Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makinabang Mula sa Pinakamainam na Edukasyong Makukuha!

Makinabang Mula sa Pinakamainam na Edukasyong Makukuha!

Makinabang Mula sa Pinakamainam na Edukasyong Makukuha!

IPINAKIKILALA ng Bibliya ang Diyos na Jehova bilang ang Maylalang ng lahat ng bagay, pati na ng mga tao. (Genesis 1:27; Apocalipsis 4:11) Bilang ang Dakilang Tagapagturo, tinuruan niya ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, at inihanda sila para mamuhay sa magandang hardin sa Eden. Layunin sana niya na patuloy silang turuan at pangalagaan magpakailanman. (Genesis 1:28, 29; 2:15-17; Isaias 30:20, 21) Isip-isipin na lamang ang napakagandang kinabukasang iyan!

Subalit nakalulungkot, sinayang ng mag-asawa ang lahat ng ito. Dahil sa kanilang pagsuway, nagsimula nang sumamâ ang moral at pisikal na kalagayan ng lahi ng tao. (Genesis 3:17-19; Roma 5:12) Tungkol sa mga nabuhay noong ilang henerasyon pa lamang matapos lalangin ang tao, ang Bibliya ay nagsasabi: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.”​—Genesis 6:5.

Halos 4,500 taon na ang nakalilipas mula nang sabihin ni Jehova na palagi na lamang masama ang hilig ng tao, at lalo pa ngang sumamâ ngayon higit kailanman ang kalagayan ng sangkatauhan. Marami ang walang-kahihiyang nagsisinungaling, nagnanakaw, o nananalakay sa iba. Parami nang parami ang problema sa araw-araw, habang paunti naman nang paunti ang pagmamalasakit sa kapuwa. Hindi ba’t nasa malaking krisis na ang karamihan sa mga ugnayan ng tao, pati na ng mga nasa loob ng pamilya? Gayunman, hindi masisisi ang Diyos sa kasalukuyang mga kalagayan, ni hindi nga siya tumigil na mabahala tungkol sa mga problema sa ngayon. Noon pa man ay interesado na si Jehova sa kapakanan ng tao, at handa niyang turuan ang mga umaasa sa kaniya ukol sa patnubay upang matamo ang maligayang buhay. Mga 2,000 taon na ang nakalilipas, isinugo niya sa lupa ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at ipinakita ang Kaniyang interes na maturuan ang mga taong nagnanais ng matagumpay na buhay. Nag-iwan si Jesus ng isang parisan ng sakdal na edukasyon sapagkat naturuan siya ng Dakilang Tagapagturo sa loob ng di-mabilang na panahon.

Tunay na Kristiyanismo​—Isang Edukasyon

Pinasimulan ni Jesu-Kristo ang tunay na Kristiyanismo, isang paraan ng pamumuhay na nakasalig sa pag-ibig. Dito, lahat ng pag-iisip at pagkilos ay kailangang kasuwato ng kalooban ng Diyos, sa layuning magdulot ng karangalan at kaluwalhatian sa kaniyang pangalan. (Mateo 22:37-39; Hebreo 10:7) Ang nasa likod ng mga turo ni Jesus tungkol sa paraang ito ng pamumuhay ay ang kaniyang Ama, si Jehova. Mababasa natin sa Juan 8:29 ang tungkol sa pag-alalay na tinanggap ni Jesus mula sa Diyos: “Siya na nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi niya ako iniwang nag-iisa, sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” Oo, taglay ni Jesus ang pag-alalay at patnubay ng kaniyang Ama sa buong ministeryo niya. Ang sinaunang mga tagasunod ni Jesus ay hindi humarap sa mga hamon sa buhay nang walang patnubay. Tinuruan sila ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Dahil sa kanilang pagsunod sa mga turo at halimbawa ni Jesus, sila’y naging mas mabubuting tao. Totoo rin ito sa kaniyang mga alagad sa ngayon.​—Tingnan ang kahong “Ang Impluwensiya ni Jesus at ng Kaniyang mga Turo,” sa pahina 6.

Ang isang kapansin-pansing katangian ng tunay na Kristiyanismo ay na kalakip dito ang edukasyong nakaaapekto sa isip at puso upang mabago ang pagkatao ng isa. (Efeso 4:23, 24) Bilang halimbawa, tingnan natin ang itinuro ni Jesus tungkol sa pagiging tapat sa asawa: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:27, 28) Sa mga salitang ito, itinuturo ni Jesus sa kaniyang mga alagad na dapat panatilihing malinis ang puso at na ang maling pag-iisip at pagnanasa, bagaman hindi pa nagagawa, ay may malulubhang ibubunga. Hindi ba’t totoo naman na ang masasamang pag-iisip ay maaaring humantong sa mga gawang nakagagalit sa Diyos at nakasasakit sa iba?

