Anong Uri ng Edukasyon ang Tutulong Upang Maging Matagumpay ang Iyong Buhay?
Anong Uri ng Edukasyon ang Tutulong Upang Maging Matagumpay ang Iyong Buhay?
SOBRA-SOBRA na ba ang mga problema mo anupat para ka nang nalulunod sa umaalimpuyong tubig? Isip-isipin na lamang ang pagdurusang maidudulot kung magkakamali ka sa pagharap sa isa o higit pang mga problemang iyon! Walang sinuman ang isinilang na may kakayahang lutasin ang lahat ng problema, na palaging tama ang mga desisyon. Dito pumapasok ang edukasyon. Saan ka kaya makakakuha ng edukasyong maghahanda sa iyo na mapagtagumpayan ang mga problema sa buhay?
Marami, bata at matanda, ang lubhang nagpapahalaga sa akademikong edukasyon. Sinasabi pa nga ng ilang dalubhasa na sila ay “lubos na naniniwala na hindi ka kailanman makakakuha ng [magandang] trabaho kung hindi ka nagtapos sa kolehiyo.” Gayunman, may ilang pangangailangan ang tao na hindi kayang sapatan ng mga tagumpay sa materyal. Halimbawa, tumutulong ba sa iyo ang mataas na pinag-aralan upang maging mabuting magulang, asawa, o kaibigan? Sa katunayan, ang mga taong hinahangaan dahil sa kanilang mga nagawa bunga ng kanilang katalinuhan ay maaaring magkaroon ng di-magagandang ugali, mabigo sa kanilang buhay-pampamilya, o magpatiwakal pa nga.
Ang ilan ay humihingi ng patnubay mula sa relihiyon, bilang mapagkukunan ng edukasyon, ngunit nadidismaya dahil hindi sila makatanggap ng praktikal na tulong upang maharap ang mga suliranin sa buhay. Bilang paglalarawan, ganito ang sabi ni Emilia * na taga-Mexico: “Labinlimang taon na ang nakalilipas nang madama kong hindi na talaga kami puwedeng magsamang mag-asawa. Palagi kaming nagtatalo. Hindi ko siya mapatigil sa pag-inom ng alak. Madalas kong iniiwan ang aming maliliit na anak para lamang hanapin ang aking asawa. Sawang-sawa na ako. Ilang ulit akong nagsimba sa pagbabaka-sakaling makakita ng solusyon. Bagaman ginagamit doon ang Bibliya paminsan-minsan, wala man lamang akong narinig na payo na partikular na tumutukoy sa aking kalagayan; ni may lumapit man sa akin upang sabihin kung ano ang dapat kong gawin. Hindi ako natulungan ng ilang sandaling pag-upo sa loob ng simbahan at pag-uulit ng ilang dasal.” Baka ang iba naman ay nasisiphayo kapag nakikita nilang hindi magandang huwaran sa pamumuhay ang kanila mismong espirituwal na mga lider. Dahil dito, marami ang nawawalan na ng tiwala sa relihiyon bilang mapagkukunan ng pagsasanay o edukasyon upang magtagumpay sa buhay.
Kung gayon, baka maitanong mo sa iyong sarili, ‘Anong uri kaya ng edukasyon ang dapat kong kunin upang maging matagumpay ang aking buhay?’ Nasa tunay na Kristiyanismo ba ang sagot sa mahalagang tanong na ito? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
^ par. 4 Binago ang pangalan.