Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kaliwanagan” Tungkol sa Bibliya Mula sa Pinakamatandang Aklatan sa Russia

“Kaliwanagan” Tungkol sa Bibliya Mula sa Pinakamatandang Aklatan sa Russia

“Kaliwanagan” Tungkol sa Bibliya Mula sa Pinakamatandang Aklatan sa Russia

DALAWANG iskolar ang naghahanap ng sinaunang mga manuskrito sa Bibliya. Magkahiwalay nilang nilakbay ang mga disyerto at sinaliksik ang mga kuweba, monasteryo, at sinaunang mga tirahan sa dalisdis. Makalipas ang ilang taon, nagsalubong ang kanilang landas sa pinakamatandang pampublikong aklatan sa Russia, kung saan masusumpungan ang ilan sa pinakakapana-panabik na mga tuklas tungkol sa Bibliya na napatanyag kailanman sa daigdig. Sino ang dalawang lalaking ito? Paano napunta sa Russia ang kayamanang natuklasan nila?

Sinaunang mga Manuskrito​—Tagapagtanggol ng Salita ng Diyos

Upang makilala ang isa sa dalawang iskolar na ito, kailangan nating balikan ang pasimula ng ika-19 na siglo noong mabilis na lumalaganap sa Europa ang mga bagong opinyon ng matatalinong tao. Ito ang panahon ng pagsulong sa siyensiya at mga tagumpay sa kultura, na naging dahilan upang pagdudahan ang tradisyonal na mga paniniwala. Sinikap ng mga mapanuring kritiko na ibagsak ang awtoridad ng Bibliya. Sa katunayan, ang mga iskolar ay nagpahayag ng pag-aalinlangan sa pagiging totoo ng mismong teksto ng Bibliya.

Napag-unawa ng ilang taimtim na tagapagsanggalang ng Bibliya na ang integridad ng Salita ng Diyos ay mapagtitibay ng mga bagong tagapagtanggol​—ang hindi pa natutuklasan noon na sinaunang mga manuskrito sa Bibliya. Kung matutuklasan ang mga manuskrito na mas matanda pa kaysa sa mga umiiral na, ang mga ito’y magsisilbing tahimik na saksi sa kadalisayan ng teksto ng Bibliya, bagaman noon pa man ay paulit-ulit nang tinangka na sirain o pilipitin ang mensahe nito. Mailalantad din ng mga manuskritong iyon ang ilang lugar kung saan ipinasok ang maling mga salin sa teksto.

Ang ilan sa pinakamaiinit na debate sa pagiging totoo ng Bibliya ay pinagtalunan sa Alemanya. Iniwan ng isang kabataang propesor doon ang kaniyang komportableng buhay sa akademya upang isagawa ang isang paglalakbay na aakay sa kaniya sa isa sa pinakamalalaking tuklas tungkol sa Bibliya sa buong kasaysayan. Ang pangalan niya ay Konstantin von Tischendorf, iskolar sa Bibliya na dahil sa pagtutol sa mapanuring kritisismo ay umani ng dakilang tagumpay sa pagtatanggol sa pagiging totoo ng teksto ng Bibliya. Kagila-gilalas ang tagumpay ng kaniyang unang paglalakbay sa iláng ng Sinai noong 1844. Di-sinasadyang napasulyap siya sa isang basurahan ng monasteryo at tumambad sa kaniya ang sinaunang kopya ng Septuagint, o Griegong salin ng Hebreong Kasulatan​—ang pinakamatandang salin na natuklasan kailanman!

Tuwang-tuwa si Tischendorf nang makakuha siya ng 43 pilyego. Bagaman kumbinsido siya na marami pang natitira, isang piraso lamang ang nakuha niya nang magbalik siya roon noong 1853. Nasaan kaya ang iba? Dahil wala na siyang pera, humingi si Tischendorf ng panustos sa isang mayamang isponsor, at nagpasiyang lisanin muli ang kaniyang sariling bayan upang hanapin ang sinaunang mga manuskrito. Subalit bago niya isagawa ang misyong ito, lumapit muna siya sa czar ng Russia.

