Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang Siglo

Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang Siglo

Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang Siglo

ISANG mahalagang pulong ang naganap sa Jerusalem noong mga 49 C.E. Naroroon “ang waring mga haligi” ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo​—sina Juan, Pedro, at Santiago na kapatid ni Jesus sa ina. Ang dalawa pang nabanggit na dumalo sa pulong ay si apostol Pablo at ang kaniyang kasamang si Bernabe. Ang adyenda nila ay kung paano hahatiin ang napakalawak na teritoryo para sa gawaing pangangaral. Nagpaliwanag si Pablo: “[Sila] ay nagbigay sa akin at kay Bernabe ng kanang kamay ng pakikipagsamahan, na dapat kaming pumaroon sa mga bansa, ngunit sila ay doon sa mga tuli.”​—Galacia 2:1, 9. *

Paano natin uunawain ang kaayusang ito? Ang teritoryo ba kung saan dapat ipangaral ang mabuting balita ay nahahati sa mga Judio at proselita sa isang panig at sa mga Gentil naman sa kabilang panig? O ang kaayusan ba sa paghahati ng teritoryo ay ayon sa heograpiya? Upang masumpungan ang posibleng sagot, kailangan muna nating alamin ang ilang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Diaspora, ang mga Judiong naninirahan sa labas ng Palestina.

Ang Daigdig ng mga Judio Noong Unang Siglo

Ilang Judio kaya ang kabilang sa Diaspora noong unang siglo? Maraming iskolar ang waring sang-ayon sa publikasyong Atlas of the Jewish World: “Mahirap tiyakin ang eksaktong mga bilang, ngunit makatuwirang tinataya na nang malapit na ang 70 [C.E.], may dalawa at kalahating milyong Judio sa Judea at mahigit apat na milyon naman ang kabilang sa diaspora sa Roma. . . . Lumilitaw na kumakatawan ang mga Judio sa humigit-kumulang ikasampung bahagi ng buong populasyon ng imperyo, at sa mga lugar na kinaroroonan ng marami sa kanila, sa mga lunsod ng mga lalawigan sa silangan, maaaring ikaapat na bahagi sila o higit pa ng mga naninirahan doon.”

Ang pinakamalalaking sentro ay nasa Sirya, Asia Minor, Babilonya, at Ehipto, sa Silangan, at ang mas maliliit na pamayanan naman ay nasa Europa. May ilang kilalang sinaunang Kristiyanong Judio na kabilang sa Diaspora, gaya ni Bernabe na taga-Ciprus, nina Prisca at Aquila na taga-Ponto at lumipat sa Roma, ni Apolos na taga-Alejandria, at ni Pablo na taga-Tarso.​—Gawa 4:36; 18:2, 24; 22:3.

Maraming koneksiyon ang mga pamayanang Diaspora sa kanilang sariling lupain. Ang isa ay ang taunang buwis na ipinadadala sa templo sa Jerusalem, isang paraan ng pakikibahagi sa buhay at pagsamba sa templo. Hinggil dito, sinabi ng iskolar na si John Barclay: “May sapat na ebidensiya na ang pangongolekta sa salaping ito, na may dagdag pang ekstrang donasyon mula sa mayayaman, ay mahigpit na isinagawa ng mga pamayanang Diaspora.”

Ang isa pang koneksiyon ay ang sampu-sampung libong peregrino na pumupunta sa Jerusalem taun-taon para sa mga kapistahan. Inilalarawan ito ng ulat sa Gawa 2:9-11 tungkol sa Pentecostes 33 C.E. Ang mga peregrinong Judio na naroroon ay nagmula sa Parthia, Media, Elam, Mesopotamia, Capadocia, Ponto, Asia, Frigia, Pamfilia, Ehipto, Libya, Roma, Creta, at Arabia.

