Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Pinag-iisipan ng Matalino ang Kaniyang mga Hakbang”

“Pinag-iisipan ng Matalino ang Kaniyang mga Hakbang”

“Pinag-iisipan ng Matalino ang Kaniyang mga Hakbang”

ANG taong matalino ay praktikal at may matalas na isip, matino ang pagpapasiya at matalas ang pang-unawa, maingat, pantas at marunong. Hindi siya mapanlinlang ni tuso. “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman,” ang sabi ng Kawikaan 13:16. Oo, ang katalinuhan, o kapantasan, ay isang kanais-nais na katangian.

Paano natin maipamamalas ang katalinuhan sa ating araw-araw na pamumuhay? Paano nakikita ang katangiang ito sa mga pagpapasiya natin, sa pakikitungo natin sa iba, at sa pagtugon natin sa iba’t ibang situwasyon? Anu-anong gantimpala ang natatamo ng pantas? Anu-anong kapahamakan ang naiiwasan nila? Nagbigay ng praktikal na mga sagot sa mga tanong na ito si Haring Solomon ng sinaunang Israel, gaya ng mababasa natin sa Kawikaan 14:12-25. *

Piliin Nang May Karunungan ang Iyong Landasin

Upang makagawa ng mga pasiyang may karunungan at maging matagumpay sa buhay, tiyak na kailangan ang kakayahang makilala kung ano ang tama at mali. Gayunman, nagbababala ang Bibliya: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.” (Kawikaan 14:12) Kung gayon, dapat nating makilala ang talagang tama mula sa mukhang tama. Ang ekspresyon na “mga daan ng kamatayan” ay nagpapahiwatig na marami ang gayong mapanlinlang na mga landas. Isaalang-alang ang ilang larangan na dapat nating malaman at maiwasan.

Ang mayayaman at tanyag sa daigdig ay karaniwan nang minamalas na kagalang-galang na mga tao na nararapat hangaan. Dahil sa kanilang matagumpay na katayuan sa lipunan at pananalapi, waring tama nga ang kanilang paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Subalit ano naman kaya ang mga paraang ginagamit ng gayong mga indibiduwal upang magtamo ng kayamanan o katanyagan? Lagi bang matuwid at naaayon sa moral ang kanilang mga daan? Nariyan din ang ilang indibiduwal na nagpapakita ng kahanga-hangang sigasig sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Ngunit pinatutunayan nga ba ng kanilang kataimtiman na tama ang kanilang mga paniniwala?​—Roma 10:2, 3.

Maaari ring magmukhang matuwid ang isang daan dahil sa pandaraya sa sarili. Kung ibabatay natin ang ating mga pasiya sa inaakala nating tama, ang totoo ay nananalig tayo sa ating puso, isang mapandayang giya. (Jeremias 17:9) Ang walang-kabatiran at di-nasanay na budhi ay maaaring umakay sa atin na isiping tama ang mali. Kung gayon, ano ang tutulong sa atin upang mapili ang wastong landasin?

Kailangan ang masikap na personal na pag-aaral sa mas malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos upang ‘masanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ Bukod diyan, dapat tayong masanay na ‘gamitin’ ang mga kakayahang ito sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. (Hebreo 5:14) Dapat tayong mag-ingat na huwag hayaan na ang isang daan na mukhang tama ay maglihis sa atin mula sa ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay.’​—Mateo 7:13, 14.

Kapag “Maaaring Nasasaktan ang Puso”

Maaari ba tayong maging maligaya kung hindi naman payapa ang ating kalooban? Nababawasan ba ng pagtawa at pagsasaya ang matinding sakit ng damdamin? Isang katalinuhan ba na lunurin sa alak ang panlulumo, mag-abuso sa droga, o sikaping mapawi ang gayong mga damdamin sa pamamagitan ng pagtataguyod ng imoral na istilo ng pamumuhay? Ang sagot ay hindi. “Sa pagtawa man ay maaaring nasasaktan ang puso,” ang sabi ng marunong na hari.​—Kawikaan 14:13a.

Maaaring ikubli ng pagtawa ang sakit na nadarama ng isa, ngunit hindi nito mapapawi ang gayong damdamin. “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon,” ang sabi ng Bibliya. Sa katunayan, may “panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa; panahon ng paghagulhol at panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:1, 4) Kapag nagpapatuloy ang panlulumo, dapat tayong kumilos upang madaig ito, anupat humahanap ng “mahusay na patnubay” kung kinakailangan. (Kawikaan 24:6) * May halaga rin naman ang pagtawa at paglilibang, ngunit kaunti lamang ang kabutihang naidudulot nito. Bilang babala laban sa di-wastong mga uri ng paglilibang at pagmamalabis dito, sinabi ni Solomon: “Sa pamimighati nauuwi ang pagsasaya.”​Kawikaan 14:13b.