Interesado ang Czar

Yamang siya’y isang Protestanteng iskolar, malamang na inisip ni Tischendorf kung ano ang magiging pakikitungo sa kaniya ng Russia, isang napakalaking lupain na tumatangkilik sa relihiyong Ruso Ortodokso. Mabuti na lamang at nagkaroon na ng pagbabago at repormasyon sa Russia. Dahil sa pagpapahalaga sa edukasyon, itinatag ni Emperatris Catherine II (kilala rin bilang Catherine the Great) ang Imperial Library ng St. Petersburg noong 1795. Bilang kauna-unahang pampublikong aklatan ng Russia, nakapaglaan ito ng napakaraming nakalimbag na mga impormasyong mababasa ng milyun-milyon.

Bagaman kinilala bilang isa sa pinakamagagandang aklatan sa Europa, mayroon pa ring kulang ang The Imperial Library. Limampung taon matapos itong itatag, ang aklatan ay mayroon lamang anim na manuskritong Hebreo. Hindi ito makaalinsabay sa lumalaking interes ng Russia sa pag-aaral ng mga wika at salin ng Bibliya. Nagpadala si Catherine II ng mga iskolar sa mga unibersidad ng Europa upang mag-aral ng wikang Hebreo. Pagbalik ng mga iskolar, nagkaroon na ng mga kurso sa wikang Hebreo sa pangunahing mga seminaryo ng Ruso Ortodokso, at sa kauna-unahang pagkakataon, pinasimulan na ng mga Rusong iskolar ang tumpak na pagsasalin ng Bibliya sa wikang Ruso mula sa sinaunang Hebreo. Subalit kinapos sila ng pondo at kinontra pa nga sila ng konserbatibong mga lider ng simbahan. Hindi pa noon nagsimula ang tunay na kaliwanagan para sa mga naghahanap ng kaalaman sa Bibliya.

Naunawaan agad ng czar na si Alejandro II, ang kahalagahan ng misyon ni Tischendorf at nag-alok siya ng pinansiyal na tulong. Sa kabila ng “pagkainggit at matinding pagsalansang” ng ilan, naiuwi ni Tischendorf mula sa kaniyang misyon sa Sinai ang natitira pang kopya ng Septuagint. * Ang kopyang ito, na nang maglaon ay tinawag na Codex Sinaiticus, ay isa pa rin sa umiiral na pinakamatatandang manuskrito sa Bibliya. Pagbalik sa St. Petersburg, dali-daling pumunta si Tischendorf sa tahanan ng czar, ang Imperial Winter Palace. Nagmungkahi siya na suportahan ng czar ang “isa sa pinakamalalaking proyekto sa mapanuri at Biblikal na pag-aaral”​—isang nakalathalang edisyon ng bagong tuklas na manuskrito, na nang maglaon ay inilagay sa The Imperial Library. Agad namang sumang-ayon ang czar, at nang maglaon ay sumulat ang tuwang-tuwang si Tischendorf: “Ibinigay na ng Diyos sa ating henerasyon . . . ang Sinaitic Bible, upang maging ganap na kaliwanagan sa atin kung ano talaga ang tekstong nakasulat sa Salita ng Diyos, at upang tulungan tayong ipagtanggol ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapatunay na ito’y nasa orihinal na anyo.”

Mahahalagang Koleksiyon Hinggil sa Bibliya Mula sa Crimea

May isa pang iskolar na naghahanap ng mahahalagang koleksiyon hinggil sa Bibliya na binanggit sa pasimula. Sino siya? Ilang taon bago bumalik si Tischendorf sa Russia, nakatanggap ang The Imperial Library ng isang nakagugulat na alok anupat nagkainteres ang czar at nagpuntahan sa Russia ang mga iskolar mula sa buong Europa. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nakita. Nasa harapan nila ang napakaraming koleksiyon ng mga manuskrito at iba pang mga materyal. Naroroon ang nakagugulat na 2,412 koleksiyon, pati na ang 975 manuskrito at mga balumbon. Kabilang dito ang 45 manuskrito sa Bibliya na may petsang maaga pa sa ikasampung siglo. Ang nakagugulat pa, lahat ng manuskritong ito ay halos nagsosolong kinolekta ng isang lalaking nagngangalang Abraham Firkovich, iskolar na Karaite na mahigit nang 70 taon noon ang edad! Subalit sino nga ba ang mga Karaite? *