Kaya naman nagpapayo ang Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) ‘Posible nga bang mabago ng edukasyon ang pag-iisip?’ maitatanong mo. Ang pagbabago ng pag-iisip ay nagsasangkot ng pagganyak dito tungo sa ibang direksiyon sa pamamagitan ng pagpapasok dito ng mga simulain at instruksiyong nasa Salita ng Diyos. Maisasagawa ito kung tatanggapin ang edukasyong inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita.

Naganyak na Magbago

“Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Malakas pa rin ang impluwensiya nito sa mga indibiduwal, na nagpapatunay na hindi ito naluluma. Nagaganyak nito ang isang tao na magbago ng landasin, yumakap sa tunay na Kristiyanismo, at maging mas mabuting tao. Ang sumusunod na mga halimbawa ay nagpapakita ng kahalagahan ng edukasyon sa Bibliya.

Si Emilia, binanggit sa naunang artikulo, ay nagsabi: “Hindi sapat ang basta sariling pagsisikap lamang upang mapabuti ang kalagayan ng aming tahanan. Nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, napag-isip-isip kong may pag-asa pa pala at nabago tuloy ang aking saloobin. Natuto akong maging mapagpasensiya at huwag maging magagalitin. Nang maglaon, nakisama na rin ang aking asawa sa pag-aaral. Hindi naging madali para sa kaniya na itigil ang pag-inom, pero nagawa niya ito. Nagbigay ito ng panibagong pasimula sa aming pagsasama. Kami ngayon ay maliligayang Kristiyano at nagkikintal ng magagandang simulain ng Bibliya sa aming mga anak.”​—Deuteronomio 6:7.

Ang edukasyong inilalaan ng tunay na Kristiyanismo ay nakapagpapalaya sa isang tao mula sa mga bisyo at imoral na istilo ng pamumuhay. Napatunayan ni Manuel * na totoo ito. Sa edad na 13, lumayas siya sa kanilang tahanan at nagsimulang gumamit ng marihuwana. Nang maglaon, gumamit naman siya ng heroin. Nakipagtalik siya sa mga lalaki at mga babae kapalit ng matutuluyan at salapi. Kung minsan, nanghoholdap din si Manuel para masuportahan ang sarili. Halos palagi siyang lango sa droga. Palagi siyang nabibilanggo dahil sa kaniyang marahas na pag-uugali. Minsan, apat na taon siyang nabilanggo, at doon siya nasangkot sa pagbebenta ng mga sandata. Nang mag-asawa siya, patuloy na inani ni Manuel ang bunga ng kaniyang paraan ng pamumuhay. Ang sabi niya: “Napasadlak kami sa paninirahan sa dating kulungan ng manok. Naaalaala ko pa ang aking asawa na nagluluto sa ibabaw ng ilang bato. Walang patutunguhan ang aming kalagayan anupat mga kamag-anak ko pa ang humimok sa aking asawa na iwan ako.”

Ano ang nagpabago sa kaniyang buhay? Sumagot si Manuel: “Isang kakilala ang dumating sa aming bahay at ipinakipag-usap ang tungkol sa Bibliya. Pumayag akong dalawin niya ako para lamang ipakita sa kaniya na walang Diyos na interesado sa mga tao. Ako mismo ang buháy na patotoo nito. Nagulat ako sa pagiging mapagpasensiya at magalang ng Saksi, kaya pumayag akong dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Bagaman may ilan doon na nakakakilala sa aking pagkatao, binati nila ako sa palakaibigang paraan. Ipinadama nila sa akin na hindi ako iba sa kanila. Isa itong malaking kaaliwan. Naudyukan ako nitong magpasiya na iwan na ang daigdig ng mga droga upang makahanap ng disenteng trabaho. Pagkalipas ng apat na buwang pag-aaral ng Bibliya, naging kuwalipikado na akong sumama sa gawaing pangangaral, at apat na buwan pagkatapos nito, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.”

Ano ang naging kahulugan ng tunay na Kristiyanismo para kay Manuel at sa kaniyang pamilya? “Kung walang edukasyon sa Bibliya, tiyak na matagal na akong patay. Naibalik sa akin ang aking pamilya dahil sa paraan ng pamumuhay na itinuro ni Jesus. Hindi na kailangang maranasan ng aking dalawang anak ang aking dinanas noong bata ako. Ipinagmamalaki ko at ipinagpapasalamat kay Jehova ang magandang samahan naming mag-asawa sa ngayon. Binati ako ng ilan sa dati kong mga kakilala at sinabi sa akin na ang landasing tinatahak ko ngayon ang sa palagay nila’y pinakamainam sa lahat.”

