Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang saligan sa pagsasabing ang mga pariralang “ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad” at ang isa “na walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita” ay tumutukoy kay Jesus sa halip na sa Diyos na Jehova?
Sumulat si apostol Pablo: “Ang pagkakahayag na ito ay ipakikita ng maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala sa sarili nitong takdang panahon, siya na Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon, ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad, na tumatahan sa di-malapitang liwanag, na walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita.”—1 Timoteo 6:15, 16.
Karaniwan nang ikinakatuwiran ng mga komentarista sa Bibliya: ‘Paano maaaring tumukoy sa iba maliban sa Makapangyarihan-sa-lahat ang mga pariralang “ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad,” ang “tanging Makapangyarihang Tagapamahala,” at ang isa “na walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita”?’ Totoo na maaaring gamitin ang gayong mga termino upang ilarawan si Jehova. Gayunman, ipinakikita ng konteksto na sa 1 Timoteo 6:15, 16, espesipikong tinutukoy ni Pablo si Jesus.
Sa katapusan ng talata 14, binanggit ni Pablo ang “pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Timoteo 6:14) Samakatuwid, nang isulat ni Pablo sa 1Tim 6 talata 15 na “ang pagkakahayag na ito ay ipakikita ng maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala sa sarili nitong takdang panahon,” tinutukoy niya ang pagkakahayag ni Jesus, hindi ng Diyos na Jehova. Kung gayon, sino ang “tanging Makapangyarihang Tagapamahala”? Waring makatuwirang ipasiya na si Jesus ang Makapangyarihang Tagapamahala na tinukoy ni Pablo? Bakit? Nililiwanag ng konteksto na inihahambing ni Pablo si Jesus sa mga tagapamahalang tao. Tunay ngang si Jesus, gaya ng isinulat ni Pablo, ay “Hari niyaong mga [taong] namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga [taong] namamahala bilang mga panginoon.” * Oo, kung ihahambing sa kanila, si Jesus ang “tanging Makapangyarihang Tagapamahala.” Si Jesus ay binigyan ng “pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:14) Walang makapangyarihang tagapamahalang tao ang makapag-aangkin nang ganito!
Kumusta naman ang pariralang “ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad”? Muli, inihahambing na naman si Jesus sa mga haring tao. Walang tagapamahala sa lupa ang makapag-aangkin na pinagkalooban siya ng imortalidad, ngunit magagawa ito ni Jesus. Sumulat si Pablo: “Alam natin na si Kristo, ngayong ibinangon na siya mula sa mga patay, ay hindi na namamatay; ang kamatayan ay hindi na namamanginoon sa kaniya.” (Roma 6:9) Samakatuwid, si Jesus ang kauna-unahang inilarawan sa Bibliya na tumanggap ng kaloob na imortalidad. Sa katunayan, nang panahon ng pagsulat ni Pablo, si Jesus pa lamang ang nagtamo ng di-nasisirang buhay.
Dapat ding tandaan na magiging mali si Pablo kung sasabihin niyang ang Diyos na Jehova lamang ang imortal, yamang imortal na rin si Jesus nang isulat ni Pablo ang mga salitang iyon. Ngunit masasabi ni Pablo na si Jesus lamang ang imortal kung ihahambing sa mga tagapamahala sa lupa.
Bukod diyan, tunay nga na pagkatapos ng pagkabuhay-muli at pag-akyat ni Jesus sa langit, mailalarawan na siya bilang isa na “walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita.” Totoo na si Jesus ay makikita ng kaniyang pinahirang mga alagad pagkatapos mismo ng kanilang kamatayan at kasunod na pagkabuhay-muli sa langit bilang mga espiritung nilalang. (Juan 17:24) Ngunit walang tao sa lupa ang makakakita kay Jesus sa kaniyang niluwalhating kalagayan. Samakatuwid, tama lamang na sabihin na mula noong pagkabuhay-muli at pag-akyat ni Jesus sa langit, “walang isa man sa mga tao” ang aktuwal na nakakita kay Jesus.
Totoo na sa unang pagbasa, waring ang mga paglalarawan na masusumpungan sa 1 Timoteo 6:15, 16 ay maaaring kumapit sa Diyos. Ngunit ipinakikita ng konteksto ng mga salita ni Pablo—pati na ng patotoo ng iba pang mga kasulatan—na si Jesus ang tinutukoy ni Pablo.
[Talababa]
^ par. 5 Ikinapit kay Jesus ang katulad na mga pananalita sa 1 Corinto 8:5, 6; Apocalipsis 17:12, 14; 19:16.