibinigay sa kanila ni Jehova ang kakayahan at awtoridad na pangasiwaan ang kaniyang makalupang mga nilalang. (Genesis 1:26, 28; 2:15) Ang atas na trabahong iyon ay ibinigay bago binigkas ng Diyos ang mga salitang nakatala sa Genesis 3:19. Kung ang trabaho ay isang sumpa at masama, hindi kailanman hihimukin ni Jehova ang mga tao na magtrabaho. Maraming trabahong dapat gawin si Noe at ang kaniyang pamilya bago at pagkatapos ng Baha. Noong panahong Kristiyano, hinimok din ang mga alagad ni Jesus na gumawa.—1 Tesalonica 4:11.
Gayunman, nalalaman nating lahat na maaaring maging mahirap ang trabaho sa ngayon. Ang kaigtingan, mga panganib, pagkayamot, kabiguan, kompetisyon, panlilinlang, at kawalang-katarungan ay ilan lamang sa “mga tinik at mga dawag” na iniuugnay sa trabaho ngayon. Subalit ang trabaho sa ganang sarili ay hindi isang sumpa. Sa Eclesiastes 3:13, tinatawag ng Bibliya ang trabaho at ang bunga nito na isang kaloob mula sa Diyos.—Tingnan ang kahon na “Pagharap sa Kaigtingang Nauugnay sa Trabaho.”
Maluluwalhati mo ang Diyos sa pamamagitan ng iyong trabaho. Laging pinupuri ang kalidad at kahusayan sa sekular na trabaho. Ang kalidad ay isa sa mahahalagang aspekto sa pangmalas ng Bibliya hinggil sa trabaho. Ginagawa mismo ng Diyos ang kaniyang trabaho nang napakahusay. Binigyan niya tayo ng talino at kakayahan, at Exodo 31:1-11) Ipinahihiwatig nito na nagpakita ang Diyos ng pantanging interes sa gawain, kasanayan sa paggawa, disenyo, at iba pang detalye ng kanilang gawa.
nais niyang gamitin natin ang ating mga kasanayan sa mabuting layunin. Halimbawa, sa panahon ng pagtatayo ng tabernakulo sa sinaunang Israel, pinuspos ni Jehova ng karunungan, unawa, at kaalaman ang mga taong gaya nina Bezalel at Oholiab, anupat naisagawa nila ang espesipiko, masining, at praktikal na mga atas. (May malalalim na kahulugan ito sa ating pagkaunawa sa personal na mga kakayahan at kaugalian sa trabaho. Tinutulungan tayo nito na ituring ang mga kakayahan at kaugalian sa trabaho bilang mga kaloob mula sa Diyos, na hindi dapat maliitin. Sa gayon, pinapayuhan ang mga Kristiyano na gawin ang kanilang trabaho na parang sinusuri mismo ng Diyos ang kanilang paggawa: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.” (Colosas 3:23) Inuutusan ang mga lingkod ng Diyos na maging masikap sa paggawa, at sa gayo’y ginagawang higit na kaakit-akit ang mensaheng Kristiyano sa mga kamanggagawa at sa iba.—Tingnan ang kahong “Pagkakapit ng mga Simulain ng Bibliya sa Pinagtatrabahuhan.”
Dahil dito, makabubuting tanungin natin ang ating sarili kung anong kalidad at pagsisikap ang ipinakikita natin sa ating trabaho. Malulugod kaya ang Diyos sa paraan natin ng pagsasagawa nito? Lubusan ba tayong nasisiyahan sa pagsasagawa natin sa ating nakaatas na mga gawain? Kung hindi, maaari pa itong mapasulong.—Kawikaan 10:4; 22:29.
Gawing timbang ang trabaho at espirituwalidad. Bagaman kapuri-puri ang masikap na paggawa, may isa pang mahalagang bagay upang makasumpong ng kasiyahan sa paggawa at sa buhay. Ito ang espirituwalidad. Ganito ang naging konklusyon ni Haring Solomon, na nagpagal at nagtamasa ng lahat ng kayamanan at kaalwanan na maaaring ialok ng buhay: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
Maliwanag, dapat nating isaalang-alang ang kalooban ng Diyos sa anumang ginagawa natin. Tayo ba ay gumagawang kasuwato ng kaniyang kalooban, o maaari kayang tayo ay sumasalungat dito? Sinisikap ba nating palugdan ang Diyos, o sinisikap nating palugdan lamang ang ating sarili? Kung
hindi natin ginagawa ang kalooban ng Diyos, mararanasan natin sa kalaunan ang kirot ng kawalang-pag-asa, kalumbayan, at kawalang-saysay.Iminungkahi ni Steven Berglas na ang mga ehekutibong nasaid na ay ‘humanap ng marangal na gawaing gustung-gusto nila at gawin itong bahagi ng kanilang buhay.’ Wala nang higit na marangal na gawain kaysa sa maglingkod sa Isa na nagbigay sa atin ng mga kasanayan at mga kakayahan upang gumawa ng makabuluhang trabaho. Ang pagtatrabaho na nakalulugod sa ating Maylalang ay magdudulot sa atin ng kasiyahan. Kay Jesus, ang gawaing iniatas sa kaniya ni Jehova ay nakapagpapalakas, kasiya-siya, at nakarerepresko na gaya ng pagkain. (Juan 4:34; 5:36) At alalahanin na inaanyayahan tayo ng Diyos, ang Napakasipag na Manggagawa, na maging kaniyang “mga kamanggagawa.”—1 Corinto 3:9.