Ang Isa na Walang Pananampalataya at ang Mabuting Tao​—Paano Nasisiyahan?

“Ang isa na may pusong walang pananampalataya ay masisiyahan sa mga bunga ng kaniyang sariling mga lakad,” ang sabi pa ng hari ng Israel, “ngunit ang mabuting tao ay sa mga bunga ng kaniyang mga pakikitungo.” (Kawikaan 14:14) Paano nasisiyahan ang isa na walang pananampalataya at ang mabuting tao sa mga bunga ng kaniyang mga pakikitungo?

Ang taong walang pananampalataya ay hindi nababahala sa pagsusulit sa Diyos. Kaya naman, hindi mahalaga sa taong walang pananampalataya ang paggawa ng tama sa paningin ni Jehova. (1 Pedro 4:3-5) Nasisiyahan na ang taong iyon sa mga bunga ng kaniyang materyalistikong istilo ng pamumuhay. (Awit 144:11-​15a) Sa kabilang panig naman, ang mabuting tao ay interesado sa espirituwal na mga kapakanan. Sa lahat ng kaniyang mga pakikitungo, sinusunod niya ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ang gayong indibiduwal ay nasisiyahan sa mga nagiging bunga nito dahil si Jehova ang kaniyang Diyos at nagtatamo siya ng walang-katulad na kagalakan sa paglilingkod sa Kataas-taasan.​—Awit 144:15b.

Huwag ‘Manampalataya sa Bawat Salita’

Upang ihambing ang pagkakaiba ng mga daan ng walang-karanasan at ng pantas, sinabi ni Solomon: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Ang matalino ay hindi mapaniwalain. Sa halip na maniwala sa lahat ng naririnig niya o hayaang ang iba ang mag-isip para sa kaniya, may-karunungan niyang isinasaalang-alang ang kaniyang mga hakbang. Matapos alamin ang lahat ng makukuhang impormasyon, kumikilos siya batay sa kaniyang napag-alaman.

Kuning halimbawa ang tanong na, “Mayroon bang Diyos?” Ang isa na walang karanasan ay may tendensiyang makiayon sa popular na paniniwala o sa pinaniniwalaan ng prominenteng mga tao. Sa kabilang panig naman, sinusuri muna ng matalino ang mga katibayan. Pinag-iisipan niya ang mga kasulatan na gaya ng Roma 1:20 at Hebreo 3:4. Kung tungkol sa espirituwal na mga bagay, hindi basta tinatanggap ng pantas ang opinyon ng mga lider ng relihiyon. ‘Sinusubok niya ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.’​—1 Juan 4:1.

Isang ngang karunungan na makinig sa payo na huwag ‘manampalataya sa bawat salita’! Lalo na itong dapat isapuso ng mga pinagkatiwalaan ng pananagutang magpayo sa iba sa kongregasyong Kristiyano. Dapat na lubos na nauunawaan ng tagapayo ang buong pangyayari. Dapat siyang makinig nang mabuti at kumuha ng impormasyon sa magkabilang panig upang ang kaniyang payo ay maging tama o walang kinikilingan.​—Kawikaan 18:13; 29:20.

“Ang Taong May Kakayahang Mag-isip ay Kinapopootan”

Upang ipakita ang isa pang pagkakaiba ng marunong at ng mangmang, sinabi ng hari ng Israel: “Ang marunong ay natatakot at lumalayo sa kasamaan, ngunit ang hangal ay napopoot at may tiwala sa sarili. Siyang madaling magalit ay gagawa ng kamangmangan, ngunit ang taong may kakayahang mag-isip ay kinapopootan.”​Kawikaan 14:16, 17.

Natatakot ang marunong na tao sa mga ibubunga ng pagsunod sa maling landasin. Kaya naman, siya ay maingat at nagpapahalaga sa anumang payo na tutulong sa kaniya na makaiwas sa kasamaan. Walang gayong takot ang hangal. Palibhasa’y nagtitiwala sa sarili, may-kapalaluan niyang ipinagwawalang-bahala ang payo ng iba. Palibhasa’y madaling magalit, ang gayong tao ay kumikilos nang may kamangmangan. Ngunit bakit kinapopootan ang taong may kakayahang mag-isip?