Ang administrasyon ng templo sa Jerusalem ay nakipagtalastasan sa mga Judiong kabilang sa Diaspora sa pamamagitan ng liham. Batid ng marami na si Gamaliel, ang guro ng kautusan na binanggit sa Gawa 5:34, ay nagpadala ng mga liham sa Babilonya at sa iba pang lugar sa daigdig. Nang dumating si apostol Pablo sa Roma bilang isang bilanggo noong mga 59 C.E., sinabi sa kaniya ng “mga pangunahing lalaki ng mga Judio” na “hindi rin naman kami tumanggap ng mga liham may kinalaman sa iyo mula sa Judea, ni ang sinuman sa mga kapatid na dumating ay nag-ulat o nagsalita ng anumang bagay na balakyot tungkol sa iyo.” Nagpapahiwatig ito na madalas na may ipinadadalang mga liham at ulat sa Roma mula sa sariling lupain.​—Gawa 28:17, 21.

Ang Bibliya ng mga Judiong kabilang sa Diaspora ay ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan na kilala bilang Septuagint. Sinabi ng isang reperensiyang akda: “Makatuwirang ipalagay na ang LXX [Septuagint] ay binasa at tinanggap ng lahat ng kabilang sa diaspora bilang ang Bibliyang Judio ng diaspora o ‘banal na kasulatan.’ ” Ang salin ding ito ang malawakang ginamit ng sinaunang Kristiyano sa kanilang pagtuturo.

Pamilyar sa mga kalagayang ito ang mga miyembro ng Kristiyanong lupong tagapamahala na nasa Jerusalem. Nakarating na ang mabuting balita sa mga Judiong kabilang sa Diaspora na nasa Sirya at lampas pa rito, pati na sa Damasco at Antioquia. (Gawa 9:19, 20; 11:19; 15:23, 41; Galacia 1:21) Sa pulong noong 49 C.E., maliwanag na nagpaplano ang mga naroroon para sa gawain sa hinaharap. Tingnan natin ang mga pagtukoy ng Bibliya hinggil sa paglawak ng mga Judio at ng mga proselita.

Ang mga Paglalakbay ni Pablo at ang mga Judiong Kabilang sa Diaspora

Ang orihinal na atas ni apostol Pablo ay “dalhin ang . . . pangalan [ni Jesu-Kristo] sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” * (Gawa 9:15) Pagkatapos ng pulong sa Jerusalem, nagpatuloy si Pablo sa pagtulong sa mga Judiong kabilang sa Diaspora saanman siya maglakbay. (Tingnan ang kahon sa pahina 14.) Nagpapahiwatig ito na iniayon sa heograpiya ang mga kaayusan sa teritoryo. Sina Pablo at Bernabe ay nagpalawak ng kanilang gawain sa kanluran bilang mga misyonero, at ang iba naman ay naglingkod sa sariling lupain ng mga Judio at sa malalaking pamayanang Judio sa mga bansa sa Silangan.

Nang pasimulan ni Pablo at ng kaniyang mga kasama ang ikalawang paglalakbay bilang misyonero mula sa Antioquia sa Sirya, sila ay inakay pakanluran tungo sa Asia Minor hanggang Troas. Mula roon ay tumawid sila sa Macedonia dahil ipinalagay nila na “tinawag [sila] ng Diyos upang ipahayag [sa mga taga-Macedonia] ang mabuting balita.” Nang maglaon, nagkaroon na ng mga kongregasyong Kristiyano sa iba pang mga lunsod sa Europa, pati na sa Atenas at Corinto.​—Gawa 15:40, 41; 16:6-10; 17:1–18:18.

Noong mga 56 C.E., sa pagtatapos ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, nagplano si Pablo na pumunta sa gawi pa roon ng kanluran at palawakin ang teritoryong iniatas sa kaniya nang magpulong sa Jerusalem. Sumulat siya: “May pananabik sa ganang akin na ipahayag din ang mabuting balita sa inyo riyan sa Roma,” at, “lilisan ako at daraan sa inyo patungong Espanya.” (Roma 1:15; 15:24, 28) Subalit kumusta naman ang malalaking pamayanang Diaspora sa Silangan?

Mga Pamayanang Judio sa Silangan

Noong unang siglo C.E., ang Ehipto ang may pinakamalaking pamayanang Diaspora, lalo na sa kabisera nito, ang Alejandria. Ang sentrong ito ng kalakalan at kultura ay may populasyon ng mga Judio na umaabot sa daan-daang libo, na may mga sinagogang nakakalat sa buong lunsod. Sinabi ni Philo, isang Judiong taga-Alejandria, na sa buong Ehipto, di-kukulangin sa isang milyong Judio ang naroroon noon. Isa pang malaking bilang ang naninirahan naman sa kalapit na Libya, sa lunsod ng Cirene at sa mga karatig nito.