Ang pagsamba sa Diyos at paglaki sa espirituwal ay nagsasangkap sa atin para sa kapaki-pakinabang na gawain at pananagutan. Yamang ang pinagtatrabahuhan ay kadalasang punô ng mga kaigtingan, alitan, at mga kahilingan, ang ating pananampalataya at espirituwalidad na nakaugat nang malalim ay makatutustos ng lubhang kinakailangang lakas habang sinisikap nating maging mas mabuting mga empleado o amo. Sa kabilang dako naman, ang mga katotohanan sa buhay sa di-makadiyos na sanlibutang ito ay maaaring magpaalisto sa atin sa mga bagay kung saan kailangan nating sumulong sa pananampalataya.—1 Corinto 16:13, 14.
Ang Panahon Kapag ang Trabaho ay Magiging Pagpapala
Ang mga nagpapagal ngayon upang maglingkod sa Diyos ay makaaasa sa panahon kapag isasauli na niya ang Paraiso at ang buong lupa ay mapupuno ng kapaki-pakinabang na trabaho. Inihula ni Isaias, isang propeta ni Jehova, ang tungkol sa buhay sa panahong iyon: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”—Isaias 65:21-23.
Kaylaking pagpapala nga ng trabaho sa panahong iyon! Sa pag-alam kung ano ang kalooban ng Diyos para sa iyo at paggawang kasuwato nito, maaari kang mapabilang sa mga pinagpala ni Jehova at laging ‘matamasa ang kabutihan sa lahat ng iyong pagpapagal.’—Eclesiastes 3:13.
[Blurb sa pahina 8]
Ang Diyos ay Napakasipag na Manggagawa: Genesis 1:1, 4, 31; Juan 5:17
[Blurb sa pahina 8]
Maaaring maging pagpapala ang trabaho: Genesis 1:28; 2:15; 1 Tesalonica 4:11
[Blurb sa pahina 8]
Maluluwalhati mo ang Diyos sa pamamagitan ng iyong trabaho: Exodo 31:1-11; Colosas 3:23
[Blurb sa pahina 8]
Gawing timbang ang trabaho at espirituwalidad: Eclesiastes 12:13; 1 Corinto 3:9
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
PAGHARAP SA KAIGTINGANG NAUUGNAY SA TRABAHO
Inuri ng mga propesyonal sa medisina ang kaigtingan sa trabaho bilang panganib sa hanapbuhay. Maaari itong pagmulan ng ulser at depresyon at maaari pa ngang humantong sa pagpapatiwakal. May termino rito ang mga Hapones—karoshi, “kamatayan dahil sa labis na pagtatrabaho.”
Iba’t ibang salik na nauugnay sa trabaho ang maaaring pagmulan ng kaigtingan. Kabilang dito ang pagbabago sa oras o mga kalagayan ng trabaho, problema sa superbisor, pagbabago sa mga pananagutan o uri ng trabaho, pagreretiro, at pagkasesante. Dahil sa gayong kaigtingan, sinubok ng ilan na takasan ito sa pamamagitan ng pagpapalit ng trabaho o kapaligiran. Sinisikap naman ng iba na labanan ang gayong kaigtingan, subalit nasusumpungan nilang naapektuhan nito ang ibang mga pitak ng buhay, pinakakaraniwan na ang pamilya. Nagdusa pa nga sa emosyonal na paraan ang ilang tao, anupat dumanas ng depresyon at pagkasiphayo.