Interesadung-interesado ang czar sa tanong na ito. Pinalawak ng Russia ang hanggahan nito na sumakop sa teritoryong dati’y hawak ng ibang mga bansa. Dahil dito, naging sakop ng imperyo ang bagong mga etnikong grupo. Ang kaakit-akit na rehiyon ng Crimea, sa baybayin ng Dagat na Itim, ay pinanirahan ng mga tao na mukhang mga Judio ngunit may mga kostumbreng Turko at nagsasalita ng wikang may kaugnayan sa Tatar. Natalunton ng mga Karaiteng ito na nagmula sila sa mga Judiong ipinatapon sa Babilonya matapos ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Subalit di-gaya ng mga rabinikong Judio, tinanggihan nila ang Talmud at pangunahing binigyang-pansin ang pagbabasa ng Kasulatan. Gustung-gusto ng mga Karaite sa Crimea na iharap sa czar ang katibayan na sila’y naiiba sa mga rabinikong Judio, kaya naman binigyan sila ng ibang katayuan. Sa pamamagitan ng pagpapakita sa sinaunang mga manuskritong pag-aari ng mga Karaite, umasa sila na mapatutunayang mga inapo nga sila ng mga Judio na nandayuhan sa Crimea matapos ang pagkatapon nila sa Babilonya.

Nang isagawa ni Firkovich ang kaniyang paghahanap sa sinaunang mga rekord at manuskrito, una niyang pinuntahan ang mga tirahan sa Crimea na nasa dalisdis ng Chufut-Kale. Sa maliliit na tirahang ito na gawa mula sa mga batong tinibag sa dalisdis, nanirahan at sumamba ang mga henerasyon ng Karaite. Hindi kailanman sinira ng mga Karaite ang mga lumang kopya ng Kasulatan kung saan lumitaw ang banal na pangalang Jehova dahil itinuturing nilang isang kalapastanganan ang paggawa nito. Maingat na inilagay ang mga manuskrito sa isang maliit na imbakan na tinatawag na genizah, na nangangahulugang “taguang dako” sa Hebreo. Palibhasa’y napakalaki ng paggalang ng mga Karaite sa banal na pangalan, ang mga taguang iyon ay bihirang pakialaman.

Di-alintana ang makapal na alikabok na natipon sa loob ng daan-daang taon, maingat na hinalughog ni Firkovich ang mga genizah. Sa isa sa mga ito, natagpuan niya ang bantog na manuskrito ng 916 C.E. Ang manuskritong ito, na tinawag na Petersburg Codex of the Latter Prophets, ay isa sa pinakamatatandang umiiral na kopya ng Hebreong Kasulatan.

Nakapag-ipon si Firkovich ng napakaraming manuskrito, at noong 1859, nagpasiya siyang ialok ang kaniyang napakalaking koleksiyon sa The Imperial Library. Noong 1862, tumulong si Alejandro II na mabili ang koleksiyon para sa aklatan sa napakalaking halaga noon na 125,000 ruble. Nang panahong iyon, ang buong badyet ng aklatan ay hindi lalabis sa 10,000 ruble sa isang taon! Kabilang sa nabiling ito ang bantog na Leningrad Codex (B 19A). Ang petsa nito ay 1008 at ito ang pinakamatandang kumpletong kopya ng Hebreong Kasulatan sa buong daigdig. Isang iskolar ang nagsabi na “malamang [na ito] ang nag-iisang pinakamahalagang manuskrito sa Bibliya, dahil pinagtibay nito ang teksto ng pinakamakabagong mga edisyon ng Bibliyang Hebreo na gawa ng mga kritiko.” (Tingnan ang kalakip na kahon.) Nang taon ding iyon, 1862, inilathala ang Codex Sinaiticus ni Tischendorf, na hinangaan sa buong daigdig.

Espirituwal na Kaliwanagan sa Modernong Panahon

Makikita sa aklatang kilala ngayon bilang ang The National Library ng Russia ang isa sa pinakamalalaking koleksiyon ng sinaunang mga manuskrito sa daigdig. * Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng Russia, mapapansin na pitong ulit na binago ang pangalan ng aklatan sa nakalipas na dalawang siglo. Ang isang napabantog na pangalan ay ang The State Saltykov-Shchedrin Public Library. Bagaman napinsala ang aklatan dahil sa kaguluhan noong ika-20 siglo, hindi naman nagalaw ang mga manuskrito nito sa panahon ng digmaang pandaigdig at ng pagsalakay sa Leningrad. Paano tayo nakikinabang sa mga manuskritong iyon?