Ang ekspresyon sa orihinal na wika na isinaling “kakayahang mag-isip” ay may dalawang kahulugan. Sa positibong diwa, maaari itong mangahulugan ng kaunawaan o katalasan ng isip. (Kawikaan 1:4; 2:11; 3:21) Sa negatibong diwa naman, ang parirala ay maaaring tumukoy sa balakyot na mga kaisipan o masamang hangarin.​—Awit 37:7; Kawikaan 12:2; 24:8.

Kung ang ekspresyon na “ang taong may kakayahang mag-isip” ay tumutukoy sa isang taong nagpapakana ng masama, hindi mahirap unawain kung bakit kinapopootan ang taong iyon. Gayunman, hindi ba’t totoo na ang taong may kaunawaan ay maaari ring kapootan ng mga hindi nagtataglay ng ganitong katangian? Halimbawa, yaong gumagamit ng kanilang mental na mga kakayahan at nagpapasiyang maging ‘hindi bahagi ng sanlibutan’ ay kinapopootan ng sanlibutan. (Juan 15:19) Ang mga kabataang Kristiyano na gumagamit ng kanilang kakayahang mag-isip at naninindigan laban sa di-kapaki-pakinabang na panggigipit ng mga kasamahan upang makaiwas sa di-wastong paggawi ay tinutuya. Ang totoo, ang tunay na mga mananamba ay kinapopootan ng sanlibutan, na nasa kapangyarihan ni Satanas na Diyablo.​—1 Juan 5:19.

“Ang Masasamang Tao ay Kailangang Yumukod”

May isa pang pagkakaiba ang pantas, o matalino, at ang mga walang-karanasan. “Ang mga walang-karanasan ay tiyak na magmamay-ari ng kamangmangan, ngunit ang matatalino ay magpuputong ng kaalaman.” (Kawikaan 14:18) Palibhasa’y walang kaunawaan, pinipili ng mga walang-karanasan ang kamangmangan. Ito ang nagiging kalagayan ng kanilang buhay. Sa kabilang panig naman, ang kaalaman ay nagpapalamuti sa matalino kung paanong ang korona ay nagpaparangal sa hari.

“Ang masasamang tao ay kailangang yumukod sa harap ng mabubuti,” ang sabi ng marunong na hari, “at ang mga taong balakyot sa mga pintuang-daan ng matuwid.” (Kawikaan 14:19) Sa ibang salita, sa dakong huli ay magtatagumpay ang mabuti sa masama. Isaalang-alang ang patuloy na pagdami at ang nakatataas na uri ng pamumuhay na tinatamasa ng bayan ng Diyos sa ngayon. Dahil sa nakikitang mga pagpapalang ito na ipinagkakaloob sa mga lingkod ni Jehova, mapipilitang “yumukod” ang ilang sumasalansang sa makasagisag na makalangit na babae ni Jehova, na kinakatawanan ng pinahiran-ng-espiritung nalabi sa lupa. Sa dakong huli pagsapit ng Armagedon, mapipilitang kilalanin ng mga sumasalansang na iyon na ang makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos ay talagang kumakatawan sa makalangit na bahagi.​—Isaias 60:1, 14; Galacia 6:16; Apocalipsis 16:14, 16.

“Nagpapakita ng Lingap sa mga Napipighati”

Sa pagkokomento hinggil sa kalikasan ng tao, sinabi ni Solomon: “Ang dukha ay tudlaan ng pagkapoot maging ng kaniyang kapuwa, ngunit marami ang mga kaibigan ng taong mayaman.” (Kawikaan 14:20) Totoong-totoo nga ito sa di-sakdal na mga tao! Palibhasa’y mahilig sa kasakiman, mas pinapaboran nila ang mayayaman kaysa sa mahihirap. Bagaman maraming kaibigan ang taong mayaman, pansamantala lamang ang mga ito na gaya ng kaniyang kayamanan. Kung gayon, hindi ba’t nararapat lamang na iwasan nating makipagkaibigan sa pamamagitan ng salapi o pambobola?

Paano kung isinisiwalat ng tapat na pagsusuri sa sarili na sinusuyo pala natin ang mayayaman at hinahamak ang mga dukha? Dapat nating tandaan na hinahatulan sa Bibliya ang gayong pagpapakita ng paboritismo. Sinasabi nito: “Ang humahamak sa kaniyang kapuwa ay nagkakasala, ngunit maligaya siya na nagpapakita ng lingap sa mga napipighati.”​Kawikaan 14:21.