Sa Kristiyanong paraan ng pamumuhay, ang kalinisan sa moral ay kakambal ng kalinisan sa pisikal. Naunawaan ito ni John na nakatira sa isang maralitang lugar sa Timog Aprika. Ang paliwanag niya: “Kung minsan, isang linggong hindi naliligo ang aming anak na babae, at wala man lamang ni isa sa amin ang nagmalasakit.” Inamin ng kaniyang asawa na napakarumi ng kanilang tahanan. Subalit dahil sa edukasyong Kristiyano, nagbago ang mga bagay-bagay. Tumigil na si John sa pakikipagbarkada sa isang pangkat ng mga magnanakaw ng kotse at inasikaso na niya ang kaniyang pamilya. “Natutuhan namin na bilang mga Kristiyano, dapat na palaging malinis ang aming katawan at pananamit. Nagustuhan ko ang mga salita sa 1 Pedro 1:16, na nagpapayo sa atin na magpakabanal sapagkat ang Diyos na Jehova ay banal. Sinisikap din namin ngayon na mapaganda ang aming simpleng tahanan.”

Masusumpungan Mo ang Pinakamainam na Edukasyon

Ang mga karanasang binanggit sa itaas ay hindi lamang pailan-ilang kaso. Dahil sa edukasyong nakasalig sa Bibliya, libu-libong tao ang natutong mamuhay nang mas maayos. Dahil sa pagiging tapat at masipag, napapamahal sila sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. Sila ay naging mabubuting kapitbahay at kaibigan, na interesado sa kapakanan ng kanilang kapuwa. Determinado silang alisin ang mga bisyo at makalamang mga hilig, kaya naman mas napangangalagaan nila ang kanilang pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan. Sa halip na sayangin nila ang kanilang salapi sa mga bisyo, ginagamit nila ito para sa kanilang kapakinabangan at sa kapakinabangan ng kanilang pamilya. (1 Corinto 6:9-11; Colosas 3:18-23) Walang alinlangan, ipinakikita ng mga resulta ng pagkakapit ng mga sinasabi ni Jehova sa Bibliya na ang pamumuhay ayon sa tunay na Kristiyanismo ang pinakamainam na landasin sa buhay, anupat naglalaan ng pinakamainam na edukasyong makukuha. May kinalaman sa isang taong namumuhay kasuwato ng mga kautusan ng Diyos, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”​—Awit 1:3.

Nakatutuwang malaman na handa tayong turuan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Oo, ipinakita ni Jehova ang daan sa pamamagitan ng halimbawa at mga turo ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Malaki ang nagawa ng kaniyang mga turo sa buhay ng maraming nakakilala sa kaniya noong siya’y nasa lupa, at totoo rin ito sa marami pang iba sa ngayon na namumuhay ayon sa kaniyang mga turo. Ano kaya kung maglaan ka rin ng panahon na matuto pa nang higit tungkol sa mga turong ito? Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan kang tumanggap ng gayong mahalagang edukasyon.

[Talababa]

^ par. 12 Binago ang ilang pangalan.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Ang Impluwensiya ni Jesus at ng Kaniyang mga Turo

Dahil sa kaniyang posisyon bilang punong maniningil ng buwis, si Zaqueo ay yumaman sa pangingikil ng salapi at pagnanakaw sa pangkaraniwang mga tao. Subalit binago niya ang paraan ng kaniyang pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga turo ni Jesus.​—Lucas 19:1-10.

Si Saul ng Tarso ay huminto sa pag-usig sa mga Kristiyano at nakumberte sa Kristiyanismo, anupat naging si apostol Pablo.​—Gawa 22:6-21; Filipos 3:4-9.

Ang ilan sa mga Kristiyano sa Corinto ay dating mga ‘mapakiapid, mananamba sa idolo, mangangalunya, homoseksuwal, magnanakaw, mga taong sakim, lasenggo, manlalait, at mangingikil.’ Subalit nang matutuhan ang tunay na Kristiyanismo, sila’y ‘hinugasan nang malinis, pinabanal, at ipinahayag na matuwid sa pangalan ng kanilang Panginoong Jesu-Kristo.’​—1 Corinto 6:9-11.

[Larawan sa pahina 7]

Maipakikita sa iyo ng Bibliya kung paano magtatagumpay