Ang sinaunang mga manuskrito ang maaasahang saligan ng maraming modernong salin ng Bibliya. Sa mga ito mababasa ng mga taimtim na naghahanap ng katotohanan ang maliwanag na bersiyon ng Banal na Kasulatan. Malaki ang naitulong ng mga codex ng Sinaiticus at ng Leningrad sa New World Translation of the Holy Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova at kumpletong inilabas noong 1961. Halimbawa, ang Biblia Hebraica Stuttgartensia at ang Biblia Hebraica ni Kittel, na ginamit ng New World Bible Translation Committee, ay salig sa Leningrad Codex at 6,828 ulit na gumamit ng Tetragrammaton, o banal na pangalan, sa orihinal na teksto.

Masasabing iilan lamang sa mga mambabasa ng Bibliya ang nakababatid na may utang na loob sila sa tahimik na aklatan sa St. Petersburg at sa mga manuskrito nito, na ang ilan dito’y nagtataglay pa rin ng dating pangalan ng lunsod, ang Leningrad. Gayunpaman, ang pinakadakilang pinagkakautangan natin ng loob ay ang Awtor ng Bibliya, si Jehova, na nagbibigay ng espirituwal na liwanag. Kaya naman nakiusap ang salmista sa kaniya: “Isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan. Patnubayan nawa ako ng mga ito.”​—Awit 43:3.

[Mga talababa]

^ par. 11 Dala rin niya ang kumpletong kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na may petsang ikaapat na siglo C.E.

^ par. 13 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga Karaite, tingnan ang artikulong “Ang mga Karaite at ang Kanilang Paghahanap sa Katotohanan,” sa Hulyo 15, 1995, isyu ng Ang Bantayan.

^ par. 19 Ang kalakhang bahagi ng Codex Sinaiticus ay ipinagbili sa British Museum. Mga pira-piraso na lamang ang natira sa The National Library ng Russia.

[Kahon sa pahina 13]

NAKILALA AT GINAMIT ANG BANAL NA PANGALAN

Dahil sa kaniyang karunungan, tiniyak ni Jehova na maingatan ang kaniyang Salita, ang Bibliya, hanggang sa modernong panahon. Malaki ang naitulong ng pagsisikap ng mga tagakopya sa nagdaang mga panahon upang maingatan ito. Ang pinakametikuloso sa mga ito ay ang mga Masorete, propesyonal na mga tagakopyang Hebreo na nagtrabaho mula ikaanim hanggang ikasampung siglo C.E. Ang sinaunang wikang Hebreo ay isinusulat nang walang patinig. Sa paglipas ng panahon, lumaki nang lumaki ang panganib na mawala ang tamang pagbigkas dahil napalitan ng Aramaiko ang Hebreo. Gumawa ang mga Masorete ng isang sistema ng mga pananda para sa patinig na idaragdag sa teksto sa Bibliya upang ipakita ang tamang pagbigkas sa mga salitang Hebreo.

Kapansin-pansin, ang Masoretikong mga pananda para sa patinig na nasa Leningrad Codex ay nagpapakita na ang bigkas sa Tetragrammaton​—ang apat na Hebreong katinig na bumubuo ng banal na pangalan​—ay Yehwah’, Yehwih’, at Yeho·wah’. Ang pinakapopular ngayong bigkas sa pangalan ay “Jehova.” Ang banal na pangalan ay buháy at pamilyar na termino sa mga manunulat ng Bibliya at sa iba pa noong sinaunang panahon. Sa ngayon, ang pangalan ng Diyos ay nakilala at ginagamit ng milyun-milyong sumasang-ayon na ‘si Jehova lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.’​—Awit 83:18.

[Larawan sa pahina 10]

Silid ng mga manuskrito sa The National Library

[Larawan sa pahina 11]

Emperatris Catherine II

[Mga larawan sa pahina 11]

Konstantin von Tischendorf (gitna) at Alejandro II, “czar” ng Russia

[Larawan sa pahina 12]

Abraham Firkovich

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Dalawang larawan: National Library of Russia, St. Petersburg

[Picture Credit Lines sa pahina 11]

Catherine II: National Library of Russia, St. Petersburg; Alexander II: From the book Spamers Illustrierte Weltgeschichte, Leipzig, 1898