Dapat tayong magpakita ng konsiderasyon sa mga nasa mahihirap na kalagayan. (Santiago 1:27) Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng paglalaan ng “panustos-buhay ng sanlibutang ito,” lakip na ang salapi, pagkain, tirahan, damit, at personal na atensiyon. (1 Juan 3:17) Maligaya ang lumilingap sa gayong mga indibiduwal, yamang “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Ano ang Kanilang Kinahihinatnan?

Ang simulaing “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin” ay kumakapit kapuwa sa matalino at sa mangmang. (Galacia 6:7) Ang una ay gumagawa ng mabuti; ang huli naman ay kumakatha ng kapinsalaan. “Hindi ba magkakaligaw-ligaw yaong mga kumakatha ng kapinsalaan?” ang tanong ng marunong na hari. Ang sagot ay oo; sila nga ay “magkakaligaw-ligaw.” “Ngunit naroon ang maibiging-kabaitan at katapatan sa mga kumakatha ng mabuti.” (Kawikaan 14:22) Yaong mga gumagawa ng mabuti ay nagtatamasa ng kabutihang-loob ng iba at ng maibiging-kabaitan ng Diyos.

Upang ipakita ang kaugnayan ng tagumpay at ng pagpapagal gayundin ang kaugnayan ng kabiguan at ng maraming salita ngunit kulang sa gawa, sinabi ni Solomon: “Sa bawat uri ng pagpapagal ay may kapakinabangan, ngunit ang salita lamang ng mga labi ay humahantong sa kakapusan.” (Kawikaan 14:23) Tiyak na kumakapit ang simulaing ito sa ating mga pagsisikap sa espirituwal. Kapag nagpapagal tayo sa ministeryong Kristiyano, inaani natin ang mga gantimpala ng paghahatid ng nagliligtas-buhay na katotohanan ng Salita ng Diyos sa marami pang iba. Nagdudulot ng kagalakan at kasiyahan ang tapat na pagganap sa anumang teokratikong atas na natatanggap natin.

“Ang korona ng marurunong ay ang kanilang kayamanan; ang kamangmangan ng mga hangal ay kamangmangan,” ang sabi sa Kawikaan 14:24. Maaari itong mangahulugan na ang karunungan na sinisikap makamit ng marurunong ay kayamanan sa kanila, at ito ay nagiging korona, o kagayakan, para sa kanila. Sa kabilang panig naman, ang mga hangal ay nagtatamo lamang ng kamangmangan. Ayon sa isang reperensiyang akda, ang kawikaang ito ay maaari ring magpahiwatig na “ang kayamanan ay isang palamuti sa mahuhusay gumamit nito . . . [samantalang] ang mga mangmang ay nagkakamit lamang ng kahibangan.” Alinman dito ang kahulugan, mas mabuti ang kinahihinatnan ng marunong kaysa sa mangmang.

“Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng mga kaluluwa,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit ang mapanlinlang ay nagbubunsod ng mga kasinungalingan.” (Kawikaan 14:25) Bagaman tiyak na totoo ito sa paksang panghukuman, isaalang-alang kung paano rin ito kumakapit sa ating ministeryo. Nasasangkot sa ating gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad ang pagpapatotoo sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang pagpapatotoong iyan ay nagpapalaya sa matuwid-pusong mga indibiduwal mula sa huwad na relihiyon at nakapagliligtas ng buhay. Kung patuloy tayong magbibigay-pansin sa ating sarili at sa ating turo, ililigtas natin kapuwa ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin. (1 Timoteo 4:16) Habang patuloy natin itong ginagawa, maging alisto tayo sa pagpapakita ng katalinuhan sa lahat ng pitak ng buhay.

[Mga talababa]

^ par. 3 Para sa pagtalakay sa Kawikaan 14:1-11, tingnan ang pahina 26-9 ng Nobyembre 15, 2004, isyu ng Ang Bantayan.

^ par. 11 Tingnan ang pahina 11-16 ng Oktubre 22, 1987, isyu ng Gumising!

[Larawan sa pahina 18]

Kailangan ang masikap na pag-aaral sa mas malalalim na katotohanan upang makita natin ang pagkakaiba ng tama at mali

[Larawan sa pahina 18]

Kasiya-siya nga ba ang materyalistikong istilo ng pamumuhay?