Diyos o Tao?
Diyos o Tao?
“AKO ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Juan 8:12) Ang mga salitang ito ay sinabi ni Jesu-Kristo. Isang may-pinag-aralang lalaki noong unang siglo ang sumulat tungkol kay Jesus: “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Colosas 2:3) Bukod diyan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Mahalaga ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jesus upang masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan.
Maraming tao sa buong daigdig ang nakabalita na tungkol kay Jesu-Kristo. Hindi na pag-aalinlanganan pa ang impluwensiya niya sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sa katunayan, ang kalendaryong ginagamit sa kalakhang bahagi ng daigdig ay ibinatay sa taon ng inaakalang pagsilang niya. “Tinutukoy ng maraming tao ang mga petsa bago ang taóng iyon bilang B.C., o before Christ (bago si Kristo),” ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia. “Ginagamit naman nila ang A.D., o anno Domini (sa taon ng ating Panginoon), para sa mga petsa pagkatapos ng taóng iyon.”
Gayunman, may nagkakasalungatang palagay kung sino nga ba si Jesus. Para sa ilan, siya’y isa lamang pambihirang tao na nag-iwan ng magandang rekord sa kasaysayan. Subalit ang iba ay sumasamba sa kaniya bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Inihalintulad naman ng mga tagapagtaguyod ng Hindu si Jesu-Kristo sa diyos ng mga Hindu na si Krishna, na para sa marami ay isang diyos na nagkatawang-tao. Si Jesus ba ay isang tao lamang, o isa siya na dapat sambahin? Sino nga ba siya? Saan siya nagmula? Anong uri ng personalidad ang taglay niya? At nasaan siya ngayon? Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, ang aklat na may napakaraming masasabi tungkol kay Jesus ay nagbibigay ng tapat na mga sagot sa mga tanong na ito.