Ang mga Kristiyano ay nasasangkapang mainam upang maharap ang kaigtingang nauugnay sa trabaho. Ang Bibliya ay naglalaan ng maraming mahahalagang simulain na makatutulong sa atin sa mahihirap na panahon at magdudulot ng positibong epekto sa ating espirituwal at emosyonal na kapakanan. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.” Pinatitibay-loob tayo rito na magtuon ng pansin sa mga problema ngayon, hindi sa mga problema bukas. Sa gayon, naiiwasan nating palakihin ang ating mga problema, na nagpapatindi lamang sa ating kaigtingan.—Mateo 6:25-34.
Mahalaga para sa mga Kristiyano na manalig sa lakas ng Diyos, hindi sa kanilang sarili. Kapag nadarama nating hindi na natin kaya ang maigting na situwasyon, maaari tayong bigyan ng Diyos ng kapayapaan at kagalakan sa ating mga puso, at paglaanan tayo ng karunungan upang maharap ang anumang mahirap na kalagayan. “Patuloy kayong magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan,” ang sulat ni apostol Pablo.—Efeso 6:10; Filipos 4:7.
Sa wakas, kahit ang maiigting na kalagayan ay maaaring magbunga ng positibong mga resulta. Ang mga pagsubok ay maaaring magpakilos sa atin na bumaling kay Jehova, anupat hinahanap siya at nagtitiwala sa kaniya. Maaari rin tayong udyukan nito na patuloy na linangin ang Kristiyanong personalidad at ang kakayahang magmatiyaga sa ilalim ng panggigipit. Pinapayuhan tayo ni Pablo: “Magbunyi tayo samantalang nasa mga kapighatian, yamang alam natin na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagbabata; ang pagbabata naman, ng sinang-ayunang kalagayan; ang sinang-ayunang kalagayan naman, ng pag-asa.”—Roma 5:3, 4.
Sa gayon, kahit ang kaigtingan ay maaaring maging pangganyak para sa espirituwal na paglaki sa halip na pagmulan ng pagkasiphayo at pamimighati.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
PAGKAKAPIT NG MGA SIMULAIN NG BIBLIYA SA PINAGTATRABAHUHAN
Ang mensahe ng Bibliya ay maaaring maging kaakit-akit sa mga katrabaho at sa iba dahil sa saloobin at paggawi ng Kristiyano samantalang nasa trabaho. Sa kaniyang liham kay Tito, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga nasa kalagayang kahawig ng mga empleado na “magpasakop sa mga [superbisor nila] sa lahat ng bagay, at lubos silang palugdan, na hindi sumasagot nang palabán, hindi nagnanakaw, kundi nagpapakita ng lubusan at mabuting pagkamatapat, upang kanilang magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”—Tito 2:9, 10.
Halimbawa, isaalang-alang ang isinulat ng isang negosyante sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova: “Sumulat ako sa inyo upang humingi ng pahintulot na ipasok sa trabaho ang mga Saksi ni Jehova. Gusto ko silang empleado sapagkat alam kong sila ay tapat, taimtim, at mapagkakatiwalaan, at hindi sila mandaraya. Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang mga taong talagang pinagkakatiwalaan ko. Pakisuyong tulungan ninyo ako.”
Si Kyle ay isang Kristiyanong nagtatrabaho bilang receptionist sa isang pribadong paaralan. Dahil sa di-pagkakaunawaan, minura siya ng isang katrabaho sa harap ng ilang estudyante. “Kailangan kong maging maingat upang hindi magdulot ng kahihiyan sa pangalan ni Jehova,” ang naalaala ni Kyle. Sa sumunod na limang araw, pinag-isipan ni Kyle kung paano niya ikakapit ang mga simulain ng Bibliya. Ang isa ay masusumpungan sa Roma 12:18: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Nag-e-mail siya sa kaniyang katrabaho at humingi ng tawad sa tensiyong namagitan sa kanila. Inanyayahan ni Kyle sa e-mail ang kaniyang katrabaho na magpaiwan pagkatapos ng trabaho upang pag-usapan at lutasin nila ang problema. Nang gawin nila iyon, lumambot ang kalooban ng katrabaho ni Kyle at kinilala niya ang karunungan ng pamamaraan ni Kyle. Sinabi nito kay Kyle, “Tiyak na may kaugnayan ito sa iyong relihiyon” at magiliw siyang niyapos nito nang maghiwalay sila. Ang konklusyon ni Kyle? “Hindi tayo kailanman magkakamali kung ikakapit natin ang mga simulain ng Bibliya.”
[Larawan sa pahina 4, 5]
Nadarama ng maraming manggagawa na wala silang gaanong halaga sa napakalaking negosyo na binubuo ng napakaraming tauhan
[Credit Line]
Japan Information Center, Consulate General of Japan in NY
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Globo: NASA photo