Nagmula sa mga lugar na ito ang ilang Judiong naging mga Kristiyano. Mababasa natin ang tungkol kay “Apolos, isang katutubo ng Alejandria,” ang tungkol sa “ilang lalaki mula sa Ciprus at Cirene,” at ang tungkol kay “Lucio ng Cirene,” na tumulong sa kongregasyon sa Antioquia ng Sirya. (Gawa 2:10; 11:19, 20; 13:1; 18:24) Bukod dito, wala nang binabanggit ang Bibliya tungkol sa gawain ng sinaunang mga Kristiyano sa Ehipto at sa palibot nito, maliban sa pagpapatotoo ng Kristiyanong ebanghelisador na si Felipe sa bating na Etiope.​—Gawa 8:26-39.

Ang Babilonya, bukod sa Parthia, Media, at Elam, ay isa pang pangunahing sentro. Isang istoryador ang nagsabi na “sa bawat teritoryo sa kapatagan ng Tigris at Eufrates, mula Armenia hanggang gulpo ng Persia, gayundin pahilagang-silangan hanggang Dagat Caspian, at pasilangan hanggang Media, ay may populasyon ng mga Judio.” Tinataya ng Encyclopaedia Judaica na umaabot sila nang 800,000 o higit pa. Sinasabi sa atin ng unang-siglong istoryador na Judio na si Josephus na sampu-sampung libong Judio sa Babilonya ang naglalakbay patungong Jerusalem para sa mga taunang kapistahan.

May ilan bang peregrino mula sa Babilonya na nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E.? Hindi natin alam, ngunit ang ilan sa mga nakinig kay apostol Pedro noong araw na iyon ay galing sa Mesopotamia. (Gawa 2:9) Alam natin na nasa Babilonya si apostol Pedro noong mga 62-64 C.E. Habang naroroon, isinulat niya ang kaniyang unang liham at posibleng pati na ang ikalawa. (1 Pedro 5:13) Ang Babilonya na may malaking populasyon ng mga Judio ay maliwanag na ibinilang na bahagi ng teritoryong iniatas kina Pedro, Juan, at Santiago sa pulong na tinutukoy sa liham sa mga taga-Galacia.

Ang Kongregasyon sa Jerusalem at ang mga Judiong Kabilang sa Diaspora

Si Santiago, na dumalo rin sa pulong kung saan binanggit ang mga teritoryo, ay naglilingkod noon bilang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Jerusalem. (Gawa 12:12, 17; 15:13; Galacia 1:18, 19) Naroroon siya noong Pentecostes 33 C.E. nang libu-libo sa dumating na mga Judiong kabilang sa Diaspora ang tumugon sa mabuting balita at nagpabautismo.​—Gawa 1:14; 2:1, 41.

Mula noon, sampu-sampung libong Judio ang dumarating para sa mga taunang kapistahan. Siksikan na sa lunsod, kung kaya kinailangang manuluyan ang mga panauhin sa karatig na mga nayon o magkampo sa mga tolda. Bukod sa pakikipagkita sa mga kaibigan, ipinaliwanag ng Encyclopaedia Judaica na pumasok ang mga peregrino sa templo upang sumamba, maghandog ng mga hain, at mag-aral ng Torah.

Tiyak na sinamantala ni Santiago at ng iba pang miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem ang mga pagkakataong ito upang magpatotoo sa mga Judiong kabilang sa Diaspora. Marahil ay buong-ingat na ginawa ito ng mga apostol noong “bumangon ang malaking pag-uusig laban sa kongregasyon na nasa Jerusalem” dahil sa pagkamatay ni Esteban. (Gawa 8:1) Ayon sa ulat, bago at pagkatapos ng pangyayaring ito, ang sigasig ng mga Kristiyanong ito sa pangangaral ay nagbunga ng patuloy na pagdami.​—Gawa 5:42; 8:4; 9:31.

Ano ang Matututuhan Natin?

Oo, ginawa ng sinaunang mga Kristiyano ang lahat ng kanilang makakaya upang maabot ang mga Judio saanman sila naroroon. Kasabay nito, pinuntahan naman ni Pablo at ng iba pa ang mga Gentil sa mga teritoryo sa Europa. Sinunod nila ang pangwakas na utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad “sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”​—Mateo 28:19, 20.

Mula sa kanilang halimbawa, natutuhan natin ang kahalagahan ng pangangaral sa organisadong paraan upang makamit ang tulong ng espiritu ni Jehova. Nakita rin natin ang mga bentaha ng pakikipag-ugnayan sa mga may paggalang sa Salita ng Diyos, lalo na sa mga teritoryong iilan lamang ang mga Saksi ni Jehova. May mga lugar ba sa teritoryong iniatas sa inyong kongregasyon na mas mabunga kaysa sa iba? Baka makabubuting gawin ito nang mas madalas. May mga okasyon ba sa pamayanan na tamang-tama sa pantanging pagsisikap para sa di-pormal na pagpapatotoo at pagpapatotoo sa lansangan?

Nakikinabang tayo hindi lamang sa pagbabasa natin sa Bibliya tungkol sa sinaunang mga Kristiyano kundi sa pagiging pamilyar din natin sa ilang detalye tungkol sa kasaysayan at heograpiya. Ang isang pantulong na magagamit natin upang mapalawak ang ating kaunawaan ay ang brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain,’ na may maraming mapa at mga larawan.

[Mga talababa]

^ par. 2 Malamang na ginanap ang pulong na ito nang tinatalakay ng lupong tagapamahala noong unang-siglo ang tungkol sa pagtutuli.​—Gawa 15:6-29.

^ par. 13 Ang artikulong ito ay nakatuon sa pagpapatotoo ni Pablo sa mga Judio, hindi sa kaniyang mga gawain bilang “isang apostol sa mga bansa.”​—Roma 11:13.

[Chart sa pahina 14]

ANG PAGMAMALASAKIT NI APOSTOL PABLO SA MGA JUDIONG KABILANG SA DIASPORA

BAGO ANG PULONG SA JERUSALEM NOONG 49 C.E.

Gawa 9:19, 20 Damasco​—‘sa mga sinagoga ay kaagad siyang

nagsimulang mangaral’

Gawa 9:29 Jerusalem​—“nakikipag-usap . . . sa mga Judiong

nagsasalita ng Griego”

Gawa 13:5 Salamis, Ciprus​—‘ipinahahayag ang salita ng

Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio’

Gawa 13:14 Antioquia sa Pisidia​—“pagpasok sa sinagoga”

Gawa 14:1 Iconio​—“pumasok sa sinagoga ng mga Judio”

PAGKATAPOS NG PULONG SA JERUSALEM NOONG 49 C.E.

Gawa 16:14 Filipos​—“Lydia, . . . isang mananamba ng Diyos”

Gawa 17:1 Tesalonica​—“isang sinagoga ng mga Judio”

Gawa 17:10 Berea​—“sinagoga ng mga Judio”

Gawa 17:17 Atenas​—“mangatuwiran sa sinagoga sa mga Judio”

Gawa 18:4 Corinto​—“nagbibigay . . . ng pahayag sa

sinagoga”

Gawa 18:19 Efeso​—“pumasok sa sinagoga at nangatuwiran sa

mga Judio”

Gawa 19:8 Efeso​—“pagpasok sa sinagoga, nagsalita siya

nang may katapangan sa loob ng tatlong

buwan”

Gawa 28:17 Roma​—“tinawag . . . yaong mga pangunahing

lalaki ng mga Judio”

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Nanggaling sa malalayong lugar ang mga nakarinig ng mabuting balita noong Pentecostes 33 C.E.

ILIRICO

ITALYA

Roma

MACEDONIA

GRESYA

Atenas

CRETA

Cirene

LIBYA

BITINIA

GALACIA

ASIA

FRIGIA

PAMFILIA

CIPRUS

EHIPTO

ETIOPIA

PONTO

CAPADOCIA

CILICIA

MESOPOTAMIA

SIRYA

SAMARIA

Jerusalem

JUDEA

MEDIA

Babilonya

ELAM

ARABIA

PARTHIA

[Katubigan]

Dagat Mediteraneo

Dagat na Itim

Dagat na Pula

Gulpo ng Persia